Sunday, April 22, 2012


BALAGTASAN

Kasabihang walang kupas, na gamit na gamit ng mga senior citizens na malimit nang makalimot sa dapat gawin o sabihin o isulat ay ito: 
Huli man daw at magaling, naihahabol din.  

Narito ang isang artikulo na padala ng masipag kong tagasubaybay at “a researcher in his own right” - si Rolly E.  Pagdating sa panitikan, Ingles man o sa ating sariling wika, tula man o prosa, siya ay aking maituturing na isa kong kindred spirit.  

Ito ay tungkol sa Balagtasan, sapagkat ngayon ay buwan ng Abril, ang buwan ni Francisco Balagtas Baltazar.

PINAKA-ANGKOP na depinisyon ng balagtasan ang isinasaad sa Wikipedia:  “Binubuo ng tatlong magtatanghal: dalawang magtatalo na magkasalungat ang pananaw, at isang tagapamagitan na tinatawag na lakandiwa (lalaki) o lakambini (babae).  Mayroon ding mga hurado na siyang maghahayag kung sino ang mananalo. Ang panitikang ito ay patalinuhan ng pagpapahayag ng mga patulang argumento nguni't maari din namang magbigay libangan sa pamamagitan ng katatawanan, anghang ng pang-aasar, pambihirang talas ng isip, at mala-teatriko at dramatikong pagpapahayag.”       

Ano ang pinagmulan ng salitang balagtasan?  Buhat ito sa salitang balagtas na tawag, gaya ng alam ng marami, sa makatang buhat sa Panginay, Bigaa, Bulakan, si Francisco Balagtas Baltazar. Alam din ng nakararami na ang Bigaa ay kilala ngayon bilang Balagtas.  Binago ang pangalan ng bayan sa pamamagitan ng isang legislative act na ang awtor ay si Congressman Teodulo C. Natividad, bilang pagkilala sa karangalang ibinigay ng makata sa bayang sinilangan.

Dalawa ang teorya sa apelyido ng tinaguriang Hari ng Makatang Pilipino:  (1) Ang Balagtas buhat sa kanyang sagisag pampanitikan (nom-de-plume o pen name) na Kikong Balagtas.  (2)  Noong 1849, nag-utos ang Gobernador Heneral na si Narciso Claveria na lahat ng Pilipino ay gumamit ng apelyidong Espanyol.  Ginamit ng mag-anak nila ang Baltazar.  Nguni't ang Balagtas ay nanatiling nakakabit pa rin sa apelyido ng pamilya.

MAHALAGA ring malaman natin kung sino si Francisco Balagtas Baltazar.  Narito – sa maikling paglalahad – ang kanyang talambuhay:

Ipinanganak siya sa Panginay, Bigaa, Bulakan, noong Abril 2, 1788.   Ang kanyang ama, si Juan Balagtas, ay isang panday.  Nagngangalang Juana de la Cruz ang kanyang ina.  Si Kiko, ang pangkaraniwang palayaw sa pangalang Francisco, ay may tatlong kapatid: sina Felipe, Concha at Nicolasa.

Nagpunta sa Tondo noong 1799 at nanilbihan sa kanyang tiyahing si Donya Trinidad.  Pinapag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran at sa Colegio de San Jose at nagpakadalubhasa sa Latin, Espanyol, humanidades, at batas. Natapos siya ng pag-aaral noong 1812. Isang makata mula sa Tondo, si Jose de la Cruz (kilala sa tawag na Huseng Sisiw), na isang magaling na guro  ang nagturo sa kanya ng pagsulat ng mga tula, awit at moro-moro.

Si  Kiko ay nagpunta sa Pandacan, Maynila noong 1835.   Nakilala niya dito si Maria Asuncion Rivera.  Umibig siya sa dalaga, nguni't nagkaroon siya ng kaagaw sa pagtatangi nito  – si Mariano Capule – na isang mayamang casique.  Ginamit nito ang
yaman at impluwensya upang maipakulong si Balagtas.  Pinaniniwalaang sa piitan niya sinulat ang kanyang obra maestra, ang Florante at Laura.  Nakalaya  siya noong 1838.

Nagtungo naman siya sa Balanga, Bataan, kung saan naging kalihim ng isang hukom.  Doon, nakilala naman niya si Juana Tiambeng, isang mayamang mestisa na tumustos sa pagpapalimbag ng Florante at Laura sa palimbagan ng Unibersidad ng Santo Tomas.  Labing-isa ang naging anak nila, pito sa mga ito ang pumanaw.  Maraming mahuhusay na tula ang sinulat ni Balagtas nang nasa Bataan siya.

Sinasabing sa Orion, Bataan, sumapi siya sa isang lihim na pangkat ng mga rebelde na lumaban para sa kasarinlan.  Sa Bataan, nakulong siya sa ikalawang pagkakataon,  dahil sa akusasyong pinutulan niya ng buhok ang isang kasambahay.  Upang makalaya, napilitan ang pamilyang ipagbili ang mga ari-arian na naging dahilan ng kanilang paghihirap.

Ipinagpatuloy niya ang pagsusulat ng mga tula, awit at moro-moro, hanggang sa kamatayan niya noong Pebrero 20, 1862, sa edad na 74.  Ilan sa mga sinulat niya ang Mohamet at Constanza, Almanzor at Rosalina, Rodolfo at Rosamunda, atbp.  Nguni't nanataling pinakatampok na likha niya ang Florante at Laura.

Ang  Florante at Laura ay isang awit (isa pang uri ng panitikan) o mahabang panulaan na may apat na taludtod.  Kabayanihan ang paksa.  Mga banyaga ang tauhan nito at nangyari sa isang malayong lugar sa Europa, nguni't ang mga pangyayari ay naglalarawan ng kalagayan ng lipunang Pilipino. May ilang panahon ding ang Florante at Laura ay naging isang kinakailangang aralin sa haiskul.

ILANG manunulat ang nagpulong noong Marso 28, 1924, sa tahanan ng isang Rosa Sevilla, sa Tayuman, Tondo, Maynila, para  balangkasin ang gagawing pagdiriwang ng kaarawan ni Balagtas sa Abril 2, 1924.  Nalikha ang konsepto ng balagtasan sa isang  mungkahing magdaos ng isang makabagong duplo.  Ang duplo ay isa ring pagtatalo ng patula  na idinaraos  sa mga lamayan.

Ang una ngang balagtasan ay idinaos noong April 6, 1924.  Tatlong tambalan ang lumahok.   Ginanap sa Instituto de Mujeres, doon din sa kalye Tayuman.  Sa tatlong pares, ang tambalan nina Jose Corazon de Jesus na kilala sa palayaw na Huseng Batute, at Florentino Collantes, isang manunulang buhat sa Bulakan ang kilala naman sa palayaw na Kuntil Butil, ang umani ng pnakamainit na pagtanggap mula sa mga nanood.  Ang paksa:  Bulaklak ng Lahing Kalinislinisan  na sila rin ang sumulat.  Patas ang naging hatol ng mga hurado. 

Tagumpay iyong ganap na tinanggap ng publiko kaya't nasundan pa ng isang pagsasagupa ng dalawa.  Ang sumunod na pagtatagisan ay naganap noong Oktubre 18, 1925, sa Olympic Stadium sa Maynila na ang naging paksa naman ay Ang Dalagang Filipina:  Noon at Ngayon.  Si De Jesus ay nasa panig ng Noon, sa panig naman ng Ngayon si Collantes.  Dito, ang nanalo ay si De Jesus at siya ay tinanghal na Hari ng Balagtasan.

Sumikat nang husto ang balagtasan ng mga sumunod pang mga taon.  Kumalat na parang apoy.  Buhat sa lunsod, lumaganap ito sa mga bayan at nayon ng katagalugan at di naglao'y sa iba'r ibang dako ng kapuluan.  Nalagay din sa mga babasahin.  Naisa-radyo. Nagkaroon din ng balagtasan na Espanyol o Ingles ang lengguwahe, gayundin sa  ibang dialect.  Ang sa mga Ilokano ay tinawag itong  bukanegan bilang pagkilala sa isang makatang Ilokano, si Pedro Bukaneg.  Ang sa mga Kapampangan naman ay kinilala bilang crisotan, hango sa mula sa pangalan ng manunulat at dramatistang taga-Pampanga, si Juan Crisostomo Soto

Ang mga taong 1924 hanggang 1941 ay tinaguriang Ginintuang Panahon ng Balagtasan sa ating bansa.

Lumamlam nang kaunti ang balagtsan pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.  Bagama't di -bigla, nabawasan ang kinang nang dati'y marubdob na pagtangkilik ng madla; hindi naglaho, nanatiling naroroon at binabalik-balikan pa rin.

Noong mga huling bahagi ng dekada 50, lumaganap na muli ang balagtasan sa pamamagitan ng isantg palatuntunang panradyo, ang Oras ng Balagtasan sa DZRH, tuwing araw ng Linggo, sa ganap na ika-siyam ng gabi.  Tampok si Antonio Raymundo na kinilala sa taguring Tony Rey at si Ofelia Angeles. Gumanap na lakandiwa si Tino Estanislao at tagapagpakila naman si Rino Dakome.  Namayagpag na muli sa pagtangkilik ng libu-libong Pilipino.  Isa itong tanging kabanata sa kasaysayan ng balagtasan.

Pagkatapos noon, lumamlam uli.  Unti-unti, nguni't patuloy. di naman ganap na naglaho, parang buwan na madalas nang matakpan ng ulap.  Hanggang ang pagtangkilik dito ng madla ay nabawasaan nang malaki.  Ngayon, ang balagtasan, kung sakali mang mayroon pa ay bihira na nating marinig.  Marahil, sa mga paaralan at mga espesyal na palatuntunan ay nagaganap pa rin ito, nguni't wala nang iniiwang impact, wika nga.

Sayang . . . sana muling manumbalik ang sigla nito para sa kapakanan ng panitikang Pilipino.  Kailan kaya ito muling mamumulaklak?

 
Isang marubdob na pasasalamat kay Rolly E. sa kanyang napakagandang artikulo.   Wala akong maibibigay na halimbawa ng aktuwal na balagtasan, kaya ang ilalagay ko na lamang rito ay ang tulang kinatha ni Balagtas para kay Selia, na kinopya ko sa isang lumang, lumang aklat na pag-aari ng mga Sebastians, sa unang pagkalimbag nito noong 1906 (di pa malay ipanganak ang aking biyenan!)  Ang aklat na namumula na sa kalumaan, malutong na ang mga pahina ay tungkol sa buhay ni Francisco Baltazar, at isang pag-uulat sa kanyang karununga't kadakilaan.


KAY SELIA

KAY  SELIA

Kung pagsaulan kong basahin sa isip
ang nangakaraang araw ng pag-ibig
may mahahagilap kayang natititik
liban na kay Seliang namugad sa dibdib?

Yaong Seliang laging pinanganganibang
baka makalimot sa pag-iibigan
ang ikinalubog niyaring kapalaran
sa lubhang malalim na karalitaan.

Makaligtaan ko kayang di basahin
nagdaang panahon ng suyuan namin
kaniyang pagsintang ginugol sa akin
at pinuhunan kong pagod at hilahil.

Lumipas ang araw na lubhang matamis
at walang natira kundi ang pag-ibig
tapat na pagsuyo lalagi sa dibdib
hanggang sa libingan, bangkay ko'y maidlip.

Ngayong namamanglaw sa pangungulila
ang ginagawa kong pang-aliw sa dusa
nagdaang panaho'y inaalaala
sa iyong larawa'y ninitang ginhawa.

Sa larawang guhit ng sa sintang pinsel
kusang inilimbag sa puso't panimdim
nag-iisang sanlang naiwan sa akin
na di mananakaw magpahanggang libing.

Ang kaluluwa ko'y kusang dumadalaw
sa lansanga't nayong iyong niyapakan
sa ilog Beata Hilom na mababaw
yaring aking puso'y laging lumiligaw.

Di mamakailang m'upo ang panimdim
sa puno ng manggang naraanan natin
sa nagbiting bungang ibig mong pitasin
ang ulilang sinta'y aking inaaliw.
 
Ang katauhan  ko'y kusang nagtatalik
sa buntong-hininga ng ika'y may sakit
himutok ko niyao'y inaaring langit
paraiso naman ang may tulong silid.

Liniligawan ko ang iyong larawan
sa Makating ilog na kinalalagian
binabakas ko rin sa masayang doongan
yapak ng paa mo sa batong tuntungan.

Nagbabalik mandi't parang hinaharap
dito ang panahong masayang lumipas
na kung maliligo'y sa tubig aagap
ng hindi abutin ng tabsin sa dagat.

Parang naririnig ang lagi mong wikang
“tatlong araw na di nagtatanaw tama”
at sinasagot ko ng sabing may tuwa
“sa isa katao'y marami ang handa.”

Anupa nga't walang di nasisiyasat
ang pag-iisip ko sa tuwang kumupas
sa kagugunita luha'y lalagaslas
sabay ng taghoy kong “oh, nasawing palad!”

Nasaan si Seliang ligaya ng dibdib,
ang suyuan nami'y bakit di lumawig
nahan ang panahong isa niyang titig
ang siyang buhay ko, kaluluwa't langit.

Bakit baga niyaong kami'y maghiwalay
ay di pa nakitil yaring abang buhay
kung gugunitain ka'y lalong kamatayan
sa puso ko Selia'y di ka napaparam.

Itong di matiis na pagdaralita
nang dahil sa iyo'y o nalayong tuwa
ang siyang umakay na ako'y tumula
awitin ang buhay nang isang naaba.

Selia'y talastas ko't malabis na umid
mangmang ang musa ko't malumbay ang tinig
di kinabahagya kung hindi malait
palaring dinggin mo nang  tainga't isip.

Ito'y unang bukal nang bait kong kutad
na inihahandog sa bakas nang yapak
tanggapin mo nawa kahit walang lasap
nagbuhat sa puso nang lingkod na tapat.

Kung kasadlakan man ng pula't pag-ayop
tubo ko'y dakila sa puhunang pagod
kung binabasa mo'y isa mang himutok
ay alalahanin yaring naghahandog.

Masasayang
ninjas sa lawa nang Bay 

sirenas ang tinig ay kawili-wili
kayo ngayo'y siyang pinipintakasi
ng lubhang mapanglaw na musa kong imbi.

Ahon sa dalata't pangpang na nagligid
tonohan ang lira yaring abang awit
na nagsasalitang buhay may mapatid
tapat na pagsinta'y hangad ang lumawig.

Ikaw na bulaklak niyaring dilidili
Seliang sagisag mo'y ang M.A.R. (
Eme. A. Ere.)
Sa Virgen mag-Ina'y ipamintakasi
Ang tapat mong lingkod na si F.B.(
Efe. Be)
   


Ngayon, matapos basahin ang tula at namnamin ang kahulugan at nilalaman nito, natitiyak kong nauunawaan na ninyo kung bakit ang mga unang linya ng unang taludtod ng tulang ito ang ginamit ko sa aking blog – Kung Pagsaulan kong Basahin sa Isip... Ang nakaraang araw ng pag-ibig...
 
Sapagkat ang nilalaman ng blog na ito, sa simula't sapul na pag-isipang gawin, ay ang balikan ang nakalipas na araw, sulyapan ang panahong nagdaan, upang kahit sa ilang saglit ay muling dumaloy sa mga ugat ang lakas at sigla ng isang kabataang puso at damdamin, kasama na ang layuning mailarawan sa ibang makababasa kung paano tayo mag-isip, gumalaw, umibig... noon!

Monday, April 16, 2012

INABANGAN NOON !!! ABANGAN NGAYON !!!




ABANGAN NGAYON !!!
Ang Inabangan Noon !!!

Mahirap Ba Akong Mahalin? Itinanong mo na ba iyan sa iyong sarili? Nang ang iyong minamahal ay waring walang pagtatangi sa iyo?


BITAG


BITAG

ISANG panaginip. Magkatabing hanay sa loob ng isang silid-aralan. I'm Alma Reyes, from Bulacan. At siya. Noel Santiago from Bulacan. Kababayan, aniya. At si Alma ay isang puting bulaklak. Busilak. Walang malay. Nakangiti. Kumakaway. Noel... Noel...

“Noel, gising na. Tanghali na.”

At sa unang mulat ng kanyang mga mata, ang mukhang nakatunghay ay ang nakangiting si Alma. Ngunit bago nagkahugiis ang pangalan ni Alma sa kanyang mga labi ay lubusan na siyang nagising. Ang mukha ay si Lorna. Ibinaba niya ang kanyang panngin. Ang katawan ay kay Lorna. Ang nasa loob ng sinapupunan nito ay sa kanila.

Sa unang pagkakaton sa kulang-kulang na pitong buwang ipinagsama nila ni Lorna, banyaga, hindi niya mabigyang-paliwanag ang damdaming naghari sa kanya.

Nakaraan ang maghapon at gabi na naman. Sa pagkakaupo sa sopa ay dahan dahang tumayo si Lorna. “Inaantok na ako. Ikaw, di ka pa ba matutulog?”

Hinatak ni Noel ang kanyang kamalayan sa pinapanood na serye sa telebisyon. Tiningala niya si Lorna. “Sige, mauna ka na. Tatapusin ko lang ito.”

Tumalikod si Lorna at tinanaw ni Noel ang marahan, uuyad-uyad na paglakad nito, sapo ng kaliwang kamay, hinimas-himas ng kanan ang tiyan. Pagkapasok ni Lorna sa silid-tulugan ay muling ibinalik ni Noel ang mga mata sa pinanonood. Siya ay binabagabag ng kakaibang damdaming nadarama. At tukso ang mga gunita.

Siya at si Alma. Kaytagal na magkasintahan. Saka dumating si Lorna. Ang ganda ay mula sa malawak na kaalaman. Mapagbasa. Mapagmasid. Isang mag-aaral sa kalikasan ng tao. Iba ang taglay na pang-akit. Matapat. Prangka. Turol kung mangusap.

Kayo ni Alma, hindi pa kasal, pormal si Lorna nang ito ay sabihin.

Anong ibig mong mangyari, pabiro ang sa kanya.

Ikaw ang tipo ko, Noel. Try me. Subukin mo ako. No strings.

At sinubok niyang maging girlfriend si Lorna. All the way. Hanggang doon. At yaon ang magandang bitag na bukas ang mga matang pinasok niya. At naiwan mang bukas ang pinto ay hindi na niya nakuhang lumabas. Nagpasiya man siyang makawala ay nagdalawa na ang kanyang kalooban. Ang alay niyang pagtatanan kay Alma ay tinanggihan nito. At sila ni Lorna ang ikinasal.

Ngunit kung gagawing simple ang mga pangyayari, kung tutuusin, siya, si Noel ay pinikot lamang ni Lorna. Pinikot lamang. Sa isang subtle na pamamaraan. Mulat ang mga matang napikot. Walang shotgun. Walang karahasan. At ang magic word, no strings. Walang tali. Kung sa kabila ng lahat ay si Alma pa rin ang mahal mo, ang pagpapasiya ay nasa iyo.

Walang tali. Ngunit siya ngayon ay nakagapos.

Ang nakalipas nila ni Alma ay isa nang saradong aklat. Nang ipasiya niyang sundin si Alma at panagutan ang nangyari sa kanila ni Lorna ay sinikap na rin niyang kalimutan ang nakaraan. Mainam ang naging pagsasama nila ni Lorna. Maligaya ang mga araw. Nang sa kanyang telepono sa opisina ay may naligaw na tinig. Noel.

Si Alma. Si Alma ay hindi pa nakalilimot. Si Alma ay nangungulila. Muli't muli ay tumatawag. Hanggang isang araw, hiniling na sila ay magkita. Ang walang malay, busilak, puting bulaklak na si Alma at ang iniaalay nito.

Pinakamamahal kita, Noel. Kung paano at kung gaano ka minahal ni Lorna noon, magagawa ko rin ngayon. At walang tali.

Ang unos sa kanyang dibdib ay kanyang pinayapa. A, hindi niya magagawa. Kahit naghuhumiyaw na makaalpas ang damdaming kaytagal niyang inalagaan sa buong panahon ng pagsisintahan nila ni Alma. Damdaming nagkaroon ng katuparan sa katauhan ni Lorna. Ng makabagong si Lorna.

Sa pagkakataong ito, kataliwas nang nangyari sa kanila noon ni Lorna, siya ay naging matatag. At naghiwalay sila ni Alma. Talos niyang napayapa na rin niya ang damdamin ni Alma. Nakahanda na si Alma sa paglimot sa kanya.

At sa tanong ni Alma kung bakit siya tumanggi sa walang taling alay, ang sagot niya ay ang katotohanan lamang.

Pinakamamahal kita... kaya....

Ang alaala ng huling pagkikita nila ni Alma ang nagpatingkad sa pangit na katotohanan sa buhay nila ni Lorna ngayon. Pitong buwang pagsasama, bago niya ito nadama, nakita, natatap. At ang salita ay mapait ang lasa sa kanyang bibig. Napikot.


ANG paghihintay sa isisilang na sanggol ay wala nang hatid na pananabik. At hindi niya maikubli ang kawalan ng interes.

“Kung lalaki, ang gusto ko'y junior,” masayang wika ni Lorna.

Ang sagot niya ay isang kibit ng balikat. At hindi na iimik si Lorna. Titingnan lamang siyang wari ay nagtataka. Na hindi naman niya papansinin.

Sa almusal lamang sila nagkakasabay sa pagkain ni Lorna. At sa hapunan. Noon. Ngayon ay nagpapagabi na siya nang pag-uwi. Nagpapalipas ng oras sa labas. At sa kanyang pagdating, tapos nang kumain si Lorna. “Hindi na kita nahintay. Gutom na si baby,” anito, sabay tapik sa tiyan.

“Di ko naman dala ang palayok,” matabang niyang sagot.

At si Lorna ay tatalikod na lamang.

Ngunit si Lorna ay prangka, turol kng mangusap, matapat sa sarili. Isang gabi ay hindi kaagad ito natulog. Hinintay siyang makatapos nang panonood ng telebisyon. “Bakit?” tanong niya.

“Talagang hinintay kita. May gusto sana akong sabihin.”

“Tungkol sa...”

“Sa ating dalawa,” nakatalikod si Lorna. Hindi niya nakikita ang mukha nito. Ngunit hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang panunuwid ng katawan nito, ang wari ay pagtigil nang paghinga nang marinig ang kanyang sinabi. “Mag-asawa na tayo, di ba. Ano pa'ng gusto mo?”

Ang udyok na makasakit ay di na niya napigilan. “Matalino ka, Lorna. Alam mong hindi kita matatalikuran, kaya malakas ang loob mo nang iyong ialay ang sarili mo sa akin.”

Nagpalakad-lakad siya sa kabuuan ng silid. Ngunit waring tuod sa pagkakatayo si Lorna. “Tinalikuran ko si Alma...”

Ang larawan ni Alma ay naglaro sa kanyang isipan. Ang tinig nito ay waring kanyang narinig. Pinakamamahal kita, Noel. At magagawa ko rin ang ginawa ni Lorna noon. Walang tali, Noel. Walang tali...

Ang marinig ang gayong mga salita sa bibig ni Alma, may sulak ng galit siyang nadama. Galit sa sarili. Sa angking kahinaan. Sa kay Lorna. Sa taglay nitong katalinuhan.

“Noel...”

Napahinto siya sa paglakad. Si Lorna ay nakatingin sa kanya ngunit di niya mabasa ang damdamin sa mukha nito. Nakatalikod ito sa lamparang pangmesa at anino lamang ng mukha nito ang kanyang nakita. “Kaya kita nais makausap, Noel.”

At siya naman ang tumalikod. Nagpatuloy si Lorna.

“Pinakamamahal kita, Noel. Nang sabihin ko sa iyo ito, akala ko'y naniniwala ka sa akin. Nagkamali ako. Ngayon ko lamang naunawaang tanging si Alma lamang ang mag-aari ng iyong puso. Pati ang pagkaalay ko ng aking sarili sa iyo ay inari mong bitag. Isang uri ng pamimikot...”

Bigla niyang hinarap si Lorna. “Hindi ba?” Nasa kanyang tinig ang hagupit ng pananakit.

Umiling si Lorna. “Hindi! Hindi! Sinabi kong walang tali. Ikaw ang nagpasiya. Ikaw, Noel, hindi ako. At kung katuwas ng mga nangyari ang naging pasiya mo, kung hindi mo ako pinakasalan, alam mong nakahanda akong mag-isang makiharap sa buhay. Ako at ang anak... anak natin...”

“Mahal kita, Lorna,” ang putol niya. “Sinabi ko sa iyo, noon. At hindi ko itinatatuwa. Kaya kita pinakasalan. Ngunit waring... waring kulang, hindi sapat ang uri ng pagmamahal na iyon, upang...”

“Makasama ako habang buhay,” ang sapo ni Lorna.

Ang mga sumunod na sinabi ni Lorna ay hindi niya inaasahan. Bagaman at ang ganitong pasiya ay umaayon sa kalikasan ni Lorna.

Ibinibigay ko ang natitirang kaunting kalayaan mo na maisasauli ko. At ngayon na, habang wala pa siya. Siya. Ayokong ang pagsilang niya ay maging dagdag na tanikala na gagapos sa iyo at sa akin. Madadalaw mo siya at maaangking iyo. Sapagkat siya ay iyo. Bunga ng pag-ibig ko, sa iyo. Ito'y hindi ko pinagsisisihan. Ngunit ang pagpapakasal natin ay isang pagkakamali.


MADILIM ang apartment at inakala niyang tulog na si Lorna. Kumatok si Noel, una'y mahina lamang upang huwag bigla ang pagkapukaw ni Lorna. Ngunit walang sumasagot. At inapuhap niya ang susi sa kanyang bulsa.

Amoy luom ang sumalubong sa kanyang pagbukas ng pinto. Tinuunan niya ang switch ng ilaw. Hindi niya kailangang pahirin upang malamang makapal na sa alikabok ang sopa't mesa sa salas, ang ibabaw ng telebisyon, ang mga kurtina. Tuloy-tuloy siya sa silid-tulugan. Ang gulo ng kamang iniwan niya noong umaga ay gulo pa ring dinatnan niya. Ipinipilig ang ulong naupo si Noel sa gilid. Ngunit tinamaan ng kanyang paningin ang tokador ni Lorna. Malinis sa mga gamit. Wala nang rollers na maayos na nakasalansan sa isang tanging lalagyan. Wala na ang hairbrush. Ang magagandang bote ng pabango.

Wala na si Lorna. Talagang wala na si Lorna.

Hindi siya nakatanggi sa pasiya ni Lorna. Maghiwalay. Nang mga sandaling iyon na magkausap sila, naniwala siyang iyon lamang ang tanging kalutasan ng kanilang suliranin. Uuwi si Lorna sa mga magulang, magbibigay ng paunang paliwanag. At siya, si Noel, ay maiiwan muna sa apartment, siyang mag-aasikaso sa pagbebenta ng lahat ng kanilang kasangkapang naiwan. Saka na lamang sila muling mag-uusap. At magpapasabi na lamang ito kapag nagsilang na.

Dalawang buwan na silang magkahiwalay ngunit hindi pa niya binibitiwan ang pag-upa sa apartment, hindi pa nagpapaanunsiyo ng mga ibebentang kasangkapan. Dalawang buwan na siyang umuuwi sa isang ulilang apartment. Dalawang buwan nang pakain-kain sa mga restauran, papano-panood ng sine, palaru-laro ng bowling. Kalaunan, painum-inom nang kaunti, para kaagad makatulog pagdating ng bahay.

Lorna...

Humiga si Noel. At pumikit. Lorna, ang kanyang bulong. At sa balintataw niya'y naglaro ang dalawang larawan.

Pinakamamahal kita, Noel. Subukin mo ako, hanggang doon.

Pinakamamahal kita, Noel. Magagawa ko rin ang nagawa ni Lorna noon, at walang tali.

Si Lorna at Alma. At siya. Pinakamamahal kita, Alma, kaya kita tinatanggihan sa iyong iniaalay.

At muli, ang larawan ni Lorna. Malaking-malaki sa dinadalang sanggol. Ibinibigay ko ang natitirang kaunting kalayaan mo na maisasauli ko. Pinakamamahal kita, Noel. Kung uulitin ang mga pangyayari ay muli't muli kong iaalay ang aking sarili sa iyo. Ngunit tatanggihan ang alay mong pagpapakasal. Patawad, Noel... Please... remember me with kindness.


NASA labor room si Lorna. “Sa gawing iyon,” nakangiting wika ng nars.

Nakasalubong ni Noel sa pasilyo ang biyenang babae. “Magpapatawag sana ako sa iyo, alam mo na pala,” hindi ito ngumingiti, ngunit iniabot ang kamay kay Noel.

“Nagpunta ho ako sa bahay. Kakausapin ko sana si Lorna.”

“Hindi ba pwedeng ipagpaliban? Naghihirap si Lorna.”

“Inay,” inakbayan ni Noel ang biyenan. “Nais kong marinig ni Lorna ang aking sasabihin bago siya magsilang. Tungkol sa inaalaaan kong halaman. Na nangangailangan ng kanyang kalinga at pagmamahal. Kung papayag siyang muli naming bigyan ng bagong pagkakataon ang aming pagsasama. Ang nakaraan ay wala na. Ang mahalaga ay ang ngayon, Inay.”

Nagpapahid ng luha ang matanda. “Sulong na't dadalhin na siya sa delivery room.”

Sugod si Noel. Sa pagliko ng pasilyo ay muntik na niyang mabangga ang isang wheelchair, may sakay. Noel!

“Lorna,” ginagap ni Noel ang kamay ng asawa. "I love you."

May luhang sumungaw sa mga mata ni Lorna. "I love you, too."

At tumikhim ang nars na nagtutulak ng wheelchair.


Pebrero 4, 1985





Friday, April 13, 2012

Ano Ang Nangyari?


Ano Ang Nangyari?


Naging karanasan ko na, nang kasalukuyang lumalabas ang mga kwento ko sa Liwayway, na tawagan ng mga kakilala at kaibigan na nakabasa ng mga nasabing kwento at magtanong kung ano na ang nangyari sa isang partikular na karakter.
Napansin ko na parang nag-a-identify sila o nakaka-relate sa mga binanggit nilang karakter. O kaya, nagkaroon sila ng simpatiya sa mga ito, kaya interesadong malaman kung ano ba, o anupa ba ang nangyari. Na para ba namang mga tunay na tao ang mga ito. Sa madali't sabi, ano ba ang kasunod na kabanata?

Isang tinedger (noon) na sumusubaybay sa aking unang nobela ang sinita ako at nagtampo sa akin nang may nangyari sa isang binata sa aking istorya. Dahil na in love raw siya rito. Natatawa akong natutuwa.

May tumawag pa sa akin sa telepono at tinanong ako kung ano na raw ngayon ang mangyayari sa main characters sa istorya. Magkakatuluyan pa rin daw ba o talagang hiwalay na?

Kaya naman, nakagawian ko na rin ang gumawa ng kwentong nagdurugtong sa mga unang pangyayari (bagaman at hindi ito masyadong gusto ni Mang Basyong ng Liwayway. Parang wala na raw bang maikukwentong iba.) Pero, may ibang kwentong napayagan na rin.) Minsan, iniiba ko ang mga pangalan, ngunit may ilan, na hindi ko na rin binago. Mga apat siguro o limang kwento ang sinulat kong may karugtong. Dalawa na sa mga nalathala sa blog ang pwede kong sundan. Ilalagay ko na rin ang mga sinundan kwento para maging lubos ang flow ng istorya pagbabasa ninyo.

Ngayong buwang ito, abangan ang kwentong may pamagat na “Bitag”. Bago ito basahin, balikan muna ang kwentong “Pinakamamahal kita, kaya...” na nalathala sa blog noong Setyembre, 2009.

Monday, April 9, 2012

MAHIRAP BA AKONG MAHALIN?

ABANGAN! ABANGAN! ABANGAN!

MAHIRAP BA AKONG MAHALIN?


Sa kasalukuyan, inaasikaso ko na ang pagsasa-aklat ng aking nobelang MAHIRAP BA AKONG MAHALIN? Na lumabas sa Lingguhang Liwayway noong 2001-2002.

Ito ay kwento ng pag-ibig ng magkapatid na binata sa iisang dalaga.

Ng pag-ibig ng isa pang dalaga sa isa sa magkapatid na binata.

Ng isang pag-ibig na hindi naghihintay ng katugon.

Ng pagsasamahan sa isang pamilya.

Simpling kwento ng pag-ibig, ngunit may dalang salimuot na nilulutas ng mga tauhan sa nobela sa isang paraang makabubuti para sa lahat.

Inaasahan kong maaayos ang lahat sa dakong kalahatian ng taong 2012. Ito ay mabibili sa lulu.com na siyang naglathala ng aking unang aklat na Minsan, May Isang Pag-ibig. O sa aking anak, kung saan ang mga kamag-anak at kaibigan ay nag-order noon.

Tulad sa isang pelikula na may trailer o ang tinatawag nating “pakita” noong araw, ILALATHALA ko rito sa aking blog bago dumating ang paglalabas ng aklat, ang unang kabanata ng nobela. Kumbaga, isang “patikim”. Tuloy, makikilala ninyo ang mga pangunahing karakter sa istorya.


Muli, inaasahan kong tatangkilikin ito ng mga bumili at nakabasa ng aklat kong MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG na patuloy pa ring mabibili sa lulu.com.

HAPPY EASTER


JOTTINGS FROM
A DAUGHTER'S SEMANA SANTA

ACROSS THE SEAS


Our Lenten journey invariably ends in this pilgrimage to Mary's Grotto in Maryland. Each year is different. In earlier years, the girls just ran up and down the paths, discovering the mosaic pictures of the mysteries of the rosary, and the statues of many saints. This year we were able to do the Stations of the Cross, complete with prayers and some Stabat Mater. But each year, this girl's stop at Our Lady of Guadalupe marks the beginning of our pilgrimage. Just to say hello again.

Friday, April 6, 2012

Wednesday, April 4, 2012

ARE YOU HAPPY?


ARE YOU HAPPY?

Noong nakaraang buwan, may dinaluhan kaming miting/forum kung saan nirerepaso o dinadagdagan o ina-update, kumbaga, ang mga natutuhan namin sa isang seminar na kinuha, dalawampung taon nang mahigit ang nakalilipas. Nawiwili kaming dumalo sa forum na ito, kasi, bukod sa may bagong kaalaman na natututuhan, muli pa naming nakikita ang mga maituturing na ring dating “kaiskwela”.


Ang miting/forum ay sinisimulan ng aming facilitator sa pamamagitan ng paghingi o sharing ng mga “jokes”. Lahat ng uri ng jokes, lahat ng kulay, political o pampulitiko, absurd, corny, irreverent, at kung anu-ano pa. Isa lang ang hiling ng aming facilitator, kahit hindi nakatatawa, kailangang tumawa ang lahat. Dahil, napatunayan na sa isang isinagawang study na totoong “laughter is the best medicine”. Kapag tumatawa ang isang tao, nagri-release siya ng endorphins, na isang natural painkiller ng ating katawan, bukod pa sa nagbibigay ito ng pangkalahatang mabuting pakiramdam.


Ayon pa rin sa mga pag-aaral, ang pagtawa ay nagtataas ng “interferon level” ng ating immune system, tuloy tinutulungan itong labanan ang anumang sakit, bukod sa higit na mabilis na pagpapagaling.


Nakaka-relax din ang pagtawa. Nakakawala ng tension, nakakabawas ng stress. Nagiging “pleasant” ang pakiramdam, nagiging “in the mood” - sa pagtatrabaho, sa pakikipagkaibigan, o sa anupamang ginagawa.


Aba, e, nakakababa pa raw ng level ng blood pressure! Kailangan natin iyan. At alam ba ninyo kung saang lugar tayo makatatagpo ng mga katawa-tawa o katuwa-tuwang situwasyon?


Simpli lang. Sa piling ng mga dating kaiskwela at kaibigan. Makipag-reyunyon! Sa pamilya. Sa pagmamasid sa mga naglalarong bata. O kuting! O tuta! Sa pakikinig sa usapan ng mga musmos. Sa panonood ng mga sitcom sa telebisyon o pelikula ng mga paborito ninyong komedyante. Sa pagbabasa ng komiks o libro ni Kuwan... alam na ninyo kung sino.


Hindi ko malimutan ang aking Inang. Nakaupo siya sa tabi ng bintana ng aming bahay at nanonood ng mga naglalaro ng patintero sa kalsada na nasa aming harap. Mga dalawang metro lamang ang layo ng aming bahay sa bakod. Sa malaking katuwaan niya sa panonood, nahulog ang kanyang pustiso sa ibaba. Swerte na lamang na hindi nabasag o nabiyak ito. Mahusay talaga ang dentista niya. Lagi, ang gunitang ito ay nagdadala ng katuwaan sa pamilya tuwing ito'y napag-uusapan.


Lahat tayo ay may kani-kaniyang nakatutuwang karanasan na nagdulot nang hindi matingkalang katuwaan, o hagalpakan, o pigil na pagtawa (upang hindi naman mapahiya ang biktima, kumbaga.) Isang hindi ko makakalimutan ay isang sariling karanasan nang una kong pagtungo sa Amerika. Agad kong napansin na kasama sa mga batian doon, bukod sa “good morning o afternoon o evening” sa mga nakakasalubong, kahit hindi naman magkakilala, ay ang mga salitang, “have a nice day!” Na agad namang sinasagot ng binati ng mga salitang “you, too!” Siempre, mabilis kong natutuhang sumagot ng “you, too!” Isang buwan pa lamang ako roon ay bihasa na akong sumagot ng “you, too.” At... dumating na ngayon ang napipinto kong pag-uwi sa Pilipinas. Sinamahan akong mamili ng mga pasalubong ng hipag ng aking kapatid. Habang namimili ako, ikinukwento naman niya sa salesman na taga-Pilipinas ako, nagbakasyon doon, etcetera. Siempre, very attentive naman iyong Amerkano. Hanggang binalingan niya ako at sinabing “have a nice...”


Kaso, hindi pa natatapos iyong mga salita niya, ay sumagot na agad ako ng “you, too!” E, ang kasunod pala naman ng kanyang sinasabi ay “trip”. Have a nice trip! Na sinagot ko ng “you, too!” Naku, e, sa loob-loob siguro noon Amerkano, aba, e, pinagtri-trip pa ako nito! Alam ba ninyong gusto kong bumunghalit ng tawa noon din, kaso, iyong kasama ko, e, pinigil ang pagtawa niya dahil ayaw siguro akong mapahiya. Nang dumating kami ng bahay at ikwento ko ito sa aking kapatid, noon lamang po tumawa ang kanyang hipag. Dahil nakita niyang todo rin ang aking halakhak. Bait naman niya, ano po!


Ngayon, kung hindi naman ninyo type ang tumawa, baka talagang wala sa bokabularyo ninyo ang pagtawa nang malakas, iyong bumubunghalit, kumbaga, na halos mag-lockjaw ka na sa laki ng bukas ng bibig, e, di daanin na lamang ninyo sa ngiti, sa simpling ngiti, sa mahinhing ngiti. Basta at sa kaibuturan ng inyong sarili ay naroroon ang kasiyahan, ang katuwaan, ang payapang damdamin ng isang maligaya sa kanyang buhay. Okey na rin ito.


At ano naman kaya ang magpapangiti sa inyo? Na kahit nag-iisa kayo ay magbibigay sa inyo ng damdaming ngumiti? Simpli rin naman. Magpatugtog kayo ng CD ng mga lumang tugtugin ng inyong kabataan. Makinig sa programa sa radyo nina Barr Samson at Jo San Diego at ng mga katulad nila sa DZBR o 104.3 FM at ngumiti sa pagdaloy ng mga gunita ng inyong “golden years” sa himig ng mga oldies but goodies na awitin nina Frank Sinatra, Matt Monroe, Tony Bennett, Dean Martin at kung sinu-sino pa.


Para lalong mainam, kung mayroon kayong stationary bike, sabayan ninyo ito nang pagbibisikleta. Nakaka-exercise na kayo, nakaka-reminisce pa nang hindi nakatanga lamang at mapapangiti pa habang binabalikan sa alaala ang mga panahong “yaon” na hindi naman ninyo maibabahagi o maikukwento sa kasalukuyan ninyong partner sa buhay ngayon.


O kung wala kayong bisikleta, ang patugtugin naman ninyo ay iyong non-stop na cha cha at kahit mag-isa kayo, e, birahan na rin ng sayaw. Menos pa sa DI. Imagine na lang na kasayaw ninyo, kung sinuman iyong nais ninyong makasayaw. Nakaka-exercise na rin, masaya pa!


Okey ito, di ba? Kaya, sige...







A Time for Everything: A Timely Advice to Seniors


A Time for Everything:
A Timely Advice to Seniors


Sa isang kwentuhan, may binanggit na obserbasyon ang isang senior: Sa puntong ito raw ng ating buhay ito na lamang ang mga pangyayaring nagaganap sa atin -

-pa-tsek ap sa ospital; bumili ng gamot sa Mercury; withdraw ang pension kung mayroon man, mamalengke kung kaya pa, dumalaw sa maysakit na kaibigan o kamag-anak, makilibing sa namatay, makipag-siyam sa namatay, makipag-40th day sa namatay, makipag-ibis luksa sa namatay, sumalubong sa airport, maghatid sa airport...

Nakisagot naman ang isang kaharap: Iyan ang "half-full" na baso, kumbaga. Ito ang tingnan natin na nangyayari rin ngayon -

-retirado na tayo, pwede nang matulog sa umaga hanggang gusto, sa mga relihiyoso, magsimba araw-araw, kahit maliit ang pension, may tinatanggap at kung wala, naaabutan rin ng mga anak, pandagdag sa sariling ipon, may 20% discount sa gamot, sine, restaurant, may mga apong nakatutuwa na nagbibigay ligaya, madalas ang mga reyunyon na dinadaluhan - silver jubilee, golden jubilee, at kung sinuswerte, diamond jubilee, pampamilyang salu-salo, birthday celebrations ng mga septuagenarian at octogenarians, silver at golden wedding anniversary ng mga kaibigang mag-asawa, at napakarami pang bagay na magagawa na ngayon, bukod sa pinakamahalaga. Sa puntong ito, siguro naman ay kilala na natin ang ating mga sarili - ang ating kahinaan at kakulangan na dapat punan bago dumating ang sandaling sasapitin ng lahat ng nilalang - Sa Dako Pa Roon!

Noon ko naalala ang paborito kong talata sa Ecclesiastes na binanggit ng aking panganay na kapatid nang magpasalamat siya sa mga nakiramay sa pagyao ng aming Amang noon. Ito ay ang bahaging "a
time for sorrow and a time for joy, a time for mourning and a time for dancing." Narito ang kabuuan:

Ecclesiastes 3

Everything that happens in this world happens at the time God chooses,

He sets the time for birth and the time for death,
the time for planting and the time for pulling up,
the time for killing and the time for healing,
the time for tearing down and the time for building.

He sets the time for sorrow and the time for joy,
the time for mourning and the time for dancing,
the time for making love and the time for not making love,
the time for kissing and the time for not kissing.

He sets the time for finding and the time for losing,
the time for saving and the time for throwing away,
the time for tearing and the time for mending,
the time for silence and the time for talk.

He sets the time for love and the time for hate,
the time for war and the time for peace.

What do we gain from all our work? I know the heavy burdens that God has laid on us. He has set the right time for everything. He has given us a desire to know the future, but never gives us the satisfaction of fully understanding what he does.

So I realized that all we can do is be happy and do the best we can while we are still alive. All of us should eat and drink and enjoy what we have worked for.

It is God's gift.