Friday, January 15, 2010

MAY ISANG BAGONG TATSULOK



MAY ISANG BAGONG TATSULOK



HILDA…

Ang masuyong tawag ay bahagya na niyang naulinigan, ngunit ang dampi ng mga labing bumigkas sa kanyang pangalan ay naramdaman niya sa kanyang pisngi.

Hilda…

Ang mga labi ay dumako sa kanyang punong tainga, bumubulong.

Mahal...

At ngayon, ang tinig ay may kasabay na dampi ng palad sa mukha. Mga daliring humahaplos sa mga mata, tumatalunton sa guhit ng kilay, sa lapad ng noo, sumusuklay sa magulo, malagong buhok sa ibabaw ng unan.

Alam na niya ang kasunod. Mumunting halik sa pisngi. Maliliit na kagat ng mga labi. Malilikot na kamay. Mumunting bulong sa pagitan ng mga habol na paghinga, kasabay ang paglaganap ng nakadadarang na init sa kanyang buong katawan. Ang impit niyang tinig ay nakawala.

Jim!

At sa bahaging iyon ng panaginip siya nagising. Kasabay ang pagkamulat sa di na maitatakwil na katotohanang bata pa siya, katutuntong lamang sa tatlumpo, at ang kalikasan niya’y may pangangailangang hindi na niya matatalikuran.

Tatlong taon nang wala si Jim. Tatlong taong hindi niya ito kinailangan. Ang kirot ng pagkabigo ay higit na matindi kaysa alin pa mang damdaming pangkatawan. Ang mga halik at yakap ay ligaw na alaala na lamang, at walang hatid na init, pinapanlabo ng sumusugat na gunita ng isang kataksilan.

Ang mga taon ng pag-iisa ay may dinalang kapayapaan sa kaibuturan niya. Isang panahong naglunoy siya sa damdaming ito. Hanggang isang araw, may nadama siyang pagbabago. Nagsimula ito nang muling magtanong si Gina.

Kailan uuwi si Daddy. Umiling siya. Matagal pa… malayo ang Amerika. At naramdaman niya, hinahanap na rin niya si Jim. Hindi lamang si Gina ang naghahanap. Ang damdamin ay pilit niyang ipinagwalang-bahala. Hindi niya alam kung nakahanda na siyang patawarin si Jim. Ang ligalig ay nagbabangon sa kanyang dibdib.

At noon siya nanaginip. At nagising na hinahanap ng kaliit-liitang himaymay ng katawan ang dampi ng mga labi at haplos ng mga kamay ni Jim.

Ang mga sumunod na araw at gabi ay ginugol niya sa masusi, matapat, hubad sa pagkukunwaring pag-iisip. At nakabuo siya ng pasiya.



JIM?

Napatuwid sa pagkakaupo si Jim. Humigpit ang pagkakahawak sa talepono. Isama man sa sanlibong tinig, makikilala niya ang tinig na iyon. Ang pangalan ni Hilda ay nagkahugis sa kanyang mga labi. Hilda. Parang sa baguntaong namaos ang kanyang tinig. Inaalon ang kanyang dibdib at nahihirapan siyang huminga.

Ang buntong-hininga ni Hilda ay malinaw na nanulay, nakarating kay Jim. Saglit na napapikit si Jim. O, Hilda. Sa kanyang pandama, nakatigil ang buong paligid.

Si Hilda ang unang bumasag ng namagitang katahimikan. Sa paputol-putol na pagsasalita. “Jim… may sasabihin sana ako…. Kung pwede…”

“Pwedeng ano?” kaagad niyang sapo.

“Magkausap tayo nang personal,” ngayo’y nagmamadali ang tinig ni Hilda.

Kasabay ng tango ang pagsang-ayon. “Oo. Oo, Hilda,” sa nagmamadali ring tinig. Ayaw niyang isipin ni Hilda na nag-atubili siya sa pagsagot.

Muli ang buntong-hininga ni Hilda ay maliwanag na nakarating kay Jim. Wari, ito’y naibsan ng isang mabigat na alalahanin. Na baka siya ay tumanggi. May nadamang init si Jim at ang pananabik ay hindi naikubli ng kanyang tinig. “Kailan?”

Tumikhim si Hilda. “Mamaya. After office, sa dati…”

Si Jim naman ang nagbuntong-hininga. At halos paanas. “Darating ako.”

At klik. Wala na si Hilda. Wala na. Saka biglang nagbangon ang isang katanungan sa kanyang isip. Isang katanungang ang kawangis ay malamig na tubig na pumatay sa init ng kasiyahang nilikha ng pagtawag ni Hilda. Tatlong taong singkad na hindi siya kinausap nito. Ang mga pagtatangaka niyang mapanumbalik ang pagtingin nito sa kanya ay hindi pinansin, winalang-kabuluhan. Ilang panahong inabangan niya ito sa pag-uwi buhat sa opisina, parang bagong manliligaw siyang pasunud- sunod. Na walang nangyari. Dahil matigas ang puso ni Hilda.

Natatandaan pa niya ang sinabi nito. “Lalaging may anino sa ating pagitan. Jim. Hindi ang anino ni Sonia, kundi ang anino ng batang isisilang niya. Anak ninyo. Paano kita matatanggap?”

Ano ang kanyang isasagot? “Ewan, Hilda… kung maniniwala ka. Ikaw ang mahal ko. Kayo ni Gina.”

Si Hilda. “Paano ako maniniwala?. Sa harap ng mga pangyayari”.

“Nagkamali ako. And please, Hilda, isa lamang pagkakataon ang hinihingi ko. Kung may natitira ka pang pagtingin sa akin.”

Matagal na hindi umimik si Hilda. Maluwat na nagmuni-muni. Pagkuway paulit-ulit na sinabi. “Mahal kita, Jim. Mahal na mahal. Ewan rin kung mapaniniwalaan mo ito. Ngunit paano kita matatanggap. May nawala. Nauunawaan mo ba ako?”

At naghiwalay sila ng landas ni Hilda. Tatlong taong singkad. At ngayon, tulad ng isang panaginip, muli niyang narinig ang tinig ni Hilda. Nais na sila ay magkita. Ngunit, ano ang sasabihin nito.

Napapikit si Jim. Ayaw niyang isipin na kaya tumawag si Hilda ay upang magpaalam sa kanya. Upang sabihing mayroon nang iba. Bata pa si Hilda. Kasibulan. Katangi-tangi. Ang katotohanang ito ay hindi niya maitatatuwa.

Sana ang panaginip ay hindi maging isang bangungot, padasal niyang usal. Ngunit sa kasabikan na hinaluan ng pangamba sa darating na tipanan, may nawala, nawaglit, sa isipan ni Jim.



SI SONIA.

Ibinaba ni Sonia ang telepono. Bisi ang linya ni Jim. Malapit na ang ikalima ng hapon. Gusto niyang makumpirma ang usapan nilang panonood ng sine. Sabi ng operator, may kausap ho. Si Jim, may kausap. Sino?

Ang naligaw na kaba ay pilit na iwinaksi ni Sonia. Ngunit ang pagsasal ng kanyang dibdib ay hindi niya mapigilan. Lagi siyang ganoon. Maantala lamang sa pag uwi si Jim, sasaklutin na siya ng pangamba. Umalis lamang itong may dadaluhang kung ano na hindi siya kasama, kung ano nang alalahanin ang papasok sa kanyang isipan. Mapansin lamang niyang walang imik si Jim, parang malungkot, walang sigla, hindi na siya iiwanan ng pag-aalala. At si Hilda, lagi, si Hilda ang pinagbibintangan niya. Sapagkat sa kaibuturan ng kanyang puso ay talos niyang mahal na mahal pa ni Jim si Hilda. Higit na mahal kaysa kanya. Kaya lamang, ayaw tanggapin ni Hilda si Jim. At wala itong magawa.

Si Jim. Unang kita pa lamang niya rito ay natiyak na niyang ito ang lalaking gusto niya, para sa kanya. Si Jim ang kabuuan ng lalaking pangarap niya sa buhay. At hindi naging sagwil ang katotohanang may pananagutan na ito sa buhay. Sa kabila ng lahat ay alam niyang walang balak si Jim na hiwalayan si Hilda. Kahit sa harap ng pangyayaring nagbunga ang kanilang nakaw na pag-iibigan.

Tandang tanda niya. Si Jim. “Nothing is changed,” sabi nito. “Pero huwag kang mag-alala, Sonia. I’ll take care of you. I just hope and pray… that Hilda will find it in her heart to forgive me.”

Lagi, si Hilda pa rin ang nasa isip ni Jim.

Ang pangamba ni Jim ay may batayan. Sapagkat lubos nitong kilala si Hilda. Si Hilda at ang taglay nitong ideyalismo. Na ang pagibig ay katapatan at pagtitiwala. Ang isang munting pagkabiso ay isang betrayal. At ang namagitan sa kanila ni Jim ay hindi isang pagkabiso lamang.

Isang panahong kapwa sila nakidigma ni Jim. Si Jim, sa pag-iisa nito, sa pagkawala ni Hilda. Siya, sa namayaning usap-usapan na nilikha ng kanyang kalagayan. Hanggang unti-unti, ang pasiyang magsama ay narating nila, hindi na kinailangang pag-usapan pa.

Magkasama na sila nang isilang niya ang kanilang anak. Isang lalaking kamukhang-kamukha ni Jim. Sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng kapanatagan ang kanyang buhay. Sila ay isa na ring pamilya. Patas na ang kanilang labanan ni Hilda. Isang bagay lamang ang hinihintay niyang mangyari na tuluyang hahawi sa karimlang bumabalot sa kanilang pagsasama ni Jim. Ang makatagpo si Hilda ng ibang lalaking itatangi. Dahil, bata pa si Hilda. Hindi ito makapamamalaging nag-iisa sa buhay. Ngunit kawangis ng isang nakaambang patalim, ang katotohanang wala pang bagong lalaki sa buhay ni Hilda ay malabis niyang kinatatakutan, ang sakit ng iwang hindi pa dumarating ay kanya nang iniinda. Tulad nang nadarama niya ngayon.



SA MAKATI.

Tatlumpo’t limang sandali makalipas ang ikalima. Sa dating hintayan. Sa isang malaking tindahan ng mga aklat. At sa loob nito, sa hanay ng mga bagong dating na bestseller.

Hilda.

Jim.

Nagdaop ang mga palad. Kapwa nanlalamig. Nagpanagpo ang mga mata. Ang pangungulila ng nagdaang tatlong taon ay lumarawan, nabasa ng isa’t isa. Si Hilda ang unang nagbawi ng tingin. Natakot siya sa tindi ng damdaming nadama. Ang magkahawak na kamay ay nakalas. Magkasabay, hindi nag-iimikang lumabas sila ng tindahan. At tulad nang kinagawian, marami nang taon ang nakalipas, dinala sila ng kanilang mga paa sa di kalayuang coffee shop. Sa dating coffee shop. At sa dating hapag sa may sulok. Kanlong sa karamihan ng mga kumakain. At kinuha nila ang mga dating order.

Si Hilda ang unang nangusap. Mandin ay nahawakan na ang sarili. “Naabala kita.”

Tumaas ang kamay ni Jim. Isang pagsansala. Pagkatapos ay parang nanlulupaypay na ibinaba. “Kumusta,” ang sabi. “Si Gina?” ang dugtong, may pananabik.

Sinalubong ni Hilda ang mga mata ni Jim. “Mabuti. Malaki na siya. Mabait. Napakamabida.”

“Itinatanong ba niya ako?”

“Lately. Madalas ka niyang itanong. Kailan ka raw uuwi. Sabi ko kasi ay nasa states ka. Pero, sinisimulan ko nang ihanda ang loob niya. She’s almost six.”

Napatungo si Jim. At naglaro ang mga mata ni Hilda sa mukha nito. Ang dati pa ring hawasang mukha. Ang mga matang matiin kung ititig. Ang ilong. Ang mga labi. Napailing si Hilda. Hindi. Hindi yata niya masasabi kay Jim ang nasa kanyang isip. Nilinga niya ang kanyang handbag na nakapatog sa kalapit na silya. Dinukwang. Umakmang tatayo. Ngunit mabilis si Jim. Kaagad siyang napigilan. “Hilda, please,” ang sabi.

Unti-unti, muling umayos nang pagkakaupo si Hilda. “Isang pagkakamali, Jim. Sorry, I have nothing to say.”

Sumasamo ang tinig ni Jim. “Please…”

At sa kabila ng pag-aalangang nadama, napahinuhod si Hilda. Sa mahina, halos hindi marinig na tinig. Biruin ang mga babaing hiwalay sa asawa. Lagi, may palaman ang mga salita. Maanghang ang mga biro. Bukas ang mga anyaya….

Ang sakit ay lumarawan sa mga mata ni Jim. Nagpatuloy si Hilda. “Noon… matatag ako. Totoo, Jim. Ngayon, hindi na ako nakatitiyak.”

Hilda…. Hilda…. Ang namulas ay isang daing. At kasunod. “Kasalanan ko…”

“Nakaraan na yon, Jim. Nakaraan na.”

Gumagaralgal ang tinig. “Ngayon, Hilda?”

Nadama ni Hilda ang pagbabago ng kanyang mukha, parang sinisilaban. Hindi ba ang bagay na ito ay masusi, matapat at hubad sa pagkukunwaring inisip na niya at tinimbang-timbang.

“Jim…. kailangan… kailangan…” Nabasag ang tinig ni Hilda at ginagap ni Jim ang kamay nito at ikinulong sa sariling palad

Lumunok ng laway si Hilda, sandaling nag-apuhap ng sasabihin. “Wala akong balak... agawan si Sonia... “ napahinga nang malalim si Hilda, “ng iyong kalinga at panahon, Jim”. At sa gumagaralgal na tinig, “isang araw lamang sa isang linggo, Jim. Isang araw lamang...”

Tuluyang naglandas ang luha sa pisngi ni Hilda. At halos pabulong, “Karapatan ko rin naman iyon, Jim, hindi ba? Mag-asawa pa rin naman tayo, hindi ba? Anak mo rin si Gina. Nauunawaan mo ba? Nauunawaan mo ba?”

Tumango si Jim. Oo. Oo. Nauunawaan ko. Wari, ay sigaw sa kanyang mga tainga ang mahinang tinig ni Hilda. At parang sasabog ang kanyang dibdib. At hindi na rin niya napigil na maluha sa harap ng babaing ito na parang pulubing umaamot ng isang araw sa isang linggo sa kanyang panahon. Hilda… Hilda… at patuloy siyang tumatango.



SA ISANG SINEHAN.

Sa tabi ng mga nakapaskel na larawan ng pelikulang kasalukuyang itinatanghal, nakatayo si Sonia. Patingin-tingin sa orasan, larawan ng pagkainip… ng pag-aalala.

Naghihintay.


LIWAYWAY, ENERO 20, 1986

No comments:

Post a Comment