Tuesday, January 18, 2011

NGAYON... ANG MAHALAGA

NGAYON... ANG MAHALAGA

Duweto sa pagtawa ang mag-asawang Edwin at Ludy. At sa nakahahawang tawa, sino ang hindi mapapasunod. Ang pauntul-untol na halakhak ni Jun, na kinukurot ni Rose. Ang mu-ha-ha-ha ni Chito na tinatampal ni Perla. Lahat sa harapan ay nagtatawa. Kasama na si Rudy. Siya man, si Linda, ay nakatawa rin. Bagaman at pilit.

“Alin, 'oy...” at namaywang si Ludy. “Ikaw nga riyan, inaraw-araw mo ako ng dalaw, kaya sa awa ko sa yo, sinagot na kita kahit wala akong gusto sa iyo.”

“'Sus, ako nga riyan ang naawa sa iyo, kaya kita niligawan.” ganti ni Edwin

“Pareng Edwin...” sabad ni Chito, “ganyang-ganyan din ang nangyari sa amin ni Perla. Tinutukan ba naman ako ng tatay niya, ano pang magagawa ko.”

Nakisagot si Jun. At naisip ni Linda, bakit napunta rito ang aming usapan. Alam na rin ni Linda ang sagot sa sariling tanong.


TUWING ikalawang Sabado ng gabi, kinagawian na ng kanilang grupo ng mag asawang Edwin at Ludy, Chito at Perla, Jun at Rose, at sila nga ni Rudy, ang magsama-sama. Katuwaan lamang. Minsa'y manood ng sine. Dutch lagi, para walang usapan. Ang meryenda ang tokahan. Kadalasa'y laro naman ng bowling. Losers pay. O kung nagkakatamaran, pipili na lamang sila ng bahay at doon lalagi, magkukuwentuhan ng hindi totoo.

Nang Sabadong ito'y napagkaisahan nilang maglaro ng bowling. Ayaw manood ng sine ni Rose. Puro bomba raw ang palabas sa Cubao, ayaw naman niyang madagdagan ang kanyang mga tsikiting. Sa downtown nama'y mahirap ang parking.

Sa kasamaang-palad hindi sila natuloy ng paglalaro. Nakalimutan ni Edwin na magpareserba at puno lahat ang mga alley. Sakay ng kani-kanilang kotse, inisa isa nila ang malalapit na bolingan. Puno ring lahat. Kaya napagkaisahan na lamang nila na magkainan kina Chito. At palabas sila sa huling bolingan nang maganap ang matagal na niyang pinangangambahan. Nakasalubong nila ang isang grupo. Mukhang mga pag-asawahan ding tulad nila. At kasama sa grupo si Cora. Na maganda pa ring tulad nang dati. Kagandahang hindi nakaligtas sa paningin ng lahat ng mga kasama niyang lalaki. Na ikinapagtamo ng mumunting kurot mula sa mga kaalakbay na asawa.

Nabigla siya sa hindi inaasahang pagkikita nila ni Cora. Si Rudy ang unang nabuhayan ng loob. “Cora, kumusta.”

“Mabuti,” sabi ni Cora. At ipinakilala sa kanila ang asawa nito, si Rino, na narinig na niya ang pangalan kay Rudy. Dahil si Rudy at si Cora ay dating magkasintahan.

Ayaw maniwala nina Jun. Ang pilya ay si Rose. “Huwag mong sabihing naging girlfriend mo 'yon, Rudy.”

Tatawa-tawa si Rudy. “Hayan si Linda at buhay. Itanong mo.”

“Totoo, Linda?” tanungan nina Perla.

Tumawa siya kasabay ang saloobing sana, sana'y natural ang tunog ng tawa niya. “Oo. Alam mo naman 'yang asawa ko, deadly sa girls.”

Doon nagsimula ang kanilang usapan tungkol sa mga nakalipas na romansa. Heto na si Edwin at ikinuwento ang isa niyang naging girlfriend na talaga namang ubod ng ganda. Seksing seksi pa. Kung bakit nga lamang napapikot siya kay Ludy. Tigas na angal ni Ludy. At kantiyawang umaatikabo. Naku, malamang na hindi makasiping itong si Edwin ngayong gabi.

Nagsasakayan na sila sa kotse, pauwi, ay tuloy pa rin ang kantiyawan. Siya naman at si Rudy ang naharap. “Naku, Rudy, ang lagkit ng tingin mo kay Cora kangina. Palagay ko'y selos iyang katabi mo.”

“Magtigil kayo,” nakangiti niyang saway.

Umugong ang tawanan. “Tinatablan na si Linda. Naku, malamang na outside the kulambo ngayon si Pareng Rudy.”

“Wala kaming kulambo, Chito. Screened yata ang bahay namin,” ganti niya.

Tawanang muli. “Talaga Rudy. Masama na'ng timpla.”

At natapos din ang biruan. Umusad ang kanilang kotse. Kumaway siya ng paalam.


KASIMBILIS ng takbo ng kotse ang daloy ng gunita. Magkasama sila sa opisina ni Rudy. At magkaibigang matalik. Gayon ang damdamin sa kanya ni Rudy, alam niya. Bagaman at higit sa isang kaibigan ang saloobin niya rito. Iniibig niya si Rudy. Isang pag-ibig na pinakalilihim niya.

Walang kasintahan si Rudy at ang bagay na iyon ay sapat upang umasa siya. At masiyahan sa kanilang kalagayang dalawa. Paglabas sa opisina'y isinasakay siya ni Rudy sa kotse nito at inihahatid sa kanila. Total, madaraanan ko naman ang sa inyo saka, wala naman akong pupuntahan ngayon gayong lagi ang katwiran ni Rudy. Walang bahid ng ano mang damdaming tulad ng kanyang nadarama.

Dumating pa ang panahong dumalaw sa kanila si Rudy. Nakihalubilo sa kanyang pamilya. Nakitawag ng tatay sa kanyang tatay. At nanay sa kanyang nanay. Darating nang alangan sa oras, makikikain. Naging isa sa pamilya. Parang anak,, sabi ng kanyang mga magulang. Parang kapatid, ang sabi niya. Na alam niyang hindi totoo.

Nakilala rin siya sa bahay nina Rudy. Nakasundo niya ang mga kapatid nito. Naging paborito ng mga pamangkin. Kinagiliwan ng mga magulang. Inireto pa siya sa kung kaninong binata, na bagay na bagay raw sa kanya. Na tinawanan lamang niya. Sapagkat iisa lamang ang lalaking my pitak sa kanyang puso. Si Rudy. Ang bulag sa kanyang mga katangian na si Rudy. Hanggang kailan kaya siya maghihintay.

Saka dumating si Cora sa kanilang buhay. Napasok itong kalihim ng hepe ni Rudy. Nagkalapit ang dalawa. Siya naman ay kinuha ng kanyang amaing malakas sa bangko, isang pagkakataong hindi niya natanggihan. Doon nagwakas ang kanyang pag-asa.

Nadadalaw pa rin paminsan-minsan si Rudy sa kanilang bahay. Upang magkuwento sa kanya tungkol kay Cora.

“Sinagot ka na ba?” kanyang itatanong, “baka may boyfriend.”

Iiling si Rudy. “Wala raw. At pinag aaralan pa niyang mabuti kung ako na nga.”

“Hayun naman pala at may natatanaw ka na.” Sa pakiramdam niya, parang pinipiga ang kanyang puso.

Ang malaking kasiyahan ay nakakintal sa mukha ni Rudy. “Kapag nagkataon, ibo-blowout kita, Linda.”

“Sinabi mo, ha...”

At tinutoo ni Rudy ang pangakong blow-out. Na nasayang lamang. Dahil kapwa sila hindi nakakain. Si Rudy, sa labis na kaligayahan. Siya, sa pait ng kabiguan, na pilit, at wari naman, ay napagtagumpayan niyang ikubli.

Hindi naman siya nakalimutang ganap ni Rudy . Naalaala pa rin nito ang kanyang kaarawan. May regalo pa rin kung Pasko. May friendly card kung Valentine. Ang hibla ng pagkakaibigan ay hindi lubusang nalagot. Kundi ba nama'y siya ang unang pinagtapatan ni Rudy ng balak nitong pag-aasawa.

“Mamili ka, Linda,” sabi ni Rudy. “Veil, cord, or candle sponsor?”

Noon pa may gusto na niyang umiyak sa harap ni Rudy. Sa halip, ngumiti siya,
“Pero, Rudy, hindi ikaw ang dapat mamili noon. Si Cora.”

“Alam ni Cora na magkaibigan tayo. Gusto rin niyang maging miyembro ka ng aming wedding entourage.”

Hindi kaagad siya pumayag. Tinanong niya si Rudy. “Set na ba ang date ninyo. Namanhik na ba ang tatay at nanay mo?”

Umiling si Rudy. “Nag-uusap pa lamang kami ni Cora. Hindi pa alam sa kanila. At hindi pa rin sa amin.”

“Naku,” at tumawa siya. “Magsabi ka nga muna sa inyo bago mo ako imbitahing sponsor.”

Iyon ang huli nilang pag-uusap ni Rudy tungkol sa inaasahang kasal. Na hindi natuloy. Si Cora ay sumamang magtanan kay Rino ang dating kasintahan nito. Hindi na ito pumasok sa opisina. At muli, dumalas ang pagkikita nila ni Rudy.

Sa telepono. "Linda, hintayin mo ako sa opisina n'yo. Daraanan kita.”

“Ha, e...” gusto pa niyang tumutol.

“Linda... please.”

At sa nakikiusap na tinig ni Rudy, paano siya makatatanggi?

“Kaibigan kita, Linda. You'll help me forget.”

Naging sunud-sunuran siya kay Rudy, alipin ng damdaming nagtatangi. Sumama siya sa pasyalan. “Madalas kami rito sa tabing-dagat ni Cora.”

Nagtanong siya. “Hindi ka ba nasasaktan. Naririto ka'y hindi naman siya ang kasama mo?”

Tumingin sa malayo si Rudy. “Nais ko ngang mapatungan ang gunitang iyon. Darating ang panahong kapag naisip ko ang dapit-hapon sa tabing-dagat, hindi na si Cora ang maaalala kong kasama. Kundi ikaw.”

Nanood din sila ng sine ni Rudy. “Trust me, Linda,” sabi nito

At sa panonood ng sine ay dumating ang panahong hinawakan ni Rudy ang kanyang kamay. Na hindi niya tinutulan. At lumabas silang hindi nag-iimikan.

Dumating ang araw na hindi na nababanggit ni Rudy ang pangalan ni Cora. Nawala na sa mga mata nito ang bahid ng lungkot. Si Rudy ay ang dati nang si Rudy noong hindi pa dumarating sa kanilang buhay si Cora.

Saka nagtanong si Rudy sa kanya. “Ano'ng isasaloob mo, Linda, kung yayain kitang pakasal sa lalong madaling panahon?”

Nabigla man siya'y nakapag-isip pa rin ng marapat na sagot. “Ano pa, kundi ang isiping nais mong patunayan sa iyong sarili na lubusan mo na ngang nakalimutan si Cora. At magagawa mong pakasal sa iba.”

Malungkot na ngumiti si Rudy. “At naisip mo ring napaka-selfish ko. I'm forever using you. Para sa aking sariling kabutihan. Which is partly true. Inaamin ko.”

Hinawakan ni Rudy ang kanyang kamay. Tinunton ng hintuturo nito ang namumughaw na mga ugat sa kanyang kamao. At ang malalim na guhit sa kanyang palad. “Ngunit maniwala ka kaya, Linda, na sa kabila ng damdaming binanggit ko, talagang nais kong makaisang-palad ka. Maniwala ka kaya kung sabihin kong natutuhan kitang mahalin, Linda. Isang pagmamahal na iba kaysa iniukol ko kay Cora. Pagmamahal na...”

Hindi niya napigil ang sarili. Pinutol niya nag pagsasalita ni Rudy. At kasabay ang pagtango, “Naniniwala ako. At pumapayag. Ano naman ang isasaloob mo?”

Kumislap ang mga mata ni Rudy. At tumawa. “Ano pa? Ikaw ang da bes. At bukas din, papupuntahin ko ang mga tatay sa inyo. At mamahalin kita. Paliligayahin sa abot ng aking makakaya. Maniwala ka, Linda.”

Ikinasal sila ni Rudy. Isang marangyang kasal. Naghanimun sa magagandang pook sa Kabisayaan at Mindanao. Nagpatayo sila ng isang munting bahay sa loteng ari ng mga magulang ni Rudy sa isang mahusay na subdibisyon. At nagkaroon sila ng anak. Isa, dalawa. Naging tatlo.

Nagkaroon din sila ng mga bagong kakilala. Na naging malapit na kaibigan. Kumpadre at kumadre. Isang munting grupo ng mga pag-asawahang nagnanais namang makalaya sa hirap at pagod sa pag-oopisina sa buong sanlinggo. Mga inang nais namang makawala sa pagkatali sa bahay. Sina Edwin at Ludy. Chito at Perla, Jun at Rose. Sila ni Rudy..

Sa buong panahong ipinagsama nila ni Rudy, wala siyang masasabi rito bilang isang asawa at ama ng kanilang mga anak. Maalalahanin si Rudy. At ang kapusukan nito na may katambal na giliw ng pagmamahal sa mga pagkakatong nais nitong ipadama ang pagmamahal sa kanya, ay hindi isang pagkukunwari lamang. Maliwanag niyang nadama na tunay ang damdamin ni Rudy sa kanya. Ngunit sa kabila noon, ang pangamba sa muling pagkikita nina Rudy at Cora, pagkagising ng isang nahihimlay o namatay nang damdamin na magiging daan ng pagkawala ng pag-ibig sa kanya, ay isang nakaambang patalim sa kanyang puso.

Pagkikitang nangyari na nga. At sa pagkakasandal ni Linda sa malambot na upuan ng kotse, pilit niyang pinagbalikan sa alaala kung ano ang naging reaksiyon ni Rudy nang makita si Cora. Kumislap ba ang mga mata nito? Naging masigla ba ang katawan? Natuwa, lumigaya at muling nasilayan ang dati at tunay na pag-ibig? Nawalan ng kibo? Dahill... dahil nagsisisi na.

Saka niya napansin, nakahinto na ang kanilang kotse. Sa tabing-dagat. At pinagmamasdan siya ni Rudy. “Ba... bakit. Bakit tayo narito?” kanyang tanong.

Ngumiti si Rudy. “May sasabihin ako sa iyo. At dito sa tabing-dagat na madalas nating pasyalan noong araw, dito ko nais sabihin sa iyo.”

Sinenyasan siya ni Rudy . At umisod siya ng upo, palapit sa asawa . Naramdaman niya ang bisig nito sa kanyang balikat. Ang pisil ng kamay sa kanyang bisig. At narinig niya ang mahina, ngunit maliwanag nitong tinig.
'Alam mo, Linda, may unang pag-ibig at may pangalawa. May pangatlo din. At maaaring may pang-apat pa. Ngunit para sa akin, ang ngayong pag-ibig ang pinakamahalaga. Sapagkat ito ang tunay kong pag-ibig. Ikaw iyon, Linda. Sapagkat saan ka mapapapunta kundi ikaw ang tunay kong pag-ibig. Maaaring ikaw lamang ang naging panlimang pag-ibig. Isa pa, naniniwala akong ang pag-ibig ay tulad ng halaman. Lumalalim ang ugat, yumayabong ang mga sanga, sa mabuting pag-aalaga. Ganoon ang pag-ibig ko sa iyo.”

Nakalilito ang paliwanang ni Rudy. Ngunit ang hindi masundan ni Linda sa salita ay naunawaan na niya sa gawa. Sa mariing halik sa kanyang mga labi na siyang katapusan ng paliwanag ni Rudy.

September 20, 1971, Liwayway

No comments:

Post a Comment