Monday, March 11, 2013

PAGTALUNTON SA MGA YAPAK NG PANGINOON


PAGTALUNTON 
SA MGA YAPAK NG PANGINOON

Para sa buwang ito ng Kwaresma, isang tagasubaybay, si R. Estrada, ang buong-pusong ibinahagi ang kanyang hindi malilimutang karanasan sa sinamahang pilgrimage sa Holy Land sa Israel.  Sa mga nakarating na rito, ang salaysay ay isang pagbabalik-tanaw.  Sa mga hindi pa, ito ay isang pangarap na nais matupad sa hinaharap.

Ang ilang bahagi ay sa sariling pananalita niya.  Sa kabuuan, ang salaysay ay hinalaw.

Unang Araw, Linggo, ika-9 ng Oktubre
:  Siyam na oras ang nilipad ng eroplano ng Qatar Airways mula Manila hanggang Doha, Qatar.  Apat na oras, kasama ang stopover, dumating sila sa Amman, Jordan kung saan sinalubong sila ng tour guide na si John.  Mula kay John, nalaman nila na ang unang pangalan ng bansa ay Kaharian ng Hashemite; may populasyon na 5 milyon, third world country, turismo ang pangunahing industriya at ang kasalukuyang hari ay si Abdullah II, anak na lalaki nang namayapa ng si Haring Hussein.  Ang hindi sinabi ni John ay kung magkano ang isang bote ng mineral water sa hotel, na 2 Amercan dollars pala.  Kaya naghanap sila ng grocery kung saan 50 cents lang ito.  Ang pera dito ay Jordanian dollar, 1.50 sa US dollar ang halaga.

Ang unang hotel na tinigilan nila noon, ang Days Inn, makalipas ang isang buwan ay isa sa tatlong hotel na nilusob ng mga suicide bombers. Nakabalik na sila sa Pilipinas nang mangyari ito.  (Gayunman, nanghilakbot din kami.  Ano kaya't nangyari iyon nang mga araw na nakatira kami sa naturang hotel?) Makalipas ang isang oras mula sa kanilang pagdating, nagdaos ng misa ang kasama nilang pari.

Pangalawang araw, Lunes, ika-10 ng Oktubre
: Ang routine nila sa buong panahon ng pilgrimage ay hindi nagbabago.  Wake up call sa alas seis y media, almusal sa alas siyete, at lakad sa ikawalo saan man ang patutunguhan.  Mahigpit ang iskedyul, di pwede ang mabagal, di pwede magpainin sa kama o magtagal sa banyo.  Sa van na lamang matulog kung gusto.

Sa Immigration sa Israel, may kasama pa silang pinigil, mabuti at naayos naman at sila ay nakaalis.  Napansin lamang nila, daming bangaw na nagliliparan at dumarapo pa sa kanila.

Sinalubong sila rito ni Samir, isang Palestinong Katoliko, nag-aral ng Teolohiya at halos kabisado na ang buong Bibliya, lisensiyadong tour guide, may calling card kung saan mababasa ito:  Ibinabahagi ko sa inyo ang Holy Land.  Kung saan ipinanganak ang Panginoon. Nabuhay, Namatay at Nabuhay na Mag-uli.


Ang Paglalakbay:  Nadaanan nila ang Jericho, pinakamatandang lunsod sa buong daigdig kung saan tinalo ng hukbo ni Josue ang mga kalaban. (Josue, Kabanata 5, 6 at 7) ayon sa Lumang Tipan.  At kung saan pinagaling ng Panginoon ang bulag na si Bartimeus (Marcos 10:46-52) at setting ng talinhaga ng Mabuting Samaritano.  Tumigil rin sila sa puno ng sikamoro na may 2,000 taong gulang na ayon sa marker na nakakabit sa puno.  Uri ito ng kahoy kung saan umakyat si Zaqueo upang makita siya ng Panginoon habang nagdaraan sa Jericho.

Dito na sila naghanap ng makakainan ng tanghalian at ng W.C. (na C.R. sa atin) Ang  pera dito ay shekel na 4.20 sa isang US dollar ang katumbas.

Ang Paglalakbay:  Tumigil sila sa Bundok ng Tabor na ayon sa Bagong Tipan, dito nagbagong-anyo si Hesus.  Nakatayo ngayon dito ang Simbahan ng Transfiguration.  Tampok sa altar ang nagdarasal na Panginoon na puting-puti ang damit.  May tig-isang kubol sa loob ng simbahan na kinalalagyan ni Moises at ni Elias.  Nagmisa ang pari sa kubol ni Moises.  (Walang ibang tao maliban sa amin.  Damang-dama namin ang Misa.)

Mula rito ay nagtungo sila sa Tiberias, sa pangalawang hotel na tinirahan nila, ang Jordan River Hotel.

Pangatlong Araw, Martes, ika-11 ng Oktubre:  Maraming lakad sa araw na ito at natuto na silang gumawa ng baong sandwich, paraan lamang, wika nga.

Ang Paglalakbay:  Nagtungo sila sa Bundok ng mga Pinagpala – Mount of the Beatitudes sa Tabgha kung saan naganap ang Pagdami ng Tinapay at Isda (Mateo 15:32-38).  Tumuloy sila sa Capernaum na tinigilan ni Hesus sa panahon ng kanyang ministriya.  Nakita nila ang mga labi ng sinagoga kung saan nagtuturo ng mga aral si Hesus sa mga tao, ang mga labi ng tahanan ng biyenan ni San Pedro. at ang iksaktong lokasyon kung saan sinabi ni Hesus kay San Pedro ang mga sumusunod: 

Mapalad ka, Simon, anak ni Jonas.  Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit.  At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at hindi makapananaig sa kanya kahit na ang kapangyarihan ng kamatayan.  Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit
(Mateo 16:17-19).  Mula noon, si Simon ay naging Pedro.  Isang tansong estatuwa ni San Pedro ang nakatayo sa lugar na ito.

Pagkatapos ay nagtungo sila sa Ilog Jordan kung saan bininyagan sila ng kasamang pari.  Nakita nila ang dagat ng Galilea na hindi naman talagang dagat kundi isang lawa.  Sumakay sila sa bangkang katulad ng sinakyan ni Hesus at ng mga apostoles.  Dito nila pinagana ang kanilang imahinasyon: sa lawang iyon lumakad si Hesus sa ibabaw ng tubig, kung saan pinatahimik niya ang daluyong at kung saan sinabi sa kanyang mga alagad:  Ilagay ninyo ang inyong lambat sa malalim na bahagi.

Nang malaman ng may-ari ng bangka na Pilipino sila, pinatugtog nito ang Bayang Magiliw, na sinabayan nila ng pag-awit, saka nagbigay sila ng tip.  Sa restoran sa gilid ng lawa sila nananghalian ng Peter's fish, tilapya dito sa Pilipinas.

Nagmisa ang kasama nilang pari sa Cana, kung saan ginawa ni Hesus ang himala ng tubig na naging alak.  Dito rin ginanap ang muling pagpapakasal ng mga dalawang pag-asawahang kasama sa pilgrimage, kasama ang nagsasalaysay rito.  (Malaking biyaya ang tinanggap namin sapagkat ang muli naming pagpapakasal ay nangyari sa Cana.  Apatnapung taon na kaming kasal.) 

Pagkatapos nito ay tumuloy sila sa simbahan kung saan naganap ang pagbati ng Anghel Gabriel sa Birheng Maria na ito ang pinili upang ipaglihi at ipanganak si Hesus.

Pang-apat na araw, Miyerkules, ika-12 ng Oktubre:  Ang unang destinasyon nila sa araw na ito ay ang simbahan ng Stella Maris o Mount Carmel, malapit sa Mediterranean Sea. Nasa Lumang Tipan ito sa 1 Mga Hari 18:19 kung saan isinasaad ang pakikipaglaban ni Elias sa mga propeta ng Baal.  Nagmisa rito ang kasama nilang pari, kasama ang isang pari na taga-Slovenia.  Nagkita sila ng ilang Pilipinong galing Amerika at nagkumustahan.  Sa isang kibutz, isa sa mga kooperatiba ng magsasaka sa Israel sila nananghalian.  Kasama sa kinain nila ang goulash, isang uri ng sabaw o sopas na may karne ng baka, sari-saring gulay at hinaluan ng paprika.

Ang Paglalakbay:  Nagdaan sila sa Tel-Aviv patungong Herusalem, sa daang malapit sa gilid ng dagat na bahagi ng Mediterranean Sea kung saan nakita nila ang mga taong naliligo at nagbibilad sa araw.  Huminto sila sa Observation Plaza upang makita ang mga tanawin.   Ang sabi ni Samir, ang Herusalem daw ay napaliligiran ng apat na bundok:  Bundok ng Oliba, Bundok ng Moriah, Bundok ng Zion at ang bundok ng Scopus (kung saan sila naroon.)  Mula doon ay tanaw na tanaw ang kabuuan ng Herusalem.  Napakagandang tanawin. 

Tumuloy sila sa Addar Hotel kung saan sila namalagi ng tatlong sumunod na araw.

Panlimang Araw, Huwebes, Oktubre 13:
  Sa araw na ito, natapatan nilang ipinagdiriwang ng mga Hudyo ang isa sa mga dakilang kapistahan nila, ang Yom Kippur o Day of Atonement.

Ang Paglalakbay:  Dinala sila at iniwan ng driver ng van sa may pintuan ng isang lugar patungo sa Bundok ng Oliba.  Kahulugan: maghapon silang maglalakad, hanggang sa makabalik sa hotel.  Sapagkat nanatiling nakasara ang pinto, nagpasiya silang tumuloy na sa iba pang lakad.  Nagpunta sila sa Kapilya ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon  at nakita nila ang cast ng mga yapak ni Hesus..  Doon sa lugar na iyon kung saan talagang umakyat sa langit ang Panginoon na nasaksihan ng mga apostoles, (Marcos16:19)  (Paano namin maipaliliwanag ang nararamdaman namin noon?)

Nagtuloy sila sa simbahan ng Dominus Flevit, na ang kahulugan ay nanangis  ang Diyos, na nasa gilid ng bundok ng Oliba.  Sinasabi sa Lucas 19:41-44. “Nang malapit na siya sa Herusalem at matanaw niya ang lunsod, ito'y kanyang tinangisan.  Sinabi niya, 'Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makapagdudulot sa iyo ng kapayapaan. Nguni't  lingid ito ngayon sa iyong paningin.  Sapagka't darating ang mga araw na paliligiran ka ng  kuta ng iyong mga kaaway, kukubkubin at gigipitin  magkabi-kabila.  Wawasakin ka nila, at lilipulin ang mga anak mo sa loob ng iyong moog.  At ni isang bato'y wala silang iiwan sa ibabaw ng kapwa bato, sapagka't hindi mo pinansin ang pagdating ng Diyos upang iligtas ka.'

Pagkatapos ay tinungo nila ang Basilica of the Agony. Sunod ay sa Crusaders Chapel kung saan ipinanganak ang Mahal na Birhen; sa mga guho sa Batis ng Bethesda.  Dito naganap ang paglakad ng isang paralitikong 38 na taong maysakit na laging nauunahan sa paglusong sa tubig, na sinabihan ni Hesus na tumindig, pulutin ang banig at lumakad.  At nakalakad nga ang paralitiko.

Sumunod ay sa unang dalawang estasyon sa Daan ng Krus o Via Dolorosa – ang Church of Condemnation at Church of Flaggelation, sila nagtungo.  Nagmisa rito ang kasama nilang pari. Itinuloy nila ang pagbisita sa iba pang estasyon ng Krus. Hali-halili silang magkakasama sa pagpasan ng krus na gawa sa kahoy na may kabigatan rin.  Ang daang tinalunton nila ay punung-puno ng turista na namimili sa mga nakahalayhay na basar sa gilid.  Maingay.

Pagsapit nila sa pinaka-kalbaryo na pinagtayuan ng Krus at pinagpakuan ni Hesus ay lumuhod sila at dinama ng mga kamay ang lansangan.  Pagkatapos ay sa Sepulkro at sa yungib na ari ni Jose ng Arimathea kung saan ang Katawan ng Panginoon ay inilibing.  Bumili sila ng larawang kuha ng isang potograpo kahit mukha silang lantang gulay sa pagod.  Naglakad sila pauwi at pagdating sa hotel ay naligo at nagbabad.

Pang-anim na araw, Biyernes, Oktubre 14
:  Nagising sila pagkatapos ng mahimbing na pagtulog nang nakaraang gabi.  Talagang pagod silang lahat.  Naghihintay na ang van sa labas ng hotel.

Ang Paglalakbay: 
Una sa araw na iyon ang tinatawag na Wailing Wall.  Tinatawag din tiong Western Wall.  Ito na lamang ang natitirang estruktura sa nagibang dakilang templo ng Herusalem na ginawa nang panahon pa ni Haring Solomon.  Winasak ng nga Romano ang Templo ng mga Hudyo noongt 70 AD dahil sa paghihimagsik ng mga Hudyo laban sa  palakad ng mga Romano.

Hanggang ngayon, makikita pa rin ang mga guho ng orihihal na templo.  Ang mga tao'y nagtayo ng mga bahay sa paligid ng noo'y templo.  Sa itaas na bahagi ng templo, tumatayo ang pari at hihipan ang shofar (trumpetang gawa sa sungay ng lalaking tupa), bilang pagtawag sa mga tao upang magdasal.  Ipinatapon  ang mga Hudyo, at bumilang nga ng maraming taon bago sila nakabalik sa Herusalem.  Ang templo ay hindi na muling naitayo pa.

Pinaniniwalaang ang pader o wailing wall ang pinakamalapit na bahagi ng templo sa Holy of  Holies, ang pinakasagradong bahagi ng templo.  Kaya nga doon nagdarasal ang mga tao.  Ang lumang tradisyong  ito na magdasal sa harap ng pader ay nagsimula noong 200-300 AD at sinasabi ng mga rabbi na ang Diyos ay naroroon pa rin.  Naging pinakadakilang dambana ito ng mga Hudyo.

Ang mga Hudyo buhat sa iba't ibang panig ng daigdig  ay dumadalaw sa Wailing Wall.  Marami ang nagsusulat ng mga panalangin sa pilas ng papel at isinusuksok iyon sa mga singit ng pader.  Ang mga lalaki ay nagsusuot ng yamulke (skullcap) bilang paggalang at pagpupugay.  Maririnig ang mga hikbi ng mga Hudyo, dahil hindi na nga naitayong muli ang dakilang templo, kaya ang naging tawag ay “Wailing Wall”.

Kasunod nilang pinuntahan ang simbahan kung saan ipinanganak si Hesus, ang Church of the Nativity.  Lumuhod ilang lahat at ginagap ng mga kamay ang lugar kung saan may palatandaan ng hinigaan ng batang si Hesus.  Isang kasama nila na may magandang tinig ang umawit ng Ave Maria.

Nagmisa ang kasama nilang pari sa Kapilya ng Sancta Elena sa loob ng simbahan.  Tumuloy sila sa Shepherds' Field kung saan nakita ng mga pastol ang Tala ng Bethlehem.  Sumunod ay tinungo nila ang simbahang nakatayo sa lugar kung saan dinalaw ni Santa Maria ang pinsang si Santa Isabel.  Ito ang ikalawa sa Misteryo ng Tuwa.  Nahirapan sila dito dahil paakyat ang lugar at walang sasakyan.  Sa awa ng Diyos, nakarating naman sila at nakita ang mga kuwadro ng pintura ng larawan ng Birhen na binabati ang pinsan, ang Anghel na nagbabala kay San Hose ng balak ni Herodes na patayin ang mga batang lalaki, at ang pagtakas ng Banal na Mag-anak papunta sa Ehipto.

Ang bundok  ng Zion ang sumunod nilang pinuntahan na kinaroroonan ng Dormition Abbey, ang imahen ng Mahal na Birhen na nakahimlay pagkatapos niyang mamatay at ang lugar kung saan umakyat siya sa langit.  Isa ito sa mga dogma ng simbahan na si Papa Pio XII ang naghayag noong November 1, 1950 na “ang Birheng Maria, matapos na magampanan niya ang nakaatas sa kanya sa buhay na ito, ay iniakyat sa langit  – katawan at kaluluwa.”

Nagpunta rin sila sa pinagdausan ng Huling Hapunan ng Panginoon kasama ang mga Apostoles.  At ang pook kung saan itinatuwa si Hesus ni San Pedro.  Ano ba ang naramdaman nila noon?   Mahirap ipaliwanag .  Sapat nang sabihin na masikip sa kanilang dibdib ang Paghihirap at Pagkamatay ng Panginoon, nagpapaala-ala ng Krus na niyakap Niya nang walang pasubali, bilang pagsunod sa kalooban ng kanyang Ama, upang matubos ang sangkatauhan sa  mga kasalanan.  

Pampitong Araw, Sabado, Oktubre 15:
  Nag-checkout na sila sa Addar Hotel.  Pabalik na sila sa Jordan.

Ang Paglalakbay:
  Muli silang dumaan sa Bundok ng Oliba at nakapasok na sila ngayon dahil bukas na ang pintuan.  Tinungo nila ang Simbahan ng Pater Noster kung saan itinuro ng Panginoon sa kanyang mga alaad ang pinakamaganda at pinakataimtim na panalangin: ang Ama Namin.  Sa labas ng simbahan, may mga plake na nakakabit sa pader, at sa iba-ibang lengguwahe nakasalin  ang Ama Namin, kabilang na rito ang Tagalog.

Ang sumunod nilang destinasyon ay ang Dead Sea na ayon sa nabasa nilang literatura, ang pagpunta rito ay isang karanasang espirituwal na hindi malilimutan, isang karanasang nakapag-aangat sa nararamdaman ng katawan at espiritu.

Ang Dead Sea ay may 15 milya sa dakong silangan ng Herusalem..  Ito ay may haba na 75 kilometro, at lalim na 1,500 talampakan sa ilalim ng lebel ng dagat, ito ang pinakamababang lugar sa buong mundo.  Hindi puwedeng mabuhay ang anumang halaman at hayop sa maalat na dagat na ito.  Hindi lulubog ang sinumang lumangoy dito.

Sa ngayon, ang baybayin ng Dead Sea ay lubhang malayo na sa bahaging may tubig.  Noon daw, ang dalampasigan ay higit na malapit sa dagat.  Kahulugan lamang ito na natutuyo ang Dead Sea.  Totoo nga dahil kailangan pa nilang lumakad nang malayo sa ibabaw ng mga mahahabang tablang  tuntungan na nagsisilbing tulay bago makarating sa may katubigan.  Ayon sa kasama nilang pari, ang tubig na galing sa Lawa ng Galilea ay tumutuloy sa Iog Jordan, na tumutuloy naman sa Dead Sea.  Wala nang iba pang madadaluyan buhat sa Dead Sea.  (Sa lugar na iyon, natutuhan ko ang isang mahalagang aral ng buhay.  Ang lawa at ilog ay tagabigay' walang ginawa ang dagat kundi ang tumanggap.  Ang dalawa ay nagbibigay-buhay, kamatayan naman ang dulot ng isa.  Alin ng pipiliin natin, ang magbigay ng buhay, o magbigay ng kamatayan?)

Ang putik daw sa Dead Sea ay mabuti para sa balat, lalung-lalo na sa mukha kaya ilang kasama nila ang lumangoy at inilamos sa kanilang braso at mukha ang putik.

Paglampas nila ng border ng Israel-Jordan, ay natuloy sila sa Mount Nebo na kinamatayan ni Moises.  Nagmisa ang kasama nilang pari sa simbahan doon.  May nakilala pa silang isang Pilipinang  kaya naroroon ay bilang pasalamat sa   pagkakaloob sa kanila ng kanyang asawa ng isang anak.

Sa labas ng simbahan  ay may isang malaking tikin na gawa sa tanso at  isang malaking tansong ahas na nakapulupot doon. Bilang pagsunod sa sinabi ni Yahweh, gumawa si Moises ng tikin na nagpapagaling sa sinumang natuklaw ng ahas at tumingin rito.

Namatay nga si Moises sa lupain ng Moab ngunit  walang nakaaalam ng eksaktong lugar na pinaglibingan sa kanya.

Pagkatapos ng Mount Nebo ay nagtuloy sila sa St. George kung saan nasa loob ng simbahan ang detalyadong mapa ng Herusalem at iba pang banal na pook.  Sa Panorama Hotel sila tumuloy nang gabing iyon.

Pangwalong Araw, Linggo, Oktubre 16:
   Maaga silang nag-check-out sa hotel.  Nang pabalik na sila sa Amman, Jordan, dumaan sila sa Petra isa sa pinakamagagandang bahagi ng kanilang paglalakbay.  Sapagkat limang kilometro ang lalakarin, pinili nila ang sumakay sa tiburin.

Talagang makapigil-hininga ang ganda ng Petra.  Ang Petra ay nasa timog ng Jordan. Ang lunsod ay naliligiran ng matataas na burol at kulay-kalawang na bato na buhat sa buhangin na pinatigas ng mga napakatagal na panahon.  Ang lugar ay medyo mainit.  Ang kulay ng mga bato ay mapusyaw na dilaw o kaya'y pula o rosas o kayumanggi.  Ang mga kulay ay nag-iiba-iba, depende sa sikat ng araw.

Pagkatapos ng abenturang iyon sa Petra, tumuloy na sila pabalik sa Jordan.  Narating nila ang Amman na madilim-dilim na.

Pansiyam na araw. Lunes, ika-17 ng Oktubre:  Check out sa hotel.  Qatar Airways  ang sinakyan nila pabalik ng Maynila.  Martes, Oktubre 18 nang dumating sila.  Home Sweet Home.

Pahabol ni R. Estrada:   Sa panahon ng paglalakbay namin. dala ko ang isang maliit na notebook kung saan itinatala ko ang mga pook na pinuntahan namin sa Holy Land.  May mga sandaling excited ako, at ang ibang pook ay hindi ko nailista, kabilang na rito ang mga sumusunod:

1.  Caesarea.  Sa pagitan ng Tel-Aviv at Haifa, sa kahabaan ng daan sa may Mediterranean Sea, nagpunta kami sa mga guho ng Caesarea.  Isa iyong maliit na pantalan na ipinagawa ni Herodes noong 20 (BCE).  Iyon ang naging kapital ng Hudea.  Nang kapanahunan ng Panginoon, naghari si Poncio Pilato, sa ngalan ng Roma.  Ngayon, ang Caesarea ay isang malawak na guho, na may mga labi noon pang     panahon ng mga Romano, ng mga Byzantines at  ng mga Crusaders.

    Ipinatayo ni Herodes ang isang teatro na may seating capacity na 1500.  Walang ibang tao sa mga guho nang magtungo kami roon.  Naupo ang isang kasama sa isa sa mga likmuan na marahil ay inupuan din noon nina Herodes ani Poncio Pilato. Nahikayat naming muling umawit ang kasama naming may maganang tinig.  Pinagbigyan naman kami at sa malawak na guho ay pumailanlang ang O Sole Mio, a capella.

2.  Sa simbahan ng Visitation, nalimutan ko ring banggitin na may mahigit na apatnapung plake na kinatitikan, sa iba'tt ibang lengguwahe  ang canticle ng Mahal na Birhen, ang Magnificat..

3.  Isa pang lugar na pinuntahan namin ang isang simbahan, malapit sa Dagat ng Galilea, na ipinatayo ng mga Pransiskano noong 1930.  Iyon ang lokasyon kung saan sinabi ni Hesus ang “mapapalad” (beautitudes)) bahagi ng sa Sermon sa Bundok na nakasaad sa ebanghelyo ni San Mateo, 5:5-12... Sa loob ng simbahan ay sa walong stained windows nakatala ang beatitudes:
   
    “Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos, sapagka't makakasama sila sa kanyang kaharian.           
    Mapalad ang mga nahahapis, sapagka't aaliwin sila ng Diyos.

    Mapalad ang mga mapagkumbaba, sapagka't tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos.
    Mapalad ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos, sapagka't ipagkakaloob sa kanila ang kanilang minimithi.
    Mapalad ang mga mahabagin. sapagka't kahahabagan sila ng Diyos.
    Mapalad ang mga may malinis na puso, pagka't makikita nila ang Diyos.
    Mapalad ang gumagawa sa daan sa ikapagkaka-sundo, sapagka't ituturing ng Diyos na mga anak niya..
    Mapalad ang mga pinag-usig  sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagka't makakasama sila sa kaharian.
    Mapalad kayo kapag dahil sa aki'y inalimura kayo ng mga tao, pinag-uusig  at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan.  Magdiwang kayo at magalak, sapagka't malaki ang inyong gantimpala sa langit.  Gayon din ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.”

 

No comments:

Post a Comment