Tuesday, August 9, 2011

TALASALITAAN NG MGA TAGASUBAYBAY


TALASALITAAN NG MGA TAGASUBAYBAY


Mula sa mga nagtatanong at humihingi ng kaunting paliwanag tungkol sa mga sumusunod na salita (as of July 31, 2011), sana'y makatulong ang sasabihin ko rito. Inaanyayahan ko rin ang iba na ibahagi ang kanilang nalalaman sa mga salitang nabanggit, alalaon baga'y naiibang kahulugan na karaniwan nang nangyayari, batay sa lalawigan o pook na pinanggalingan ng gumagamit. Email lang ako sa

eve.manunulat@gmail.com

Simulan natin sa -


-damuko- Ano raw ba ang damuko. Ang damuko ay kamag-anak ng alimango, alimasag at talangka. Ito ang pinakasimpling paglalarawan dito. Mas malaki ito sa talangka at maliit sa alimasag. Makapal at mas magaspang ang talukap nito sa talangka at mamerde-merde ang taba o aligi. Medyo mapait-pait pa, sa pagkatanda ko, kaya hindi ko nagustuhan noon. Wala na akong nakikitang damuko ngayon. Dahil nabanggit ang talangka, nais ko na ring isingit na “miss” ko nang mabuti ang “burong talangka” at ang aligi nito, kasama ang “aspalto” sa talukap nito na “pinapala” ng kuko ng hinlalaki, isinasawsaw sa maasim na sukang-Paombong na may hiniwang luya, at ihahalo (hindi ko gagamitin ang talagang termino) sa mainit na kanin! Ayyy...

-gumitaw- Minsan, sa iyong pag-iisa, may maririnig kang awit. Goodbye, I hate to see you go, but have a good time... Unang nota pa lamang ng kanta, agad nang gumitaw sa iyong alaala ang mga nagdaang araw ng iyong kabataan. Ibig sabihin, biglang sumulpot sa isip mo ang larawan ng isang ex. Hindi lamang awit ang magbubunsod nang paggitaw sa isip ng anuman. Pwedeng halimuyak ng bulaklak, tulad nang sampagita. Agad nang gigitaw ang gunita ng mga santakrusan sa probinsiya. O pabangong Chanel No. 5. Regalo ng nobyong hindi nakatuluyan.


-ipilig- Alam mo ang sensasyon na parang may malamig na bagay na humagod sa likod mo? May kilabot na gumapang dito? Napapapilig ka. Tipong kinilig o medyo kuminig. Nangyayari rin ito kung may narinig kang sinabi sa iyo na lubhang nakaapekto sa damdamin mo. Parang isang reaksiyon, napapapilig ang iyong ulo.

-kinikilatis- A, dito pumapasok ang mga manliligaw na sa unang pagdalaw sa nililigawan ay kinikilatis ng mga magulang. Ibig sabihin, pinagmamasdang tunay, kahima't palihim lamang. Tinitingnan kung paano kumilos – baka magaslaw; magsalita – magalang ba sa matatanda, baka malakas tatawa; mukha bang seryoso, hindi manloloko; at sa talagang mahigpit na mga magulang at pamilya, may pinag-aralan ba, may hanap-buhay, mabuting pamilya ang pinagmulan.

-kinatay- Ginagamit ito sa paglapa ng karne ng baboy o baka o manok. Pinaghiwa-hiwa at pinaghiwa-hiwalay. Nariyan na ang sirloin, tenderloin o lomo, at iba-iba. Kung pista sa mga baryo noong araw, uso ang magkatay ng baboy. Mula sa kinatay na baboy, pwede nang magdinuguan at mag-menudo at mechado at iba pang mga “do” na karaniwan nang handa, lalo at hermano pa sa pakakaining banda ng mosiko.

-kalaunan- Halimbawa, ang isang pag-asawahan, kalaunan ay magkakaanak. Ang isang nag-iipon ng pera, kalaunan ay lumalaki ang savings sa bangko. Ang isang sugarol, kalaunan ay nalulustay at naipagbibili ang lahat ng kanyang kabuhayan. Kapag may ginawa kang isang bagay, kalaunan, aanihin mo ang bunga ng iyong ginawa. Pag may isinuksok, may dudukutin. Pag may itinanim, may aanihin.

-likas- likas siyang masayahin; likas na masipag; likas na maganda ang tinig. Kumbaga ay natural sa kanya. Sabi nga ng isang magulang, pare-pareho naman ang pagkapalaki niya sa kanyang mga anak, ngunit talagang may likas na maalalahanin. Nasasabi tuloy na “ipinanganak siyang ganyan!”

-nalamuyot- ito ay nababasang “nalamuyot ang kanyang kalooban”. Halimbawa, nagpapaalam ang isang anak na gusto nang mag-asawa, pero ayaw pa ng mga magulang dahil bata pa ito. Sa kapapakiusap ng anak, sa paglalambing niya, sa paggawa ng mumunting bagay na ikasisiya ng mga magulang, “nalamuyot” rin ang kalooban ng mga ito at tuloy pumayag nang mag-asawa ang anak. O isang asawang nagkasala sa kanyang kabiyak. Nagalit siyempre. Pero, sa ipinakitang pagsisisi ng nagkasala, nalamuyot rin ang kalooban ng pinagkasalahan at tinanggap na ang pagbabalik nito.

-nakaismid- kapag sinabing nakalabi, larawan ito ng nakalabas ang labi na medyo nakasimangot (negatibo ang dating); Ang mga batang nakagalitan, agad nang lalabi na matutuloy sa pag-iyak; kapag nakaismid, larawan ito ng parang nakabiting ngiti na nakatutuya o nanlalait (negatibo rin ang dating); Karaniwang umiismid ay mga taong sa palagay nila'y mas magaling sila sa iba.

-nahihimlay- ginagamit ito sa taong pumanaw na. Parang Himlayang Pilipino, isang sementeryo sa Metro Manila. Kung poetic naman ang dating, tulad nang nakalagay sa back cover ng aking aklat na Minsan, May Isang Pag-ibig -

Minsan, sa ating buhay, May Isang Pag-ibig

Sa puso'y nakahimlay at nananahimik,

Sa indayog ng tula at lambing ng awit

Kusang gumigising sa pagkakaidlip.

Ibig sabihin ng nakahimlay rito ay natutulog o nakabaon na sa kaibuturan ng puso (na in effect, nakalibing rin ang kahulugan) at hindi na inaalala, dahil siguro, ang pag-ibig niyang ito ay hindi naman niya nakatuluyan.

-nagmamaliw- kung walang pagkamaliw ang iyong pag-ibig, ibig sabihin, hindi ka magbabago kailanman; ngunit para sa isang taong salawahan, na marupok ang pag-ibig, anumang damdamin niya para sa iba ay agad nagmamaliw o nawawala o kumukupas.

-nakasamyo- samyo ay ginagamit sa mga halimuyak ng bulaklak o pabango; kapag pagkain ang tinutukoy, karaniwang gamit ay nakaamoy; ito ring huli ang ginagamit sa mga hindi kanais-nais na amoy.

-nasubhan- ang isang siga na pinagdiringas ng mga tuyong dahon, kapag inulan o nabuhusan ng tubig, agad nasusubhan ang apoy. Namamatay ang dingas. Kung ginagamit sa panitikan, nasubhan ang nag-iinit na damdamin ng isang lalaki sa pakikipag-ulayaw sa kanyang bagong kasintahan nang gumitaw sa kanyang isip ang larawan ng asawa at mga anak.

-napadpad- ginagamit sa mga sasakyan sa tubig na inabot ng unos, tinangay ng malalaking alon patungo sa kung saan, hanggang sa napadpad sa isang isla. Kung minsan naman, ginagamit rin ito ng isang taong hindi isinilang sa isang lugar ngunit doon na naninirahan. Kapag siya ay natanong, isinasagot niyang siya ay napadpad lamang doon. Ibig sabihin, napunta doon, sunod ay doon na nanirahan, nagustuhan na niya. Tulad namin, kami ay padpad lamang sa Marikina, dahil taal kaming taga Bulacan. Sa bagong lingo, kami ay immigrant sa Marikina. Pero emigrant from Bulacan.

-pinapag-ulap – karaniwang ginagamit ito sa paglalarawan ng emosyon ng isang tao na mababakas sa kanyang mukha. Halimbawa, pinapag-ulap ang mukha ng isang dalaga ng balitang nakita ang kasintahan niyang may kasamang ibang babae. Ulap is cloud. Parang natabingan ng ulap. Nawala ang kislap ng mga mata, ang ngiti sa mga labi. Tulad rin kapag natabingan ng ulap ang mukha ng buwan o araw, nawawala ang liwanag.

-pagtatalusira- a, kapag nabalitaan ng isang dalaga na ang kanyang kasintahan ay nakitang may kasamang ibang babae, pagbibintangan na nito na nagtatalusira ang lalake sa kanilang sumpaang sila lamang, wala nang iba. Ibig sabihin, ang pagtatalusira ay pagsira sa isang pangako o usapan. Napipinto na ang kanilang paghihiwalay dahil sa pagtatalusirang ito kung hindi magpapatawad ang dalaga.

-pagbibistay- noong araw, mayroon mang mga kiskisan ng palay, karaniwan nang bawat nagsasaka ng bukirin ay may pag-aaring lusong (mortar) at pambayo (pestle) sa kanilang bakuran. Dito nila binabayo ang palay na sa pagkabasag ng bawat butil ay nahihiwalay ang ipa sa bigas. Ilalagay nila ito sa bilao at tinatahip kung saan ipinalilipad sa hangin ang mga ipang ihinihiwalay sa bigas. Ang pagbibistay naman ay ang kasunod na ginagawa dito kung saan iniikot-ikot ang bilao, paitsa-itsa ang laman, para naman mahiwalay ang medyo nadurog na bigas (binlid) sa mga buo pa. Siempre, iba ang presyo ng bigas na maraming binlid, kaya sa talagang buung-buo ang butil.

-pagsaulan- kay Balagtas naman ito galing. Kung pagsaulan kong basahin sa isip ang nagdaan araw ng pag-ibig... Ibig lamang sabihin, kung pagbalikan sa alaala...

-suwiki- na swiki ang talagang tawag sa amin. Kapartner ito ng salakab. Mga gamit ng nangingisda. Ang salakab at swiki ay kapwa gawa sa kawayan. Sa halip na hulihin ng kamay ang isang lumalangoy na isda, sasalakabin ito at saka kukunin upang ilagay sa loob ng swiki. Kapag napaloob na sa swiki ang isda, hindi na ito makalalabas, kasi, may saraduhan ito. Isinusukbit ng mangingisda ang swiki sa may dakong balakang niya upang huwag makasagabal sa pananalakab. Parang isang klase ng basket na may saraduhan at walang tangkay o hawakan.

-sinalibad – Karaniwan nang naririnig ito sa mga taga-baryo, na kasunod ang salitang lintik. Sinalibad ka ng lintik! Ito ay kapag ang nagsasalita ay may kagalit o kasamaan ng loob na pinag-uukulan nito. Ibig lamang sabihin, “to be struck by lightning” sa ingles. Tamaan o daanan o hagingan ka ng kidlat.

-salat – dalawa ang kahulugan nito, batay sa gamit. Kung pandiwa, salat o salatin, ay kapa o kapain. O haplos o himas, depende kung kumilos iyong daliri o kamay na ipinangsalat. Ang isa pang kahulugan nito ay kakulangan, tulad nang salat sa yaman, salat sa ganda, salat sa materyal na bagay.

-sinaklot – Ang kanyang buong katauhan ay sinaklot ng pangamba. Ang kanyang puso ay sinaklot ng takot. Ibig sabihin, binalot o napuno ng pangamba o takot.

-sinusugan – dinagdagan, lalo at isang kasulatan ang pinag-uusapan. Sa isang usapan naman, ibig sabihin nito ay inayunan o pinangalawahan, at dinagdagan na rin, ang mungkahi o panukala ng ibang tao.

-tikin – isang mahabang kawayan na ginagamit ng mga namamangka o nasa kasko o baroto, na itinutukod sa nadaraanang ilog, para matulungan at mapabilis sa pag-usad ang bangkang sinasakyan. Gamit rin ito sa kasabihan sa baryo kapag may handaan. Sa mga nakadulog sa mesa, sasabihin ng maybahay, “kumain kayong mabuti, umabot kayo ng ulam”. Ang mga putahe ay karaniwan nang nasa gitna ng mesa. Isasagot naman ng mga inaalok sa pagkain ay ganito: Huwag kayong mag-alala at mahaba ang aming tikin. Ibig sabihin, kung gusto nila ang nasabing ulam, makukuha nila ito. Klaseng metaphor ang gamit sa salitang tikin. O personification? Iyong abilidad na umabot ng ulam sa gitna ng mesa ay ihinalintulad sa haba ng kanyang tikin (bisig).

-talusaling – sensitibo. Parang damong makahiya, masaling lamang ang dahon ay dagli nang tumitiklop. Sa tao, bahagyang mabiro ay agad nasasaktan o napapahiya. Lubhang manipis, madaling tablan ng salitang hindi niya gusto.

-tungtong – na nasa titulo ng aking kwento sa buwan ng Hunyo. May Kasukat na Tungtong. Noong araw, ang gamit sa pagluluto ng sinaing ay palayok. Ito ay may takip o suklob, na ang materyal ay pareho rin ng palayok at kalan noon. Isa pang tawag sa suklob ay tungtong. Kasabihan ng matatanda na lahat ng palayok ay may kasukat na tungtong, kaya lahat raw ng babae ay may katapat o kapalarang lalake. Kaya nga lamang, kung minsan, sa kaso ng palayok, may nababasag na tungtong, kaya, sa tunay na buhay, mayroon ding hindi nakapag-aasawa. Sabida...

-unab – ay paghuhugas ng bigas. Unaban ang bigas.

-uripon – ito, sa panahon ni Amaya, ang tawag sa mga alipin o manggagawa sa kanilang banwa o pamayanan o komunidad.

Sa kasalukuyan, ito ang mga salitang inihahanap nila ng kahulugang kanilang mauunawaan. Sana naman ay makatulong ito sa mga naghahanap.

Hanggang sa muling talasalitaan.



2 comments:

  1. Hi, Eve, nagkatuluyan ba naman ang 2 brothers-in-law mo sa kani-kanilang mga girlfriends? Wish ko lang malaman.Dahil sabi mo sa Inang ay naroon lahat ng mamanugangin niya, he he.

    ReplyDelete
  2. Maraming salamat po sa inyo. Isa rin po akong manunulat ngunit pambahay lang. Dahil po sa ambag ninyo nakakuha ako ng mga gagamitin sa aking kinakathang nobela. Sana makapagbigay din ako ng mga 16th at 8th century tagalog

    ReplyDelete