Monday, April 18, 2011

MAY KANI-KANIYANG KRUS



MAY KANI-KANIYANG KRUS


HUWEBES Santo. Walang pasok sa opisina. Maagang gumising si Nellie. Naligo. Nagbihis.

“Aalis ka? Saan ka pupunta?” tanong ni Ruben.

Napatigil si Nellie sa pagme-makeup. Napabuntung-hininga. Sa loob-loob niya, narito na naman ang walang katapusang tanong. Aalis ka? Saan ka pupunta? Sino'ng kasama mo? Anong oras ka uuwi?

Huminto sa ginagawa si Nellie at nilapitan ang asawa. Umupo sa gilid ng kamang kinararatayan nito. Hinimas ang kamay. “Magbibisita-iglesya ako.”

“Sino'ng kasama mo.?”

Sabi ko na nga, naisip ni Nellie. Bumalik siya sa harap ng tokador. “Wala. Mag-isa lang ako.”

“Anong oras ka uuwi?”

Ibinagsak ni Nellie ang hairbrush sa ibabaw ng tokador na tumama at nagpatilapon sa isang pulbera. Natapon at kumalat sa sahig ang pulbos. Binalingan niya ang nakahiga. “Hindi ko alam kung anong oras dahil depende sa trapik, depende sa layo ng mga simbahang pupuntahan ko. Ang Santo Domingo ay nasa Quezon City. Tutuloy ako sa Quiapo. Sa Manila Cathedral. Sa San Agustin. Saka sa Baclaran. Sa...” ang pagkayamot ay hindi naikubli ni Nellie.

“Wala naman akong ibig sabihin, Nellie. May gusto lang sana akong ipabili sa yo,” kay hinay ng tinig ni Ruben.

Nakadama ng pagsisisi si Nellie sa inasal sa asawa. “Ano?” malamig na ang kanyang tinig.

Hindi kaagad sumagot si Ruben. Dinampot ni Nellie ang kanyang handbag at tinungo ang kama. “Magpapabili sana ako ng bagong Bible, yung malaki-laki ang letra. Hindi ko masyadong mabasa iyong luma. May deperensiya na yata ang salamin ko,” sagot ni Ruben, ang mga mata'y nakapako sa mukha ni Nellie.

Ang laki na nang ipinayat ni Ruben, napuna ni Nellie. Ngunit ang pagkaawang biglang nadama ay hindi pinabayaan ni Nellie na malarawan sa kanyang mga mata. Yumuko siya at hinalikan sa pisngi ang asawa. “Pahinga ka lang...”

Sa biyahe patungong simbahan ng Santo Domingo, hindi pa rin mapaknit sa isipan ni Nellie ang anyo ni Ruben. Hapis ang mukha, nanlalalim ang mga mata, halos buto't balat na. Isang malabong anino na lamang ng dating Ruben. Ilang taon na ba itong maysakit? Ilang taon na siyang nag-aalaga. Nagtitiis. Kailan nga ba nagsimula ang lahat.

Ipinakilala sa kanya ng isang kaibigan si Ruben. Ang simula. Matangkad ito at guwapo, executive sa isag malaking kompanya, may sariling kotse, masayang kausap. Matalino. Nalaman din niya, simpli ang pamilya, biyuda ang ina, propesyunal at nagtatrabaho ang dalawang nakababatang kapatid, walang kasintahan, katatapos lang makipaghiwalay.

Interesado siya kay Ruben at nahalata niyang interesado rin ito sa kanya. Binisita agad siya sa kanilang bahay. Inistima naman niyang mabuti. Sinundo siya sa opisinang pinapasukan. Sumama siyang kumain sa labas. Hindi nagtagal at nagtapat ito ng pag­ibig. Hindi niya pinagtagal at sinagot ito. Pagkalipas ng ilang buwan ay niyaya na siyang pakasal. Pumayag naman siya. Ang bilis, sabi nga.

Tunay ngang naging napakabilis ang mga pangyayari sa buhay nila ni Ruben. Ikinasal sila at sa loob ng isang taon ay nagkaanak. Tatlong taon at dalawang anak. Limang taon at tatlong anak, at isang katamtamang laking bahay sa isang subdibisyon sa labas ng Maynila. Hindi siya tumigil sa pagpasok sa opisina dahil maganda ang kanyang puwesto at mataas ang suweldo.

Sabi ng kanyang mga kaopisina at iba pang kaibigan, masuwerte siya. At totoo nga. Dahil mabait na asawa si Ruben. Mabuting magpamilya at talagang mahal na mahal siya. Bihira raw lalaki ang maalalahanin, na nakaaalalang magregalo sa asawa pagdating ng bertdey at anibersaryo at Pasko at Valentine. Isa sa mga bihira si Ruben. Talagang wala na siyang mahihiling pa.

Nang dapuan ng sakit si Ruben, isang uri ng arthritis na apektado ang buong katawan. Napakasakit. Halos mapaluha ito sa bawat galaw, bawat kilos ng katawan. Panandalian lamang ang ginhawang ibinibigy ng gamot. Gagaling at lalakas ng ilang buwan. Babalik ang sakit at mararatay ulit ng ilang buwan. Bumilang ng kung ilang taon na ganoon ang lagay ng kalusugan nito hanggang dumating ang araw na talagang kinakailangan nang tumigil sa pagtatrabaho.

Nagbago si Ruben nang magkasakit. Naging mausisa. Bakit ngayon ka lang.

Pagod siya, sa opisina at sa biyahe, nabenta na ang kanilang kotse, hindi siya marunong magmaneho, ang ganooong tanong ay hindi na niya sinasagot. Halik sa pisngi ang sagot niya.

Naging matampuhin din si Ruben. Natatamad ka nang kausapin ako. Nagsasawa ka na sa akin...

Noong una, parang kinukurot ang kanyang puso kapag naririnig ang sinasabing ito ni Ruben. Awang awa siya sa asawa dahil nauunawaan niya ang damdamin nito. Kung siya ang nasa katayuan nito, ganoon din ang kanyang mararamdaman. Dating malusog, naghahanap-buhay, lumalabas ng bahay, ngayon ay halos di makalayo sa higaan. Nanaisin pa siguro niya ang mamatay. Na naging bukambibig ni Ruben.

“Huwag mong sasabihin 'yan,” saway niya.

“Wala na akong silbi,” hinakdal ni Ruben.

“Mahal ka namin. Huwag kang mag-isip ng kung anu-ano. Basta magpagaling ka. Ito'y isa lamang pagsubok.”

Ngunt hindi niya matanaw ang katapusan ng dinaranas na pagsubok. Mahal niya si Ruben ngunit may mga pagkakataong siya naman ang nangangailangan ng pagmamahal, pag-aasikaso, pag-unawa. Na hindi na maibigay ni Ruben.

Gusto na niyang sumuko.


“HUWAG,” sabi ni Jimmy, isang kaibigan sa opisina. Nasa kantina sila noon, nanananghalian. “Ang kailangan moy maglibang-libang. Makipagkwentuhan.”

“Ay naku, wala na 'kong panahon diyan. Kulang pa nga ang beinte kuwatro oras sa akin,” sagot niya. “Tulad ngayon, pagkakain ,e pipikit ako sandali. Babawi ng puyat.”

“Nellie, walang therapy sa tulog pero meron sa pakikipagkwentuhan. Dahil nailalabas mo ang hirap ng iyong loob.”

Natawa siya, “Kailan ka pa naging psychologist, Jimmy?”

Hindi tumawa si Jimmy. “Mula nang umalis si Millet. Alam mo bang wala na si Millet. Nasa States na?”

Nabalitaan niyang wala na nga si Millet, ang asawa ni Jimmy. Isa itong medical technoogy graduate. “Alam ko. Susunod ka naman sa kanya, di ba?”

Umiling si Jimmy. “Iyon ang pamalita ko, Nellie, pero ang totoo'y naghiwalay na kami.”

Nagulat siya. “Bakit? Anong nangyari?”

Muling umiling si Jimmy. “Sabihin na lang natin na irreconcilable differences.”

At sa buong maghapon sa unang pagkakataon ay nawaglit sa kanyang isipan si Ruben. Napagtuunan ng kanyang pansin si Jimmy. Kaya pala parang iba si Jimmy. Dating masaya ito at palabiro.

Muli silang nagkasabay sa pagkain sa kantina ni Jimmy, tanghalian at miryenda. Minsan, nasasakay pa siya sa kotse nito hanggang sa istasyon ng love bus. Hindi matapus-tapos ang kanilang kuwentuhan, kung anu- ano lamang . Mga kwentong dati'y kay Ruben niya ikinukwento. O marahil, kay Millet nito ikinukwento. Totoong nakapagpapagaan sa kanyang kalooban ang pakikipag-usap na ito kay Jimmy. At nadama niya, kinasasabikan na niya ang araw-araw nilang pagkikita.


SA QUIAPO, sa harap ng Mahal na Poong Hesukristo na may pasang krus, matagal na nagnilay-nilay si Nellie.

Pare-pareho na tayong may pasang krus, wika niya. Si Ruben din, may pasang krus. Si Jimmy rin. Ako. Lahat ng tao, may kani-kaniyang krus na dapat dalhin. Ngunit Diyos kayo, kami'y tao lamang, hinaing niya, may halong pagtatampo.

Ang sagot ay waring narinig niya mula sa kanyang kaibuturan...

Na kailangang bang si Hesus lamang ang magpasan ng krus para maligtas ang lahat. Hindi ba dapat magtulung-tulong ang lahat sa pamamagitan ng pagdadala ng kani-kaniyang krus?


Noon dumating si Jimmy, lumuhod sa kanyang tabi at dito nabaling ang kanyang pansin. Sa loob-loob niya, hindi naman siya nagsinungaling kay Ruben nang sabihin niyang mag-isa lamang siyang magbibisita-iglesya. Wala silang saradong usapan ni Jimmy.

Ano bang gagawin mo ngayong Huwebes Santo? tanong nito. Sinabi niya. Ako rin, sabi nito. Saan bang simbahan ka pupunta? Sinagot niya. At nagkita nga sila.

“Miryenda muna tayo,” yaya ni Jimmy paglabas sa simbahan.

“Bibili muna ako ng Bible,” sabi naman niya.

Sa isang restoran sa Baclaraan sila nagmiryenda. Masaya siyang nagkukuwento kay Jimmy nang tungkol sa kanyang anak na tinedyer nang mapuna niyang matamang nakatitig ito sa kanya. Napatigil siya sa pagsasalita. Nasa mga mata ni Jimmy ang pangungulila kay Millet. Dinaklot ng pangamba ang kanyang puso.

“Tingnan nga natin itong binii kong Bible,” ang nahagilap niyang wika, sabay kuha ng aklat sa balutan.

Parang nabalik sa sarili si Jimmy, napabaling ang tingin sa hawak niyang aklat. “Tingnan nga,” ayon nito.

Siya naman ang parang nawala sa sarili. Aywan niya kung bakit niya naisipang sabihin iyon. “Sige nga, buklatin mo, kahit saang page. Basahin mo sa akin.”

Saglit na natigilan si Jimmy, waring nagtaka sa kanyang hiling, ngunit sumunod din. Binuksan sa may dakong gitna ang Bibliya. At nagbasa nang malakas.

Matthew, Chapter 5. you have heard the commandment. “You shall not commit adultery. What I say to you is: anyone who looks lustfully at a woman has already committed adultery with her in his thoughts.”

Nadama ni Nellie, parang tumakas na lahat ang dugo sa kanyang mukha sa narinig. Sinalubong niya ang mga mata ni Jimmy. Bigla ang kanyang naging pasiya. “Hanggang dito na lang siguro ako Jimmy. Hindi na 'ko tutuloy sa ibang simbahan. Uuwi na ko.”

Tumango si Jimmy. Naghiwalay sila at habang pauwi, abut-abot ang dasal ng pasasalamant ni Nellie. Salamat, salamat Diyos ko at iniligtas ako sa pagkakasala. Nahuhulog na ang loob ko kay Jimmy, nahuhulog na ang loob niya sa akin, doon na kami papunta. Salamat po at maaga pa'y ibinukas mo na ang aming mga mata. Salamat po.

At nadama niya, maluwag sa kaloobang tinatanggap niya ang pagpasan sa kanyang krus.

LIWAYWAY, Abril 20, 1992


No comments:

Post a Comment