Thursday, February 9, 2012

BODA DE PLATA, BODA DE ORO



BODA DE PLATA,
BODA DE ORO


Ngayong buwan ng mga puso at pag-ibig, ano pa kaya ang paksang magandang pag-usapan kundi ang mga pag-asawahan at pagsasamang umabot ng maraming taon. Tayong mga nagtapos sa high school at kolehiyo, ipinagdiriwang natin ang ating silver at golden jubilee. Na kung iisipin, no sweat ang dami at tagal at haba ng panahong involved sa mga selebrasyong ito, kasi, hiwa-hiwalay ang buhay natin. Hindi tayo magkakasama sa bahay, bihi-bihirang magkita-kita. Ngunit sa isang pag-asawahan, na gabi't araw ay magkasama, magkatabi sa pagtulog, magkasalo sa pagkain, dinaratnan ng lahat ng uri ng problemang pampamilya, ang makatagal nang dalawampu't lima o limampung taon ay maituturing talagang kahanga-hanga.

Naalaala ko ang aking mga magulang. Natatandaan kong ipinagdiwang nila ang kanilang silver at ruby anniversary, ngunit nang darating na ang kanilang golden ay tumutol ang aking Amang. Kasi raw, lahat ng kakilala niyang nagselebra ng golden anniversary ay hindi naglaon at namatay. Siempre, tigas naming kapapaliwanag dahil gusto naming ipagdiwang nila ang nasabing okasyon. Sabi ko lang, lahat ng tao ay namamatay. Bago ikako may iburol sa aming bahay, mabuti na iyong may masayang pagdiriwang munang maganap rito para may maliligayang alaalang mapagbabalikan. Ganoon kami mag-usap sa aming bahay, medyo may pagka-democratic. Napahinuhod naman sila at tunay na naging napakasaya ang nangyaring pagdiriwang. At ang kanyang pinangangambahan ay hindi nangyari.

Nang nakaraang buwan, nagbalik-bayan ang kapatid kong naninirahan sa California. Umabot na rin silang mag-asawa ng limampung taon at ninais nilang ipagdiwang ito na kasama ang mga pamilya at kaibigan. Habang sila ay nasa abroad, ang ginawa nila ay ang magkaroon ng mumunting salu-salo sa iba't ibang lugar doon, imbitado ang iba't ibang grupo ng kaibigan at kamag-anak. Panghuli dito sa Pilipinas kung saan hiwa-hiwalay rin ang ginawa nilang pagdiriwang.

Sapagkat kami ay pamilya ng mga may pusong artista, gumana na ang isip ng mga frustrated choreographer at scriptwriter sa amin para sa isang surprise presentation. Gumawa ako ng script kung saan nagbalik-renewal of vows kami. Ang pamangkin kong si Joy na isang event coordinator ang namahala sa programa.

Visualize: ang emcee sa kanyang opening statement tungkol sa couple of the evening; then isang rolyo ng red crepe paper na inilatag sa damuhan, ala red carpet; a cute apo sa tuhod na flower girl, nagsasabog ng petal sa daraanan; mga apo, pamangkin at kapatid na isa-isang nagbigay ng long stemmed red roses sa “bride”; the clan chanteuse singing “Ikaw”; the recitation of the marriage vows by a grandnephew; songs and dances presented by apos and pamangkin, with the grand finale of a piano playing by the matriarch (oldest sister) of the family na sinabayan ng dance steps ng more than a year old great grandson to the delight of everyone, capped by cake cutting. It was lovely!


Nais ko ring banggitin dito ang pagkikita-kita ng aming barkada sa Malolos na nakipagdiwang rin sa kanilang anibersaryo. For the longest time, hindi man nagkabalitaan ang kapatid ko at ang mga kaibigan naming ito. Kaya inayos kong magkasama-sama kami sa isang pananghalian sa Fortune Restaurant sa may crossing ng Malolos, katabi ng Max's, sunod ay umuho kami sa lumang bahay namin sa Sabitan at doon ay nagkantahan ng mga lumang awit ng aming kabataan, sa saliw ng gitara ng anak ng isang kabarkada. Nasaan na ang mga taong nagdaan? Parang kahapon lamang...

Ganyan siguro ang pagmamahal... ng isang mag-asawa... ng magkakapamilya... ng magkakaibigan. Tutulayin ang panahon, pagkahaba-haba man nito. At tulad nang paboritong panghuling pananalita ng aking Amang sa mga sulat niya sa aking Inang noon, ang mananatili at ang maiiwan sa atin ay –

...sariwa't matamis na alaala...


Muli, nais kong ilagay rito ang paborito kong sonnet CXVI ni Shakespeare tungkol sa pag-ibig:

Let me not to the marriage of true minds
Admit impediments. Love is not love
Which alters when it alteration finds,
Or bends with the remover to remove.
O no! it is an ever fixed mark
That looks on tempests, and is never shaken;
It is the star to every wandering bark,
Whose worth's unknown, although his height be taken.
Love's not Time's fool, though rosy lips and cheeks
Within his bending sickle's compass come;
Love alters not with his brief hours and weeks,
But bears it out even to the edge of doom.
If this be error and upon me proved,
I never writ, nor no man ever loved.

Sa kwento ng pag-ibig sa buwang ito ng Pebrero, ganito ba kayo?

No comments:

Post a Comment