Monday, March 5, 2012

MARSO, ANG UNANG BUWAN NG TAON

aquamarine, modern birthstone of March


Daffodil. birth flower of March

MARSO, ANG UNANG BUWAN NG TAON


Ang unang buwan ng Tagsibol ay ang buwang kumakatawan sa Marso. Ito ay itinuring na siyang marapat maging buwang magsisimula sa isang taon, noong unang panahon. Sa mga sinaunang kalendaryo sa Roma, ito ang ginamit na unang buwan na pinangalanan ng Martius, bilang parangal kay Mars, ang Roman God of War. Noon, ang kalendaryo ay naglalaman lamang ng sampung buwan, kung saan ang Hulyo ay dating tinatawag na Quintilis, ibig sabihin ay panlima, at ang Agosto ay Sextilis, na ang kahulugan naman ay pang-anim. Kalaunan na lamang ginamit ang Gregorian Calendar na ang taon ay nagsisimula sa Enero.

Ang mga birthstones ng buwan ng Marso ay aquamarine at bloodstone, na nangangahulugan ng katapangan o kagitingan. Ang bulaklak na kumakatawan naman dito ay daffodil, Naaalaala pa ba ninyo ang tula ni William Wordsworth na pinag-aralan natin sa high school?

I WANDER'D lonely as a cloud
That floats on high o'er vales and hills,

When all at once I saw a crowd,
A host, of golden daffodils;
Beside the lake, beneath the trees,
Fluttering and dancing in the breeze.


Continuous as the stars that shine
And twinkle on the Milky Way,
They stretch'd in never-ending line

Along the margin of a bay:

Ten thousand saw I at a glance,
Tossing their heads in sprightly dance.


The waves beside them danced; but they

Out-did the sparkling waves in glee:
A poet could not but be gay,
In such a jocund company:
I gazed—and gazed—but little thought
What wealth the show to me had brought:


For oft, when on my couch I lie
In vacant or in pensive mood,
They flash upon that inward eye
Which is the bliss of solitude;

And then my heart with pleasure fills,
And dances with the daffodils.

By William Wordsworth (1770-1850).

Kung sa Roma noong unang panahon, ang Marso ang simula ng kanilang kampanya militar, sa Pilipinas naman, sa buwan ng Marso karaniwan nang inoobserbahan ng mga Katoliko ang Kuaresma. Sa pangkalahatan, karaniwan ding sa buwang ito nagaganap ang mga graduation sa iskwelahan – elementarya at high school. Sa mga matagal nang nagtapos ng pag-aaral, ito naman ang simula ng pagdaraos ng kani-kanilang reunion.

Sa aming klase at sa marami pang iba, may naiba na sa petsa ng pagdiriwang ng reunion. Marami sa mga nagtapos ang ngayon ay nasa ibayo na ng dagat at doon naninirahan. Dahil nasanay na sila sa magandang klima doon, marami sa mga nagbabalik-bayan ang hindi na makatagal sa init ng panahon sa buwan ng Marso. Lalong-lalo na sa mga umuuwi at dumadalaw na senior citizens, na siya namang masisipag makipag-reunion sa mga kaiskwela. Higit nilang gusto na sa buwan ng Enero o Pebrero gawin ang reunion ng kanilang klase. Nahahabol pa nila ang kaunting lamig na naiwan ng Disyembre.

Kaya ngayong buwan ng Marso, abala ang lahat sa paghahanda sa mga reunion na sa Enero o Pebrero pa ng susunod na taon ipagdiriwang.
Sa ibang mga alumni, higit naman nilang nais na gawin ang kanilang reunion sa mismong petsa ng kanilang pagtatapos sa high school. Ganito rin kami noon, Abril ang buwang pinipili namin dahil sa buwang ito kami umakyat ng entablado upang abutin ang nakabilot na “kokon band” na may taling lasong kulay green at gold na class color namin. Karaniwan nang binabalikan na lamang sa iskwelahan ang tunay na diploma.

Sa mga pagkakataon ring ito huling nagkakausap, nagkakaulayaw, nagkakakwentuhan, nagpapaalaman ang magkakaiskwela na papalaot na sa pag-aaral ng kani-kanilang “karera” sa “Menila”. Na ang mga kukunin ay “Normal” kung elementary education sa Philippine Normal College ang pag-aaralan, o “Commerce” sa PCCBA na naging UE kalaunan. O sa FEU. O steno/typing muna kung “Secretarial” sa PCC o Philippine College of Commerce, na Polytechnic University of the Philippines ngayon. O Medicine sa UST. Law sa UP. O Engineering sa Mapua. Na haharap na sa “isang di tiyak na hinaharap”, tulad nga ng nabanggit sa isinatagalog na talumpati ni Carlos P. Romulo sa kanyang “Ako'y Pilipino.”


Na sa puntong ito ng aming buhay ay natiyak na namin kung ano ang hinaharap na ito. Masasabing sa ngayon, narating na namin ang kung anuman ang nais naming marating sa aming buhay o sumapalad na kung anuman ang kapalarang ipinagkaloob ng nasa Itaas sa amin.

Sa idinaraos naming mga reunion, hindi pinag-uusapan kung ano naabot na pinag-aralan, kung ano ang pusisyong narating sa hanap-buhay, kung naging mayaman. Lagi, ang mahalaga lamang ay ang pagkikita-kita, muling pagsasama-sama, at sa mga may maituturing na “nakaraan” o “history”, ekanga, ay ang masilayang muli ang nilalang na unang nagpatibok sa kanilang puso.


Marami akong kwento tungkol sa reunion. Ngunit ang ilalagay ko ngayong Marso ay hindi ako ang gumawa. Ito ay “sharing” ng isang kaibigan.

No comments:

Post a Comment