Tuesday, August 16, 2011

USAPANG TUMIMO SA ISIPAN


USAPANG TUMIMO SA ISIPAN


Tulad ng remembering moments, sa ating buhay ay mayroon ding mga mumunti o maiigsing pag-uusap na natatanim sa ating isip. Hindi naman sa talaga nating tinandaan ito para huwag malimutan. Na tulad ng pag-aaral ng leksiyon noong araw. Tunay lamang na ito ay kusang tumitimo at natatanim sa diwa. Kaya lamang natin natatanto na ganito nga pala ito, ay sa mga panahon o sandaling bigla na lamang itong gigitaw sa ating isipan. Maliwanag. Parang ibinabalik tayo sa panahon. Waring naririnig pa natin ang mga tinig. Nalalarawan ang eksena. Nababasa ang mga damdaming noo'y nadarama. Maaaring katawa-tawa. O katuwa-tuwa. O may kirot na dala. Lumbay. Tagumpay. Kasiyahan.

Naisip ko lamang ang mga ito nang magising ako nang maaga isang araw at sa aking pagkakahiga ay biglang sumulpot sa isipan ang isang eksena... ang isang usapan...

-Nakatatawa. Bagong tapos ako sa kolehiyo. Nagbabakasyon pa, bagama't nakikibalita na sa mga kakilala kung saan makakakita ng trabaho. Nang may nakapagsabi, isang dating kaiskwela sa UE, na nangangailangan raw ng bookkeeper ang kanilang opisina, isang hindi kalakihang kumpanya. Agad akong pumunta rito, kasama ang isang kaibigan sa dormitoryo. Unang tingin pa lamang sa akin ng may-ari ng opisina, alam kong hindi niya ako type na kunin. Nagustuhan pa nga niya iyong kasama ko (maganda!) Iyon pa man, kinausap niya ako, tinanong ng mga usual na tanong. Wala raw naman pala akong experience magtrabaho... at sa himig ng kanyang tinig, e, parang tinatapos na niya iyong pag-uusap namin.

Kaso, wala naman siyang sinasabi na dahil wala akong karanasan sa trabaho ay hindi niya ako kukunin, kaya hindi ako umaalis sa pagkakaupo sa harap ng mesa niya. Ilang sandaling ganoon ang situwasyon namin.

Kalaunan, sabi na lang, "Tingnan ko nga kung maganda ang penmanship mo, baka parang kinalkal ng manok." tulad raw noong kaiskwela kong empleyada niya na nagsabi sa akin ng tungkol sa pangangailangan nila ng bookkeeper.

Kaya nagsulat naman ako ng biodata ko. Pangalan. Address. Birthplace. Birthdate. Kursong tinapos. Etcetera. At ibinigay ko sa kanya. At ang sumunod ay ang usapang hindi ko malilimutan.


Mr. M: Taga-Malolos ka pala. Marami akong kilala doon. Si Ben Reyes, kilala mo?

Ako: (Maraming Reyes sa Malolos). A, oho, barkada ng kapatid ko. (Later ko na lamang nalaman na iba iyong sinasabi niya.)

Mr. M: (Dumating ang pagbasa sa araw ng aking kapanganakan, at sa malakas na tinig...) P_t___g 'na! Ka-kumpleanyo pala kita (pareho kami ng birthday)! Matalino ka kung ganoon! Sige, umpisa ka na sa Lunes.

At doon nagsimula ang kabanata ng aking buhay-empleyada. Walang IQ o psychological exam. Walang medical exam. Basta, swerte lang, magkapareho kami ng birthday ng aking magiging boss. Sa palagay ko nama'y hindi ko siya binigo sa kanyang assessment sa akin :-)

-Nakakatawa pa rin. Binabantayan ko ang panganay kong anak na bagong pasok sa kindergarten. Katabi ko ang isa ring Mommy na nagbabantay. Siempre kwentuhan muna, hanggang umabot sa siyanga pala... nagpakilalanan kami. At ganito naman ang aming usapan.

Ako: Evelyn ako. Sebastian. Bago lang dito. Bulacan kami talaga.

Sinabi niya ang kanyang first name, sunod ay ang apelyido.

Siya: Malvar ako. Batangas.

Ako: (nagbibiro) E, di kamag-anak mo si Gen. Malvar. (Ganito naman ang natural na takbo ng usapan ng bagong magkakilala. Kumbaga kung ang apelyido ay Marcos o Aquino, bibiruin agad, e, di kamag-anak mo si Presidente! Na mas malamang na hindi kaysa oo. Kaya lang, ganito ang sagot niya.)

Siya: A, oo. Iyong biyenan ko ay anak ni Gen. Malvar.

Natawa ako (pero sa totoo lang, medyo napahiya, hehheh). Pero narito ang isa pang usapang nakatatawang/sobrang nakahihiya. Ashamed talaga!

-Imbitado kaming magkakaiskwela sa high school sa piano recital ng anak ng isang kaiskwelang lalaki. Pagkatapos ng recital, nang papunta na kami sa reception, dalawa kaming babae ang napasakay sa kotse na sinasakyan rin ni George Canceco, ang bantog na songwriter, na kamag-anak noong asawa ng aming kaiskwelang nang-imbita. Excited kami. Kinakausap kami ni Canceco.

Sabi namin, naku, favorite namin ang mga kanta mo.

Itinanong ngayon ni Canceco kung alin ang pinakagusto namin.

Bilang sagot, sabay pa kaming kumanta ng aking kasama: Ikaw lamang ang aking iibigin, magpakailanman...

Nakupo, ang tawa ni George Canceco. Sabi niya, e, hindi akin iyon. Kay Hernani Cuenco iyon, Gaano Ko Ikaw Kamahal!

Talagang hiyang-hiya kami, pero wala kaming magawa, nasa loob kami ng kotse na tumatakbo. (For info naman ng makababasa nito, si Hernani Cuenco ay kapatid naman ng isa naming kaiskwela na aming maestra sa choral group ng klase. At saka para makabawi, agad namang kumanta ulit ang aking kasama ng ...

Ngayon at Kailanman... Sumpa ko'y iibigin ka ngayon at kailanman, Hindi ka na mag-iisa ngayon at kailanman... Asahan may kasama ka...


-Mayroon mga dayalog na nakatatawa kapag naalaala at mayroon namang mga dayalog na nakapagpaisip tuwing sasagi sa isipan ngayon. Tulad ng kwento ng isang kasama sa dormitoryo. Isang kaibigan niya ang dumadalaw, regular, sa kanya sa dorm. Kaibigan lamang niya ito at sa totoo nga'y may nobya na. Ipinakita pa sa kaniya ang larawan ng babae. Nagkwento rin tungkol dito. Pero minsan, tinanong siya ng kanyang kaibigan kung sa kanyang palagay ay iyon na nga kaya ang tamang babae para dito. Na sinagot lamang niya ng kibit ng balikat dahil hindi naman niya kilala ang nobya ng kanyang kaibigan.

Sunod, ito ang sinabi ng kanyang kaibigan: Sabihin mo lang kung ayaw mo sa kanya at i-bre-break ko siya...

Na ipinagtaka ng kasama ko sa dorm, pero hindi niya lubusang binigyan ng pansin o halaga o kahulugan o kasagutan. Naisip lamang niya, bakit? Bakit ibabatay sa kanyang kagustuhan ang relasyon nito sa nobya. Pero, bata pa siya noon at marami pang ibang pinagkakaabalahan sa kanyang buhay teen-ager. At inari niyang biro ang sinabi nito, dahil kung seseryusohin niya ang sinabi nito, parang may ibang kahulugan. Ngayon, kapag naalala niya ang nasabing dayalog, iisa pa rin ang kanyang tanong. Bakit? Ito ba'y birong totoo?

-May isa pang dayalog na halos katulad nito na kwento ng isa pa ring kaibigan. Mayroon daw siyang kaibigang matalik. Magkasundo sila. Parang complementary ang kanilang personalidad. Sa kwentuhan. Sa mga lakaran. Sa biruan. Sa musika. Sa paningin ng iba, good match sila. At akala nga siguro ng marami ay magkasintahan sila. Bakit madalas pa niyang marinig ang kanta noon na “don't throw bouquets at me, don't please my folks too much, don't laugh at my jokes too much, people will say we're in love....

Pero ang kaibigan kong ito ay sigurado na wala silang relasyon. Hindi naman nanligaw ang binata sa kanya, kahit dinadalaw siya o tinatawagan o inaalaala sa mga okasyon, kaya enjoy lamang siya. Ni hindi niya naisip na sana'y ligawan siya. Dahil kapag dumaan ito sa kanyang isipan, hindi maliwanag ang nadarama niya para dito. Sabi nga niya, she was just living the moment. Hanggang isang gabi ng pagdalaw sa kanya, masinsinan siyang kinausap nito. Seryosong usapan. Na nang ikinukwento niya sa akin ay hindi naman niya masabi ang iksaktong dayalog.


Because it was more of a facial, body language ang namagitan sa kanila. Halos hindi raw makapagsalita ang kanyang kaibigan. Seryosong-seryoso sa pakikipag-usap. Parang hindi makapa ang salitang sasabihin. She just got the impression na nakikipaghiwalay ito sa kanya. Sabi nga ay not so much in the words that he uttered, but in the words that remained unsaid. Na parang, the end na ng kanilang relasyon. (At hindi na nga sila nagkita pagkatapos noon.)

Dumb as she was, ang amin niya sa akin, tumango na lamang daw siya nang tumango, meaning she understands. Nauunawaan niya. Okey lang. Pero hanggang ngayon, kapag naiisip niya ang gabing iyon, iisa rin ang tanong niya. Bakit siya parang bine-break, e, wala naman silang relasyon. It never entered her mind na mayroon. Talagang nakapagpapaisip.

Mayroon ding mga tipong one-liner akong naaalaala na hindi lamang tumitimo sa isipan kundi nagiging batayan pa nang pagbabago sa buhay ng isang tao. Tulad nang nangyari sa akin at sa mga sumusunod na tipong-payo, pero nabanggit lamang sa mga kaswal na usapan mula sa mga kaibigan at pamilya:

-Ako, prangka. Kung gusto ko ang isang tao, malalaman niyang gusto ko siyang kasama o kaibigan. Open ako sa pagpapakita ng feelings ko. (Teen-ager kami noon. Somehow, nag-rub on sa akin ang sinabing ito ng aking kaibigan. Kaya after that, may bahagyang pagbabago sa akin. Kapag okey ka sa akin, mararamdaman mong okey ka sa akin. Dati, parang masyado ang mental reservation ko. Although, kung iniisip ko ito ngayon, ang bottomline talaga ay self-confidence. Kung buo ito, wala talagang problema sa mga interactions.)

-Nasasabi mo lamang iyan, kasi ay hindi mo pa ito nararanasan. (Ito ang sabi sa akin nang magkomentaryo ako na mabuti pang matulog kaysa magpuyat na kasama ang barkada, dahil noo'y wala pa akong barkada. Nasa edad akong alanganin noon, hindi na bata pero hindi pa dalagita. At totoo nga iyon. Dahil basta matino ang barkada, walang magiging problema. Dahil dito'y natutuhan ko rin ang umunawa ng damdamin ng iba. Agad kong nailalagay ang aking sarili sa kanilang kalagayan, sa kanilang nararanasan. Ang resulta nito, hindi ako naging “judgmental”.

-Don't go with the mob rule. Hindi ngayon at lahat ay gumagawa noon, gagaya ka na. Hindi ngayon at ang marami ay ganoon ang opinyon, ay sasama ka na rin doon. Matuto kang mag-isip para sa iyong sarili. (Ito ay sinabi sa akin nang tumira ako sa dormitoryo. It shaped me in a big way that I handed down this bit to my own children.)

-Moderation is the rule. (Lumaki naman talaga akong “moderate” sa mga bagay-bagay, except at being happy and positive, at sa pagtawa na bigay na bigay na sabi nga ng ilang kaibigan ay patented,.)

-Don't get discouraged receiving rejection slips. Keep on writing. (Sa nagsabi sa akin noon, na bumalik na sa kanyang “pinagmulan”, salamat, salamat, salamat. Ang kanyang sinabi ang naging alalay ko't tungkod sa aking pagsusulat.)

-Inggit lang kayo! (Mga bata pa kami nang sabihan nito, nang may pinagtsi-tsismisan kaming ibang tao. Dahil dito, natutuhan kong ihiwalay ang “inggit” sa talagang “isyu” na pinag-uusapan. Isa pa, sa aking sarili ay naanalisa ko na ring iba-iba ang inggit. May tinatawag na pananaghili. Mas maganda, mas marunong, mas mayaman – maaaring madama ito ng isang tao kung hindi siya ganito, but if one doesn't wish these people ill, human trait lamang ang managhili. Magsikap na lang na makamtan ang pwedeng makamtan, at tanggapin ang hindi. Ngunit may tinatawag na masamang inggit. Ito ang nagtsi-tsismis ng hindi totoo, para lamang mapasama ang isang taong kinaiinggitan.)

Iyan ang mga salitang binitiwan sa mga kaswal na usapan na hindi man tinandaan ay natanim sa isipan. At kahit sa munting paraan, ay nakatulong sa paghubog sa aking katauhan.

-Pero ang huling ito ay nakatutuwa. At happy ending. Isang kabarkadang lalake ang isinama ako sa pagsundo sa kanyang girlfriend. Nagpunta kami sa graduation ng isang pinsan. Dinatnan namin doon sa bahay na pinuntahan namin ang kaniyang ina, tiya at mga pinsan at ang isa pa niyang kapatid na kabarkada rin namin, kasama rin ang girlfriend nito. Dahil magkakababayan kami, agad kong binati at tinukso ang Inang nila.

Ang sabi ko: Uyyy, narito lahat ang mamanugangin niya... (na ang tinutukoy ko ay ang dalawang dalagang nobya ng mga binata niya, na ikinatawa nito nang husto)

At nangyari ngang naroong lahat ang mamanugangin niya. Ang girlfriend ng dalawang anak na binata. At... siyanga pala, tatlo nga palang binata ang mga anak niya na pawang kabarkada namin.

Gets n'yo? :-) :-)

1 comment:

  1. PAHABOL: BINALIKAN KO ANG SALAYSAY; NAGKATULUYAN NA NGA PALA, AT 3 KAYONG NAGING MANUGANG NI INANG!.. HE HE HE MABUHAY ANG 3 MANUGANG. MABUHAY KA.

    ReplyDelete