Monday, March 11, 2013

RIGODON

RIGODON

NANGGALING si Eddie sa probinsiya, nakipaglibing sa isang namayapang amain. Pagbalik niya sa lunsod ay marami siyang pasalubong sa asawa at mga anak na hindi nakasama sa pag-uwi. Mga prutas, putong puti at suman, isang buwig na buko, kudkuring niyog, malagkit na milagrosa, mga padala ng kanyang ale, na pagdaka'y pinagkaguluhan ng kanyang mga dinatnan. Sa asawa, isang liham ang kanyang iniabot.

“Ano ito?”  tanong ng kanyang asawa.

“Basahin mo,”  sagot niya.

Sa kanilang silid, nagbihis si Eddie, nahiga sa kama, ipinikit ang mga mata. Nabasa na niya ang liham. Tungkol sa reunion. Yaon ay galing sa pangulo ng alumni association nila sa high school sa probinsiya. Kay Ben, asawa ni Linda na kamag-aral rin nila at kabarkada pa.

Ang barkada nila.  Si Ben at siya. Si Linda at si Sylvia. Ganoon ang simula.  Ang magulo, masaya, palabirong si Ben, ang kursunada ay ang mahinhin, tahimik, mahiyaing si Sylvia.  At siya na seryoso, palaisip, hindi palakibo, ang napupusuan ay ang makuwento, laging nakangiti, kay sarap tatawang si Linda.


Nasa ikatlong taon sila ng high school, nangunguna siya at pumapangalawa si Ben. Ngunit ang paligsahang ito sa klase ay hindi nakabawas sa kanilang pagkakaibigan. Para silang pagkit, laging magkadikit. Lalo pa nga nang magkatapatan ng mga niloloob.

“Kayo ni Linda, kami ni Sylvia.”  sabi ni Ben.

Magkatulong pa sila sa paggawa ng sulat para sa dalawa at laging magkasama sa pag-aabang hanggang sa matapos ang PE ng mga dalaginding para masabayan sa pag-uwi. Lalo't araw ng Biyernes, naglalakad pauwi sina Linda at Sylvia.  Na lagi nilang sinasabayan.

Sa may riles ng tren sumagot si Sylvia kay Ben.  “Oo na nga,” may kasama pang irap ang sagot ng dalagita.

Nagtatatalon, humihiyaw nang pagkalakas-lakas na parang si Tarsan si Ben. Napahinto sila sa paglalakad ni Linda, nilingon ang mga kaibigang nasa hulihan ng lakaran.  At nahulaan na niya ang dahilan. Niyaya niyang maunang maglakad si Linda.

“Hayaan mo sila. Baka makaabala lamang tayo,” ang pananaghili'y hindi niya napagtagumpayang ikubli.

Agad namang tumalima sa kanya si Linda.  Hindi na ito kumibo hanggang sa marating nila ang tuktok ng tulay kung saan ito hihiwalay, malapit na ang uuwiang bahay.  Hinarap siya si Linda.  “Ikaw ba, walang sasabihin? O itatanong sa akin?”

Wala sa sariling umiling siya. At napapailing ring tumalikod si Linda habang tumatakbong humahabol si Ben. Magkalapit-bahay ang dalawa.  Sa kanyang pagkakatayo ay tinabihan siya ni Sylvia.  Malayo pa ang bahay nina Sylvia.  Ang kanila ang pinakamalayo.  Nginitian niya ang dalaga. “Suwerte naman ni Ben,” wika niya.

Napapahiyang yumuko si Sylvia nang wari ay biglang may naalala.  “Si Linda? Hindi pa ba...  Sabi niya...”

Napatingin siya kay Sylvia.  “Anong hindi pa ba?  Anong ibig mong sabihin?”

Pulang-pula ang mukha ni Sylvia.  “Sabi ni Linda, sinagot ka na raw niya.  Steady na raw kayo.   Dapat raw, sabihin ko na rin kay Ben.”

Pilya. Talagang pilya si Linda.  Ang tawa ni Ben nang malaman ang kwento.  Ngunit siya, parang may kulang, may pingas ang ligayang nadama, nang aminin na ni Lindang mahal rin siya. Na steady na rin sila. Tulad nina Ben at Sylvia.  Ngunit sa kabuuan masaya ang buhay sa high school. Lalo na at ang mahal mo'y mahal ka rin.

Kilalang-kilala sa buong kampus ang pareha nila ni Ben. Hindi lamang sa pagiging matalino sa klase kundi pati sa pagkakaroon ng mga steady.  Nang panahong iyon, bihira pa ang lantarang nagliligawan o umaaming nagkakagustuhan.  Kung sabagay, itinatatuwa pa rin nina Linda at Sylvia ang kanilang mga relasyon. Ngunit ang mga kilos nila ang nagkakanulo sa kanila.  Lagi, sila ay magkakasama sa pagmimiryeda sa cafeteria, sa library at sa pagiging miyembro ng editorial staff ng kanilang school organ.

Sa mga pagkakataong wala silang leksiyong pinag-aaralan o hinahabol na deadline sa pahayagan, lagi silang matatagpuan sa ilalim ng malaking punong aksaya, nagkukuwentuhan.  Ibig sabihin, nagkukwento si Linda, nagpapatawa si Ben at sila ni Sylvia ay nakikinig.

Si Ben ay parang hindi nauubusan ng kuwenong nakatatawa.  Ang kaso, lagi itong binibiro ni Linda, inuunahan sa punchline.  Kaya kadalasan nauuwi ang lahat sa habulan, takbo si Linda, habol si Ben. Samantala sila ni Sylvia, habang naghahabulan o nagbubuskahan o nagkakantiyawan sina Ben at Linda, ay tahimik na nakaupo.  Nagkukuwentuhan din. Sari-sari.

“May nabasa ako tungkol sa reincarnation. Naniniwala ka ba roon?” tanong niya.

Ang sagot ni Sylvia. “I keep an open mind. Ikaw?”

Kung saan-saan napupunta ang kanilang pag-usap. Tulad nina Ben at Linda, nagtatalo rin sila ni Sylvia. Kung sino ba ang dapat na tinanghal na bayani ng Pilipinas. Si Rizal? O si Bonifacio? O kung totoong si William Shakespeare nga ang sumulat ng lahat ng mga nababasa nila sa aklat.  Pati comma poems ni Jose Garcia Villa.  Ang komentaryo nga nina Linda at Ben, masyado silang profound ni Sylvia.  Ang lalim.

Sa mga pagkakataong pare-pareha na sila, si Ben kay Sylvia at siya kay Linda, noon lamang nagiging subdued ang dalawang magulo, sina Ben at Linda. Maganda ang tinig ni Linda at mahilig itong kumanta. Siyang-siya naman siya sa pakikinig. Kung paanong si Sylvia naman ang inaawitan ni Ben.  Madalas tuloy na mangyari, pinakakanta nila ng duweto sina Ben at Linda. At balik na naman sila ni Sylvia sa papel na tagapakinig. Pati sa mga sayawan. Juniors Prom. At nang fourth year, Seniors Prom. Kapag mabilis ang tugtog, sina Ben at Linda ang magkasayaw. Kung slow at romantic, balik sila sa pare-pareha.  Sila ni Linda. Sina Ben at Sylvia. Gayon ang sistema hanggang sa graduation ball. Maliban sa isang pagkakaiba.

Last piece na raw.  Last dance. Nagsasayaw sila ni Linda nang bigla siyang tapikin sa balikat ni Ben.

“Pare ko, pwede bang maisayaw sandali 'yang kapit-bahay ko.”

Nabigla siya. pagkabiglang mabilis naman niyang natakpan.  “Areglado,” sagot niya,  “para naman maisayaw ko si Sylvia.”

Change partners sila. Palitan. Rigodon. Hinanap niya ang mga mata ni Sylvia. At natagpuan. Kumibot ang mga labi ng dalaga. May sinabi. “Sorry.”

“Hey,” agaw niya. “I'm not sorry na kasayaw kita.”

May lungkot ba siyang nabasa sa mga mata ng dalaga. Dahan-dahan, hinapit niya palapit sa kanyang dibdib si Sylvia. Nadama niya, ayaw niyang makitang nagdaramdam ang dalaga. Banyaga ang damdaming sumuno sa kanyang dibdib. Binulungan niya ito.  “Ako nga pala ang dapat humingi ng sori sa iyo. Pasensiya na lang, Sylvia. Make-believe mo na lang na ako si Ben.”

“At ako naman si Linda.” pabirong sambot naman ng dalaga.

Nagtawanan sila. Hinapit niya nang lalong mahigpit, malapit sa  kanyang dibdib si Sylvia. Noon niya namataan sina Ben at Linda.  Nag-uusap ang dalawa. Seryoso. Parang hindi ang masayahing si Linda ang kanyang nakikita. Waring hindi ang palabirong si Ben. Dalawang naiibang tao ang nakatambad sa kanyang mga mata.

Sa college, sa Diliman silang lahat nina Ben at Sylvia.  Si Linda ay sa university belt. Naka-dorm si Sylvia, sa Y.  Si Ben ay sa isang kamag-anak sa may Espana. Siya ay sa Area 2, boarder sa isa sa mga quonset hut doon. Halos hindi na sila nagkikita-kita. Bihira na rin niyang makita o madalaw si Linda. Malayo ang downtown mula UP.  At pukpukan sa aral.  Balediktoryan siya sa high school at may reputasyong dapat ingatan.

Kaarawan ni Linda nang may matuklasan siya. Sa pagkakataong iyon, inihanap niya ng oras ang pagdalaw sa kasintahan. Sakay ng isang JD patungong Quiapo, naglakad na lamang siya mula Quezon Boulevard patungo sa dorm nina Linda sa harap ng UE.

Hindi niya akalain, dinatnan niya si Ben. Bumibisita kay Linda. Very awkward ang situwasyon.

Sabi ni Ben, “Akalain mo, hindi tayo nagkikita sa UP, dito sa may UE tayo nagkatagpo.”

“Birthday ko kasi,” wika ni Linda.

Kung paano natapos ang dalaw na yaon o kung ano ang napag-usapan nilang tatlo sa mga sandaling itinigil nila noon, hindi na niya matandaan.  Sa likod ng kanyang isipan ay nakapanikit ang larawan ni Sylvia.  Alam kaya ni Sylvia, tanong niya sa sarili.  May nararamdaman na kaya si Sylvia.  Kailan ba sila huling nagkita ni Sylvia.  Sa may registrar nang kinukuha ang grades noong nakaraang semester.  Kausapin kaya niya ito.  Pero bakit naman. Kayhirap ng kanyang katayuan.

Sa dyip sila nagkita ni Sylvia. Nagkasakay sa ikot.  “Hi,” masiglang bati nito. “Kumusta?”

Si Sylvia. Ang mahinhin, tahimik, mahiyaing si Sylvia. May nabago ba? Mukhang mahinhin pa rin ngunit waring hindi na mahiyain.  Buo na ang loob, hawak na ang sarili. “Hi,”  galak na galak din niyang bati. Saka niya naalaala si Ben.   “Kumusta kayo?”

Hindi man nabago ang mukha ni Sylvia.  Maaliwalas pa rin.  At masaya.  “Si Ben?  Ay,  wala na 'yon. matagal na.”

“Ha?  Kailan pa?” may nais siyang matiyak.

“Immeditely after graduation. Very amicable parting of ways.” nakatawang paliwanag ni Sylvia.  “O, e kayo ni Linda, kumusta?”

Malapit na siyang bumaba, sa may Admi. “Mahabang istorya. Saka ko na lang ikukuwento.  Doon ka pa rin ba sa Y?

Tumango si Sylvia at sila ay naghiwalay. Hindi niya nadalaw si Sylvia.  Ano ba ang kanilang pag-uusapan.  Ano ang kanyang ikukuwento.  Na nakita niya si Ben sa dorm nina Linda?  Malaya na si Ben na manligaw sa iba. Ngunit si Linda, malaya ba si Linda na paligaw sa iba gayong kasintahan pa siya?  Maituturing bang kasintahan siya.  Na once in a blue moon, wika nga kung dumalaw. O tumawag sa telepono. O kung semestral vacation ay mamasyal sa bahay sa probinsiya.

Naalala niya, sa mga usapan noong kaarawan ni Linda, waring madalas dumalaw rito si Ben. Ang dahilan.  May padala raw ang nanay ni Ben para rito. Ipinakikidala kay Linda kung si Linda ang nauuwi. O padala para kay Linda kung si Ben naman ang nauwi. Di ba magkapit-bahay ang dalawa. Kung sakali, masisisi ba niya si Linda na mahulog ang loob kay Ben. Noon pa man, sa high school, iba ang rapport ng dalawa. Mga kindred spirits.

Saka dumating ang liham ni Linda.  In fairness to you, ang wika nito.  Ang general rule, opposites attract, kaya noong high school si Ben at si Sylvia, si Linda nga at siya.  Ngunit wari, silang apat ay hind nabibilang sa marami. Silang apat ay kataliwasan. Mga exceptions to the rule. sabi nga ni Linda.  Sa pagdaraan ng mga araw habang nahihinog sila sa gulang, may pagbabagong naganap. Unti-unti dumating ang unawa at maluwag niyang natanggap ang lahat. Ang sinabi ni Linda tungkol sa kanilang apat ay totoo. Kaya ibinuhos na lamang niya ang kanyang panahon sa pag-aaral hanggang makatapos ng may karangalan.

Sa likod ng administration building na siyang pinadausan ng university graduation, nagkita sila ni Sylvia.  “Congrats,” bati ng dalaga. “Valedictorian noon, magna cum laude ngayon.”

Balediktoryan.  Isang salita ngunit buung-buong ibinalik ang alaala ng isang kahapon sa high school. Sina Ben, Linda, Sylvia at siya.

“Thank you. At congratulations din. Siyanga pala, si Ben, nakita mo ba?”

Napalis ang ngiti ni Sylvia. Tumango, may pag-aalala ang tinig,  “Nasalubong ko kanina.  Kasama niya si Linda.” 

Sinalubong niya ang mga paningin ni Sylvia at napangiti siya sa nabasa roon.  Pabirong dinunggol niya ng kamao ang baba ng dalaga.  “Matagal na kaming wala ni Linda.  Di ko ba naikwento sa iyo?”

Waring nakahinga nang maluwag si Sylvia.  “Akala ko kasi, ako pa ang magiging bearer of bad news, graduation pa naman natin.  So, congrats na lang ulit.”

Kumaway ang papalayong dalaga.  “Keep in touch...”  pahabol na wika.

At sa sarili ay mataimtim siyang sumagot.  I will.  Definitely, I will...


NAMULATAN ni Eddie ang asawa, nakatunghay sa kanya.  “Hindi ka tulog, alam ko.  Pero alam ko rin, ang layo na ng iyong narating,”  ang wika nitong iwinawagayway ang hawak na liham.

Nginitian ni Eddie ang asawa.  “Sabi mo noon... keep in touch... and I did!”

“Agad-agad!”  nakatawang sagot nito.

Pinagmasdan ni Eddie ang asawa.  Ang noo'y mahinhin, tahimik, mahiyaing si Sylvia.  “Dadalo ba tayo sa reunion?”  tanong nito.

“Bakit hindi?”  kanyang sagot.  “Ben and I will compare notes.  Sino ang da bes?  Si Linda ba o...”

“Natural, ako!”  mabilis na agaw ni Sylvia.  “At ikaw rin.”  pabulong.

Hinatak ni Eddie ang asawa, padapa sa kanya.  Saglit, sumingit ang isipin, riot siguro ang reunion.  Tiyak, magiging tampulan sila ng usapan.  Sina Ben at Linda.  Siya at si Sylvia.  Change partners.  Rigodon.  Pero, okey lang.
 

Nakahanda siya sa lahat ng tsismis, lihim man o hayagan.  At pagkatapos ng maraming taon, natitiyak niyang magiging masaya ang pagkikita nila ng dating kabarkada. 

At dating kasintahan. 

April 25, 1988 Liwayway           

No comments:

Post a Comment