Friday, January 8, 2010

UMAGA NA

UMAGA NA


ITO ang sandali ng pagpapasiya. Ngayon niya masusukat kung gaano siya katimbang sa puso ni Paolo. Ngayon niya malalaman kung ang nakalipas na limang taon ay pahahalagahan nito.

Limang taon. Limang taong punung-puno ng matamis-mapait na alaala. Hiram na ligaya sa mga agaw na sandali sa loob ng isang motel. Nakaw na luwalhati sa madilim na sulok ng sinehan. Pakunwaring relasyon ng isang boss at sekretarya sa harap ng mga kaopisina. Makahulugang ngiti, nangungusap na tingin, mabilis ngunit nagbabagang dampi ng kamay sa kamay, at labi sa labi sa mga kubling pook, sa kapipinid na pinto.

Limang taon.

Naupo si Rhodora sa harap ng tokador. At nakipagtitigan sa larawang ibinabalik ng malaking salamin.

Malalaki, mapupungay na mga mata. Bedroom eyes, sabi nga ni Paolo. I want to go to bed whenever you look at me with those great, big eyes of yours. Ang katanungan ay sumingit, umiiwa, malupit. Hanggang kama na lamang ba ako?

Hawas, maliwanag na noo. Nagbabadya ng angking katalinuhan. Tinugunan ng matiim na guhit ng panga, na nagpapakilala ng katatagan. Sing-itim ng gabi, malago at mahabang buhok. Saglit na napapikit si Rhodora. Sa gunita ay pinapaglaro ang lugod na nadarama kapag sinusuklay ni Paolo ng mga daliri nito ang kanyang buhok sa pagsisimula ng kanilang pagtatalik. Humulagpos ang daing. Kailangan kita, Paolo... mahal kita...

Iminulat ni Rhodora ang kanyang mga mata. Saglit siyang nasilaw. Inabot ng kanyang kamay ang lampara sa gilid ng tokador. Pinatay ang ilaw. Nabalot siya ng dilim, babai sa dilim. The other woman. Ang ikatlo sa tatsulok. Ngunit kung talagang mahal siya ni Paolo....

Kailan ba ito nagsimula?

Isang malaking kompanya sa Makati ang nangangailangan ng sekretarya. Nakagaganyak ang advertisement. Kaya kahit mainam na ang kinaroroonan niyang opisina, naakit pa rin siyang magpadala ng aplikasyon.

Sinagot ang kanyang liham. Report for interview. Dumaan siya sa lahat ng kailangang pagsubok.

Si Paolo. Sa kanyang dalawampu't apat na taon, wala pang lalaking dumaan sa kanyang buhay na tulad nito. Sa tipo ay hindi mapagkakamalang artista, ngunit ang tindig, pangangatawan, pagsasalita, pakikipag-usap, pamimihis at pagkilos, ang balani ng katalinuhan at kagandahang-asal ay hindi maitatanggi. Nadarama, tumitiim sa kausap. Siya ay naging alipin ng mga katangiang ito.

Inantabayanan niya ang inuutos nito. Kahit hindi overtime.

“You dont have to stay, Rhodora,” minsan, puna ni Paolo.

Kumibit ang kanyang balikat. “Gusto ko, sir. Wala namang gagawin sa kasera.”

Napatango si Paolo. Pagkuway may naglarong ngiti sa mga labi. “Ang boyfriend mo...”

Sinalubong niya ang mga mata ni Paolo. “Walang magkamali, sir.”

“Pihikan ka siguro,” ang biro.

“Siguro sir, kung pareho ninyo.,.” ganting biro niya. Totoo sa loob.

Hindi pa niya nakita nang harapan ang asawa ni Paolo ngunit ang munting larawan nito sa ilalim ng salaming nasa ibabaw ng mesa sa opisina ay nagbabadya ng angking kariktan. Ito'y binati niya. “Ang ganda ng misis ninyo.”

Tumango si Paolo, sabay sulyap sa larawan. At pabiro. “Maganda nga siya, kaya masuwerte raw ako dahil ako ang pinili niya.”

Tumutol siya. “No, sir. Higit siyang masuwerte.”

Hinuli ni Paolo ang kanyang mga mata. At sa madalang na pagsasalita. “Do you think so, Rhodora?”

Tumango siya. Hindi siya makapagsalia. At waring may pagkit, hindi niya maialis ang kanyang mga mata sa pagkakatitig kay Paolo.

Siya ay gamu-gamong sumusugba sa ningas.

Basag ang tinig ni Paolo nang mangusap. “You're beautiful, Rhodora.”

Tumalikod siya. Mabilis niyang nilisan ang tanggapan ni Paolo. Sa sariling hapag, sa munting cubicle na karatig ng pintuan ng tanggapan ni Paolo, pinilit niyang payapain ang loob. Nababaliw ka, Rhodora, aniya sa sarili. Pack up and leave. Kung hindi ka aalis ngayon, hindi ka na makaaalis. Go, Rhodora. Hangga't may panahon, kalimutan mo ang mga kahibangan. Iwanan mo siya. May asawa siya. Masasaktan ka lamang. Masasaktan ka...

Kung mutuwal ang atraksiyon, paano ang pag-iwas? Kung sa simula pa lamang na nadantayan ng kanyang mga paningin si Paolo ay pinangarap na niya ang katuparan ng isang sandali ng pagibig sa piling nito, bakit siya uurong? Bakit siya matatakot?

O, Diyos! Kung ang ligayang nadama niya sa mga labi ni Paolo na walang sawang pinaliliguan siya ng halik, sa mga daliring sumusuklay sa kanyang mahaba at malagong buhok, sa mga palad na dumadampi sa kanyang mga pisngi, humahagod sa kanyang katawan, kung ang kapalit ng isang ligayang ito ay pitong kalungkutan, nakahanda siya.

“Nilalabanan ko ang aking sarili,” waring may lumbay ang tinig ni Paolo.

“Maligayang-maligaya ako,” wika niya.

“You deserve something better than this. Isa kang katangi-tanging babae Rhodora,” patuloy ni Paolo.

“Sapat nang mahalin mo ako. Wala akong ibang hinihintay na gawin mo. Pinakamamahal kita,” agaw niya.

Nakahanda siya sa kalungkutan. Sa walang katapusang paghihintay sa malayang oras ni Paolo, kapalit ng pagmamahal nito. Ulit-ulit, sinasabi ni Paolo, “I'm a heel. Sinisira ko ang iyong kinabukasan.”

“Ano'ng kinabukasan kung wala ka?” sagot niya.

Idinagdag pa ni Paolo, “Sana'y una kitang nakilala.”

Ang kaniyang sagot. “Ano na ang kasal? Kapirasong papel.”

Sapagkat siya isang taong praktikal. Bakit niya pagsisintiran ang mga what might have been. Sana'y una kitang nakilala. Ngayon ang mahalaga. Kapiling niya si Paolo. Kaya lang, hindi niya hawak ito. Si Paolo ay dumarating lamang sa mga panahong ito ay malaya.

Bumilang sila ng mga taon. Sa opisina, ang mga tao ay bulag o nagbubulag-bulagan. Hanggang iminungkahi ni Paolo na tumigil siya sa pagtatrabaho at lumipat sa opisina ng isang nangangailangang kakilala. At umalis siya sa kasera. Nagsarili sa isang apartment sa labas ng lungsod. Hindi siya nagdalawang isip.. Naisip niya, magkahiwalay man sila sa araw ni Paolo, higit silang magiging malaya sa gabi. Sa apartment...

Ang isang apartment ay malaki ang kaibhan sa isang silid sa motel. O sa isang madilim na sulok ng sinehan. Ang apartment ay parang bahay. Darating si Paolo, walang oras sa gabi, mag-aalis ng sapatos, magsusuot ng tsinelas, tatanggalin ang kurbata, magpapalit ng damit pambahay, kakain sila, miryenda kung maaga pa, hapunan kung gabi na, at magmamahalan. Tulad sa isang mag-asawa. Ngunit sa tamis ay higit pa. Iyon ang sabi ni Paolo. Nakalalasing ka, Rhodora.

Maano kung umaalis rin si Paolo pagkatapos. At siya ay naiiwang mag-isa sa nalalabi pang oras ng gabi...

Saka nangyari ang sakuna. Ang kotseng sinasakyan ng asawa ni Paolo ay nabangga ng isang malaking bus na pampasahero. Hindi na ito nakarating ng buhay sa ospital.

Ang una niyang naisip. Wala nang tatsulok. Malaya na si Paolo. May halaga na ang kapirasong papel.


NARAMDAMAN ni Rhodora, namimitig ang kanyang mga binti, namamanhid ang kanyang mga paa sa tagal ng kanyang pagkakatayo sa tabi ng durungawan. Sinulyapan niya ang luminous clock sa tabi ng kama. Malalim na ang gabi. Hindi kailanman dumating si Paolo nang ganoong oras kung paanong hindi ito nagpapaabot nang ganoong oras sa kanya, kahit nitong wala na ang asawa nito sa katuwirang walang kasama ang mga anak sa bahay.

Mahigit nang anim na buwang namamayapa ang asawa ni Paolo. Inasahan niyang sa loob ng anim na buwang iyon ay may magaganap na pagbabago sa kanilang dalawa ni Paolo. Hinintay- hintay niya nang buong pananabik ang sandali na kakausapin siya ni Paolo, upang sabihin na makapagbabang-luksa lamang ayon sa kaugaliang Pilipino, silang dalawa ay magpapakasal na. Na di ba, marapat lamang, sa mukha ng mga pangyayari?

Ang sandaling iyon ay lubhang naging maluwat sa pagdating. Ngunit sanay naman siyang maghintay, hindi ba? At nakalaan siyang maghintay. Lamang, hindi niya naiwasang maramdaman ang kakaibang pagbabago ni Paolo. Dumadalang ang pagdating, ang pagdalaw nito.

Sabi ni Paolo. Por delicadeza. Kamamatay lamang niya. Iwasan natin ang sasabihin ng mga tao.

Naunawaan niya. Ibang kalaban ang buhay sa patay. Por delicadeza. Nang buhat sa isang kakilala ay may nabalitaan siya. Ang tungkol sa isang lagi na ay kasama ni Paolo sa mga lakaran, sinusundo sa opisinang pinapasukan, tuwina'y tinatawagan sa telepono at kung Linggo ay kasama ng pamilya nito, ng mga anak, sa pamamasyal at panonood ng sine. Ang susunod na Mrs. Sanchez daw.

Tinawagan niya si Paolo. Sino si Marla?

Tumawa si Paolo, iniba ang usapan. Ang tono ng pakikipag-usap ay wala sa karakter. Hindi nito tipo ang umiwas sa isyu. “Pupuntahan kita sa Biyernes...”

Ang sagot niya. “Ngayong gabi kita hihintayin. Nais kong marinig sa bibig mo na ang lahat ng mga nababalitaan ko'y walang katotohanan.”

“Sa Biyernes na, Rhodora. May lakad ako ngayon.”

“Ngayong gabi na, Paolo,” seryoso ang kanyang tinig. “Maghihintay ako...” at sa madalang, punung-puno ng damdaming dagdag niya, “at kung mahal mo ako... kung walang katotohanan ang tungkol kay Marla... darating ka. Darating ka, Paolo. I love you darling...”


UMAGA na. Ang durungawan ay nilisan ni Rhodora.


LIWAYWAY, Agosto 30, 1982
..

No comments:

Post a Comment