Thursday, February 21, 2013

GUSTO KO NANG MAMATAY

NANG unang marinig ito ni Freddie mula sa mga labi ni Joy ay dalaga't binata pa lamang sila.  Ang dilim ng mukha ni Joy.  Nakakunot ang noo.  At bubulung-bulong.

Cute, ang naisaloob niya.  Ngani-ngani niyang halikan ngunit nasa publiko sila, hindi maaari. Isa pa'y siya ang dahilan ng pagmumukmok nito.  “Sorry,” sabi niya. “Hindi na mauulit.”

“Napanis ako kahihintay,” gumagaralgal ang tinig ni Joy.

“Bigla ang dating nila,” ang kanyang mga magulang ang tinutukoy niya. “Hindi ako nakaalis. Nahiya naman akong umalis dahil galing pa sila sa probinsiya at dinalaw lamang ako.”

Bahagyang umaliwalas ang mukha ni Joy. “Akala ko kasi...  Talagang gusto ko nang mamatay...”

“Mamamatay rin ako,” bulong niya.

At ang sagot ni Joy ay isang maliit na kurot.

Ngunit paborito yatang ekspresyon ni Joy iyon. Muli't muli niya itong narinig. Sa iba't ibang pagkakataon. Nahuli siyang dumating sa tipanan, gusto ko nang mamatay.  Hindi siya nakatawag sa telepono sa takdang oras na sinabi niya, gusto ko nang mamatay. Ganire't ganoon, gusto ko nang mamatay.

Ngunit binata't dalaga pa nga sila ni Joy noon. At ang ganoong tampuhan ay dagdag na sarap lamang sa kanilang pagsisintahan.  Kapag umungot na si Joy at bumulong na gusto nang mamatay, nagseseryoso siya at sasagot. Hahalikan kita riyan.

May pagkakataong nakakahalik siya.  May panahong lalong lumalala ang sumpong. At bibilang nang araw bago sila magkabati. Na sa kanya lagi nagmumula ang unang hakbang.  Noon pa lamang, dapat sana'y kinutuban na siya.  Ngunit mahal niya si Joy at sila  ay ikinasal.

Totoo nga pala ang kasabihang hindi makikilalang lubusan ang ugali ng isang tao kundi makakasama nang mahaba-haba ring panahon.  Huwarang asawa si Joy kung ang gagawing pamantayan ay ang husay ng pakikisama.  O ang paghawak ng kuwarta, pagpapatakbo ng tahanan.  Kaya lamang, basta at siya, si Freddie ang nasasangkot, kakaiba ang ugaling umiiral kay Joy.  Nagiging selfish. Masakim. Possessive. Makasarili. Oy, akin ito, para bagang nais ipangalandakan.  At sa kanya ay para bagang may babala.  Ako lang Freddie.  Ako lang.

Bigla ang overtaym. Hindi nakapagpasabi kay Joy, wala silang telepono sa apartment.  Alam niyang maghihintay ito.  At maiinip. At susumpungin. Ngunit wala siyang magagawa.

Gabi na nang dumating siya. Kumatok siya'y walang sumalubong. Ginamit niya ang kanyang susi. Nagtutulug-tulugan sa kuwarto si Joy.  “Bigla ang obertaym.” ang bungad niya.

“Gusto ko nang mamatay,”  ang sagot ni Joy.

Ngunit hindi cute, bagkus ay nainis pa siya. Tinalikuran niya ito at kumain siyang mag-isa.  Natulog siya sa saliw ng singhot at hikbi. At pumasok siyang muli sa opisina kinabukasan nang hindi pa sila nag-iimikan ni Joy.

Isipin ba niyang hindi daratnan si Joy sa kanilang bahay. Ang sabi ng kanilang katulong, sunduin daw ninyo siya sa mga nanay niya.

“Spoiled brat,” naiinis niyang nasambit at iyon nga ang katotohanan.  Nagdudumilat. Dangan at may kulaba yata ang kanyang mga mata noong nililigawan niya ito.

“Lima kaming magkakapatid.”  kuwento ni Joy. “Pang-apat ako. Unang babae. Ang bunso ay babae rin.”

“E, di spoiled ka,”  ang biro niya noon.

Ngumiti si Joy. “Ayaw mo ba ng spoiled?”

Kung katulad ni Joy ang spoiled, kay puti at kay lambing, di bale na, ang naisip niya.

“Pero ano bang klaseng spoiled?” ang tanong pa rin niya.

Bahagyang lumabi si Joy. “In the sense na gusto ko, ako lang.  I am first. Kung may boyfriend ako o asawa, ako muna bago ang iba pa, iba pang tao o iba pang mga pangyayari.”

Kung kandidato para maging boyfriend ni Joy, masarap pakinggan ang sinabi nito.  Exciting. At talagang deadly. “Pareho pala tayo,” ang ayon niya.

Ngunit ngayong mag-asawa na sila ni  Joy ay alam niyang hindi sila pareho ng ugali nito. Mahal niya si Joy, kaya mahal rin niya ang kanyang trabaho. At kung kailangang mag-obertaym, mag-oobertaym siya kahit hindi nakapagsabi rito.  Hindi sa wala sa kanya ang romansa. Doon pumapasok ang kalikasan ng lalaki.  Ang babae ay walang iniisip kundi ang tahanan, ang asawa, at mga anak kung mayroon na.  Kung nagtatrabaho ito, may dagdag na isipin, ngunit ang lalaki ay iba. Kasali sa rat race. Higit na mabigat ang mga pressures sa labas ng tahanan na dapat sagupain. Paano niya ito ipaliliwanag kay Joy.

Unang babae pagkatapos ng tatlong sunud-sunod na anak na lalaki, ito si Joy. Kung pagtatagpi-tagpiin niya ang mga pira-pirasong balita tungkol kay Joy na narinig niya sa mga labi ng kanyang biyenen at mga bayaw, ay para na niyang nakita nag paglaki ni Joy.

Si Joy ay hindi nakatikim ng baba. Ito'y laging kalong.

Bawat dumating, may pasalubong kay Joy. Kahit ano lamang, basta mayroon.

Sa pagpapakilala sa mga kaibigan, una si Joy. Tanging babae.

Kapag umiiyak si Joy, inaamo. Kapag nagtatampo, sinusuyo. Sino ang mahal ni tatay? Si Joy. Sino ang paborito ni nanay? Si Joy. Kaya lumaki si Joy na namber wan sa puso ng mga magulang at kapatid at sapagkat sagana sa atensiyon at pagmamahal, lumaking kaibig-ibig, masaya, malalahanin sa kapwa.

Nang hindi sukat akalain, nang walong taon na si Joy, ay bigla pang nasundan.  Kahiya- hiya, wika nga ng kanyang biyenan ngunit ano pa ang magagawa.

Ang tatlong lalaki na halos mga binatilyo na ay nangatuwa. At nangantiyaw. “Wala na si Joy. Hindi na bunso!”

Ang sagot ni Joy sa simula'y tawa. “E ano. Gusto ko nga ng kapatid.”

“E kung babae, hindi ka na only girl.  Ayyy,  wala na si Joy.”

At pumadyak daw si Joy. Pumadyak nang pumadyak. Na may kasamang iyak at sumbong. “Nanay, nanay, huhuu... gusto ko nang mamatay!”

Nakagalitan ang mga kapatid na lalaki ngunit ang nangyaring tuksuhan ay hindi na nagamot.  Sa katauhan ni Joy ay may pagbabagong naganap,  isang pangambang natanim, isang pagtitiwalang nayanig. Marahil ganoon, sino ang nakaaalam.

Babae ang isinilang ng nanay ni Joy. Hindi na nga ito ang only girl. Dalawa na sila. At  hindi rin bunso.

Nagsimula ang mga tanong. mahal mo pa ba ako tatay?
Mahal na mahal.
Si baby, mahal mo?
Mahal din.
Sana... sana ako lang.


At ang paliwanag ni tatay.  Lima kayo. Mahal kayong lahat. Paglaki mo, pag nanay ka na rin, mamahalin mo ring lahat ang anak mo. Hindi isa lang.

Lumaking maayos ang pagpapalagayan ng magkakapatid, si

Joy at ang bunso. Kung ininda ni Joy ang pagkahati ng atensiyon na dati ay sa kanya lamang nakatuon ay hindi gaanong napuna ng mga kapamilya. Kung matutukso ng mga kapatid o kamag-anak, hindi na umiiyak nang malakas si Joy. Nagkukulong na lamang sa kuwarto. Doon nagmumukmok. At natutuwa pa nga ang lahat. Dalaga na si Joy. Hindi na eskandalosang magtampo.

Marahil, naisip ni Freddie, sa loob ng kuwarto ay panay ang panalangin ni Joy na sana mamatay na ito. Dahil wala nang nagmamahal.  May kahati na.

At ngayong may asawa na si Joy, hindi na magkasya sa pagkukulong sa kuwarto para alagaan ang tampo nito, umuwi pa sa bahay ng mga magulang. At napasusundo pa.  Aba'y kailangang magkaliwanagan. Hindi maaari ang ganoong sistema. Sabihin nang spoiled pa si Joy.

Ngunit maganda ang balitang sumalubong sa kanya nang dumating siya sa kanyang mga biyenan.  Bumubungad pa lamang siya sa pinto ay mayroon nang bumabati.  “Aba, nariyan na pala ang daddy.”

Nagtatakang nagpalipat-lipat ang kanyang mga mata sa dinatnan.  “Anong daddy?”

Umingos si Joy.  “Ikaw, malapit ka nang maging daddy.”

Iyon lamang at ang iniisip niyang showdown nila ni Joy ay parang bulang naglaho. At sa mga sumunod pang pagkakataon na si Joy ay sinumpong at bumulong na gusto nang mamatay, naroon na siya, parang luku-lukong umaamo.  “Huwag naman.”  Naisip niya, miminsan lamang maging unang  ama at unang ina ang isng pag-asawahan kaya ang lahat ay napagpapasensiyahan.

Ngunit nang makapanganak na si Joy ay iba na ang salitaan.  Kailangan na siyang kumayod nang husto sa pagtatrabaho. May pamilya na siya. At muli, gusto man niyang pagpasensiyahan sapagkat kahit paano ay nauunawaan na ang mga insecurities ni Joy ay hindi na niya magawa,  Nayayamot na siya sa paborito nitong ekspresyon. Walang kadahi-dahilan, may nalimuan lang siya, gusto na nitong mamatay.


Kahuli-hulihan ay hindi niya napigil na sumagot.  “Sige, ikaw ang bahala...”


ANG sabi ng doktor na tumingin ay isa lamng simpling kaso ng flu at nirestahan ng tamang gamot si Joy. Ngunit bakit parang hindi bumubuti ang kalagayan nito. Hulog na ang katawan. At pati ang doktor ay inabot na nang pagkabakla. “Ipasok natin sa ospial. Baka mauwi sa pulmunya.”

Umiling si Joy.  “Ayoko, ayoko,” anito sa mahinang tinig.

Hinimas ni Freddie ang noo, ang buhok ni Joy.  “Kailangan. Para ka gumaling.”

May luhang namuo sa sulok ng mga mata ni Joy at gumulong sa pisngi nito. “Gusto ko nang mamatay.”

Hindi nga cute, ngunit hindi na rin nakayayamot ang sinabi ni Joy. Ang nagsasalita ay ang batang hindi naka-recover sa pagdating ng kasunod na kapatid. At sapagkat babae ay nawala ang pribilehiyoang nag-iisang babae sa pamilya.  At hindi na rin bunso.

Gusto nang mamatay, wala nang nagmamahal. Kulang sa atensiyon. Iyon ang ibig sabihin ng pagkakasakit ngayon ni Joy. At totohanang pagkakasakit. Totohanang paghanap ng unti-unting kamatayan.

Sapagkat naging pabaya siya, si Freddie, dito. Ang opisina at ang trabaho niya rito ang inaasikaso niya. Ngunit para rin kay Joy. A, paano niya ito ipaliliwanag sa isang spoiled brat na tulad ni Joy. At sa kalagayan nito ngayon.

“Mahal na mahal kita. Joy,  paniwalaan mo sana ako.”

Umiling si Joy.  “Ewan... ewan ko...”

At napailing din si Freddie.  At nabanggit niya.  “Nakapagtataka, Joy, pero ganyan din ang aking pakiramdam.”

Napakislot sa pagkakahiga si Joy.  “Ano... ano'ng ibig mong sabihin?”

Hinanap ni Freddie ang mga mata ng asawa.  “Ewan ko. Ewan ko rin kung totoong mahal mo ako.”

Kumatal ang tinig ni Joy.  “Hindi ako magkakaganito kundi kita mahal.”

Tumayo si Freddie, tinalikuran ang nakahiga.  “Gusto mong mamatay.  Ibig sabihin walang halaga sa iyo na maiwan mo ako... ang ating anak. Kung mamatay ka, naisip mo na ba kung ano ang mangyayari sa amin?  Sino ang magpapalaki sa anak natin?”

“Tiyak, mag-aasawa kang muli.”

“At ganoon mo kamahal ang iyong anak. Mabuti kung mabait ang matagpuan kong pangalawang asawa. E, kung salbahe at ako'y nasa opisina, ano ang magiging lagay ng bata?”

At nagpalakad-lakad sa loob ng silid si Freddie habang patuloy sa pagsasalia. “Mahal mo ako pero hindi ka nasasaktan na ako'y mag-aasawang muli. Kung ako ang nasa kalagayan mo, sisikapin kong gumaling para sa aking pamilya, sapagkat mahal ko kayo. Ni ayokong isipin na may kayakap kang ibang lalaki. Pero ikaw...”

Nagpatuloy si Freddie.  “Ang kamang hinihigan natin. Naisip mo na bang pagdating ng panahon ay iba na ang kasiping ko kapag namatay ka?  Tayo ang bumili niyan. Ikaw ang pumili. Pagkatapos, iba ang hihiga. Ang mga dinner set na ipinundar mo, ang mga appliances na hinuhulugan buwan-buwan... at ako, sa katitiyaga ko sa trabaho, lalaki ang suweldo ko, kanino maiintrega. Saiyo ba? Pangarap mo'y kotse. Pagbili ko, sino ang sasakay?   Ang bagong asawa ko... ang mga anak namin!”

Nang huminto sa pagsasalita si Freddie ay nakaupo na sa kama si Joy.  “Tayo na sa ospital,”  wika nito.

Ang yakap na iyon ni Freddie sa asawa.  “Ay naku,  Joy. You're selfish and spoiled, but I love you. At pag ikaw ang nawala... gusto ko na ring...?

“Mamatay!”  salo ni Joy.

Pinipigil ang ngiting tumalikod si Freddie.   “Magbihis ka na. Dali.”

Mayo 20, 1974 Liwayway

No comments:

Post a Comment