Monday, April 11, 2011

PROM DATE, RETIREMENT AT HOLY WEEK


Ang Marso at Abril ay mga buwan ng Seniors' Prom, graduation at lagi, Mahal na Araw. Noon pa man ay nakapili na ako ng kwentong pang-Holy Week, ngunit nagtalo naman ang loob ko kung tungkol sa mga Prom Date ang ilalagay kong intro sa blog. Mayroon pang nag-request na magkwento nga raw ako ng tungkol sa mag-asawang retirado.

Aba, e, mas interesting yata ito. Pero, sige, medyo paraanan nating lahat...

May nabasa ako sa paborito kong columnist sa Philippine Star, si Barbara G. tungkol sa Prom Date ng kanyang apong lalake. Nagpaalala tuloy ito sa akin nang panahon ng Prom Ball ng aking mga anak. Kami ang naghanap ng Prom Date ng anak kong babae. Ang kinuha namin ay isang pinsan niya na anak ng pinsang buo ng Papa niya. Guapito ang bata na inihatid sa aming bahay ng kanyang mga magulang. Hindi ko na matandaan kung Manila Hotel o Manila Pen iyong pinagdausan. Ang masayang experience ng mga bata ay ang pag-aalok ng waiter ng drinks sa mga ito. Na akala ay libre at kasama sa dinner! Nakupo, buti na lamang daw at nang lumabas ang pinsang prom date ay natagpuan sa lobby ang panganay na kapatid na siyang nag-abot ng dagdag na pambayad! Nang sumunod na taon, ang anak ko na mismo ang kumuha ng kanyang prom date. But that is another story...

Tungkol sa mga retirado... May kilala akong pag-asawahan na in-interview ng isang manunulat kung paano sila nakaka-cope sa bagong pagsasama kung saan retirado na ang lalake. Alam naman siguro ng marami ang kasabihan ng mga asawang babae tungkol sa kanilang kabiyak na “I married you for life, but not for lunch!” Kasi, sanay na si Nanay na wala at hindi kasalo sa pananghalian si Tatay dahil nasa trabaho. Pero nang nagretiro, ay, medyo kailangan ang adjustment.

At narito ang ilan lamang na adjustments:

Bigla na lamang marami ang isasaing at mas marami ang ilulutong ulam sa tanghali, kailangang may merienda sa umaga at sa hapon (dahil sanay sa opisina na may breaktime), marami ang nagkakalat sa bahay, hiwa-hiwalay na ang pahina ng diyaryo, nawawala lagi ang crossword at komiks, may tao sa banyo, hindi mo na mahawakan ang remote, o kung medyo nagugustuhan mo ang palabas sa telebisyon ay biglang mababago, o pinakikinggan mo ang commercial ay biglang nagiging “mute” o hindi mo na mapanood ang iyong teleserye o showbiz chismiz. Ilan lamang iyan sa reklamong hindi maisatinig ng ilang wives. Suerte kung dalawa ang inyong telebisyon. Kaso, kung dalawa nga'y anak mo naman ang naroon. At pareho pa ng pinapanood!


But the other side of the coin, sabi nga, ay kung parehong nagtrabaho ang mag-asawa at halos sabay nagretiro. Sanay silang maraming kausap, iba-ibang mukha ang nakikita sa araw-araw, maraming pinag-uusapan – trabaho, ka-opisina, ang kani-kanilang boss, ang nakikita sa araw-araw na biyahe. Pero sa pagreretiro nila, mawawalang lahat iyon! Sa umpisa ay mauulit-ulit pang pagkwentuhan, pero kalaunan, magiging lumang balita na iyon. Ano ngayon ang gagawin? Magtitinginan na lamang? Habang kukuya-kuyakoy sa silyang tumba-tumba?

Kaya siguro iyong iba, ayaw pang mag-retire... (joke only!)

Ngayon, ito ngang mag-asawang kinapanayam ay tinanong kung hindi pa sila nagkakagalit mula nang nagretiro si Tatay. Marami raw kaso na naghihiwalay ang mag-asawa bunga ng pagreretiro ni Tatay. Nanibago sila nang husto at hindi naka-adjust.

Awa ng Diyos, ang nasabing mag-asawa ay magkasama pa rin hanggang ngayon. Simpli lang ang sikreto nila para hindi magkasawaan o magkainisan. Sabi nila, kung nasa isang kuwarto ang isa, nasa kabilang kuwarto ang asawa. Kung nasa tv ang asawa, nasa computer iyong isa (buti marunong mag-computer!) Sa buong maghapon, halos hindi sila nagkakatabi. Sa pagkain lamang, sa pagtulog, sa paglalakad makahapunan at sa pag-groseri at panonood ng sine lamang sila magkasama. Pero, ayon kay Nanay, valid ang karaniwang reklamo nilang kababaihan tungkol sa tv, paggamit ng remote, sa pagbabasa ng diyaryo, atbp.

Heto naman ang iba pang nakalap kong obserbasyon at narinig na kwento, huwag nang sabihing hinaing o reklamo.

-May sinasabi si Nanay. Nakikinig ba si Tatay? O narinig ba nito? Kaso, kung may nangyaring consequence ang sinabi noon ni Nanay, magagalit pa si Tatay at sasabihin: Hindi ko alam iyan. Bakit hindi sinabi sa akin? E, sinabi nga. Nakinig ba? Ewan...

-Tinulungan ni Tatay maghugas ng pinggan si Nanay (nasa abroad sila). Nang matalikod si Tatay, nalingunan niyang hinuhugasang muli ni Nanay ang pinggang natapos na niyang linisin. Ngayon, ayaw nang tumulong maghugas nito. E. may sabon pa kasi... katwiran ni Nanay.

-Nasa kotse ang mag-asawa. Sabi ni Tatay, dito na ba tayo liliko? Tumingin si Nanay sa paligid. Diyan yata, sagot niya. Kaya lumiko si Tatay. Mali pala, hindi iyon ang dapat likuan. Sabi ni Tatay, buti pa, hindi ako nakinig. Sa loob-loob ni Nanay, e, tinanong mo 'ko. Kaya, mula noon, kahit alam ni Nanay na iyon ang tamang daan o likuan, kahit siya tanungin, no answer siya.

-Maganda ito. Bilis magpatakbo ng kotse ni Tatay. E, nilampasan ng mas mabilis. Aba, e, hinabol at binuntutan. Nakaka-lalake, e... Nerbiyos naman si Nanay, nakupo!

-Isa pa ito. Nangangatwiran si Nanay. Sagot ni Tatay, hirap sa iyo, akala mo, lagi kang tama! Sa loob-loob ni Nanay, e tama nga ako!

Maraming-marami pa pong iba. Kayo rin siguro, maraming kwento tungkol dito. Share naman kayo, katuwaan lamang... Hihintayin ko...

Ngayong Mahal na Araw, ang kwento ko ay tungkol rin sa mag-asawa. Abangan ninyo ito.






























No comments:

Post a Comment