Tuesday, March 20, 2012

KUNG MAY DARATING PA


KUNG MAY DARATING PA

Linggo, Abril --- Darating kaya siya?

Ibinaba ni Nene ang kanyang bolpen at itinuloy ang pag-aayos ng sarili sa harap ng salamin. Hindi siya nakatulog nang sinundang gabi. Bahagyang- bahagya lamang at kay aga pa niyang nagising. Excited siyang tunay. Thirty fifth high school reunion nila at tiyak niyang maraming darating. Inisa-isa raw nina Mely, Ruben, Dely at Rollie ang mga dating kamag-aral para siguradong maraming dumalo. Partikular na pinuntahan, lalo na ang mga hindi nakatapos sa kolehiyo. Kaya, disidido siyang pumunta, kahit nag-iisa dahil nasa abroad ang kanyang kabiyak. Naisip niya ito, nasa malayo, naghahanap-buhay, nagtitiis para sa kanilang pamilya. At lagi, kapag naisip niya ang kabiyak, kasunod niyang naiisip siya.

Siya na kay tagal nang panahong hindi niya nakikita. Ang huli ay may limang taon na ang nakararaan, sa kanila ring high school reunion, nang siya ay isnabin, hindi pansinin, ni hindi tiningnan kahit alam na alam niyang pagdating pa lamang nito ay namataan na siya. Si Nonong! Na Gino na ang bagong palayaw. Di nga ba kaya sila tinukso noong high school ay dahil sa mga palayaw nila? Si Nene at si Nonong!


Ang sama ng kanyang loob noon. Sa pagkikitang iyon ay inasahan pa naman niyang magkakakwentuhan sila. Magkukumustahan. Magkakabalitaan ng tungkol sa kanya-kanyang pamilya. Pero ayun nga, ni ha ni ho ay hindi siya nito inimikan. Parang hindi siya kakilala. Lumapit pa ito sa grupo nina Dely na halos katabi lamang ng kanyang kausap. Muntik na siyang maiyak. Pinigil lamang niya. Tinigasan ang kanyang loob. E, ano ba kung ayaw siyang kausapin. At noon din ay binuo na niya sa kanyang loob na mula sa sandaling iyon, kalilimutan na niya ito.

At ngayon nga, pagkaraan ng limang taon ay heto na naman sila. Reunion na naman. Tiyak, naroon ang buong barkada. Saglit, natigilan si Nene. Tinitigan ang larawang ibinabalik ng salamin ng kanyang tokador. Darating kaya siya, tanong ng kanyang puso. Nene, Nene, Nene... wari, kinagalitan niya ang sarili, at dali-dali nang tumayo at tinungo ang banyo.
Habang naliligo ay pakanta-kanta pa si Nene. Our love affair is a wondrous thing... that we'll rejoice in remembering... nang may kumatok sa pintuan ng banyo. Ang kanyang anak.

'Ma, phone. Gino raw.”

Naisip niya, wala siyang kilalang Gino at sasabihin sana niyang kunin na lang ang message nang maalaala niya si Nonong. Na Gino na ang tawag ngayon. Dali-dali, hinila niya ang kanyang bathrobe at sinabing, “Nariyan na...”

Parang may pakpak ang kanyang mga paa na narating agad ang telepono sa sala. “Hello, yes, this is Nene on the line.”

“Hi, Nene, this is Gino. Nonong, remember?”

Pagkarinig na pagkarnig ni Nene sa tinig na iyon ay bigla, parang may bumunggo sa kanyang puso. Ramdam na ramdam niya, kay bilis ng pintig nito. Parang sasabog ang kanyang dibdib. Nanginig ang kanyang mga kamay. Muntik nang nabitiwan ang telepono. Mapulang-mapula ang kanyang mukha. Alam niya sapagkat mainit na mainit ang kanyang pakiramdam sa buong katawan. Napipi siya. Nangalog ang tuhod. Napaupo sa isang kalapit na silya.

“Hi, are you still there, Nene? Si Gino ito.”

“Yes, I hear you alright. Pa'no mo nalaman ang number ko. Nasaan ka ngayon?” pinilit ni Nene na maging normal at malumanay ang kanyang pagtatanong. Hindi dapat malaman ni makutuban ni Gino ang kanyang nararamdaman ng mga sandaling iyon.

“I am a resourceful fellow. You know that. Ikaw, kumusta? Kadarating ko lang from the States. O, ano, pupunta ka ba sa ating reunion? Talagang umuwi ako para lamang dumalo dito. O, pupunta ka ba?” ulit na tanong nito.

Huminga nang malalim si Nene. “Oo. Eto nga't gumagayak na, kasama ang mga bata. Ayaw nga noong una pero nakumbinsi ko rin. Sabi ko'y gusto kong makilala nila ang mga high school friends ko.”

“Mabuti. Gustung-gusto kong makita ka, pati na mga anak mo. At palagay ko, napakarami nating pag-uusapan. It has been a long time. Sige, magkita na lang tayo du'n. Okey?” patapos nitong wika.

“Okey, see you there, bye,” dahan-dahan, ibinaba ni Nene ang telepono. Pagdating sa banyo, pagkasara ng pinto, hindi na niya napigilan ang pag-iyak. Na kalaunan ay napalakas, kaya itinodo niya ang bukas ng gripo. “God, all those years...” bulalas niya, at ang dating mabagal na paliligo ay lalo pang bumagal. Hindi na niya maampat ang daloy ng kanyang mga luha, kasabay ang daloy ng mga gunita. Na ang dala ay sugat ng mga alaala na sa haba ng panahong nagdaan, kung tutuusin ay sapat nang maghilom, ngunit para kay Nene, naroon pa rin ang kirot, hinanakit, lungkot.


MAGKAISKWELA
sila ni Nonong mula sa una hanggang sa ikaapat na taon sa high school. Sila ang pinakabata sa mga kamag-aral at itinuring na “baby” ng mga nakatatandang kaiskwela. Nasa ikaapat na taon sila nang umpisahang itukso sa isa't isa. Na ikinagalit niya. Wala pa sa kanyang loob ang ligawan. Naglalaro pa nga sila nina Linda ng piko at jackstones. Pero si Nonong ay nagsimulang maging seryoso.

Madalas, sa magkatapat nilang pagkakaupo sa loob ng klase ay nahuhuli niya itong nakatitig sa kanya. Inis na inis siya. At minsan, sinita niya ito.
“Hoy, ba't ba tingin ka nang tingin sa akin, ha? Tigilan mo nga 'yan. Nakakainis ka.”

Sagot nito. “'Sus, ikaw nga rin, tingin nang tingin sa akin. Pa'no mo nakitang tinititigan kita kung hindi ka tumitingin sa akin?”


Napikon siya. At agad tumanggi. “Itsura mo lang, bakit kita titingnan!”


“O, nagalit naman 'to. Yun lang, hindi na mabiro. Sige, hindi na kita titingnan ngayon, bukas na lang,” sagot nitong lalo niyang ikinainis.


Inirapan niya ito, may kasamang labi. “Hindi na kita kakausapin kahit kelan. Galit na tayo,” wika niya, sabay talikod.


Hinabol siya ni Nonong, humarang sa kanyang daanan, lumuhod at nagwikang, “Huwag ka nang magalit. Sige, sige, magbabait na ako.”


Para pa niyang nakikita ang nakatatawang ayos ni Nonong habang magkadaop ang mga kamay sa pangangakong magpapakabait na. Napatawa siya palibhasa ay hindi naman totoo sa loob ang kanyang galit. Pinandilatan niya. “Pangako, ha? Tandaan mo!”

“Oo, peksman, mamatay man ang kapitbahay namin,” wika ni Nonong na lalong ikinatawa ni Nene.

Iyon yata ang simula ng pinakamaligayang araw nila sa high school.

Pagkatapos ng graduation, bago sila naghiwa-hiwalay, may ibinigay sa kanya si Nonong. “Nene, pasensiya na. Iyan lang ang nakayanan ko. Alam mo naman, mahirap lang kami,” at hinawakan ang kanyang kamay, inilagay ang isang kahita sa kanyang palad. Maliit lamang ito, maliit pa sa kaha ng posporo. At magaan. Puti ang kulay. Walang balot.


“Ano 'yan? Bakit meron ka pang ganyan. Huwag na lang,” akmang isosoli niya ang kahita ngunit hindi nito binitiwan ang kanyang kamay. Kay lamig ng palad nito.


“Sige na, pagdamutan mo na. Alaala sa ating pagtatapos. Para hindi mo ako malimutan,” masuyong sabi nito.


Napatingin siya kay Nonong. Nakikiusap ang mga mata nito. At doon ay nabasa niya ang kataimtiman ng kalooban.


“'Sus, eh bakit naman kita makakalimutan, bata pa naman ako?” pabiro niyang tanong.


“Talaga, hindi mo 'ko malilimutan? Pangako?” sabik na tanong nito.

“Hindi. Basta pangako mo rin, hindi mo rin ako kalilimutan.” mataos sa kaloobang wika niya.



WARI,naalimpungatan sa pagkakatulog si Nene. May kumakatok sa pinto ng banyo. “Ma, tagal mo. Tatanghaliin tayo.”

Mabilis na lumabas si Nene. “Tapos na, 'andiyan na.”

Ngunit nagtagal pa rin siya sa pag-aayos sa kanyang sarili. Kailangang maging maganda siya. Higit na lalong maganda kaysa dati. Magkikita-kita silang magkakaiskwela. At darating si Nonong. naroon si Nonong! Parang umaawit ang kanyang puso.


Bago tuluyang umalis sa harap ng tokador si Nene, kinuha niya sa ilalim, sa sulok ng isang kahon nito, ang isang munting bote ng pabango. Bahagyang dampi sa likod ng mga tainga, sa may pulso sa puno ng kamay at naisip niya, handa na siya... nang masulyapan niya ang kanyang talaarawan.

Hinawakan ni Nene ang bolpen at muling sumulat. Tumawag siya, darating siya, magkikita kaming muli. At ngayon, mag-uusap raw kami. Ano kaya ang kanyang sasabihin? Ano ang aking isasagot? Kung magiging matapat siya sa pagsisiwalat ng kanyang nasasaloob, kailangan rin bang maging matapat ako? Sabihin ang aking nadarama? Noon? Ngayon? Hanggang ngayon?

Isinara ni Nene ang talaarawan. Isinusi. Ipinaloob sa isang tanging kahon na inilagay sa kasuluk-sulukan ng kanyang pansariling aparador.
Sa loob ng kotse, sa gitna ng pagkakaingay ng mga kasamang anak, pinabayaan ni Nene na tangaying muli ang kanyang diwa ng mga alaala ng lumipas na panahon.


TANDANG-TANDA ni Nene ang unang araw ng bakasyon pagkatapos ng graduation sa high school. Biglang dumating sa kanilang bahay si Nonong, iniimbita siya, kasama ang kanyang kapatid, sa pista sa kanilang bayan. Ang kanyang Tatang na dating may mataas na katungkulan sa kanilang bayan, bukod sa nabibilang sa angkang tinitingnan ay istrikto at hindi sila pinayagan.

Tandang-tanda rin niya ang bakas na bakas na lungkot at pagkabigo sa mukha ni Nonong nang nagpaalam ito. Inisip niya kung nahalata ni Nonong na nalungkot rin siya na hindi napayagang makipista rito. Ay, maghapon siyang nagmukmok noon. Hindi halos kumain at dinaan sa pagbabasa ng Liwayway para lamang walang kumausap sa kanya.

Sa Maynila, nang siya ay nag-aaral na at nakatira sa isang dormitoryo, nagkaroon ng pagkakataon si Nonong sa pakikipagkaibigan sa kanya. Minsan isang buwan, dumarating si Nonong at bumibisita sa kanya. Sa ibang bayan ito nakatagpo ng trabaho at talagang isinisingit ang pagdalaw sa kanya. May mga linggo na bigla na lamang itong sumusulpot. Lagi, may bitbit na tsokolate, pabango at tela para sa mga araw na itinuturing nitong espesyal. Tunay itong maalalahanin at ang linggo-linggo nitong pagtawag ng long distance call ay nagdudulot sa kanya ng tuwang ni minsan ay hindi niya naisatinig. Ngunit alam niya, nararamdaman din ito ni Nonong.

Kahit may kahigpitan din ang kanilang matron sa dormitoryo, dinaan niya sa karinyo ang pakiusap na payagan siyang lumabas mananghalian, kasama si Nonong. Ang mga ganitong sandali ay lagi niyang inaasam-asam at ipinagdarasal. Kung mababatak lamang niya ang mga araw para dumating ang sandali ng pagdalaw nito...

At siya ay nangarap. Sa lahat ng ito ay kasama si Nonong. Pagkatapos niyang mag-aral...

Sa pangalawang taon sa kolehiyo ay nagkaroon din ng iba pang tagahanga si Nene na bumibisita sa kanya. Ngunit lagi, si Nonong lamang ang kanyang hinihintay. Si Nonong na unti-unti ay parang naging makalilimutin. Ang dating regular na tawag sa telepono ay dumalang nang dumalang at ang buwan-buwan nitong pagdating ay naging minsan sa dalawang buwan. Maraming gustong itanong si Nene pero hindi niya nabigyan ng tinig ang kanyang mga katanungan. Hindi niya ito magagawa. Mamamatay siya sa hiya. Hindi ginagawa ng babae ang ganoon at magiging isang kagaspangan kapag nagtanong siya. Kinimkin niya sa sarili ang lahat ng ito. At naisip na lamang niya, siguro, mayroon na itong iba.

Ang madalang na pagdalaw ay tuluyang nahinto. Nauwi na sa hindi pagsipot. Naghintay pa rin siya. Ang kanyang talaarawan ay napuno ng mga sulat na ang benefit of the doubt ay ibinibigay pa rin niya kay Nonong. Baka abala lamang sa gawain. Baka nagkasakit.
Ngunit kalaunan, natala na rin sa dahon ng kanyang diary ito... o baka talagang meron na siyang ibang mahal...

Siya na dating masayahin ay naging malulungkutin. Hindi na siya katulad nang dati na palatawa at masigla. Tila nawalan ng buhay ang lahat sa paligid. Tuwing hapon, pagkagaling sa kolehiyo, inuutusan niya ang boy nila sa dormitoryo na magpatugtog sa jukebox sa katapat na tindahan ng There Goes My Heart at Cold, Cold Heart. Halos isang taon siyang ganito, umaasa, naghihintay. Awang-awa sa kanya ang mga kasama niya sa dormitoryo.


Hanggang isang araw ay para siyang biglang nagising. Wala na siyang hinihintay. Wala na si Nonong. At nariyan ang mga tagahanga niyang matiyagang nanunuyo, bakit siya nagtitiis? Isa sa mga rito ay araw- araw siyang inaabangan paglabas ng paaralan, inihahatid sa dormitoryo. Mabait, tahimik at maalalahanin ito. Damang-dama niya na taos ang pagmamahal sa kanya, bukod sa gusto siya ng pamilya.

Tinimbang niya ang sarili. At hindi naglaon, nahulog ang kanyang loob dito. Naging magkasintahan sila. Bumalik ang kanyang dating saya at sigla. Nagpatuloy ang daloy ng buhay. Kahit na ano ang nangyari, walang makahahadlang dito. At sila ng kanyang kasintahan ay ikinasal.
Tuluyang iwinaksi ni Nene ang nakaraan. Naging maligaya siya sa piling ng asawa at ng mga naging anak. Naging uliran siyang asawa at ina. At katulad nang dati, higit na masayahin, higit na maganda, waring hindi nagkakaedad si Nene.

Marahil, paminsan-minsan na lamang, kung sumingit sa kanyang isipan ang anino ng isang nilalang mula sa kanyang nakaraan. Ang kanyang kasalukuyan ay binubuo na ng kanyang pamilya, higit at lalo, ng kanyang kabiyak na lagi niyang kasama nang hindi pa nagtutungo sa ibayo ng dagat. Na kasama sana niya sa reunion...


Naisip niya si Nonong. O si Gino. Magkikita sila. Darating ito. Ngunit, kung tutuusin, wala naman pala siyang maraming sasabihin. Kukumustahin lang niya ito. Ano pa ba naman ang sasabihin at itatanong. Ngayon pa?



TANGHALI nang dumating sina Nene sa pagdarausan ng kanilang reunion. Marami nang tao at nagkakasayahan na ang mga dinatnan. Mabiis na hinapyawan ng paningin ni Nene ang mga naroon. Wala pa si Nonong. Naisip niya, baka naman nagbago ng isip. Baka hindi na pupunta. Nakadama siya nang panghihinayang. At lungkot din.

Ngunit bumalik ang kanyang sigla nang lapitan na siya ng mga dating kaiskwela. Kung narito lamang siya, parang hiling na bulong ng kanyang puso.
Nang buhat sa hawak na microphone, sumigaw ang emcee, announcing the arrival of our beloved classmate, Gino!

Napigil ang hininga ni Nene. Tumingin siya sa kinatatayuan ni Nonong, ni Gino, na dinudumog ng mga kaiskwela. Palinga-linga ito at nang magtama ang kanilang mga mata ay dagling kumalas sa grupo, tinungo siya at ang kanyang mga anak.
Kung walang mga tao, napaiyak na siguro siya.

Ipinakilala niya ang mga anak. “Wala si Daddy, nasa States,” sagot ng mga ito sa tanong ni Gino.


Nakita niya, makisig na makisig ito sa suot na beige na pants at dirty white na jacket na pinailaliman ng puting t-shirt. Nagbabadya ng kasaganaan at kahit naroon pa rin ang dating karos nito ay masasabing mayroon nang finesse at charm. At ang tuon ng tingin nito sa kanya ay ganoon pa rin, tumatagos wari hanggang sa kanyang kaluluwa.

Ang kamay niyang hawak ni Gino ay hinaltak ni Nene.
Tulad rin nang dati, may pasalubong na tsokolate si Gino sa kanya. At nang sila ay pauwi na matapos ang matagumpay na okasyon, sinabi nito, “It was nice seeing you again!”

Dahil bukas naman ang kanilang nakaraan ni Gino sa kanyang mga anak na malalaki na, tinukso siya ng mga ito. “Uy, si Mommy, ang saya! Sa wakas, nagkita na naman sila!”


“Talaga,” sagot naman ni Nene, Ngunit sa loob niya, parang hindi lubos ang nadarama niyang ligaya. May bahid ng lungkot na hindi niya matanto kung bakit. Parang may nakanti sa kanyang puso.

Dalawang araw makalipas ang pagtitipon, habang si Nene ay abala sa pagpirma sa mga papeles sa kanilang opisina, tumunog ang kanyang telepono.

Inangat niya ito, sabay wika, “Hello, good morning,” na sinagot agad sa kabilang dulo ng “Good morning, Nene. It's you, I know. Pwede ba kitang makausap sandali?”


Bumilis ang pintig ng kanyang puso. Si Nonong! Gino na. Na inakala niyang pauwing States na. Ngunit sa boses na lamang, sigurado na siya. At hindi siya nagkamali.
“Hi, Gino, yes, sure. What can I do for you?” pa-ingles pa niyang sagot.

“Nasa gitna ako ng isang meeting pero kailangan kitang makausap. Napakarami kong scheduled meetings, ito at hanggang sa bago ako umalis, tatlong araw mula ngayon. Pero bago ako umalis, pwede ba kitang makumbida? Gusto ko sanang magkausap tayo. Please... don't say no,” naroon ang dating tunog ng pakiusap.

Saglit na natigilan si Nene. “Sino'ng kasama natin?”

“Diyos ko naman, Nene. Hanggang ngayon ba naman? Matatanda na tayo. Tayo lang dalawa. Meron lang akong gustong malaman bago ako umalis.”


“Dito sa opisina ko, after five, pwede na.”


“Hindi,” tutol ni Gino. “Mag-usap tayo sa isang lugar na makakapag-usap tayo ng maluwag at marami akong utang sa iyo. I'll treat you to dinner. Blow-out ko sa iyo.”

“Ok, kailan, para makapagpaalam ako sa mga bata. At bago ko malimutan, salamat sa mga ipinadala mong tsokolate at prutas. Ibinigay ni Dely. Natanggap kong lahat. Pati mga bata, enjoy.”


“Hindi ko nakakalimutan, iyon ang mga hilig mo. Hindi kita nakakalimutan. Kaya nga kailangan kitang makausap.”

“Dahil sa tsokolate? Hindi na kailangan. Salamat din sa pabango. Alam mo pa rin hanggang ngayon ang scent ko.”


“Alam mong hindi iyon ang dahilan. Basta meron akong gustong malaman at maliwanagan.”

“Ok, kailan?” tanong ni Nene. “Pwede ka sa Huwebes, dinnertime?”

“Tawagan mo ako bukas para malaman mo kung pwede.”


“Ok, fine. See you. And Nene... I still love you. Bye.”

Dahan-dahang ibinaba ni Nene ang telepono. Mabilis na lumabas ng opisina at halos liparin niya ang kanyang kuwarto sa dormitoryo kung saan nagpapahinga siya tuwing tanghali. Pagkasarang-pagkasara ng pinto ay binayaan niyang malayang dumaloy ang luhang kay tagal niyang pinigil. Para bang wala nang katapusan ang pag-agos nito, katulad ng walang katapusang pagsagi sa kanyang alaala ng isang kahapong natigmak ng matatamis at pinakamalungkot na sandali ng kanyang kabataan.

Tatlumpo't limang taon. Kay tagal na panahon. Na tuwing gigitaw sa kanyang kaisipan ay nagdudulot ng hindi matingkalang lumbay na hindi niya maisiwalat kaninuman. Ni kay Gino...


Kay habang panahon na naghintay siya at umasa. Halos gabi-gabi ay napapanaginipan niya ang mga matang iyon... nauulinigan ang mga bulong at pangako... na magsisikap ito sa pag-aaral, magtatrabaho at pagkatapos, pag may ipon na sila, magpapagawa sila ng magandang bahay. Para hindi ito maging alangan sa mayayamang kamag-anak niya. Para makapagmalaki sa iba niyang tagahanga na may mga sinasabi rin sa buhay.

Kay tagal na panahon pero bilang na bilang niya. Panahong nasilbing piping saksi sa kanyang pagtatangi... sa kanyang pagdurusa. Hindi nailibing ng panahon ang alaala ng nakaraan. Napaghilom marahil ang sugat, bagamat ang lamat ay mamamalaging nakabalatay sa hibla ng kanyang puso. Na babaunin niya hanggang sa kabilang buhay.

Walang dapat makaalam nito. Higit sa lahat, hindi dapat malaman ni Gino kung paano nito siya nasaktan. Hindi na nito dapat malaman. Ngayon pa?

Buo na sa loob niya. Bukas, pagtawag ni Gino, alam na niya ang sasabihin. May lakad pala sila ng mga bata at di maaaring iliban.

At sa kanyang talaarawan, alam na niya kung ano ang kanyang isusulat kinagabihan pag-uwi niya sa bahay. Salamat na lang, Gino. Sa ibang araw na lang. Kung may darating pa...

1 comment:

  1. Eve

    Na post pala dito sa blog mo yung ipinaedt kong kwento.

    Binsa ko uli. May nanariwa sa aking alaala. Pero, don't worry.
    Tapos na sa akin ang istorya. Wala nang darating pa.

    Ruby

    ReplyDelete