Thursday, February 21, 2013

SA MULING PAGPINTIG NG PUSO

SABADO ng gabi.  Araw at oras nang pagdalaw ni Romeo kay Julieta.  Iyon ang sabi ng tanyag na radio announcer na si Johnny de Leon noon.  Pagdalaw upang pumanhik ng ligaw. O kung kasintahan na'y upang masilayan ang mukha ng hinihirang.

Ngunit si Raul, kung dumalaw sa kanya noon ay hindi upang manligaw o upang silayan ang kanyang mukha.  Hindi naman siya ang hinihirang ni Raul.  Hindi siya ang iniibig nito.  Si Sylvia ang mahal ni Raul.  Si Sylvia pa rin sa kabila nang marami nang taong nagdaan.  Si Sylvia pa rin kahit wala na ito dahil kaytagal nang pumanaw.  Si Sylvia.  At kaytagal na rin nang kanyang ipinaghintay, ipinagtiis.

Si Raul, si Sylvia at siya, si Lorna.  Silang tatlo ang klasikang tatsulok.  Umiibig siya kay Raul.  Si Raul ay umiibig kay Sylvia.  At si Sylvia ang mapalad.  May katugon ang pag-ibig nito kay Raul.  Siya ang ikatlo sa tatsulok.

Magkababata sila at magkakamag-aral.  Magkakalaro ng bahay-bahayan sa kung saan sina Raul at Sylvia ang laging mag-asawa at siya ay kung anong papel na lamang ang ginagampanan. 

Kung bakit si Sylvia ang gusto ni Raul ay isang palaisipan na hanggang ngayon ay inihahanap pa niya ng kasagutan. Higit siyang maraming katangian kaysa kay Sylvia.  Higit na maganda.  Lagi siyang reyna sa mga santakrusan at pistahan.  Si Sylvia, minsan man ay hindi nakuhang sagala sa alin mang prusisyon.  Lagi, taga-ilaw lamang niya.  Si Sylvia, tagahawak ng lusis sa kanyang tabi.  Ngunit si Sylvia ang pinakamamahal ni Raul, ang pinakasalan, ang iniyakan nang mamatay.  At ang hinahanap-hanap hanggang ngayon.

Minsan, kinausap siya ni Rose, matalik niyang kaibigan sa paaralang pinagtuturuan.  “We're not getting any younger, Lorna. Matatapos na naman ang taon, wala pa tayong biyenan.”

Wala siya sa mood noon.  Pikon siyang sumagot. “Ba't di kayo pakasal ng boyfriend mo?”

“Gusto ko'y sabay tayo,”  ang sagot.

Isang matalim na tingin ang ipinukol niya rito.  “Alam mong wala akong boyfriend, paano tayo magkakasabay?”

Umiling si Rose.  “Kasi, ang daming lumiligaw sa iyo, nagpapakamatay ka sa hindi namamatay sa iyo. Time to wake up, girl.”

Tinalikuran niya si Rose at buong araw ding hindi binati,  Nainis siya rito kasi ay totoong lahat ang sinabi nito.  Naiinis rin nga siya sa kanyang sarili at kay Raul na bulag sa kanyang mga katangian. Pati na kay Sylvia, kasalanan man ang magkaroon ng ganoong damdamin sa isang namayapa na.

Hindi naman talagang nakakainis si Sylvia.   Masayahin ito, laging nakangiti, malakas tatawa.  Gusto rin niyang kasama ito dangan nga lamang at  naging kaagaw niya sa pag-ibig ni Raul.  Malaki ring sakripisyo para sa kanya ang mga panahong iyon ng pag-iibigan ng dalawa.  Magkasama sila sa isang dormitoryo ni Sylvia, nag-aaral sa isang paaralan at kumukuha kapwa ng pagtuturo.  Saksi siya sa matamis na pagtitinginan ng dalawa.  Saksi rin siya nang ikasal ang mga ito.

Ngunit hindi nagtagal ang pagsasama nina Sylvia at Raul.  Iniwan sila ni Sylvia at nakita niya kung gaano kabigat ang dalamhating dinala ni Raul sa pagpanaw nito.  Noon naman unti-unting nag-usbong sa kanyang puso ang binhi ng pag-asa.  Bata pa si Raul at walang anak.  Madali itong makalilimot.  Iyon ang kanyang buong akala nang datnan niya ito isang hapon sa kanilang tahanan.

“Kumusta?” masaya, nananabik niyang bati.

“Eto,”  sagot ni Raul.

Nakita niya, nasa mga mata pa rin ni Raul ang sakit.  Nasa labi pa rin ang pait. Nasa laylay na mga balikat ang kalungkutang dinadala.  Napaiyak siya at naggalit-galitan si Raul.  “Hindi ako dumalaw rito, Lorna upang makipag-iyakan. Ayaw ni Sylvia nang ganyan.”

Naisip niya noon, hayaan si Raul sa pagbabalik-alaala sa nakalipas nila ni Sylvia hanggang  dumating sa puntong matanggap ang katotohanang wala na nga si Sylvia.  Bata pa ito at may karapatang umibig pang muli.

Kaya tuwing hapon, pag-uwi niya buhat sa eskuwelahang pinagtuturuan dinaratnan na niya si Raul sa kanilang tahanan. Sa buong panahon  ng pagbabakasyon nito, dinadalaw siya.  Ginagabi sila sa pagkukwentuhan na lagi namang si Sylvia ang paksa. Sabi nga ni Sylvia... ang gusto ni Sylvia... ayaw na ayaw ni Sylvia... ang lakas tatawa ni Sylvia... madaya sa scrabble si Sylvia...

Natapos ang bakasyon ni Raul at muling bumalik sa Maynila kung saan ito nagtatrabaho. Ngunit tuwing Sabado ng gabi, dumarating ito upang dumalaw sa kanya.  Nagkukuwentuhan sila tungkol sa trabaho at siyempre hindi nawawala sa usapan si Sylvia.

Bumili siya ng baraha.   Naglaro sila at nalibang.  Nagdala ng scrabble si Raul. Naglaro sila at nalibang.  Hanggang lumipas ang mga araw at naging linggo, naging buwan at naging taon.  Nag-asawa na sa iba ang masugid niyang manliligaw at mayroon na naman siyang bagong talisuyo ngunit kung paanong bulag si Raul sa kanyang pagtatangi ay bingi naman ang kanyang puso sa mga iniluluhog ng kanyang manililigw. Hanggang hindi nag-aasawa si Raul, buo ang kanyang pag-asa.  Nakahanda na siyang maghintay kundi nga lamang sa sinabi ni Rose, ang kanyang kaibigan. Gumising ka na Lorna.

Naisip niya, kung mag-aasawa lamang si Raul, kung titigil lamang si Raul nang pagdalaw sa kanya, matuturuan niyang lumimot ang kanyang puso.  Noon niya naisip na ipakilala si Raul sa isang bagong guro sa kanilang paaralan.  Taga- karatig bayan ito, nangangasera sa kanila at umuuwi tuwing Sabado kaya hindi nakikita ni Raul.

“Kaarawan ni Tatay, Millet.  Sa isang linggo ka na umuwi,”  anyaya niya na hindi nito tinanggihan.

Maganda si Millet at mayroong mga katangiang taglay ito na hawig kay Sylvia. Masayahin, laging nakangiti, magugustuhan si Millet ni Raul, naisip niya.  Sa makikitang resemblance ng dalawa, mahuhulog ang loob ni Raul.  Muling magigising ang puso sa tawag ng pag-ibig at kapag nagkatuluyan ang dalawa, lutas na ang kanyang problema.  Maaari na niyang ibaling ang kanyang pansin sa isa sa mga nanunuyo sa kanya kahit nagdurugo ang kanyang puso.  Kahit si Raul ang kanyang mahal.

Mukhang klik naman sina Millet at Raul.  “Kababata ko, Millet,” pakilala niya.

Si Millet.  “Hi,”  bati nito kasunod ang tanong, “talaga nga bang magaling ka sa scrabble?  Sabi ni Lorna, hindi siya manalo sa iyo.”

Nginitian siya ni Raul.  “Pinagbibigyan lang ako ni Lorna.  Ikaw ba, naglalaro ng scrabble?”

Nakisagot siya.  “Naku madaya iyan.”

Nakita niya, natigilan si Raul.  Naalaala ba nito si Sylvia.  “Sige, maglaro kayo,” pagtataboy niya sa dalawa.
Mula sa komedor, nasusulyapan niya ang dalawa.  Kung mag-usap, parang dati nang magkakilala.  Kung magtawanan, para bang ang saya.  Damang-dama niya ang kirot sa kanyang dibdib.  Tagumpay yata siya.  Tagumpay na bigo.

Pagkatapos ng hapunan, nagtugtugan sila ng piyano at nagkantahan.  Maganda ang tinig ni Millet tulad rin ni Sylvia.  May inilabas siyang isang lumang piyesa.  Kay Chopin.  “Paborito ito ni Tatay,” ang sabi niya.

“May lyrics iyan,”  wika ni Millet.  “Alam kong kantahin kung wala lang tayong lakad bukas dahil baka umulan.”

“Hindi baleng bumagyo, kumanta ka lang,” susog naman ni Raul.

Naglaro ang mga daliri niya sa teklado ng piyano  habang pumapailanlang ang himig ng Nocturne in E-flat major kasabay ang magandang tinig ni Millet.

Pasulyap-sulyap siya kay Raul.  Titig na titig ito kay Millet.  Matamang-mataman sa pakikinig.  No heart should refuse love, how lucky are the ones who choose love  and if you should lose love you have the right to love again... Wala na si Sylvia.  Matagal nang wala.  May karapatan nang umibig na muli si Raul.  Ngunit sino ang iibigin nito?  Si Millet?

Isang linggo makalipas ang Sabadong iyon ng pagkikilala nina Millet at Raul ay muling dumating ito sa kanilang bahay na lubos niyang ikinagulat.  Tiyak na tiyak niyang umuwi man ito ay kina Millet pupunta.

“May iba ka yatang hinihintay,”  ang puna tuloy nito.

“Akala ko lang, kina Millet ka pupunta ngayon,” sagot niya.

Tumawa si Raul.  “Nakakahalata ako.  Inirereto mo ako kay Millet.”

“Maganda siya, mukhang makakasundo mo at hawig sila ni Sylvia,” aniya.

“Talagang gusto mo nang palitan ko si Sylvia.  Gusto mo nang mag-asawa ako.” seryoso na si Raul.

“Kaya ka ba mag-aasawa ay upang palitan si Sylvia?” seryoso na rin siya.

Umiling si Raul.  “Iisa lamang si Sylvia.  Wala siyang makakapalit at wala akong balak na siya ay palitan.  Si Sylvia ang aking unang pag-ibig at mananatili siyang una at natatangi, ngunit kapag nag-asawa akong muli, ang tanging dahilan lamang ay umiibig ako sa aking pinili,” mahabang paliwanag nito.

Hindi niya napigil ang pagtatanong.  “Mayroon  ka na bang napili?”

Tumango si Raul at napilit niya ang isang ngiti.  “Dapat ay naroon ka.  Wala rito.”

“At sino ang dapat na narito na hindi ako,” usisa naman nito.

Nagkibit siya n  balikat.  “Iyong taong may dahilan sa pagtungo rito.”

“Ibig mong sabihin, wala akong dahilan sa pagpunta-punta rito?” tanong ni Raul.

Matagal siyang hindi nakakibo.  Alam niya ang mga dahilan ng pagdalaw sa kanya ni Raul.  Siya si Lorna ay isang tagapagpagunita kay Raul sa masasayang araw nito at ni Sylvia.  Siya, si Lorna ay bahagi ng lumipas ng dalawa bukod sa siya ay maaasahang tagapakinig sa mga kwento tungkol kay Sylvia.  Taga-unawa kung may problema.  Taga-aliw kung nalulumbay.  At ang katotohanan, nakahanda na sana siyang gampanan ang gayong uri ng papel sa buhay niIa ni Raul kundi siya ginising ng sinabi ni Rose, ang kanyang kaibigan. Namamatay raw siya sa hindi naman namamatay sa kanya. 

Nainis siya kay Rose ngunit nang  makapag-isip-isip siyang mabuti at matanggap ang katotohanan ay waring nakutya siya sa sarili.  Isang malaking kabaliwan ang kanyang ginagawa.  Kailangang tapusin na niya.  Kaya niya naisipang ipakilala si Millet kay Raul.  “Si Millet!”  bigla nasambit niya.

Napailing si Raul.  “Talagang obsessed ka nang magkatuluyan kami ni Millet. Kung ikaliligaya mo, Lorna,  hayaan mo, susubukan ko,” tumayo si Raul at nagpaalam.

Nabigla siya at walang nasabi.  Lalo pa siyang hindi nakaimik sa mga iniwanang salita nito.  “Salamat sa pagtitiyaga mo sa akin, Lorna.  Hindi ko malilimutan ang pakikiramay mo sa panahon ng aking pangungulila.  Kaya lang,  masyado akong nalibang sa pagtungu-tungo rito.  Nalimutan ko tuloy na may sarili kang buhay at sariling pag-ibig.  Hayaan mo, libre ka na sa mga darating na Sabado.”

SABADO na naman ng gabi.  Nakaupo si Lorna sa harap ng piyano, patipa-tipa sa ilang teklado habang mahinang sinasabayan ng pag-awit ang tinutugtog.  No heart should refuse love, how lucky are the ones who choose love and if you should lose love, you have the right to love again.  Ang lahat ng tao ay may karapatang umibig na muli.  Si Raul, inamin nang may napili, may iniibig na, may nais nang pakasalan.  Mapalad si Millet. 

Kaya lang, naguguluhan siya.  Parang may hindi siya maunawaan sa sinabi ni Raul tungkol sa obsession niyang magkatuluyan ang dalawa.  Kung ikaliligaya raw niya, susubukan nito.  Subukang ano?  Na ligawan si Millet?  Bakit susubukan?  Ibig bang sabihin hindi si Millet ang talagang mahal nito?  Kung hindi si Millet, sino?

Napatigil sa pagtugtog ng piyano si Lorna.  Parang sasabog ang kanyang dibdib sa damdaming nadama.  Posible kaya, posible kaya na ang tinutukoy ni Raul ay...

“Good evening, Lorna.”

Gulat na napalingon si Lorna.

“Kangina pa ako rito,  pinatuloy ako ng nanay mo.  Hindi ka lang namin inabala.  Masyado  yatang malalim ang iniisip mo,” wika ni Raul

Huminga nang malalim si Lorna.  Inanyayahang maupo ang bisita.

Naupo si Raul, matagal na hindi umimik.  “May dahilan ang pagtungo ko rito ngayon, Lorna. Gusto kong malaman mo na ito na rin ang dahilan ng pagdalaw ko sa iyo noon pa mang araw.”

Sinalubong ni Lorna ang mga mata ni Raul. Nagpatuloy ito.  “Hindi ko pinapalitan si Sylvia, Lorna.  Kaya ako natagalang magsalita ay nais kong lubos na makatiyak sa aking nadarama.  Na umiibig ako sa aking pinili, sa aking pakakasalan hindi sa dahilang siya ay kaibigan ni Sylvia at mauunawaan ang aming nakalipas.  Gusto kong matapat na maipadama na iniibig ko siya sapagkat siya ay siya.  Katangi-tangi, kaibig-ibig... kung ako'y kanyang mamarapatin.”

“Raul!”

“Natakot ako, Lorna nang ipakilala mo sa akin si Millet.  Parang nais mo nang mawala ako sa iyong buhay at nadama kong hindi ko mapapabayaang mangyari ito sa ating dalawa.  Ang tayo ay magkahiwalay... maliban... maliban kung ito ay kagustuhan mo... dahil may iba..."

Umiling si Lorna,  Sunud-sunod na iling.   Na iisa ang isinasaad.  Wala.  Walang iba.  Ikaw lang, Raul.  Ikaw lang.

Enero 12, 1987 liwayway

No comments:

Post a Comment