Wednesday, February 22, 2012

2012 SARI-SARING COMMENTS


2012 SARI-SARING COMMENTS


Matagal na ring hindi ko nailagay ang mga comments at feedback kong natanggap sa aking blog. Nito na lamang natutuhan kong puntahan ang listahan saka ko nakita na 2010 pa pala iyong ibang sulat sa akin. Ang nailagay ko lamang sa blog ng taong iyon ay iyong tinatanggap ko sa aking email. Iba pa pala iyong nasa loob ng blog mismo. Paumanhin, mga kaibigan, sabi nga sa Amaya. Paumanhin!

Narito ang isa:

Salamat for mentioning the name of My Father, the former Rafael C. Yabut. I was searching for him on the internet and I came across your blog. You are absolutely correct about his playing Christmas songs starting the 1st of September... I am thankful that my father has touched your life in a way. I didn't expect that I would find here in the internet someone like you who remembers him fondly, thank you. It is well appreciated... By the way, Ms. Estrella, my name is Jecri Yabut. I am Mang Paaeng's youngest daughter. It is my pleasure to meet you... jecri yabut on christmas sharings – paeng on 9/13/10.

Ay, Jecri, ang iyong ama ay isa nang institusyon! Sa aming henerasyon at kahit sa mga sumunod pa, walang hindi nakakakilala sa kanya, natitiyak ko. Kahit kailan na napag-uusapan ang masasayang araw ng aming kabataan, kakawing nang lagi ang pangalan ng iyong ama, Rafael C. Yabut! Ang kanyang tinig ang gumigising sa amin sa pagsikat ng araw. Jecri, ikinagagalak ko ring nakilala ka. Sana ay patuloy kang sumubaybay sa aking blog, sapagkat ang mababasa mo rito ay mga kwentong binubuhay ng mga nilalang ng isang natatanging panahong kinabibilangan ng iyong ama.

Parehong-pareho tayo ng Pasko nung musmos pa ako sa Malabon :) by susan on Isang Sulyap sa Pasko ng aking Kamusmusan, 9/14/10.

Hi, Susan! Hindi naman malayo ang Malabon sa Malolos. Kaya hindi kataka-takang mayroong mga tradisyon na nagkakapareho. Ngayon nga, kahit sa abroad, dinadala ng mga Pilipino ang mga kaugalian natin. Ang simbang-gabi ay ginagawa na rin nila sa mga piling parishes na maraming Pilipino. Ang family reunion kung Pasko. Sa mga Amerkano, ang Thanksgiving ang big deal sa kanila, ngunit para sa mga Pilipino, Pasko pa rin ang tampok na pagdiriwang ng isang taon. Nitong nakaraang ngang Pasko, ang mga mag-aaral (Fil-Am) ng Paaralang Pinoy sa Virginia kung saan volunteer teacher ang aking anak, ang mga bata ay tinuruang gumawa ng parol. Ang galing, di ba?

haha! Natutuwa po ako sa blog ninyo lalo na sa kwentong biyenan! Sana po makabisita rin kayo sa blog ko at mag-iwan ng comment kung nais ninyo! :) Kwentuhang Biyenan on Kwentong Biyenan at Manugang 6/7/11

Hahaha rin sinu ka man! Tiningnan ko rin ang Kwentuhang Biyenan mo. Naku, naughty ka, ha! Noong kapanahunan namin, medyo marami ngang kaso ng mga monster-in-law. Awa ng Diyos, masuerte ako rito. Open kami sa isa't isa ng aking biyenan, nasasabi ko sa kanya ang aking nasasaloob kahit medyo salungat sa pinaniniwalaan niya. Siempre, magkaiba rin ang panahong nilakhan namin, higit silang makaluma. Pero, bukas naman ang kanyang isipang makinig. Ngayon naman, tinitingnan ko ang aking anak at ang kanyang biyenan. Mas iba ito, magkaiba pa ng kultura at tradisyon, pero tingin ko'y okey naman sila. Alam mo naman, iba na rin ang mga kabataan ngayon... assertive, independent... hindi ba?

Maraming salamat po sa inyo. Isa rin po akong manunulat ngunit pambahay lang. Dahil po sa ambag ninyo, nakakuha ako ng mga gagamitin sa aking kinakathang nobela. Sana makapagbigay din ako ng mga 16th at 18th century tagalog. By Rania Faris on Talasalitaan ng mga Tagasubaybay on 2/9/12

Wow, Rania! Nagsusulat ka rin pala, pero bakit pambahay lang? May isa akong kaibigan na tulad mo, nagsusulat din, hindi nga lamang nobela, ngunit mga kwento, na wari ay wala naman siyang balak ipalathala. Kamakailan ay ipinabasa niya sa akin. Maganda, sabi ko at sa kaunting pagsasaayos, magiging smooth ang flow ng kwento. Tinanong ko kung gusto niyang ilagay ko ito sa aking blog, parang sharing, dahil, sa tingin ko, may bahid ng katotohanan ang nilalaman nito. Payag siya.

Nabanggit ko lamang ito dahil nabanggit mo na pambahay lamang ang ginagawa mo. Believe nga ako na nobela na ang sinusulat mo. Bago ako nakagawa ng nobela, ilang dekada na akong nagsusulat ng kwento. Isang manunulat sa Liwayway ang nagsabi sa akin nang sabihin kong hindi ako marunong gumawa ng nobela, takot ako, na “madali lamang ang sumulat ng nobela, basta at may buo ka nang ideya sa iyong ulo, alam mo na ang iyong gustong iparating sa iyong mambabasa.”

Ang una kong nobela, Sa Pag-ibig, Parehas ang Laban, ay nalathala noong 1989-1991. Sa hinaharap ay balak kong isaaklat ito. May kahabaan ito, kasi ay nagmula sa kabataan ng mga karakter hanggang sila ay magkapamilya. Tatlo pa lamang ang nobelang nagagawa ko, dalawa ang nalathala na at masasabi kong paborito ko silang lahat. Noong araw, inanyayahan na akong magsulat ng mga romance novels, pareho ng mga nabibili ngayon, ngunit waring hindi ko kaya ang magsulat ng isang nobela isang buwan. Love stories din ang tema ng aking mga nobela, ngunit masasabi kong kapag nabasa ito, kahit paano ay may matatandaan ang bumasa. Kaya ko nasabi ito ay dahil sa isang nakarating sa aking feedback, thru my son, sa isang nakasama niya sa isang seminar sa Mowelfund, na kaya raw siya nahilig sa sining ay dahil nasubaybayan niya ang aking unang nobela. At isa pang nakadaupang-palad na guro sa Bulacan State University na verbatim na inulit niya sa akin ang confrontation dayalog ng aking mga karakter sa isang eksena sa nobela. Nakatataba ng puso, di ba?

Kaya, Rania, ituloy mo...

Salamat po sa artikulo. Maaari po ba kayong maglathala ng artikulong tungkol sa harana. Salamat po ulit. Anonymous on kundiman 12/30/11

Dear Anonymous: Kapag nabasa ito ng tagasubaybay kong si Rollie na masipag maghalungkat ng mga samu-t saring impormasyon, makaaasa kang may mailalathala akong artikulo tungkol sa harana. Kaya sige lamang sa pagsubaybay, marami ka pa namang mababasa ritong iba. Salamat sa pagsulat.

Mga Komentaryo sa Kwento:

Minsan May Isang Barkada (ruby) nakapanghihinayang. Sana, kinausap na ni Ben si Manding. Nag-usap sila bilang magkaibigan, bilang magkabarkada, sayang na pagibig. 2/14/12

Labinlima Lamang, Ibig nang Mag-asawa, Ang tunay na pagmamahal ay walang hangganan. Ang nakaraan ay tapos na, bahagi lamang ng isang kahapon at sa aking palagay ay hindi dapat makaapekto sa isang tunay na damdamin. Hanga ako kay Leni dahil naging matapat siya kahit ang naging kapalit ay ang pakikipaghiwalay niya sa taong natutuhan na rin niyang mahalin. Makakatagpo rin siya ng isang lalaking mamahalin siya ng buong buo, walang pasubali, dahil ganuon ang tunay na pagmamahal, 2/14/12

Hi, Ruby! Napansin kong nasa archive ka, dahil luma ang mga kwentong binabasa mo. Well, iyan naman ang purpose ng aking blog, ang makapagdulot ng kaaliwan sa mga sandali ng pamamahinga.

Natatandaan ko pa na sinabi mong umabot ka ng madaling-araw dahil tinapos mo sa isang upuan ang pagbabasa ng aking librong Minsan, May Isang Pag-ibig. At sa mga sumunod na pagkakataon ay inulit mo pa nang inulit. Ang masasabi ko lamang, hindi ka nag-iisa sa iyong ginawa. Kapag may kinanting alaala... dahil sa isang dayalog na lubhang pamilyar, parang ikaw at siya... sinuman siya... parang inaanyayahan kang muling basahin ang kwento, baka maiba ang ending! Smile...

Pwera Biro, Ha, 6/11/10 – Ay, salamat at the story ended the way I wished it would. Siguro totoong pinapapala ang mga marunong magtiis. Emma

Sapagkat Ganyan ang Pagibig, 10/14/10 - Buti na lang natauhan si Lea before it is too late. Love should be an equal give and take proposition between partners. In this case, Tony does most of the giving and Lea the taking. Emma

Iyon ba ang definition mo ng “love”? An equal give and take proposition? Kaya ba?

Valentine Araw araw, 2//8/11 –Lekat pala si Orly, sobra ngang maalalahanin. Sa lahat pala ng babai ay ganyan siya. Mabuti at natauhan si Linda. Kung hindi, nakatengga siya sa Valentine. Masaya na ang mga misis, basta kasama nila ang asawa sa Valentines Day at sa lahat ng okasyon. Claire, 2/18/11

Pag-ibig sa Araw ng mga Puso, 2/12 -Ang sweet sweet naman ng ending...Happy pa rin ang dalawa. Matutuwa na si Enrile; sabi nga niya: "Gusto ko happy kayo". Claire

Happy naman tayo, di ba?

Sa inyong lahat, muli, magpadala kayo ng inyong feedback. Kwentuhan tayo. Kahit sa panulat lamang... (wow, parang noong araw...)



No comments:

Post a Comment