Thursday, February 21, 2013

LAKI SA LAYAW

May dinaluhang workshop ang aking bisitang balikbayan at iniwang assignment sa akin para sa mga homeschooling niyang mga anak ay ang pagtuturo ng awit at tula sa Pilipino. 

Dahil sa ang kanilang ina ay Pilipino at ang mga bata ay may pinapasukang Paaralang Pinoy (minsan isang linggo) sa kanilang lugar sa Virginia, sanay naman ang mga ito sa Tagalog.  Nauunawaan ang “gist” ng mga usapan sa paligid, ang napapanood sa telebisyon, marunong maglaro ng Pinoy Henyo, bahagyang alam ang geography ng Luzon, Visayas at Mindanao, kabisadong awitin ang Sinisinta Kita, ilang kanta ni Celeste Legaspi (Saranggola ni Pepe, Mamang Sorbetero), at sa ngayon, ang isinatagalog ni Pete Lacaba na La Vie En Rose.   Marunong din silang magbasa ng Tagalog,  kaya para sa assignment sa akin, ang napili kong ipakabisang tula sa kanila ay mula sa Florante at Laura.

Ang laki sa layaw, karaniwa'y hubad
Sa bait at muni, sa hatol ay salat
Masaklap na bunga ng maling paglingap,
Habag ng magulang sa irog na anak.

Sa taguring bunso't likong pagmamahal
Ang isinasama ng bata'y nunukal
ang iba'y marahil sa kapabayaan
ng dapat magturong tamad na magulang.


Sinimulan ko ang pagtuturo sa pamamagitan ng tamang pagbigkas sa mga salita at kung ano ang ibig sabihin nito.  Sunod ay ipinabasa ko nang paulit-ulit ang tula para masanay ang dila.  Ang pagpapamemorya ay kalaunan na lamang.

Ang pinili kong awit ay “Ang Pipit”.  Ganito rin ang sistemang sinunod ko: pagbigkas at pag-unawa sa ibig sabihin ng awit.  Saka na lamang ang himig.

Ngunit wika nga, I digress.  Nabanggit ko lamang ang mga bata subalit ang nais ko namang talakayin ay ang tulang napili ko para sa kanila.  May kinalaman kasi ito sa napili kong kwento para sa buwang ito na tungkol sa isang batang “spoiled”. 

May anak ba kayong spoiled?  Kapatid?  Kaibigan? 

Kapag maliit pa kasi ang mga bata, medyo atrebida o atrebido,  pasagut-sagot, ang daming hiling na ibinibigay naman, natutuwa pa ang matatanda.  Kaso, kapag nakalakhan at parang kawalang-galang na at hindi na mabago, problema na.  Hindi lamang sa pamilya, kundi sa mga kaibigan nito. 

Pagtitiisan mo ba naman ang isang kaibigan na ang laging gusto ay siya ang masusunod?   Sa panonooring sine, sa kakainang restoran, sa o-ordering pagkain.   Siya ang bida sa mga kwentuhan, hindi ka na makasingit?  Iyon bang tipong kapag nakahawak ng microphone ay hindi na bibitiw.  Kung type mo ang ganitong kaibigan, martyr ka siguro o masokista.

Sila ang mga pinalaki na hindi lubhang “tinablan” ng tamang disiplina.  Ibig lang sabihin, may ipinatupad naman sigurong disiplina ang magulang, kaya lamang...

Dahil kung hihimayin, makikita rin na may dahilan ito.  Mayroong mga batang pinalaki sa layaw, ang lahat ng alwan sa buhay  ay ibinigay ng mga magulang na mga laki sa hirap at hindi nakatikim nito nang sila ay lumalaki.  Mayroong mga batang pinabayaang “makawala” o “magwala” ng mga magulang na lubhang hinigpitan o sinikil ang mga kilos sa kanilang paglaki.  Mayroong mga bata na minahal nang husto ng mga magulang na lumaking kulang sa atensiyon.  Lumalabas na nais lamang nilang maipadama sa kanilang mga anak ang hindi nila nakamit sa kanilang paglaki.

Ngunit anumang sobra o labis, sa bigay na pera man o atensiyon o layaw sa buhay, kadalasan ay hindi maganda ang kinahihinatnan.   Kung may magaganap na “wakeup call”, mga pangyayaring magbubukas sa paningin ng kinauukulan, maaaring ang hindi magandang kinahantungan ay maiwawasto o maitutuwid.

Nangyayari ba ito sa tunay na buhay?  May kilala ba kayong nagkaroon ng “epiphany” sa gitna ng magulo nilang buhay upang baguhin ang landas na kanilang tinatahak?  Mga artistang mataas ang tono, wika nga, mga dating tanyag at maraming fans, na bumagsak, na nang makabalik sa katanyagan ay nagbago?  Mga pulitikong pinagmuntikanang makulong dahil sa mga kasong inihain laban sa mga ito,  na nang  makabalik sa pusisyon ay nagbago?  Mga taong mayaman, nagkaroon ng reversal of fortune, at muling yumaman, may naiba ba sa mga ito?

O sa kwento ko lamang nangyayari ito?  Iyon pa man, maaliw man lamang kayo, matutuwa na ako.  Kaya heto na ang kwento ni Joy.

No comments:

Post a Comment