Friday, January 1, 2010

BAGONG TAON

BAGONG TAON

Ano ba ang kinalakhan mong pagdiriwang ng pagsalubong sa Bagong Taon? Ano ba ang kinalakhan kong pagdiriwang nito?

Sa aking kamusmusan, parang malabo ang mga gunitang ibinabalik ng kung paano namin ito ipinagdiriwang. Pagkain at paputok – rebentador at lusis – ito lamang ang natatandaan ko. Saka iyong mahigit na isang metrong putol ng kawayan na may butas sa dulo at sa puno ay may lagayan ng pulbos ng kalburo na siyang sinisindihan. Bawat bahay yata noon ay may ganitong “kanyon” na pinagkakaabalahan ng mga batang lalaki. Palakasan sila ng putok.

Kalaunan, dumating na iyong bawang na paputok. Big deal ito, dahil medyo mahal at delikado pa. Saka iyong kabit-kabit na rebentador na kung tawagin namin ay sinturon ni Hudas, na kapag sinindihan ang puno ay tuluy-tuloy na ang putok na parang ra-tat-tat ng baril.

Kami ay hanggang lusis lamang na kahon-kahon bilhin at ang hitsura ay parang dulo ng tingting-walis kapayat. Na kasisindi lamang ay tapos na ang kislap. Kung saglit kang nalingon ay ni hindi mo na aabutan. Minsan naman, suwerte nang payagan kaming magsindi ng trayanggulo. May katabi kaming kandila at dito namin sinisindihan ang mitsa ng trayanggulo at saka namin itatapon nang malayung-malayo. Minsan nga, gumagamit pa kami ng sipit ng kalan para ipanghawak dito para maiwasan ang maputukan ng daliri. Mayroon kasi sa amin na naputukan ng bawang ang kamay at tuloy, pinutol ito. Pinalitan ito ng kamay na bakal na ikinukuha pa pala ng lisensiya (raw) dahil katergorya nito ay deadly weapon.

At sikat na ang mga pamilya na nagsisindi ng 'fountain' sa kanilang bakuran. Wow, ganda talaga ng sumasabog na liwanag na katulad nga ay isang 'fountain' ng tubig na wari ay libong bituing naghahabulang pataas.

Nang malaki-laki na ako, teen-ager baga, medyo naiba na. May barkada na kasi. Kahit hindi na kami pinapayagang lumabas ng bahay sa New Year's Eve, para huwag abutan ng a las dose o pagpapalit ng taon nang wala sa sariling tahanan (magiging layas raw sa buong taon kapag nasa labas pagsapit ng bagong taon), naisisingit pa rin ang pakikipagkwentuhan sa mga kaibigan na siyang dumadayo sa amin. Kahit ba konting balitaan lamang habang nakadungaw kami sa bintana at ang mga ito ay nakatayo sa may karsada. Noon kasi, malapit lamang ang kinatatayuan ng mga bahay sa lansangan. Dalawang metro siguro ang pagitan. Dili kaya ay sama-sama kaming nakaupo sa may tarangkahan. At doon ay nagkakantahan ng Auld Lang Syne. Simpli lamang talaga ang buhay noon. Sasabihin marahil ngayon na “mababaw lamang ang kaligayahan”.

May panahon namang sa swing sa loob ng aming bakuran kami nakaupo. Ang swing na ito ay yari sa kahoy at yero, ginawa ng mga karpintero na nagtayo ng aming bagong bahay noong late fifties. Ganoon din ang aming ginagawa – kwentuhan at kantahan. May ukulele ako at opisyal na taga-akompanya ng barkada, basta susundin lamang nila kung anong “key” o “chord” ang alam kong tugtugin. Kaya, you can imagine kung paano manggalaiti sa pag-abot ng mataas na nota ang mga kasama ko. Ngani-ngani na raw malagutan ng ugat o litid sa leeg sa carol na “O, Holy Night'.

Nang medyo nagkakaisip na nang bahagya, matatapos nang magkolehiyo o nagtatrabaho na, nagiging “introspective” na pagsapit ng Bagong Taon. Natuto nang magpasalamat sa mga biyayang natanggap at tinatanggap. Tulad nang salamat po, naipasa rin ang Cost Accounting kay Prof. Pasion! O salamat po, may crush din pala sa akin ang lihim kong crush! O salamat po at nakakuha ng trabaho, kahit ba bookkeeper lamang, di pa naman pasado sa board. Salamat sa mabait kong boyfriend! Salamat sa pamilya... salamat sa mga kaibigan... salamat sa trabaho... salamat sa sinagot na dasal... salamat din sa mga ipinagdasal na hindi ibinigay... salamat, salamat, salamat!

Sa puntong ito, nais kong ipagpasalamat ang mga iniwang alaala at leksiyon sa amin ng nagdaang taon – 2009 – lalo na ni Ondoy. Dahil sa mga pinsalang idinulot nito, marami akong napatunayan.

-Na marami akong mga kaibigang nag-alala, nagdasal at handang tumulong sa aming mga pangangailangan. Salamat sa mga nagprisinta na tutulong daw maglinis. Salamat sa isang “pamangkin” who gave us a break, tinagpo kami sa Katipunan sa may Ateneo and treated us to good pizza. We needed that.

-Na hindi hadlang ang distansiya dahil maya't maya, kumukuliling ang aming telepono sa mga tawag na nagmumula sa ibayo ng dagat mula sa mga kamag-anak at kaibigan.

-Na anumang bagay na nagawa namin para sa kapwa noong araw, na kinalimutan na namin at ni hindi na nga naaalala, ay hindi pala nalilimutan ng aming mga natulungan at sa pagkakataong ito, kami naman ang kanilang inalala.

-Na kahit pala anong liit ng tulong, moral o pinansiyal o salita lamang, na naibigay namin sa kapwa noon, ay tumitimo sa gunita ng nakatanggap. Na ngayong ibinabalik nila sa amin, ay napakalaking tulong ang naibibigay nito sa pagkumpuni ng mga bagay-bagay sa aming bahay, at sa pagpapagaan ng aming damdamin para hindi dalawin ng lungkot o panghihinayang sa mga nasirang ari-arian.

-Na ang miyembro pala ng aming pamilya ay mga taong may positibong pananaw sa buhay. Start anew, kalimutan na ang mga nasira at natapon. May ibig ipahiwatig ang pagkasira ng mga ito. The best is yet to be.

At sa taong 2010 at sa mga taon pang darating, ito ang aming gagawin.
Ako, sa patuloy na pagbabahagi ng aking mga kwento sa iba. Share my gift. Share my time. Share my laughter and my smiles.

Abangan ang mga kwento na hahanguin ko sa mga nakatambak pang Liwayway, na unti-unti ko nang naaasikasuhing buklatin ang mga basang pahina. Sa ngayon ay labimpitong kwento na sa mga taong 1985 at 1986 ang aking nasagip at “naagaw” sa kuko ng pagkasira. Sa bawat pahinang napipilas ko ng buo at walang punit, parang muli't muli kong nadarama na nagsisilang ako ng bagong kwento. Ito ay muli kong pinararaanan ng basa at muli rin nabubuhay sa aking balintataw ang mga tauhang gumagalaw rito.

Abangan ninyo sila ngayong Bagong Taon!

Sila ay biniyayaan ng Bagong Buhay!

Bagong Taon, Bagong Buhay!

At sa inyong lahat na bumabasa sa aking blogpost, isang Manigo at Mapayapang Bagong Taon !!!

1 comment:

  1. Yes, thank God that you are almost fully recovered from the onslaught of Ondoy and we can look forward to more of your "kwentos".

    Happy New Year to you and yours!

    EVD

    ReplyDelete