Wednesday, August 3, 2011

AGOSTO 2011


AGOSTO 2011


Buwan na naman ng Agosto. Isang taon na naman ang nadagdag sa lahat ng may kaarawan sa buwan ito. Sa pagkakataong ito ay nais kong mabasa ninyo ang ilang “excerpts” sa isang artikulo na tinanggap ko sa email tungkol sa “pagtanda”, na isinalin ko sa tagalog.

Ang magbilang ng kaarawan na aabot ng kung ilang dekada, sa aking palagay ay isang katangi-tanging regalo na dapat ipagpasalamat at ipagsaya. Sa ngayon, sa unang pagkakataon sa aking buhay, dama ko na ako ang taong nais kong maging ako!

Ngayon, sa kasalukuyang edad natin, naging isa man tayo sa mga pangarap natin noong maliit pa tayo (maging doktor, abogado, inhinyero, pulis, bumbero o titser), ang mahalaga ay kung sa pakiramdam natin, tayo ay ang tayo na gusto nating maging. Siyempre, hindi ang pinag-uusapan dito ay ang mga reklamo natin sa dumaraming kulubot ng mukha, lumalapad na noo o maputing buhok, ang hindi maitagong bilbil o malaking tiyan at lumalapad na balakang, ang kumakatog (minsa'y namamaitsa pa) na pustiso! Nakatatakot namang talaga ang humarap sa salamin kung minsan. Ibig ko lang sabihin, hindi ko ipagpapalit ang kasalukuyan kong buhay – ang aking pamilya, ang mga kaibigan at kaiskwela – sa hitsura at anyo ko nang ako'y bata pa. Sa pagdaraan ng mga taon, naging maunawain ako, hindi lamang sa iba, kundi higit sa aking sarili.

Sa kauna-unahang pagkakataon, itinuring kong kaibigan ako! Ang aking sarili. Ngayon, kung gusto kong kumain ng cake o ice cream o kapiraso pang litson, kumakain ako. Siempre, in moderation. Kung medyo pagod at tinatamad magluto, nariyan ang telepono, tumawag sa delivery. Sa edad na ito, binibigyang-layaw ko ang aking sarili. Kung tinatamad maglinis, e, di manood na lamang ng telebisyon! O kaya, e magpuyat sa pagbabasa ng Harry Potter o Twilight (for the nth time) o sa pagsubaybay sa telenobela, saka matulog hanggang tanghali kinabukasan para makabawi, aba, e wala nang sey doon ang iba. Akin na ang karapatang gawin ang mga bagay na itong gusto ko, na wala naman akong sinasaktan o inaapi. Marami na akong nakitang mga kakilala at kaibigan na lumisan sa daigdig na ito nang biglaan nang mandin ay hindi pa nila nararanasan (ayon sa kanilang naiwang mga kaanak) ang kalayaang dulot ng mga taong sumapit sa kanilang buhay.

Aawitin ko ang himig ng aking kabataan (Elvis Presley, the Beatles, Frank Sinatra). Isasayaw ko ang indak na aking kinasanayan (boogie, cha cha, waltz, slowdrag). At kung nais kong gunitain at muling damahin ang pait ng isang naglahong pag-ibig (sa totoo lang ay wala akong maisip na ganito ka-grabe, ang pagkakaroon ng mga crush noong araw ay isang masayang karanasang nababalik-balikan ko sa isip), ito'y aking gagawin, nang walang guilty conscience sa kasalukuyang kaisang-palad.

Kasama ng aking mga anak at apo sa pamamasyal sa tabing dagat, walang kiyeme akong magsusuot ng aking one-piece swimsuit na panahon pa ng kopong-kopong ang istilo (may peplum). Hindi ko papansinin ang palihin na tingin at ngiti ng iba, tatanda rin sila!

Totoong may pagkakataong malilimutin na ako. Sa pagkakatayo sa puno ng hagdanan, hindi ko alam kung ako'y papanhik o bababa. Sa harap ng nakabukas na refrigerator, ako ba'y may kukunin o may inilagay. Pagpasok sa kuwarto, ano ba ang aking gagawin? Ngunit talagang ganyan, madali naman itong remedyuhan. Bumalik lamang sa dating kinatatayuan, at voila! Maaalaala mo na kung ano ang nalimutan. Isa pa, mayroong mga bagay namang higit na makabubuting limutin. Tulad ng mga hinanakit at sama ng loob na bunga ng walang katuturang bagay.

Natural lamang na tayo ay nakaranas ng pagkabigo, ng siphayo, ng matinding kalungkutan. Sino ba ang hindi nagdaan dito – na namatayan ng isang mahal sa buhay, pamilya o kaibigan o kahit isang alagang hayop. Ngunit ang mga karanasang ito ang nagpapatibay sa ating sarili, nagbibigay ng lakas, nagpapalawak sa unawa.

Dama kong ako, tayong mga umabot sa kasalukuyag edad, ay tunay na pinagpala. Mapalad na narating ang ganitong gulang na buong palalong sinusunong ang abuhin o pinilakang buhok, na buong pagmamalaking ipinamamalas ang malalalim na guhit at gatla sa mukha na bunga ng mga ngiti at halakhak na laging kaakibat sa tuwina. Sa pagdaraan ng mga taon, hindi na tayo nababahala ng mga sabi-sabi ng mga taong walang magawa. Kilala na natin ang ating mga sarili. Ang tunay na ako, ang tunay na tayo. At mahal natin kung anuman o naging sinuman tayo ngayon.

I like being old. It has set me free. I like the person I have become. I am not going to live forever, but while I am still here, I will not waste time lamenting what could have been, or worrying about what will be.

At ngayon buwan ng Agosto, Maligayang Kaarawan sa iyo... sa inyo... at higit sa lahat... sa akin :-)



















No comments:

Post a Comment