Monday, March 11, 2013

PAANO MAGDAOS NG ISANG REUNION?

PAANO MAGDAOS NG ISANG REUNION?

Ang Marso, bukod sa pagiging buwang kadalasang pinapatakan ng Mahal na Araw, ay buwan rin ng mga reyunyon ng mga nagtapos sa high school.  At sa kolehiyo rin.  Karaniwan ngang higit na maaga pa rito, mga huling linggo ng Enero o mga unang araw sa Pebrero idinaraos ang reyunyon.  Marami na kasi ang mga nag-immigrant sa abroad na nais dumalo sa reyunyon at itinatapat nila sa panahong ito na hindi “peak season” para may kababaan ang airplane fare. 

Isang kaibigan na taga-bangko ang noon pa ay kwento na nang kwento sa akin at humihingi ng mga pointers sa pagdaraos ng reyunyon.  Beterano na raw kasi ako ng mga high school reunion.  Halos isang taon yaon na panay ang usisa niya, kasama ang himutok na walang pumapasok na pera ay paano kaya?  Saan sila kukuha ng panggastos.  Isa pang problema niya ay bakit parang hindi interesado ang mga kaiskwela sa idaraos na reyunyon.  May tawag na sa telepono, sulat, text, email, facebook, at personal pang tawag, pero, wala siyang makitang enthusiasm sa mga ito.  Iilan lamang silang kumikilos.  Sariling gastos pa.  Potluck sa pagkain sa miting.  Sa madali't sabi, sila ang tinatawag na...

Core group.  The organizers.

Ang core group ng isang orgnisasyon o asosasyon ay karaniwang binubuo ng mga masipag sa kasalukuyang pamunuan at ng mga may malasakit na dating opisyales o kahit simpling kasapi lamang.  Kung wala ang mga ito, walang mangyayari sa samahan.  Unti-unti, ito ay mamamatay. 

Maraming dahilan kung bakit mayroong mga taong natatagpuan sa isang core group.  Sa isang high school alumni association, ang karaniwan nilang katwiran ay sa dahilang enjoy silang tunay tuwing nagkikita-kita.  Bago idaos ang isang reyunyon, marami munang mga miting o pulong na ginaganap.  Ito ang masasayang parte ng pagkikita-kita.  Kainan, kwentuhan, kodakan, tuksuhan.   Maliban na lamang kung maraming “marunong” sa grupo (hindi naman ito nawawala) at nagkakaroon ng mahaba at minsan ay mainitang diskusyon. Sa mahihirap na magkaklase, laging potluck.  Palipat-lipat ng bahay ng mga presentadong mag-host.  Sa mga maluwag ang buhay, sa restoran ang kainan.

Kami ay nagtapos sa isang public high school sa isang panahong tinitingala pa ang mga istudyanteng nag-aaral sa ganitong iskwelahan.  Noon, feeling superior pa ang mga nag-aaral dito.  Magagaling ang mga guro, marurunong ang istudyante.  Noon, biruan nga, ang nag-aaral sa mga private schools ay mayayaman lamang.  Period.  Na wala namang katotohanan.  Marurunong din naman sila.  Sa kasalukuyan, sa kasamaang-palad, sa kapabayaan ng mga kinauukulan sa pamahalaan, lubha nang bumaba ang standard ng pagtuturo sa public schools.  Mga magagaling na guro na umaalis sa napakababang suweldo, kawalan ng mga magagamit na aklat, kagamitan at silid-aralan at kung anu-ano pang kadahilanan na ang ugat naman ay katiwalian sa pamahalaan.

Noon at kahit na ngayon, ang ngalan ng lalawigan ay taglay at dala ng public high school.  Maliban na lamang kung may kongresista ng lalawigan na nagpapabago nito sa anupamang kadahilanan.  Ang mga nasabing paaralan ay karaniwan nang makikita sa kapital o kabiserang bayan ng lalawigan.  Ngunit may iba pa rin namang public high school na itinatatag sa malalaking bayan ng lalawigan na malayo sa kabisera. 

Tulad halimbawa ng aming high school, ang Bulacan High School, na noon ay matatagpuan sa Malolos, sa may MacArthur Highway, sa tabi ng kapitolyo ng lalawigan.  Isa pang high school sa lalawigan ay ang San Miguel High School na naroon naman sa bayan ng San Miguel de Mayumo, higit na kilala sa masarap nitong pastilyas de leche.  Sa iba pang lalawigan, kilala rin ang Pangasinan High School, Tarlac High School, Nueva Ecija High School, Pampanga High School.  Zambales High School.  Ang mga public high schools na ito ang bumubuo ng CLAA o ang Central Luzon Athletic Association noon, na ngayon, marahil ay iba na ang tawag dahil iba na ang groupings.  Sa kabilang dako,  iba naman ang tawag sa Athletic Association  na binubuo ng mga taga-Laguna, Batangas at iba pang lalawigan sa dakong ito ng Luzon.

Ang mga nag-aaral noon sa Bulacan High School ay nanggaling sa iba't ibang bayan sa Bulacan, hindi lamang sa Malolos.  May taga-Paombong, Hagonoy, Guiguinto, Plaridel, Pulilan, Bigaa, Bocaue at Bulacan, Bulacan.  May isang panahon na may nanggaling pa sa higit na malalayong lugar tulad ng Baliwag, Norzagaray, San Ildefonso at karatig na lalawigan ng Pampanga.  Marahil, iyon ang tinatawag na golden era ng Bulacan High School kung saan ang mga alumni ay umugit ng pangalan sa iba't ibang larangan ng buhay.

Marahil, ang pagiging melting pot ng isang iskwelahan ang malaking dahilan kung bakit masaya at naiiba ang mga idinaraos na reyunyon:

-dahil ang mga alumni ay nagmula sa iba't ibang bayan
-dahil iba't iba ang antas ng mga pinagmulang kabuhayan
-dahil iba't iba ang mga pinagtapusang mababang paaralan o elementarya
-dahil, by the sheer number of graduates, may maganda, may kulang sa ganda. may marunong, may kulang sa dunong, may matangkad, may kulang sa tangkad, may sobra ang lusog, may hindi maganang kumain, etcetra.

Ang mga kaibhang ito ang nagpapasigla sa mga idinaraos na reyunyon, lalong-lalo na sa mga unang pagkikita pagkatapos ng graduation sa high school na karaniwang ginaganap pagkalipas ng sampung taon.

Sa mga unang idinaraos na reyunyon, positibo ang mga pagbabagong nakikita sa karamihan.  Higit na maganda ang dati nang magaganda.  At gumanda ang mga dating kulang sa ganda.  Ang mga dating hindi maganang kumain, wari ay naging magana na, dahil nagkaroon ng korte ang katawan, at the right places.  Ang mga dating hindi palakibo at aloof, suplado ang dating, naging palabati at palabiro.  At kataka-taka, ngunit nakatutuwa, ang mga ubod nang hinhin noon ang siyang mga unang nag-asawa at kayag-kayag na ang anak sa unang reyunyon na ito.  Ang mga nag-aral sa kolehiyo ay tapos na at mayroon nang mga trabaho.  Ang mga tunay na marurunong ay ang mga alumni na ang pangalan ay naperyodiko sa mga resulta ng board exams na bigay ng gobyerno. 

Masaya, napakasaya ang mga unang reyunyon na ito,  at sa karanasan ng mga dumalo, kahit ang ikalima o ikasampu o ikalabinglimang taon man.  Ngunit dito pa man, halata na, may mga kaiskwelang hindi dumarating.  Bakit?  Bakit kaya?

-nahihiya, dahil hindi nakapagpatuloy sa pag-aaral, hanggang high school lang.
-mahirap pa rin, walang maipagmamalaki
-nag-asawa na, hindi makaalis ng bahay, nag-aalaga ng anak
-walang hanap-buhay o college dropout,
-may hindi magandang karanasan sa high school, binu-bully ng mga maton noon, at ayaw nang makita pa ang mga ito
-ayaw makita ang first love, masakit pa rin sa dibdib, dahil hindi nagkatuluyan
-seloso ang naging asawa, kilala ang naging girlfriend o boyfriend noong high school, kaya hindi na dumadalo para maiwasan ang away.

Ito at marami pang iba ang mga dahilan sa likod ng hindi pagdalo ng mga alumni sa isang reyunyon.  Ang biruan sa mga klase noon, kapag ang isang kaiskwela ay dumalo ngunit hindi naman nagsama ng asawa, siguro raw  ay ikinahihiya ang asawa, o siya ang ikinahihiya ng asawa nito kaya ayaw sasama sa mga reyunyon.  Siempre, kung minsan, para patunayang mali ang mga haka-haka, nagsasama na ang mga ito ng asawa sa sumusunod na reyunyon.

Ngunit totoo ang mga dahilang nabanggit, dahil mismong mga kaiskwela ang umaamin nito.  Kaya naman ang mga dahilang ito ang pinagtutuunan ng pansin ng nasa core group at ginagawan ng paraan upang maingganyang dumalo ang mga kaiskwela sa mga sumusunod pang pagtitipon.

Sa Klase namin, kabilang ako sa core group, na laging nasa likod ng sinumang mahalal na pangulo ng aming asosasyon.  Kung itatanong ang dahilan, ito lang ang maisasagot ko.  Enjoy ako kapag nakikita ko ang mga kaiskwela.  At home ako sa kanila.  I can be myself.  At feeling forever young, sa totoo lang, sa kabila ng mga pinag-uusapang sakit at mga maintenance na gamot.  Saka kapag kasama ko sila, nakakahalakhak ako nang todo-todo, at (pribilehiyo raw ng mga seniors) can give and take all kinds of jokes (biro nga ng isang kaiskwelang lalaki, naku, kayong mga babae, ang hihinhin ninyo noong araw, ni hindi nakikipag-usap sa amin, pero ngayon, naku po!) 

Primarily, ito ang dahilan nang pagiging aktibo ko sa aming mga reyunyon.  Ngunit sa pagdaraan ng mga taon, nadagdagan ang dahilan ko.  Nais ko, ang mga nadarama kong ito ay maramdaman din ng iba pang kaiskwela.  Ang mag-enjoy din sila, makipaghalakhakan, makikain, makipagkwentuhan ng kung anu-ano lamang.  Kalaunan, lumawig pa ang mithi at layunin ng aming core group (na alam kong nangyayari rin sa ibang mga alumni association).  Nagkaroon kami ng iba't ibang proyekto, bukod sa mga sosyalang pagkikita sa mga kasalan ng anak, anibersaryo, pistahan, kaarawan at reyunyon.  Ilan dito ay ang -

-paglalathala ng isang quarterly (kalaunan ay semi-annual, at annual na ngayon) na newsletter ng Klase na naglalaman ng mga samu't saring balita tungkol sa mga happening ng kaklase dito at abroad;
-naganap nang medical mission sa isang coastal barrio,
-pagsali sa isang softball tournament ng mga kalalakihan,
-tour caravan ng isang grupo ng mga kamag-aral mula Bulacan paikot hanggang Banawe Rice Terraces via Pangasinan pauwi,
-pakikiramay, kasama ang kaunting tulong sa pamilya ng yumaong kamag-aral,
-scholarship program for many years kung saan tinulungan sa pag-aaral ang mga anak ng alumni at pagkatapos nito ay -
-scholarship program sa mga deserving graduates ng aming alma mater

Sa panahon ng mga proyektong ito, masasabing nasa kasikatan at kasiglahan ang mga reyunyon namin, sabi nga'y tinutularan ngunit di mapantayan;  kasipagan ang core group at ang mga pamunuan, at malaking-malaki na ang kaibhan ng mga magkakamag-aral, sa mga batang tumanggap ng kanilang diploma (na binilot na kukon band) sa entablado nang sila ay nagtapos sa high school. Dalawampung taon, tatlumpo, tatlumpo't lima, apatnapu, apatnapu't limang taon makalipas ang graduation -

-kilala na ang mga naging mapalad sa pamumuhay kung saan bukas-loob naman nilang binabahaginan ang Klase sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa scholarship fund at mga proyekto, paghost sa mga miting at reyunyon,
-ang magaganda noon ay maganda pa rin, naging malusog nga lamang,
-ang mga kulang sa ganda, aba'y mukhang gumanda, charming pa (hehehe),
-ang mga bulilit noon, tumangkad na ngayon, nakakagulat!
-talagang marami na ang lumusog, kung paanong marami rin ang pumayat,
-marami-rami na rin ang nasa maintenance na gamot,
-at nagsisimula nang humaba ang listahan ng mga lumisan, na sa aming klase, tinatawag naming nagtungo na Sa Dako Pa Roon...

Kamakailan, sa kadaraos naming reyunyon, kasama sa bilang ng aming palatuntunan ang isang video presentation ng mga tinipong larawan naming magkakamag-aral, magmula noong nasa high school pa lamang hanggang sa kahuli-hulihang pagtitipong dinaluhan ng marami.  Minsan pa, aming namalas ang mga sarili, suot ang unipormeng puting blusa at asul na palda sa mga babae, at puting polo at pantalong khaki sa mga lalake, o nakasuot ng saya o Maria Clara para sa sinalihang sayaw na Carinosa o La Jota Moncadena, mga candid shots sa ilalim ng punong akasya, mga unang reyunyon, miting, sosyalan – at wari ang aming gunita ay ginising ng inilapat na awit sa nasabing slide show – Remember when, I first met you...

Ang kaibigan kong nag-uusisa tungkol sa pagdaraos ng reyunyon ay nakwentuhan ko na ng lahat na ito at ng iba pa naming nagawa na sa mga lumipas na reyunyon.  Motorcade, memorabilia exhibit, piknik sa isang resort, dinner dance sa isang hotel, kasama ang isang live presentation na ginampanan naming magkakaiskwela, at pagpapalathala ng isang aklat na kinapapalooban ng kwento ng buhay ng bawat isa sa amin. 

Para sa mga milestone na reyunyon, sinabi kong huwag siyang mag-alala.  Marami ang dadalo.  Darating ang pera, kahit sa simula, parang walang mangyayari.  Magmiting lamang sila nang magmiting.  Magpaanunsiyo sa radyo at telebisyon.  Maglagay ng tarpaulin na nagbabalita ng idaraos nilang reyunyon, sa mga mataong lugar sa kanilang bayan.  Habang lumalapit ang petsa, tunay na kakabahan sila, ngunit natural lamang iyon.  Kinabahan rin kami noon.  Ngunit sabi nga, it came to pass.  Na isang napakalaking tagumpay!

Kwento ng aking kaibigan, isa ring malaking tagumpay ang idinaos na reyunyon ng kanilang paaralan, na isang private high school sa Agno, Pangasinan.  Marami rin ang dumalo, lahat ay nasiyahan, hindi naging suliranin ang pera.  Enjoy sila sa motorcade, sa mga palaro, sa kainan.  Naghiwa-hiwalay lamang nang dakong hapon upang bumalik na muli para sa sayawan kinagabihan.  Kulang ang isang araw, kanyang wika.  At sa kanyang talumpati bilang isa sa core group, wala siyang nasabi kundi salamat, salamat, salamat sa lahat!  Parang puputok ang kanyang dibdib sa tuwa.
 

Ang kwento ko para sa buwang ito ay tungkol din sa isang high school reunion. May katotohanan.  Nangyayari... at nangyari na!  Sa mga concerned, medyo problematic.  Ngunit sa mga marunong magdala, no problemo, wika nga.  Kung kayo kaya ang nasa kalagayan nila, dadalo kayo?

Isipin!!!       

2 comments:

  1. Habang binabasa ko Ito ay nanunulay sa labi ko ang ngiti. Para bagang pinapanood ko yung reyunyun namin.
    Napangiti ako dahil I big sabihin ay talagang gurang na nga rin ako! Haaaaay!
    Mahusay ang pagkakasulat!!! Sabagay Hindi na Ito nakakapagtaka.
    -Debbiew

    ReplyDelete
  2. Kamusta po kayo?
    Natutuwa po akong matagpuan ang blog nyo. Mahilig po kasi akong magbasa ng mga kwento na sinauna, makatang pagkakasulat. May ilan na rin po akong nabasang libro ninyo sa library noong nasa kolehiyo pa ako. Salamat po sa inspirasyon :)

    Cherry

    ReplyDelete