Monday, February 13, 2012

PAG-IBIG SA ARAW NG MGA PUSO


PAG-IBIG SA ARAW NG MGA PUSO


TUMUNOG ang telepono sa katabing mesa ni Noemi. Bago sumagot si Ramon ay tumingin muna kay Noemi. Umiling ang dalaga. At iiling-iling rin na sinagot ni Ramon ang telepono.

“Hello, 'oy, Danny. Si Ramon ito. Si Noemi? Wala, e. Tumawag ka na lang ulit. Okey. Welcome. Bye...”

ibinaba ng binata ang telepono at hinarap si Noemi. “Si Danny, tatawag daw ulit.”

“Uuwi akong maaga. Mag-a-undertime ako,” nagsimulang magligpit ng kanyang hapag si Noemi.

“You're running away from him,” usig ni Ramon. “Akala ko ba, there's nothing between you.”

“Talaga naman. Friends lang, magkaibigan.”

“As far as Danny is concerned,” agaw ni Ramon.

Huminto sa ginagawa si Noemi. “Ako ang may diperensiya. Nagbakasakali. Pagkakaibigan na mauwi sa pag-iibigan.”

“Ibig mong sabihin, in love ka.”

Kumibit ang balikat ng dalaga. “Ewan. Siguro. Hindi ko alam.”

Umiling si Ramon. “Malaki nga ang problema mo.”

“Sa palagay mo, hindi maaaring mangyari sa 'yo 'yan? May gusto ka, hindi ka naman gusto?” balik ni Noemi kay Ramon.

Si Ramon naman ang nagkibit ng balikat. “Lalaki ako. I can make my moves. Paiibigin ko siya...”

Naisip ni Noemi, babae nga siya at hindi niya magagawang gumawa ng unang hakbang. Pero higit na malaki nga ang problema niya kapag kinausap pa niyang muli si Danny. Dahil wala na naman silang pag-uusapan. Kung bakit natapat nga lamang sa panahon ng valentine ang lahat. Kung sabagay, marapat nga sigurong sa araw ng mga puso matapos ang kung anumang namagitan sa kanila ni Danny. Dahil araw ng mga puso nagsimula ang kanilang relasyon, kung matatawag nga itong relasyon.

Ang puno't dulo ng lahat nang ito ay si Elsa, ang kanyang kaibigan at dating kamag-aral sa kolehiyo. Kasintahan nito si Danny. Isang buwan bago dumating ang valentines day ay biglang nakipagkalas dito si Elsa.

“Pambihira ka talaga,” paninisi niya sa kaibigan. “Kung kailan malapit na ang valentine saka ka nakipag-break.”

Nagkibit ng balikat si Elsa, ngunit hindi siya maawat. “Paano ang wedding plans ninyo?”

At parang bata siyang pinagpaliwanagan ng kaibigan. “Iyon na nga ang dahilan. Nagsimula nang magplano tungkol sa kasal si Danny at hindi pa ako handa. Hindi pa sigurado sa sarili. I just want to be fair.”

Nanghihinayang talaga siya sa relasyon ng dalawa. Para sa kanya ay good catch si Danny. Guwapo. Matalino. Good family. Magandang hanapbuhay. Ngunit hindi naman niya masisi si Elsa. Para daw may kulang. May hinahanap na wala. Naisip lang niya, siguro, hindi talagang in love si Elsa kay Danny.

Nang bigla ba namang dumating sa kanilang bahay si Danny nang araw na iyon ng mga puso. Naisip niya, nalulungkot si Danny. Walang mapuntahan. At komo siya ang best friend ni Elsa, siya ang naisipang dalawin.

Coke at gelatine na hugis puso ang inihain niya sa binata. “Nag-abala ka pa,” malungkot pati ngiti ni Danny.

“Alam kong pupunta ka rito,” biro niya, gusto niyang patawanin ang binata. “Dahil loveless ka, e, loveless rin ako. Hindi ba, misery loves company?”

Matagal na hindi nakahuma ang binata. At gusto niyang matunaw sa kinauupuan. Mali. Mali ang kanyang sinabi. Napaka-tactless niya. Sabi nga ni Ramon, irrepressible. Nang bigla nagsalita si Danny. “Pwede bang itanong kung bakit mo nasabing loveless ka?”

Nais niya, samantalahin na ang takbo ng usapan. Higit na mahirap kung hindi sila mag-usap. Nginitian niya ang binata. “Simple lang, Danny. Hindi ko gusto iyong mga nanligaw sa akin noon, kaya sinabihan kong tumigil na sila.”

Gusto sana niyang itanong ni Danny kung ano ang kanyang tipong maging kasintahan, ngunit hindi ito nagtanong. Hindi na lang siya kumibo.

Minsan isang buwan, napapasyal ang binata sa kanila. Minsan isang linggo, tumatawag sa telepono. Kung anu-ano lang naman ang napag-uusapan nila.

Sa opisina, buong akala ng marami ay kasintahan niya si Danny. Mahaba namang istorya kung ikukuwento pa niya. Pero si Ramon, alam ang lahat. Sounding board niya ito. Tagapayo rin. At devil's advocate.

Sabi ni Ramon. “Ang relasyon ninyo ni Danny, open. Maraming loose ends. Sa dakong huli, ikaw ang masasaktan.”

Tumutol siya. “Wala namang namamagitan sa amin. Strictly platonic.”

Lakas ng ungol ni Ramon. “No such animal. At granting platonic si Danny, e, ikaw. You're falling for him...”

Hanggang lumipas ang mga araw. Patuloy si Danny sa minsan isang buwan na dalaw at minsan isang linggo na tawag sa telepono. Ngunit ang standard nilang batian ni Danny, kapag sila'y nagkikita ay kumusta ang loveless. Na sasagutin ng heto, loveless pa rin...

Na isang araw, ilang linggo bago dumating ang ikatlong valentine sa kanilang buhay, ay may nabago. Sa kanyang kumusta, iba ang isinagot ni Danny. Heto, hindi na loveless... I met someone... may valentine na ako...

At wala siyang nasabi kundi siyanga, mabuti kung ganoon. I'm very happy for you.


IKAANIM ng gabi nang makarinig ng doorbell si Noemi. Ang unang tunog ng doorbell ay may dinalang pagtataka. Si Danny? Agad pumasok sa kanyang isip. Siya ba ang valentine na sinasabi nito? Sinilip niya ang gate. Laking gulat niya. Si Ramon. At may bitbit na kahon. Sugar House.

“Happy Valentine, Noemi,” nakangiting wika nito, sabay abot ng dala.

“Happy Valentine?” tumaas ang kanyang kilay.

“Kung ayaw mo, e, di condolence. Hindi ba loveless ka ngayon?” at tumawa si Ramon.

Tumawa rin si Noemi. “Salamat sa dala mo, Ramon, pero bakit ka naligaw?”

Nagpormal si Ramon. “Tumawag ulit si Danny. Sabihin ko raw sa iyo na he's been trying to reach you, laging wala ka, hindi ka naman makausap sa telepono. Ang message niya, Happy Valentine daw. At maraming salamat.”

Kumunot ang noo ni Noemi. “Maraming salamat?”

“As there are no secrets between us daw, Danny has that impression na matalik tayong magkaibigan, sa akin na niya ipinagtatapat na napakalaki ang tulong na nagawa mo sa kanya sa panahon ng kanyang pangungulila kay Elsa.”

Sinalubong ni Noemi ang mga mata ni Ramon. “Thank you for the message. At Happy Valentine rin sa iyo. But don't let me detain you.”

May pagtutol na lumarawan sa mukha ni Ramon. “Pero Noemi. Ikaw talaga ang sadya ko. Valentines day ngayon. Araw ng mga puso. Ayokong isipin mo o madama mo na loveless ka dahil wala na si Danny.”

“Talagang wala naman siya sa buhay ko. Kaibigan lang...”

“Na ngayo't wala na si Danny, e, wala ka nang kaibigan...”

“Ba't ako mawawalan ng kaibigan, e, nariyan ka naman...”

“Higit pa sa pagiging magkaibigan lamang...Noemi. Higit pa...kalaunan. At nakahanda akong maghintay,” seryoso si Ramon nang magsalita, ni hindi nakangiti.

Walang mahagilap na sagot si Noemi. Nabigla siya sa narinig. Biglang napatayo. At ang tanong. “Miryenda?”

Napangiti na si Ramon, tumango. At lumabas ng kusina si Noemi habang sa kanyang isipan ay sumagila ang himig ng isang lumang awit.

It's the wrong time... and the wrong place, though your face is charming , its the wrong face, its not his face, but such a charming face and it's alright with me.

Wala na si Danny. Ngunit narito si Ramon. Isang kaibigan na gumagawa ng unang hakbang. Sumingit sa kanyang alaala ang sinabi nito noon. Lalaki ako. I can make my moves. Paiibigin ko siya...

May sumunong kasiyahan sa kanyang puso... at kanyang nadama... it's alright with me. Kumibot ang kanyang mga labi sa mahinang pag-awit...

You can't know how happy I am that we met... si Ramon ... kaibigan ngayon... ngunit kalaunan, sabi nga nito...

There's someone I'm trying so hard to forget, si Danny...

it's the wrong game and the wrong chips, ngunit okey na ang lahat. Kaya pala hindi si Danny... si Ramon pala... si Ramon... oh, it's alright with me...


Liwayway, February 16, 1987


Reflection on a poem by Spencer Michael Free

"'Tis the human touch in this world that counts,
The touch of your hand and mine,
Which means far more to the fainting heart
Than shelter and bread and wine;
For shelter is gone when the night is o'er,
And bread lasts only a day,
But the touch of the hand and the sound of the voice
Sing on in the soul alway."

Minsan, sa panahon ng ating pangungulila o pagdadalamhati, ang isang pisil ng kamay, haplos ng palad, isang nakauunawang tingin, ilang piling salitang namulas sa bibig mula sa ating kaibigan... ay sapat na upang maibsan ang sakit nating nadarama.

Sa inyong lahat diyan --- walang loveless sa araw ng mga puso. Lahat ng tao ay may minamahal at may nagmamahal. Imulat lamang ang mga mata. Talasan ang pakiramdam.

HAPPY, HAPPY, HAPPY VALENTINE'S DAY



1 comment:

  1. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete