Friday, August 26, 2011

SI TABA


SI TABA


PUNA ng mga kasama niya sa opisina. Taba-tabatsoy mo na, Anna.

Napahumindig siya. Excuse me, I'm just pleasantly, deliciously, lusciously plump.

Five two na one hundred and fifty pounds, may sumabad.

Nandilat si Anna. Oy, one forty lang, give and take a few pounds.

Sabay-sabay ang lahat, overweight pa rin. Sayang, ganda mo pa naman...

Kumibit ang balikat ni Anna. Okey na rin, tutal me boyfriend na ako. And he loves every inch of my body.

Nagsiungol ang kanyang mga kaharap.


HINDI naman talaga siya ganoon kataba. Nagsimula lamang ito nang huling taon niya sa college. Nang nagkahiwalay sila ng boyfriend niyang si Roy. Mataas ang kanyang pride. Ayaw niyang masabing dinamdam niya ang pag-iisplit nila. Kaya sa halip na magmukmok ay nagkain siya nang nagkain. Pizza, hamburger, ice cream, chocolates, cakes, palabok, mani, chocnuts... at para siyang hinipang lobo sa paglaki. Si Michael na kanyang kababata ang unang nakapuna nito. Nagkita sila sa simbahan. "Hoy, Ann, di kita nakilala," ang bati nito.

"Bakit, akala mo kung sinong artista, ano," sagot niya.

Tumango si Michael. "Oo, si Nanette Inventor."

Kinurot niya nang mariin si Michael. Ang tawa nito, pero seryoso nang muling magsalita. "Ba't di ko na nakikita iyong kuwan mo. Break na ba kayo?"

Hinarap niya ang kababata. "Tsismoso ka 'no. Sinisilip mo pala ang bisita ko pagdalaw sa akin."

Parang napahiya si Michael. "Hindi naman," saka idinugtong, "wala na bang talaga?"

Napabuntung-hininga siya. "Wala na."

Sinilip ni Michael ang kanyang mukha, "E, di sawi ka pala, Ann."

Tinaasan niya ng kilaly si Michael. "Titigan mo akong mabuti, Michael. Ito ba ang mukha ng sawi. Ha, Michael?"

Pauwi sila noon, galing ng simbahan. Huminto sa paglalakad si Michael. Tumigil rin siya lumayo nang bahagya si Michael sa kanya, hinagod siya ng tingin. Pagkuway muling nagpatuloy sa paglakad. Walang sinabi.

"Ano? Ano?" Tanong niya.

Sinulyapan siya ni Michael. "'Wag kang magagalit, Ann, sa totoo lang, ang taba mo."

Ngumiti siya kahit inis. "Mataba, kasi maligaya. A case of good riddance. Wala nang sakit ng ulo."

"Exciting ang buhay pag may sakit ng ulo paminsan-minsan."

"Bakit, di ko naman sinabing hindi na 'ko hahanap ng iba."

Muli siyang sinulyapan ni Michael. Sulyap na nagsasabing makakita ka naman kaya... sa taba mong iyan...

Tumikhim siya at nagsimulang tumula. "Sabi nga ni Shakespeare, love is not love, which alters when it alteration finds..."

"Anong koneksiyon?" tanong ni Michael.

Para siyang titser na nagpaliwanag sa estudyante. "Ibig sabihin, kung tunay ang pag-ibig, kahit ako'y mataba, iibigin pa rin ako. O kung magkasintahan na kami at tumaba pa ako nang tumaba, hindi aariing kapintasan iyon. Hindi magbabago ang pag-ibig sa akin."

Umiling si Michael. "Ang labo. Para sa akin, iba ang kahulugan ng tunay na pag-ibig."

"Ano?" tanong niya.

Matagal na nag-isip si Michael. At seryosong-seryoso nang magsalita. "Ang tunay na pag-big, ang hangad ay ang kapakanan at kalusugan ng minamahal."

Napatingin siya kay Michael. Sinalubong nito ang kanyang tingin. Siya'y kinindatan, kasabay ang bahagyang ngiti. "Sige..."

Saka niya napansin, nasa harapan na pala sila ng magkatapat nilang bahay. Papasok na siya sa kanilang gate nang marinig niya ang sigaw ni Michael, nanunukso, "Mag-reduce ka. Ann..."

Pinapag-isip siya ng sinabi ni Michael. Binagabag. Ngunit noon naman dumating sa kanyang buhay si Elmer. Na niligawan siya. Na ipinagtaka niya. Kahit alam niyang maganda siya, hindi naman siya bulag para hindi mapansing may katabaan na talaga siya. Gusto pa nga niyang mainis kay Elmer. "Bakit ako? Ang daming seksi diyan..."

Si Elmer. "Hindi ko kailangan ang seksi. Ang alam ko, mahal kita."

"Mataba ako," tuwiran na niyang wika.

"Gusto ko nang mataba," tuwiran din nitong sagot.

Mabait si Elmer, tapos din ng pag-aaral, may hanap-buhay. Kung ikukumpara kay Roy na una niyang kasintahan, nakalalamang si Roy. At si Michael. Kung bakit pumasok si Michael sa kanyang isipan nang panahong yaon, pilit niyang inihanap ng kasagutan. Dahil akala ng Michael na iyan, wala nang magkakagusto sa kanya, porque mataba siya. Doon nga masusukat ang tunay na pag-ibig. Sa kabila ng kanyang katabaan, mukhang mahal na mahal siya ni Elmer. At naramdaman niya, mahal na rin niya si Elmer. Na laging may bitbit na pagkain tuwing dadalaw sa kanila. Na tuwina'y ibino-blowout siya sa mga bagong bukas na restoran. Alam ni Elmer kung saan may masarap na cake at pastries. Kung aling imported na chocolate ang talagang natutunaw sa bibig. Enjoy siya kay Elmer. Patuloy siya sa pagtaba, ngunit hindi nababahala. "Gusto ko sa babae, malusog," lagi nitong sinasabi.

"Ang taba ko na," kunwa'y tutol naman niya. "Hindi na nga ako tinitingnan ng mga lalaki," dugtong pa niya.

Kaybilis ng sagot ni Elmer. "Gusto ko nga iyon. Gusto ko, ako lang ang titingin sa iyo. Gusto ko, ako lang ang titingnan mo."

Ang narinig ay may kinanting pagkabahala sa kanya na dagli naman niyang nalimutan. Sabi ni Elmer, "May bagong bukas na restaurant sa Jupiter..."

Si Michael. Nagkita silang muli paglabas sa simbahan. Sabay na naglakad pauwi. "Saan ka ba nagtatago at ngayon lang kita nakita," tanong niya.

"Narito lang ako. Ikaw ang laging bisi, may bago yata."

Tumawa siya. "Akala mo, walang magkakagusto, ano. E, nakatagpo ako ng mahilig sa malusog."

Umiling si Michael. "Hindi ka malusog, Ann. Mataba ka."

Inis na siya. Hindi iyon kapintasan para kay Elmer."

"Reduce, Ann, for health reasons."

"Wala naman akong sakit. Wala akong nararamdaman."

"Wala pa, pero hihintayin mo pa bang magkaroon?"

"Ang negative mo naman..."

"Ann, your bathroom scale wouldn't lie. Overweight ka."

"E, ano ngayon," inis na siyang talaga.

Ngunit parang hindi napansin ni Michael ang kanyang pagkainis. "Sa height mong five two, ang ideal weight mo ay between one hundred three to one hundred twenty six pounds."

"Alam na alam mo, ha!"

Tumigil sa paglakad si Michael. Napilitan din siyang huminto. "Natatakot ako para sa 'yo, Ann. Ang mga taong overweight ay kandidato sa pagkakaroon ng hypertension, diabetes, heart disease..."

"Basta ba, makikilibing ka..." bigla para siyang nakadama ng lungkot at muli siyang humakbang, higit na mabilis.

Habol si Michael. "Anna... Anna... I care for you, can't you see..."

Lalong bumilis ang kanyang lakad. Anong ibig sabihin ni Michael. I care for you, can't you see.

"Tingnan mo 'ko, Ann," pigil ni Michael at napilitan siyang huminto. "Alam mo bang nagpupunta ako sa gym tatlong beses isang linggo. Naka-enrol ako sa isang fitness center. I walk and jog and eat the right food. I feel great. At gusto ko, ganun ka rin."

"Bakit? Tingin mo ba, I don't feel great," naghahamon ang tanong niya.

"Ikaw lang ang makasasagot niyan," sagot ni Michael. Hindi na sila nag-imikan hanggang makarating sa kani-kanilang bahay.


EWAN niya kung naapektuhan siya ng pag-uusap nilang yaon ni Michael. Nang mga sumunod na araw, parang naging kapuna-puna sa kanya ang angking katabaan. Ang kanyang leeg, malapit-lapit na niyang hindi makita. Ang kanyang baywang at balakang, iisa siguro ang sukat. Ang kanyang dibdib, mabigat na ring dalhin. Ang kanyang mukha, parang enseymadang-Malolos. Hindi na nga siya tinitingnan ng ibang lalaki, pero di iyon problema, may Elmer namang tumitingin sa kanya. Pero nang magbrown-out sa Makati at kinailangang umakyat siya sa hagdan, hanggang tenth floor, noon siya natakot. Hindi siya makahinga. Para siyang nauupos na kandila. Tumigil na siya sa ikaapat na palapag at hindi na tinangkang pumanhik pa sa kinaroroonan ng kanilang opisina.

Noon niya binanggit kay Elmer ang pagpasok sa isang fitness center. Nagulat siya, nabahala, nakadama ng pagkabigo sa naging reaksiyon ni Elmer. "Bakit pa. Mahal kita kahit ganyan ka."

"For health reasons," sagot niya. Hindi pa rin niya makali-kalimutan ang tila sasabog na dibdib sa matinding pagkahapong nadama nang magbrown-out sa Makati.

Tiningnan siya ni Elmer, umiling. "Vanity," wika nito. "Pareho ka rin pala ng iba, Anna. Gusto'y seksi, maging tampulan ng pansin. O baka gusto mong maligawan pa ng iba."

Nag-init ang kanyang mukha. Parang umakyat lahat ang dugo niya sa ulo. "Diyos ko, Elmer, hindi mo ba naiintindihan ang kuwento ko sa 'yo. Na hindi ako halos makahinga sa pagod dahil sa katabaan ko."

Nakatingin sa malayo si Elmer. "Ang nanay ko Anna... kasing ganda mo. Pero seksi pa rin kahit nanganak na ng lima. Tuksuhin. At magulo ang naging buhay namin. Lagi silang nag-aaway ng tatay. Lumaki akong ganoon..."

Elmer. Elmer. Ang awa ay nanulay sa kanyang tinig. At malinaw niyang naunawaan ang lahat. At nakabuo siya ng pasiya. Ang isang pagkakamali ay hindi maitutuwid ng isa ring pagkakamalli. Nagkamali siya nang ang kahungkagang bunga ng pagkawala ni Roy ay takpan niya nang pagkaing walang ayos. At ang kanyang katabaan ay maling maging panakip din sa kakulangan ng pagtitiwala sa sarili na nadarama ni Elmer. Hindi pag-ibig ang nadarama nila sa isa't isa.

Naalala niya si Michael at ang pakahulugan nito sa tunay na pag-ibig. Agad niya itong tinawagan. "Pwede ba, samahan mo 'kong mag-enrol d'yan sa fitness center na pinupuntahan mo?"

Yes yes yes, ulit-ulit na sagot ni Michael.


May 18, 1992 LIWAYWAY

No comments:

Post a Comment