Friday, January 29, 2010

IKATLONG KWENTO NG ENERO 2010

Tulad ng aking naipangako, narito ang ikatlong kwento sa buwan n Enero, 2010. Ngayon ay nakumpleto na ang Tatsulok.

Ang UMAGA NA ay sa pananaw at damdamin ng ikatlo.

Ang MAY ISANG BAGONG TATSULOK ay sa pananaw at damdamin ng tatlong karakter, ngunit higit at lalo sa kakaibang hakbang na gagawin ng naagrabiyadong babae.

Ang ANG MAKALILIGAYA KAY CHITO ay sa pananaw at damdamin naman ng lalaki.

Bawi na ako sa mga kwentong hindi nailagay sa mga buwan ng Oktubre, Nobyembre at Disyembre, 2009. At sa Pebrero, dalawa ang kwento kong ilalabas para naman sa unang dalawang buwan ng taong 2010.

Sa isang taon, 2011, nais kong magkaroong muli ng interactive blogging sa buwan ng Pebrero. Ngayon pa lamang ay inaanyayahan kong muli ang mga nag-share ng kanilang Christmas experiences noong 2008 na ibahagi naman nila ang natatangi nilang karanasan sa Valentine. Marahil, isang simpling valentine card na tinanggap mula sa crush o first love. O first valentine ninyo bilang magboyfriend o mag-asawa. O wala kang valentine. Kahit ano.

Kaya, balikan na ninyo ang nakaraan. Sa isang taon pa naman ito.

ANG MAKALILIGAYA KAY CHITO


ANG MAKALILIGAYA KAY CHITO

DALAWANG minuto makalipas ang ikalima ng hapon, pinaswitan ni Chito ang sumasarang pinto ng elevator. Ngunit puno na ito at hinudyatan na lamang siya ng matandang elevator man. Sa susunod na biyahe.

Dumalang ang mga hakbang ni Chito. Parang wala sa sariling huminto sa tapat ng nakasarang elevator. Nakangunot ang noong tinitigan na wari namang hindi nakikita, ang mapulang palasong pababa na kanyang diniinan. Nagtatalo ang kanyang isipan. Hihintayin ko ba? O maghahagdanan na lamang ako?

Tinungo ng mga paa ni Chito ang hagdanang pababa ng gusali. Hindi na nagmamadali ang kanyang mga hakbang. Si Perla ang dahilan. At ang pasiya nilang pagliban sa eskwela. Sa kanilang pag-uusap sa telepono ni Perla bago siya lumabas ng opisina ay napahinuhod na rin niyang huwag itong pumasok, at sa halip, sila ay magkita sa harapan ng UE. Dahil sa isang napakahalagang bagay na kanilang pag-uusapan. Ang tawa lamang ni Perla. “May balak ka yatang itanan ako, Chito.”

“Sasama ka ba naman,” ang ganti niya.

Mabilis ang sagot ni Perla. Halatang matagal nang pinag-ukulan nito ng pag-iisip ang bagay na iyon. “Hindi naman ako naghahangad ng marangyang kasal. Pero kung iyon ba ang gusto mo, bakit ang hindi.”


SA panulukan ng Claro M. Recto at Avenida Rizal, saglit na huminto si Chito. Sandaling inisip kung sasakay na siya sa diyep biyaheng Sta Mesa upang makarating kaagad siya kay Perla. O tulad nang dati, na kanyang kinagawian, ay inut-inot na lumakad.

Naglakad si Chito. Hindi sa pagtitipid na dati'y siya niyang dahilan sa paglalakad, kundi sa pagnanais na makapag-isip-isip. Sa kalagayan nila ni Perla. Ang pinakamamahal niyang kasintahan. Sa mga pangarap nito sa buhay para sa kanilang dalawa. At sa kanyang katayuang may asawa.

Sino ang mag-aakalang may asawa siya. Dalawampu't dalawang taong lamang siya nang kanyang huling kaarawan. Gumagapang sa batok ang kanyang buhok. Kay haba ng kanyang patilya. Ang tingkad ng kulay ng kanyang pantalon. Lalaki ng print ng kanyang polo. Lapad ng kanyang sinturon. Kung may mapagmasid at mahihinuhang may asawa siya, ito ay sa dahilan lamang na napakalilinis naman, kahit kakaunti at luma ang kanyang mga damit.

Labing-anim lamang siya nang makapag-asawa. Nasa ikaapat na taon sa high school. Ang galit ng kanyang ama. Ang iyak ng kanyang ina.

“Naiintindihan mo ba ang iyong ginawa, lalaki ka!” Mapulang-mapula ang mukha ng kanyang ama sa ginagawang pagpipigil.

Sinulyapan niya ang kanyang ina. Tukop nito ang bibig at maga ang mga mata sa hindi matapus-tapos na pagluha. Napalunok siya. “'Nay... Itay... kasi, kailangan...”

Tumalikod ang kanyang ama. Lumakas ang hikbi ng kanyang ina. Alam niya, nauunawaan ng mga ito ang kanyang sinabi. Kailangan ang ginawa niyang pagtatanan ng babae, kay Lily. Isang buwan nang hindi ito dinaratnan. Na iisa lamang ang ibig sabihin. Nagbunga ang mga araw na hindi nila ipinasok sa eskwela. Panonood ng sine na natuloy sa kung saan.

Nagpasiya ang kanyang ama. “Kung ganoo'y ano pa nga ba ang magagawa natin. Maliban sa ang mag-usap nang mag-usap. Lalo pa nga sa harap ng katotohannang ayaw na ring makialam ang mga magulang ni Lily sa nangyari. Ako na raw ang bahalang magpakasal sa inyo.”

Labing-anim na taon din si Lily. Katulad niya. At sa harap ng pagsasalita ng kanyang ama ay tungung-tungo ito.

“Tatapusin ninyong dalawa ang pag-aaral sa high school. Ako na ang bahala noon. Ngunit sa kolehiyo, ipagpatawad ninyong hindi ko tustusan ang inyong pag-aaral.”

Napatingin siya sa kanyang ama. Sa kanyang ina. Nagpatuloy sa pagsasalita ang kanyang ama. “Sa ginawa mong pag-aasawa nang wala pa sa panahon, ikaw ay sumuway sa aming mga pangaral. At sa ginawa mong pagsuway, ipinakilala mong ikaw na ang nagpapasiya sa iyong sariling buhay. At kung ipinalalgay mong handa ka nang maging hari ng iyong sarili, ikaw ang masusunod. Ikaw ang bubuhay sa iyo at sa iyong asawa. At sa iyong magiging anak. Sa iyo manggagaling ang inyong kakainin. Dadamtin.”

Ang usapan ay tinapos ng kanyang ama sa pamamagitan ng pabibigay ng kaunting konsuelo. “Hindi naman kami kahigpitang mga magulang. Isang pinto ng ating maliit na paupahang apartmen na mababakante sa mga susunod na buwan, na dating inuupahan sa halagang sandaan ay ipahihiram ko sa inyo pagkatapos ninyo ng high school. Pahiram lamang. Kung may pambayad na kayo at tiyak namang malalaman namin kung mayroon, hihingan namin kayo ng bayad. Ihahanap kita ng trabaho. Huwag kang mamiili. Kahit diyanitor o mensahero. Dahil pag maselan ka, hindI kayo kakain.”

Si Lily naman ang hinarap nito. “Ikaw naman, Lily, dalawa kayong nagkasala. Tulungan mo si Chito na dalahin ang bunga ng inyong kapusukan. Kung magkano man ang kanlyang suweldo, tipirin mo, pagkasyahin mo. Matuto kang mamahay.”

Hindi na yata maampat ang luha ng kanyang ina nang sila ay magkasarilinan. “Anak ko, kawawa kong anak...”

Hinagod niya ang likod ng kanyang ina. “Huwag kayong mag-alala, Nanay. Inaamin kong kapusukan nga ang nangyari sa amin ni Lily, ngunit ang pasiya ng tatay ay tinatanggap ko. Tatayo kami ni Lily sa aming sariling paa. Maaaring hindi nga sa ngayon kaagad, ngunit sa pinakamalapit na hinaharap.”

Napailing ang kanyang ina. “Alam kong magagawa mo iyan, anak. Ngunit iba ang inaalala ko. Baka dumating ang panahong madama mo o madama ni Lily na hindi kayo ang bagay sa isa't isa. Ano ang manyayari sa inyong buhay?”

Siya naman ang umiling, sunud sunod. “Mahal na mahal ko si Lily. At gayon din siya sa akin, Nanay.”

Tumingin sa malayo ang kanyang ina. “Hindi ako nagkulang ng pangaral sa iyo, Chito. Noon pa mang nabaltaan kong nanlligaw ka na sa kung kani-kanino. Ang kahuli-hulihan nga'y si Lily. Noon pa ma'y sinabi ko na sa iyo na huwag kang magmadali. Ang mga batang pag-ibig ay madaling lumipas. Pabagu-bago ang mga panlasa sa katangian ng mga babaing inyong naiibigan. Ngayon ay mahinhin ang gusto ninyo. Bukas ay ismarte at bibo. Samakalawa ay maganda't matalino.”

“Hindi magbabago ang damdamin ni Lily sa akin, Nanay.”

“E, kung ikaw ang magbago, anak. Paano?”

Hindi niya maubos-maisip na magbabago ang pag-ibig niya kay Lily. Napailing siya. Ngunit malayo na ang nararating ng kanyang ina. Pinayuhan siya. “Higit pa marahil sa iyong ama o kay Lily, kilala kitang mabuti, anak. Kaya kapag dumating ang panahong iyon, ang piliin mong hakbang ay ang makalliligaya sa iyo.”


MALIGAYA sila ni Lily. Sa kabila ng kamuraan ng kanilang gulang natatap nila kapwa ang kanilang kalagalyan. Ang di kalakihang apartmen ay pinagtulungan nilang ayusin ni Lily. Isang munting hapag at apat na bangkitong tabla na tinda't lako ng isang nakapingga at naglalakad sa kalsada ang kanilang naging kainan. Isang mesitang bilog at dalawang silyang sulihiya ang inilagay nila sa sala. Salamat sa built-in cabinet at hindi na nila kinailangang bumili ng aparador para sa damit. Ang kalang de gas ay hulugan.

Mensahero siya sa isang opisina na ang may-ari ay kaibigan ng kaibigan ng kanyang ama. Hindi man sapat sa talagang pangangailangan nila ay abot abot na.

“May natira ba, Lily?” tanong niya.

“Pampanindahan ito. Ire ay bayad sa ilaw at sa tubig. Hulog sa kalan. Pamasahe't pangmiryenda mo ito. Gatas, kape, asukal, sabon, bigas. Panghulog ko ire sa pantalon mo't polo. Ito nama'y...”

Mabait si Lily. Maalalahanin. At madaling matuto sa pamumuhay na kapos. Naging matipid. Maharimunan.

Mahusay siyang mensahero. Madaling makaintindi ng mga utos. Masipag. May iwing katalinuhan. Sayang, sabi ng isa niyang kasamahan. Kung nakatuntong ka man lamang sana ng college, baka maalis ka sa pagkamensahero. Maging clerk, halimbawa. Kalaunan, aasenso na.

Noon, sa unang pagkakataon ay nadama niyang kailangang makapag-aral siya. Nag-usap sila ni Lily at lumapit sila sa kanyang mga magulang.

Tumango ag kanyang ama. “Hindi masama ang inyong binabalak. Ngunit ang bagay na iyan ay nangangailanan ng di kakaunting pagsasakrispisyo sa parte ninyong dalawa. Pahihiramin namin kayo ng pangmatrikula, pero buwan-buwan, pagsuweldo, kailangang huhulugan ninyo ng pinakamalaking maibibigay. Hindi bababa sa beinte.”

Masidhi ang kanyang pagnanais na makapag-aral. Matiim ang pagnanasa ni Lily na makatulong sa kanya. Tinanggap niya ang kondiyon ng kanyang ama. “May inaasahan akong umento, Lily,” aniya. “Iyon ang ipunin mo para sa panganganak.”

Nanganak si Lily ng isang sanggol na lalaki. Na ang ginamit na lampin ay mga pinagsuputan ng arina at asukal na kinalas, tinahi ang gilid, pinaputi sa kula. Lumaki ang sanggol, hindi sa pulbos na gatas na kung magkakano isang lata, kundi sa gatas ng dibdib ni Lily. “Mura na, malinis pa, hindi pa nakukulta,” pagbibiro nito.

Samantala, nag-aral siya sa gabi. Isinabay ang ilang units ng typing. At di nga ang nangyari, naalis siya sa pagkamensahero. Nalagay siya sa warehouse, pinapaghawak ng stock card, katulong ng isang tapos sa kolehiyo, na ang lahat ng mga gawain ay sa kanya ipinagagawa, tuloy natuto siya agad.

Nakaisang taon siya, nakadalawa. Nang ikatlo'y nabalik siya sa opisina. Sa accounting. Matalinong bata, may ilalabas. At kasabay ng asenso ang umento. At kasama ng umento ang kaunting kaluwagan sa pamumuhay. Bukod sa hulog sa matrikula, nakapagbibigay pa rin sila ng para sa apartment. At nakabibili na ng mga damit. Unti-unti, ­kung baga sa ibon, nakapamamayagyag na siya. Mababa ma'y nakalilipad na rin.

Noon niya nakilala si Perla. Na maganda at matalino. Mahinhin pa. Kabuuan ng babaing nais niiyang makapiling sa buhay. Sa kanyang hinaharap.

Si Lily. a... si Lily. Ano na nga ba an nangyari sa kay Lily. Parang may nawala rito. O talagang wala rito ang mga katangiang biglang-bigla ay nadama niyang kailangang maging bahagi ng katauhan ng isang kasama niya sa buhay.


Ang pinangangambahan ng kanyang ina ay sumapit na sa kanyang buhay. Nadama niyang umiibig siya kay Perla. Ibang uwi ng pag-ibig. Hindi katulad ng damdaming iniukol niya kay Lily. At ang nakaraan ay ulit-ulit niyang binalikan sa isipan. Maganda ang binti ni Lily. At magalling magsayaw. Maraming nanliligaw nang sila ay nasa high school. At ito'y naging hamon para sa kanya.

Mabait si Lily at naging mabuting asawa. Hindi naging madali para sa kanyang pagkasalahan ito. Kaya ang pag-­ibig niya kay Perla ay mahigpit niyong kinuyom, nahalata man niyang may katugon ang kanyang damdamin.

Ngunit may hanggahan ang ang pagpipigil niya. Si Perla, na pumapasok din sa opisina kung araw at sa gabi nag-aaral ay lagi sa library kung makapananghali ng Sabado. Tulad niya. At iyon ang simula. Naging magkasintahan sila. At si Perla, tulad ng maraming dalagang may kasintahan, ay nangarap ng isang munting bahay o isang munting apartmen sa simula. Sa isang munting bakuran na may munting hardin at mga batang naglalaro. Na paano niya maibibigay?


TUMATAWID pa lamang siya ay namataan na niya si Perla. Na nakangiting sumasalubong sa kanya. “Magtatanan na ba tayo?” tanong nito.

Sa pinakamalapit na palamigan ay niyaya niya si Perla. Na takang taka sa hindi niya pagkibo. Na patuloy sa pagbibiro. “Ano? Akala ko, talagang magtatanan na tayo?”

Hinawakan niya sa kamay si Perla. “Talagang sasama ka sa akin?”

Tumango si Perla. “Kahit na makagalitan ako sa bahay.”

Tinitigan niya ito. “Kahit.....kahit na... may asawa ako?”

Ang latay ay sa lapat na lapat na mga labi niya nakita. Sa walang luhang mga mata. Sa kahimikang bumibingi. Mahaba't walang katapusan.

Nang magsalita si Perla ay madalang at maliwanag. “Kung ano ang iyong ipasiya, Chito. Nakahanda ako. Kahit... kahit ka na... may asawa...”

Saka umiyak si Perla. Saka niya nadama kung gaano niya kamahal ito. Kung paano niya gagawin ang lahat upang ito'y lumigaya. Saka niya naalala ang kanyang ina.

Kapag dumating ang panahong iyon, ang piliin mong hakbang ay ang makaliligaya sa iyo.


At sa kaibuturan ng kanyang puso ay alam niyang ang makaliligaya lamang sa kanya ay ang tunay na makaliligaya kay Perla. Isang tiwasay na hinaharap sa isang darating pang pagibig na walang kasalo, hindi sa pag-ibig niya. Hindi sa pag-ibig niya.

“Perla... Perla... ang tanging kasalanan ko ay ang ibigin ka. Hindi ko nais pang dagdagan ito sa pamamagitan ng pagwasak sa iyong hinaharap. Patawad...”


BUMABABA na sa diyep si Chito sa harap ng kanilang apartment nang lubusan niyang maunawaan ang damdaming kasama niyang isinaalang-alang sa pagpapasiya sa kanilang pag-iibigan ni Perla.

Na makaliligaya rin sa kanya ang makaliligaya sa kay Lily.

At sa kanilang anak.

Na hindi makaliligaya sa kanya ang talikuran ang mga ito.

October 18, 1971

Thursday, January 21, 2010

ISANG LIHAM


ISANG LIHAM

Tinanggap ko ang sumusunod na email noon pa, ngunit sa kaabalahang idinulot ni Ondoy, hindi ko ito agad nabigyang-pansin. Ang sumulat ay isang kamag-aral at kaibigan, isang itinuturing kong kindred spirit. Kapwa kami may “literary inclination” wika nga. Kaya, enjoy kaming mag-usap at magpalitan ng mga ideya, kuru-kuro atbp. Kaya rin, miss namin ang isa pang kaiskwela na sumakabilang-buhay na. Na siyang itinuturing naming isang tunay na “writer” at “poet”.


Dear Eve:

Inaabangan-abangan ko, buwan-buwan, ang iyong mga kuwento. Uulitin ko ang nasabi ko na noon pa: pinupukaw ng mga ito ang tila naiidlip na kahapon, sapagka't ang mga kuwento mo'y madalas na naglalarawan ng di pa napapawing "parang-kahapon-lamang" na kahapon.

Gaya nga nitong pinakahuli, ang PINAKAMAMAHAL KITA, KAYA . . . Ginamit mo ang isang talata ng isang tula, kaya naman nakanti ang aking pagka-Bulakenyo, lalung-lalo na nang sipiin mo ang isang napakagandang bahagi ng Florante at Laura.

Naalala ko tuloy na noong nasa elementarya ako ay ipinakabisa sa akin ang KAY SELYA na nasa introduksyon ng koridong Florante at Laura na tinula ko sa isang convocation sa eskwelahan. Ngayo'y di ko na kabisado.

Na nagpaalaala naman sa akin ng pagkahilig ko sa mga tula noon pa man. Isa sa mga paborito ko ang Ode: Intimations of Immortality from Recollections of Early Childhood ni William Wordsworth. May pagka-philosophical ito na naniniwala sa pre-existence ng tao. Ang buhay daw ay isang malabong anino ng isang nagdaang buhay na busilak na taglay natin sa ating kabataan nguni't unti-unting napapawi habang tayo ay lumalaki. Pagkatapos na mamatay tayo, babalik din naman tayo sa ideal state na 'yon.

Isang bahagi ng tula ay ganito ang sinasabi:

What though the radiance which was once so bright
Be now forever taken from my sight
Though nothing can bring back the hour
Of splendor in the grass, of glory in the flowers
We will grieve not, rather find
Strength in what remains behind.

Na nagpaalaala naman sa akin ng Hollywood film na ang pamagat ay batay dito, ang SPLENDOR IN THE GRASS, na pinagbidahan nina Natalie Wood at Warren Beatty. Ang pelikula ay tumutukoy sa sexual repression at virginity. But that's another story.

Tunay na masarap na mag-recollect . . .

RCE

Sinabi mo, tunay na masarap na mag-recollect! At nabanggit mo ang tulang Kay Selya na nagpapatunay sa ginagawa nating ito. Narito ang ilang taludtod ng tula na ang mga unang linya ay ginamit ko sa aking blog...

“Kung pagsaulan kong basahin sa isip
Ang nangakaraang araw ng pag-ibig...”

Hayaan mong ituloy ko ito:

“May mahahagilap kayang natititik
Liban na kay Selyang namugad sa dibdib?

Yaong Selyang laging pinanganganibang
Baka makalimot sa pag-iibigan
ang ikinalubog niyaring kapalaran
sa lubhang malalim na karalitaan.

Makaligtaan ko kayang di basahin
nagdaang panahon ng suyuan natin
kaniyang pagsintang ginugol sa akin
at pinuhunan kong pagod at hilahil?

Lumipas ang araw na lubhang matamis
at walang natira kundi ang pagibig
tapat na pagsuyo lalagi sa dibdib
hanggang sa libingan bangkay ko'y maidlip.

Ngayong namamanglaw sa pangungulila
ang ginagawa kong pang-aliw sa dusa
nagdaang panaho'y, inaalaala
sa iyong larawa'y ninitang ginhawa.”

At ito ngayon ang aking ginagawa sa aking blog. Sa pamamagitan ng aking mga kwento ay maibalik sa alaala ang mga nangakaraang araw. Dahil sa ang mga tauhan ng kwento ay gumagalaw ayon sa panahong nagdaan. Ang mga problema nila ay nilulutas ayon sa kaugalian at kalakaran noon. Ang mga lugar na pinangyarihan ng kanilang buhay ay mga lugar na kilala natin, ang kanilang musika ay mga himig na inawit natin, ang mga tula ay mga tulang ipinakabisa ng mga guro sa atin.

Na halos ibang-iba na sa panahon ngayon. Na siyang ngang dahilan kung bakit ginagawa ko ito.

Na makilala tayo ng mga makababasang kabataan...

At tayo namang bahagi ng panahong yaon ay maaliw pang minsan...

Eve


Friday, January 15, 2010

MAY ISANG BAGONG TATSULOK



MAY ISANG BAGONG TATSULOK



HILDA…

Ang masuyong tawag ay bahagya na niyang naulinigan, ngunit ang dampi ng mga labing bumigkas sa kanyang pangalan ay naramdaman niya sa kanyang pisngi.

Hilda…

Ang mga labi ay dumako sa kanyang punong tainga, bumubulong.

Mahal...

At ngayon, ang tinig ay may kasabay na dampi ng palad sa mukha. Mga daliring humahaplos sa mga mata, tumatalunton sa guhit ng kilay, sa lapad ng noo, sumusuklay sa magulo, malagong buhok sa ibabaw ng unan.

Alam na niya ang kasunod. Mumunting halik sa pisngi. Maliliit na kagat ng mga labi. Malilikot na kamay. Mumunting bulong sa pagitan ng mga habol na paghinga, kasabay ang paglaganap ng nakadadarang na init sa kanyang buong katawan. Ang impit niyang tinig ay nakawala.

Jim!

At sa bahaging iyon ng panaginip siya nagising. Kasabay ang pagkamulat sa di na maitatakwil na katotohanang bata pa siya, katutuntong lamang sa tatlumpo, at ang kalikasan niya’y may pangangailangang hindi na niya matatalikuran.

Tatlong taon nang wala si Jim. Tatlong taong hindi niya ito kinailangan. Ang kirot ng pagkabigo ay higit na matindi kaysa alin pa mang damdaming pangkatawan. Ang mga halik at yakap ay ligaw na alaala na lamang, at walang hatid na init, pinapanlabo ng sumusugat na gunita ng isang kataksilan.

Ang mga taon ng pag-iisa ay may dinalang kapayapaan sa kaibuturan niya. Isang panahong naglunoy siya sa damdaming ito. Hanggang isang araw, may nadama siyang pagbabago. Nagsimula ito nang muling magtanong si Gina.

Kailan uuwi si Daddy. Umiling siya. Matagal pa… malayo ang Amerika. At naramdaman niya, hinahanap na rin niya si Jim. Hindi lamang si Gina ang naghahanap. Ang damdamin ay pilit niyang ipinagwalang-bahala. Hindi niya alam kung nakahanda na siyang patawarin si Jim. Ang ligalig ay nagbabangon sa kanyang dibdib.

At noon siya nanaginip. At nagising na hinahanap ng kaliit-liitang himaymay ng katawan ang dampi ng mga labi at haplos ng mga kamay ni Jim.

Ang mga sumunod na araw at gabi ay ginugol niya sa masusi, matapat, hubad sa pagkukunwaring pag-iisip. At nakabuo siya ng pasiya.



JIM?

Napatuwid sa pagkakaupo si Jim. Humigpit ang pagkakahawak sa talepono. Isama man sa sanlibong tinig, makikilala niya ang tinig na iyon. Ang pangalan ni Hilda ay nagkahugis sa kanyang mga labi. Hilda. Parang sa baguntaong namaos ang kanyang tinig. Inaalon ang kanyang dibdib at nahihirapan siyang huminga.

Ang buntong-hininga ni Hilda ay malinaw na nanulay, nakarating kay Jim. Saglit na napapikit si Jim. O, Hilda. Sa kanyang pandama, nakatigil ang buong paligid.

Si Hilda ang unang bumasag ng namagitang katahimikan. Sa paputol-putol na pagsasalita. “Jim… may sasabihin sana ako…. Kung pwede…”

“Pwedeng ano?” kaagad niyang sapo.

“Magkausap tayo nang personal,” ngayo’y nagmamadali ang tinig ni Hilda.

Kasabay ng tango ang pagsang-ayon. “Oo. Oo, Hilda,” sa nagmamadali ring tinig. Ayaw niyang isipin ni Hilda na nag-atubili siya sa pagsagot.

Muli ang buntong-hininga ni Hilda ay maliwanag na nakarating kay Jim. Wari, ito’y naibsan ng isang mabigat na alalahanin. Na baka siya ay tumanggi. May nadamang init si Jim at ang pananabik ay hindi naikubli ng kanyang tinig. “Kailan?”

Tumikhim si Hilda. “Mamaya. After office, sa dati…”

Si Jim naman ang nagbuntong-hininga. At halos paanas. “Darating ako.”

At klik. Wala na si Hilda. Wala na. Saka biglang nagbangon ang isang katanungan sa kanyang isip. Isang katanungang ang kawangis ay malamig na tubig na pumatay sa init ng kasiyahang nilikha ng pagtawag ni Hilda. Tatlong taong singkad na hindi siya kinausap nito. Ang mga pagtatangaka niyang mapanumbalik ang pagtingin nito sa kanya ay hindi pinansin, winalang-kabuluhan. Ilang panahong inabangan niya ito sa pag-uwi buhat sa opisina, parang bagong manliligaw siyang pasunud- sunod. Na walang nangyari. Dahil matigas ang puso ni Hilda.

Natatandaan pa niya ang sinabi nito. “Lalaging may anino sa ating pagitan. Jim. Hindi ang anino ni Sonia, kundi ang anino ng batang isisilang niya. Anak ninyo. Paano kita matatanggap?”

Ano ang kanyang isasagot? “Ewan, Hilda… kung maniniwala ka. Ikaw ang mahal ko. Kayo ni Gina.”

Si Hilda. “Paano ako maniniwala?. Sa harap ng mga pangyayari”.

“Nagkamali ako. And please, Hilda, isa lamang pagkakataon ang hinihingi ko. Kung may natitira ka pang pagtingin sa akin.”

Matagal na hindi umimik si Hilda. Maluwat na nagmuni-muni. Pagkuway paulit-ulit na sinabi. “Mahal kita, Jim. Mahal na mahal. Ewan rin kung mapaniniwalaan mo ito. Ngunit paano kita matatanggap. May nawala. Nauunawaan mo ba ako?”

At naghiwalay sila ng landas ni Hilda. Tatlong taong singkad. At ngayon, tulad ng isang panaginip, muli niyang narinig ang tinig ni Hilda. Nais na sila ay magkita. Ngunit, ano ang sasabihin nito.

Napapikit si Jim. Ayaw niyang isipin na kaya tumawag si Hilda ay upang magpaalam sa kanya. Upang sabihing mayroon nang iba. Bata pa si Hilda. Kasibulan. Katangi-tangi. Ang katotohanang ito ay hindi niya maitatatuwa.

Sana ang panaginip ay hindi maging isang bangungot, padasal niyang usal. Ngunit sa kasabikan na hinaluan ng pangamba sa darating na tipanan, may nawala, nawaglit, sa isipan ni Jim.



SI SONIA.

Ibinaba ni Sonia ang telepono. Bisi ang linya ni Jim. Malapit na ang ikalima ng hapon. Gusto niyang makumpirma ang usapan nilang panonood ng sine. Sabi ng operator, may kausap ho. Si Jim, may kausap. Sino?

Ang naligaw na kaba ay pilit na iwinaksi ni Sonia. Ngunit ang pagsasal ng kanyang dibdib ay hindi niya mapigilan. Lagi siyang ganoon. Maantala lamang sa pag uwi si Jim, sasaklutin na siya ng pangamba. Umalis lamang itong may dadaluhang kung ano na hindi siya kasama, kung ano nang alalahanin ang papasok sa kanyang isipan. Mapansin lamang niyang walang imik si Jim, parang malungkot, walang sigla, hindi na siya iiwanan ng pag-aalala. At si Hilda, lagi, si Hilda ang pinagbibintangan niya. Sapagkat sa kaibuturan ng kanyang puso ay talos niyang mahal na mahal pa ni Jim si Hilda. Higit na mahal kaysa kanya. Kaya lamang, ayaw tanggapin ni Hilda si Jim. At wala itong magawa.

Si Jim. Unang kita pa lamang niya rito ay natiyak na niyang ito ang lalaking gusto niya, para sa kanya. Si Jim ang kabuuan ng lalaking pangarap niya sa buhay. At hindi naging sagwil ang katotohanang may pananagutan na ito sa buhay. Sa kabila ng lahat ay alam niyang walang balak si Jim na hiwalayan si Hilda. Kahit sa harap ng pangyayaring nagbunga ang kanilang nakaw na pag-iibigan.

Tandang tanda niya. Si Jim. “Nothing is changed,” sabi nito. “Pero huwag kang mag-alala, Sonia. I’ll take care of you. I just hope and pray… that Hilda will find it in her heart to forgive me.”

Lagi, si Hilda pa rin ang nasa isip ni Jim.

Ang pangamba ni Jim ay may batayan. Sapagkat lubos nitong kilala si Hilda. Si Hilda at ang taglay nitong ideyalismo. Na ang pagibig ay katapatan at pagtitiwala. Ang isang munting pagkabiso ay isang betrayal. At ang namagitan sa kanila ni Jim ay hindi isang pagkabiso lamang.

Isang panahong kapwa sila nakidigma ni Jim. Si Jim, sa pag-iisa nito, sa pagkawala ni Hilda. Siya, sa namayaning usap-usapan na nilikha ng kanyang kalagayan. Hanggang unti-unti, ang pasiyang magsama ay narating nila, hindi na kinailangang pag-usapan pa.

Magkasama na sila nang isilang niya ang kanilang anak. Isang lalaking kamukhang-kamukha ni Jim. Sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng kapanatagan ang kanyang buhay. Sila ay isa na ring pamilya. Patas na ang kanilang labanan ni Hilda. Isang bagay lamang ang hinihintay niyang mangyari na tuluyang hahawi sa karimlang bumabalot sa kanilang pagsasama ni Jim. Ang makatagpo si Hilda ng ibang lalaking itatangi. Dahil, bata pa si Hilda. Hindi ito makapamamalaging nag-iisa sa buhay. Ngunit kawangis ng isang nakaambang patalim, ang katotohanang wala pang bagong lalaki sa buhay ni Hilda ay malabis niyang kinatatakutan, ang sakit ng iwang hindi pa dumarating ay kanya nang iniinda. Tulad nang nadarama niya ngayon.



SA MAKATI.

Tatlumpo’t limang sandali makalipas ang ikalima. Sa dating hintayan. Sa isang malaking tindahan ng mga aklat. At sa loob nito, sa hanay ng mga bagong dating na bestseller.

Hilda.

Jim.

Nagdaop ang mga palad. Kapwa nanlalamig. Nagpanagpo ang mga mata. Ang pangungulila ng nagdaang tatlong taon ay lumarawan, nabasa ng isa’t isa. Si Hilda ang unang nagbawi ng tingin. Natakot siya sa tindi ng damdaming nadama. Ang magkahawak na kamay ay nakalas. Magkasabay, hindi nag-iimikang lumabas sila ng tindahan. At tulad nang kinagawian, marami nang taon ang nakalipas, dinala sila ng kanilang mga paa sa di kalayuang coffee shop. Sa dating coffee shop. At sa dating hapag sa may sulok. Kanlong sa karamihan ng mga kumakain. At kinuha nila ang mga dating order.

Si Hilda ang unang nangusap. Mandin ay nahawakan na ang sarili. “Naabala kita.”

Tumaas ang kamay ni Jim. Isang pagsansala. Pagkatapos ay parang nanlulupaypay na ibinaba. “Kumusta,” ang sabi. “Si Gina?” ang dugtong, may pananabik.

Sinalubong ni Hilda ang mga mata ni Jim. “Mabuti. Malaki na siya. Mabait. Napakamabida.”

“Itinatanong ba niya ako?”

“Lately. Madalas ka niyang itanong. Kailan ka raw uuwi. Sabi ko kasi ay nasa states ka. Pero, sinisimulan ko nang ihanda ang loob niya. She’s almost six.”

Napatungo si Jim. At naglaro ang mga mata ni Hilda sa mukha nito. Ang dati pa ring hawasang mukha. Ang mga matang matiin kung ititig. Ang ilong. Ang mga labi. Napailing si Hilda. Hindi. Hindi yata niya masasabi kay Jim ang nasa kanyang isip. Nilinga niya ang kanyang handbag na nakapatog sa kalapit na silya. Dinukwang. Umakmang tatayo. Ngunit mabilis si Jim. Kaagad siyang napigilan. “Hilda, please,” ang sabi.

Unti-unti, muling umayos nang pagkakaupo si Hilda. “Isang pagkakamali, Jim. Sorry, I have nothing to say.”

Sumasamo ang tinig ni Jim. “Please…”

At sa kabila ng pag-aalangang nadama, napahinuhod si Hilda. Sa mahina, halos hindi marinig na tinig. Biruin ang mga babaing hiwalay sa asawa. Lagi, may palaman ang mga salita. Maanghang ang mga biro. Bukas ang mga anyaya….

Ang sakit ay lumarawan sa mga mata ni Jim. Nagpatuloy si Hilda. “Noon… matatag ako. Totoo, Jim. Ngayon, hindi na ako nakatitiyak.”

Hilda…. Hilda…. Ang namulas ay isang daing. At kasunod. “Kasalanan ko…”

“Nakaraan na yon, Jim. Nakaraan na.”

Gumagaralgal ang tinig. “Ngayon, Hilda?”

Nadama ni Hilda ang pagbabago ng kanyang mukha, parang sinisilaban. Hindi ba ang bagay na ito ay masusi, matapat at hubad sa pagkukunwaring inisip na niya at tinimbang-timbang.

“Jim…. kailangan… kailangan…” Nabasag ang tinig ni Hilda at ginagap ni Jim ang kamay nito at ikinulong sa sariling palad

Lumunok ng laway si Hilda, sandaling nag-apuhap ng sasabihin. “Wala akong balak... agawan si Sonia... “ napahinga nang malalim si Hilda, “ng iyong kalinga at panahon, Jim”. At sa gumagaralgal na tinig, “isang araw lamang sa isang linggo, Jim. Isang araw lamang...”

Tuluyang naglandas ang luha sa pisngi ni Hilda. At halos pabulong, “Karapatan ko rin naman iyon, Jim, hindi ba? Mag-asawa pa rin naman tayo, hindi ba? Anak mo rin si Gina. Nauunawaan mo ba? Nauunawaan mo ba?”

Tumango si Jim. Oo. Oo. Nauunawaan ko. Wari, ay sigaw sa kanyang mga tainga ang mahinang tinig ni Hilda. At parang sasabog ang kanyang dibdib. At hindi na rin niya napigil na maluha sa harap ng babaing ito na parang pulubing umaamot ng isang araw sa isang linggo sa kanyang panahon. Hilda… Hilda… at patuloy siyang tumatango.



SA ISANG SINEHAN.

Sa tabi ng mga nakapaskel na larawan ng pelikulang kasalukuyang itinatanghal, nakatayo si Sonia. Patingin-tingin sa orasan, larawan ng pagkainip… ng pag-aalala.

Naghihintay.


LIWAYWAY, ENERO 20, 1986

Thursday, January 14, 2010

PUNTO DE VISTA


PUNTO DE VISTA


May nagtanong. Bakit daw ba naman bagong taong – bagong taon ay parang malulungkot ang kwentong inilalabas ko sa aking blog.

Simpli lang ang sagot. Ito kasi ang mga kwentong una kong nabuklat at 'nasagip' sa mga nabaha kong kopya ng Liwayway. Mahabang proceso po ang pagsagip na ito. Ang basang sipi ng Liwayway ay dahan-dahan kong bubuklatin. Mayroong mga pahinang magkakadikit, kaya doble ingat sa mga ito dahil baka doon nakalagay ang kwento ko. Kapag nakita ko na, pipilasin ko ang pahina, hahanapin ang mga kasunod pang pahina hanggang mabuo ang kwento.

Kasunod nito ay ibibilad ko sa araw o isasampay para mahanginan at nang matuyo agad. Isipin na lamang ninyo kung mahigit sandaang kwento ito na may average na limang pahina (bond paper double spaced before publication)!

Kapag natuyo na, kakalapin ko na at muling rerebisahin kung kumpleto ang kwento. Baka may nilipad ng hangin o napaglaruan ng aming aso. Unti-unti, utay-utay, nobenta porsiyento na akong tapos nang dumating ako sa huling batch, kumbaga. Ito ang mga kwentong sinulat ko ngayong 2000 pataas. Unlike sa mga naunang sipi ng Liwayway na inilathala noong 60s, 70s, 80s at 90s na kahit basang-basa ay buo pa rin ang mga pahina, ang mga pahina ng magasin na lumabas nitong bagong milenyo, 2000, ay nagdikit-dikit na parang nabuhusan ng almirol. Naikwento ko ito sa isang kaibigan na nagtrabaho sa isang publication noon at sabi niya ay maaaring recycled ang papel na gamit ngayon kaya marupok. Siguro nga... Sumusunod sa panahon. Parang buhay ngayon. Parang pag-ibig ngayon. Parang pagsasama ng mga mag-asawa ngayon....

Bakit naman punto de vista ang naisip kong titulo ng posting na ito? Kasi, gusto ko lang bigyang-diin na ang unang kwento ng taon, ang UMAGA NA, ay nasa punto de vista ng IKATLO sa LOVE TRIANGLE. Para masilip natin kung ano ba ang nasasaloob ng isang ikatlo sa tatsulok. Kung ano ang kanyang nasa isip. At tulad nang ating nabasa, sa simula ng relasyon, wala lang... basta gusto niya, sige! Na nangyayari na noon ay patuloy na nangyayari pa rin ngayon.

Ang susunod na kwento, MAY ISANG BAGONG TATSULOK na ilalabas ko bago matapos ang linggo ay may naiiba namang punto de vista. Na hindi ginagawa ng isang bagong manunulat sa pagkatha ng isang maikling kwento. Na ginawa ko nga, kasi, wala akong alam.

Naghahanap pa ako ng ikatlong kwento para sa Enero. Nais kong ito ay sa punto de vista naman ng 'bida', ehem! The husband!

Sa Pebrero, promise na masasaya na ang aking ilalagay sa blog para matuwa na ang insan kong si Ibiang.

Abangan !!!

..

Friday, January 8, 2010

UMAGA NA

UMAGA NA


ITO ang sandali ng pagpapasiya. Ngayon niya masusukat kung gaano siya katimbang sa puso ni Paolo. Ngayon niya malalaman kung ang nakalipas na limang taon ay pahahalagahan nito.

Limang taon. Limang taong punung-puno ng matamis-mapait na alaala. Hiram na ligaya sa mga agaw na sandali sa loob ng isang motel. Nakaw na luwalhati sa madilim na sulok ng sinehan. Pakunwaring relasyon ng isang boss at sekretarya sa harap ng mga kaopisina. Makahulugang ngiti, nangungusap na tingin, mabilis ngunit nagbabagang dampi ng kamay sa kamay, at labi sa labi sa mga kubling pook, sa kapipinid na pinto.

Limang taon.

Naupo si Rhodora sa harap ng tokador. At nakipagtitigan sa larawang ibinabalik ng malaking salamin.

Malalaki, mapupungay na mga mata. Bedroom eyes, sabi nga ni Paolo. I want to go to bed whenever you look at me with those great, big eyes of yours. Ang katanungan ay sumingit, umiiwa, malupit. Hanggang kama na lamang ba ako?

Hawas, maliwanag na noo. Nagbabadya ng angking katalinuhan. Tinugunan ng matiim na guhit ng panga, na nagpapakilala ng katatagan. Sing-itim ng gabi, malago at mahabang buhok. Saglit na napapikit si Rhodora. Sa gunita ay pinapaglaro ang lugod na nadarama kapag sinusuklay ni Paolo ng mga daliri nito ang kanyang buhok sa pagsisimula ng kanilang pagtatalik. Humulagpos ang daing. Kailangan kita, Paolo... mahal kita...

Iminulat ni Rhodora ang kanyang mga mata. Saglit siyang nasilaw. Inabot ng kanyang kamay ang lampara sa gilid ng tokador. Pinatay ang ilaw. Nabalot siya ng dilim, babai sa dilim. The other woman. Ang ikatlo sa tatsulok. Ngunit kung talagang mahal siya ni Paolo....

Kailan ba ito nagsimula?

Isang malaking kompanya sa Makati ang nangangailangan ng sekretarya. Nakagaganyak ang advertisement. Kaya kahit mainam na ang kinaroroonan niyang opisina, naakit pa rin siyang magpadala ng aplikasyon.

Sinagot ang kanyang liham. Report for interview. Dumaan siya sa lahat ng kailangang pagsubok.

Si Paolo. Sa kanyang dalawampu't apat na taon, wala pang lalaking dumaan sa kanyang buhay na tulad nito. Sa tipo ay hindi mapagkakamalang artista, ngunit ang tindig, pangangatawan, pagsasalita, pakikipag-usap, pamimihis at pagkilos, ang balani ng katalinuhan at kagandahang-asal ay hindi maitatanggi. Nadarama, tumitiim sa kausap. Siya ay naging alipin ng mga katangiang ito.

Inantabayanan niya ang inuutos nito. Kahit hindi overtime.

“You dont have to stay, Rhodora,” minsan, puna ni Paolo.

Kumibit ang kanyang balikat. “Gusto ko, sir. Wala namang gagawin sa kasera.”

Napatango si Paolo. Pagkuway may naglarong ngiti sa mga labi. “Ang boyfriend mo...”

Sinalubong niya ang mga mata ni Paolo. “Walang magkamali, sir.”

“Pihikan ka siguro,” ang biro.

“Siguro sir, kung pareho ninyo.,.” ganting biro niya. Totoo sa loob.

Hindi pa niya nakita nang harapan ang asawa ni Paolo ngunit ang munting larawan nito sa ilalim ng salaming nasa ibabaw ng mesa sa opisina ay nagbabadya ng angking kariktan. Ito'y binati niya. “Ang ganda ng misis ninyo.”

Tumango si Paolo, sabay sulyap sa larawan. At pabiro. “Maganda nga siya, kaya masuwerte raw ako dahil ako ang pinili niya.”

Tumutol siya. “No, sir. Higit siyang masuwerte.”

Hinuli ni Paolo ang kanyang mga mata. At sa madalang na pagsasalita. “Do you think so, Rhodora?”

Tumango siya. Hindi siya makapagsalia. At waring may pagkit, hindi niya maialis ang kanyang mga mata sa pagkakatitig kay Paolo.

Siya ay gamu-gamong sumusugba sa ningas.

Basag ang tinig ni Paolo nang mangusap. “You're beautiful, Rhodora.”

Tumalikod siya. Mabilis niyang nilisan ang tanggapan ni Paolo. Sa sariling hapag, sa munting cubicle na karatig ng pintuan ng tanggapan ni Paolo, pinilit niyang payapain ang loob. Nababaliw ka, Rhodora, aniya sa sarili. Pack up and leave. Kung hindi ka aalis ngayon, hindi ka na makaaalis. Go, Rhodora. Hangga't may panahon, kalimutan mo ang mga kahibangan. Iwanan mo siya. May asawa siya. Masasaktan ka lamang. Masasaktan ka...

Kung mutuwal ang atraksiyon, paano ang pag-iwas? Kung sa simula pa lamang na nadantayan ng kanyang mga paningin si Paolo ay pinangarap na niya ang katuparan ng isang sandali ng pagibig sa piling nito, bakit siya uurong? Bakit siya matatakot?

O, Diyos! Kung ang ligayang nadama niya sa mga labi ni Paolo na walang sawang pinaliliguan siya ng halik, sa mga daliring sumusuklay sa kanyang mahaba at malagong buhok, sa mga palad na dumadampi sa kanyang mga pisngi, humahagod sa kanyang katawan, kung ang kapalit ng isang ligayang ito ay pitong kalungkutan, nakahanda siya.

“Nilalabanan ko ang aking sarili,” waring may lumbay ang tinig ni Paolo.

“Maligayang-maligaya ako,” wika niya.

“You deserve something better than this. Isa kang katangi-tanging babae Rhodora,” patuloy ni Paolo.

“Sapat nang mahalin mo ako. Wala akong ibang hinihintay na gawin mo. Pinakamamahal kita,” agaw niya.

Nakahanda siya sa kalungkutan. Sa walang katapusang paghihintay sa malayang oras ni Paolo, kapalit ng pagmamahal nito. Ulit-ulit, sinasabi ni Paolo, “I'm a heel. Sinisira ko ang iyong kinabukasan.”

“Ano'ng kinabukasan kung wala ka?” sagot niya.

Idinagdag pa ni Paolo, “Sana'y una kitang nakilala.”

Ang kaniyang sagot. “Ano na ang kasal? Kapirasong papel.”

Sapagkat siya isang taong praktikal. Bakit niya pagsisintiran ang mga what might have been. Sana'y una kitang nakilala. Ngayon ang mahalaga. Kapiling niya si Paolo. Kaya lang, hindi niya hawak ito. Si Paolo ay dumarating lamang sa mga panahong ito ay malaya.

Bumilang sila ng mga taon. Sa opisina, ang mga tao ay bulag o nagbubulag-bulagan. Hanggang iminungkahi ni Paolo na tumigil siya sa pagtatrabaho at lumipat sa opisina ng isang nangangailangang kakilala. At umalis siya sa kasera. Nagsarili sa isang apartment sa labas ng lungsod. Hindi siya nagdalawang isip.. Naisip niya, magkahiwalay man sila sa araw ni Paolo, higit silang magiging malaya sa gabi. Sa apartment...

Ang isang apartment ay malaki ang kaibhan sa isang silid sa motel. O sa isang madilim na sulok ng sinehan. Ang apartment ay parang bahay. Darating si Paolo, walang oras sa gabi, mag-aalis ng sapatos, magsusuot ng tsinelas, tatanggalin ang kurbata, magpapalit ng damit pambahay, kakain sila, miryenda kung maaga pa, hapunan kung gabi na, at magmamahalan. Tulad sa isang mag-asawa. Ngunit sa tamis ay higit pa. Iyon ang sabi ni Paolo. Nakalalasing ka, Rhodora.

Maano kung umaalis rin si Paolo pagkatapos. At siya ay naiiwang mag-isa sa nalalabi pang oras ng gabi...

Saka nangyari ang sakuna. Ang kotseng sinasakyan ng asawa ni Paolo ay nabangga ng isang malaking bus na pampasahero. Hindi na ito nakarating ng buhay sa ospital.

Ang una niyang naisip. Wala nang tatsulok. Malaya na si Paolo. May halaga na ang kapirasong papel.


NARAMDAMAN ni Rhodora, namimitig ang kanyang mga binti, namamanhid ang kanyang mga paa sa tagal ng kanyang pagkakatayo sa tabi ng durungawan. Sinulyapan niya ang luminous clock sa tabi ng kama. Malalim na ang gabi. Hindi kailanman dumating si Paolo nang ganoong oras kung paanong hindi ito nagpapaabot nang ganoong oras sa kanya, kahit nitong wala na ang asawa nito sa katuwirang walang kasama ang mga anak sa bahay.

Mahigit nang anim na buwang namamayapa ang asawa ni Paolo. Inasahan niyang sa loob ng anim na buwang iyon ay may magaganap na pagbabago sa kanilang dalawa ni Paolo. Hinintay- hintay niya nang buong pananabik ang sandali na kakausapin siya ni Paolo, upang sabihin na makapagbabang-luksa lamang ayon sa kaugaliang Pilipino, silang dalawa ay magpapakasal na. Na di ba, marapat lamang, sa mukha ng mga pangyayari?

Ang sandaling iyon ay lubhang naging maluwat sa pagdating. Ngunit sanay naman siyang maghintay, hindi ba? At nakalaan siyang maghintay. Lamang, hindi niya naiwasang maramdaman ang kakaibang pagbabago ni Paolo. Dumadalang ang pagdating, ang pagdalaw nito.

Sabi ni Paolo. Por delicadeza. Kamamatay lamang niya. Iwasan natin ang sasabihin ng mga tao.

Naunawaan niya. Ibang kalaban ang buhay sa patay. Por delicadeza. Nang buhat sa isang kakilala ay may nabalitaan siya. Ang tungkol sa isang lagi na ay kasama ni Paolo sa mga lakaran, sinusundo sa opisinang pinapasukan, tuwina'y tinatawagan sa telepono at kung Linggo ay kasama ng pamilya nito, ng mga anak, sa pamamasyal at panonood ng sine. Ang susunod na Mrs. Sanchez daw.

Tinawagan niya si Paolo. Sino si Marla?

Tumawa si Paolo, iniba ang usapan. Ang tono ng pakikipag-usap ay wala sa karakter. Hindi nito tipo ang umiwas sa isyu. “Pupuntahan kita sa Biyernes...”

Ang sagot niya. “Ngayong gabi kita hihintayin. Nais kong marinig sa bibig mo na ang lahat ng mga nababalitaan ko'y walang katotohanan.”

“Sa Biyernes na, Rhodora. May lakad ako ngayon.”

“Ngayong gabi na, Paolo,” seryoso ang kanyang tinig. “Maghihintay ako...” at sa madalang, punung-puno ng damdaming dagdag niya, “at kung mahal mo ako... kung walang katotohanan ang tungkol kay Marla... darating ka. Darating ka, Paolo. I love you darling...”


UMAGA na. Ang durungawan ay nilisan ni Rhodora.


LIWAYWAY, Agosto 30, 1982
..

Sunday, January 3, 2010

MGA KWENTO SA ENERO, 2010

MGA KWENTO SA ENERO, 2010

Natatandaan pa ba ninyo (mga ka-age bracket ko) ang mga second class na sinehan sa Maynila noong araw? Iyong mga nagpapalabas ng double feature? Tulad ng Times, Mayfair at Boulevard Theatres sa Quezon Boulevard at Avenida Rizal?

Noong istudyante ako, first year, komo half-day lang ang pasok namin sa UE, libre na kami ng best friend kong si Auring, kasamahan ko sa kasera at kapwa ko taga-Malolos, na manood ng double program. Minsan nga, ang pinanood namin ay Ivanhoe at Lili (iyong ang theme song ay naging paborito kong kanta at tugtog sa piano, the song of love is a sad song, hi Lili, hi Lili, hi lo!), hapon kami pumasok, mula Avenida Rizal, nag-shortcut thru Republic supermarket yata, kaso, gabi na kami lumabas ng sinehan at sarado na iyong supermarket. Sa Doroteo Jose kami napalabas at hindi pamilyar sa amin ang kalyeng ito. Hindi namin alam kung kaliwa o kanan ang Azcarraga. Madilim ang paligid at mga karetela at kabayo ang nakikita namin. Takot lang namin noon! Sa kanan pala ang Azcarraga at nang matanaw namin ang mga jeep na Sta. Mesa at San Juan ay nabuhayan na kami ng loob. Charge it to experience ng mga bagong salta sa lungsod.

Kaya ko nababanggit ang mga double feature ay sa dahilang ito ang gagawin ko ngayon sa buwan ng Enero. Dalawang kwento ang ilalabas ko sa blog, (isa bawat linggo.) Sa lengguahe ngayon sa telebisyon, back to back. Ito ay upang makabawi sa hindi paglalabas ng kwento sa mga buwan ng Oktubre, Nobyembre at Disyembre. Kung magkakapanahon pa nga, baka maging tatlo pa ito, upang lubusang maibigay ang bawat panig ng mga karakter sa mga kwento.

Ang mga kwentong ilalabas ko na nalathala na sa Liwayway, kung ilang dekada na ang nakalilipas (gusto kong liwanagin ang bagay na ito na hindi current ang ideyang pinagmulan ng kwento), ay tungkol sa pagbabagong buhay. O sa pagdating sa sandali ng pagpapasiya ng isang tao tungkol sa kahihinatnan ng kinasasadlakang situwasyon. Ang mga taong ito ay ang bumubuo ng klasikang tatsulok ng pag-ibig. The wife, the husband and the significant other.

Sa Isa sa mga kwento rito papasok ang sistema ko nang pagsusulat noon (at kahit na ngayon), na sumira sa mga establisadong alituntunin ng pagkatha. Kasi po, e, hindi naman ako pormal na nag-aral ng pagsusulat o 'creative writing'. Oido lang po, kumbaga sa pagtugtog ng piano. Pinakikiramdaman ko lamang ang aking sarili. Kapag binasa ko ang tapos na kwento at nasiyahan ako sa takbo at kinis o luwag o dulas ng mga pangyayari mula umpisa hanggang sa huli, at wari ay walang 'loose ends' at napalabas ko ang mga dapat palabasin, sige na ako sa pagmamakinilya sa aking underwood, lakad nang paalis, sakay na papuntang Divisoria, baba sa kanto ng Azcarraga at Calero, akyat ng hagdan dahil takot akong sumakay sa kakarag-karag na elevator ng gusaling kinaroroonan ng Liwayway, at tatami-tamimi kong iaabot kay Ben Pascual ang aking manuskrito. Sunod, ay walang katapusang paghihintay hanggang bumulaga sa aking mga paningin ang aking kwentong kanilang inilathala. Na sa kabila ng kaibhan ng aking sistema sa pagsusulat (na mali, kung tutuusin), ay nakita pa rin nila na epektibo ito. Dito rin nga pumasok ang isang komentaryo ni Liwayway Arceo nang bago akong nagsusulat, na I break the rule, but...

Abangan ninyo ang mga nasabing kwento ngayong buwan ng Enero. Simulan natin ito sa maikling kwentong UMAGA NA... na ilalabas ko sa unang linggo ng taon...

at susundan ko ito ng ANG BAGONG TATSULOK … sa ikalawang linggo.

Bisitahin ang blog from time to time dahil baka madagdagan pa ng ikatlo ang mga kwento.

AT HIHINTAYIN KO ANG INYONG MGA FEEDBACK AT KOMENTARYO.

..

Saturday, January 2, 2010

Friday, January 1, 2010

BAGONG TAON

BAGONG TAON

Ano ba ang kinalakhan mong pagdiriwang ng pagsalubong sa Bagong Taon? Ano ba ang kinalakhan kong pagdiriwang nito?

Sa aking kamusmusan, parang malabo ang mga gunitang ibinabalik ng kung paano namin ito ipinagdiriwang. Pagkain at paputok – rebentador at lusis – ito lamang ang natatandaan ko. Saka iyong mahigit na isang metrong putol ng kawayan na may butas sa dulo at sa puno ay may lagayan ng pulbos ng kalburo na siyang sinisindihan. Bawat bahay yata noon ay may ganitong “kanyon” na pinagkakaabalahan ng mga batang lalaki. Palakasan sila ng putok.

Kalaunan, dumating na iyong bawang na paputok. Big deal ito, dahil medyo mahal at delikado pa. Saka iyong kabit-kabit na rebentador na kung tawagin namin ay sinturon ni Hudas, na kapag sinindihan ang puno ay tuluy-tuloy na ang putok na parang ra-tat-tat ng baril.

Kami ay hanggang lusis lamang na kahon-kahon bilhin at ang hitsura ay parang dulo ng tingting-walis kapayat. Na kasisindi lamang ay tapos na ang kislap. Kung saglit kang nalingon ay ni hindi mo na aabutan. Minsan naman, suwerte nang payagan kaming magsindi ng trayanggulo. May katabi kaming kandila at dito namin sinisindihan ang mitsa ng trayanggulo at saka namin itatapon nang malayung-malayo. Minsan nga, gumagamit pa kami ng sipit ng kalan para ipanghawak dito para maiwasan ang maputukan ng daliri. Mayroon kasi sa amin na naputukan ng bawang ang kamay at tuloy, pinutol ito. Pinalitan ito ng kamay na bakal na ikinukuha pa pala ng lisensiya (raw) dahil katergorya nito ay deadly weapon.

At sikat na ang mga pamilya na nagsisindi ng 'fountain' sa kanilang bakuran. Wow, ganda talaga ng sumasabog na liwanag na katulad nga ay isang 'fountain' ng tubig na wari ay libong bituing naghahabulang pataas.

Nang malaki-laki na ako, teen-ager baga, medyo naiba na. May barkada na kasi. Kahit hindi na kami pinapayagang lumabas ng bahay sa New Year's Eve, para huwag abutan ng a las dose o pagpapalit ng taon nang wala sa sariling tahanan (magiging layas raw sa buong taon kapag nasa labas pagsapit ng bagong taon), naisisingit pa rin ang pakikipagkwentuhan sa mga kaibigan na siyang dumadayo sa amin. Kahit ba konting balitaan lamang habang nakadungaw kami sa bintana at ang mga ito ay nakatayo sa may karsada. Noon kasi, malapit lamang ang kinatatayuan ng mga bahay sa lansangan. Dalawang metro siguro ang pagitan. Dili kaya ay sama-sama kaming nakaupo sa may tarangkahan. At doon ay nagkakantahan ng Auld Lang Syne. Simpli lamang talaga ang buhay noon. Sasabihin marahil ngayon na “mababaw lamang ang kaligayahan”.

May panahon namang sa swing sa loob ng aming bakuran kami nakaupo. Ang swing na ito ay yari sa kahoy at yero, ginawa ng mga karpintero na nagtayo ng aming bagong bahay noong late fifties. Ganoon din ang aming ginagawa – kwentuhan at kantahan. May ukulele ako at opisyal na taga-akompanya ng barkada, basta susundin lamang nila kung anong “key” o “chord” ang alam kong tugtugin. Kaya, you can imagine kung paano manggalaiti sa pag-abot ng mataas na nota ang mga kasama ko. Ngani-ngani na raw malagutan ng ugat o litid sa leeg sa carol na “O, Holy Night'.

Nang medyo nagkakaisip na nang bahagya, matatapos nang magkolehiyo o nagtatrabaho na, nagiging “introspective” na pagsapit ng Bagong Taon. Natuto nang magpasalamat sa mga biyayang natanggap at tinatanggap. Tulad nang salamat po, naipasa rin ang Cost Accounting kay Prof. Pasion! O salamat po, may crush din pala sa akin ang lihim kong crush! O salamat po at nakakuha ng trabaho, kahit ba bookkeeper lamang, di pa naman pasado sa board. Salamat sa mabait kong boyfriend! Salamat sa pamilya... salamat sa mga kaibigan... salamat sa trabaho... salamat sa sinagot na dasal... salamat din sa mga ipinagdasal na hindi ibinigay... salamat, salamat, salamat!

Sa puntong ito, nais kong ipagpasalamat ang mga iniwang alaala at leksiyon sa amin ng nagdaang taon – 2009 – lalo na ni Ondoy. Dahil sa mga pinsalang idinulot nito, marami akong napatunayan.

-Na marami akong mga kaibigang nag-alala, nagdasal at handang tumulong sa aming mga pangangailangan. Salamat sa mga nagprisinta na tutulong daw maglinis. Salamat sa isang “pamangkin” who gave us a break, tinagpo kami sa Katipunan sa may Ateneo and treated us to good pizza. We needed that.

-Na hindi hadlang ang distansiya dahil maya't maya, kumukuliling ang aming telepono sa mga tawag na nagmumula sa ibayo ng dagat mula sa mga kamag-anak at kaibigan.

-Na anumang bagay na nagawa namin para sa kapwa noong araw, na kinalimutan na namin at ni hindi na nga naaalala, ay hindi pala nalilimutan ng aming mga natulungan at sa pagkakataong ito, kami naman ang kanilang inalala.

-Na kahit pala anong liit ng tulong, moral o pinansiyal o salita lamang, na naibigay namin sa kapwa noon, ay tumitimo sa gunita ng nakatanggap. Na ngayong ibinabalik nila sa amin, ay napakalaking tulong ang naibibigay nito sa pagkumpuni ng mga bagay-bagay sa aming bahay, at sa pagpapagaan ng aming damdamin para hindi dalawin ng lungkot o panghihinayang sa mga nasirang ari-arian.

-Na ang miyembro pala ng aming pamilya ay mga taong may positibong pananaw sa buhay. Start anew, kalimutan na ang mga nasira at natapon. May ibig ipahiwatig ang pagkasira ng mga ito. The best is yet to be.

At sa taong 2010 at sa mga taon pang darating, ito ang aming gagawin.
Ako, sa patuloy na pagbabahagi ng aking mga kwento sa iba. Share my gift. Share my time. Share my laughter and my smiles.

Abangan ang mga kwento na hahanguin ko sa mga nakatambak pang Liwayway, na unti-unti ko nang naaasikasuhing buklatin ang mga basang pahina. Sa ngayon ay labimpitong kwento na sa mga taong 1985 at 1986 ang aking nasagip at “naagaw” sa kuko ng pagkasira. Sa bawat pahinang napipilas ko ng buo at walang punit, parang muli't muli kong nadarama na nagsisilang ako ng bagong kwento. Ito ay muli kong pinararaanan ng basa at muli rin nabubuhay sa aking balintataw ang mga tauhang gumagalaw rito.

Abangan ninyo sila ngayong Bagong Taon!

Sila ay biniyayaan ng Bagong Buhay!

Bagong Taon, Bagong Buhay!

At sa inyong lahat na bumabasa sa aking blogpost, isang Manigo at Mapayapang Bagong Taon !!!