Thursday, February 18, 2010

NATATANDAAN MO PA BA?


NATATANDAAN MO PA BA?


HINDI pa tapos sa pagsasalita si Aida ay humahalakhak na si Elsa. Ang labingwlong taong nagdaan ay walang malaking ginawang pagbabago sa kay Elsa. Ito pa rin ang dating masayahing si Elsa. Mahipan lamang ng hangin ay nakatawa na.

“Ano ba,” tinampal ni Aida sa bisig si Elsa. Hindi naman nagbago si Aida. Dala pa rin nito ang ugaling manghampas kung nais tawagan ng pansin ang kausap.

At siya, siya pa rin ang dating tahimik, mapagmasid, palaisip na si Violeta. Ang mga tunay na sila, ang masayang si Elsa, palabirong si Aida, ang malalim, malimit na hindi maunawaang siya. Lahat sila ay hindi nabago nang labingwalong taong lumipas. Mula nang sila ay tumayo sa ibabaw ng isang malaking entablado, sa harapan ng bagong gusali ng kanilang paaralan at umabot ng kanilang diploma, katibayan sa pagtatapos sa high school, at sa maramihang tinig, ay sabay-sabay na umawit ng loyal schoolmates come together, be glad and let us sing...

(… ang finale, ang katuparan ng mga batang pangarap, the beautiful ending in a beautiful story, that unforgettable Sunday, April 20... taimtim sa paglakad... hindi malaman kung ngingiti o iiyak... pasulyap-sulyap sa magulang... habang tinutugtog ang Grand March buhat sa operang Aida ni Giuseppe Verdi... ang kaguluhan, tawanan, kamayan at yakapan, matapos ang seremonya... hawak sa kamay ang isang puting coupon bond... nakabilot.... may taling green and gold ribbons... ang simbulo ng tagumpay pagkaraan ng apat na taong pag-aaral...)

Tuloy ang hagikgik ni Elsa. “Naalaala kong bigla si...si... ano nga'ng pangalan noon? Iyong taga-Buguion. Na matangkad at...”

“Si Ichabod Crane!” bulalas ni Aida.

Sabay-sabay, naghalakhakan sila. Tawa. Tawa ng mga kabataan sa isang kabataang paksa. Paksang halos wala namang kabuluhan. O katatawanan. Nagkataon lamang na isang paksang bahagi ng isang masayang nakaraan. Isang mukhang katawa-tawa o katuwa-tuwa sa libong mga mukhang nakasalamuha. Noong araw. Noong panahong sila'y nag-aaral. Sa mataas na paaralang panlalawigan.

“Marami na raw ang nabago...” bigla, nasambit niya.

“Nasunog na raw ang old building,” wika ni Aida.

(… ang “old building” na kung saan tayo “Lumipat” noong Pebrero 15... at ang karatig nitong sawali building na sa kakapusan ng mga silid-aralan ay hinati upang maging apat o limang classrooms... hanggang ngayon, isang palaisipan pa rin sa akin kung bakit ang ilan sa ating mga kaklaseng lalaki ay namamahinga kung vacant period, sa ilalim ng old building, kahit maligo sa pawis...

… ang old building , ang sawali building at maging ang new building ay mga bahagi na lamang ng alaala. Ang old ay nasunog, ang sawali ay giniba at ang new ay inilipat ng lugar...)

“Naroon pa kaya ang triumvirate?” tanong niya.

At muli, inihit ng tawa si Elsa. “Aling triumvirate? Iyong monumentong nasa harap ng new building? O iyong tatlong diyanitor?”

“Na si Ba Magno!” muntik nang natabig ni Aida ang basong pampalamig sa ibabaw ng hapag.

“At si Ba Hilarion!”.

“At si Ba Ponso!”

“Sino ngang kongresista iyon na nagpalit ng pangalan ng ating high school?”.

Matagal silang natahimik. Bawat isa sa kaniyang mga isipin, ngunit sa iisang paksa. Panahong nagdaan. Sa paaralan sa lalawigan.

Ang mga flag ceremony sa umaga. Land of the morning ,child of the sun returning ,with fervour burning, thee do our souls adore....

Ang Panatang Makabayan...iniibig ko ang Pilipinas, na siya kong tinubuang lupa...

At ang mas mahaba, mas gusto nilang talumpati ng mga guest speakers, dahil iigsi ang oras para sa aralin nilang pang-umaga....

Ang inaabangang pag-awit ng Glee Club at paghawak ng baton ni Misis Santiago...

Ang ngayon ay obsolete ng kanta, friendly with America, let her always be, heaven watch the Philippines and keep her forever free....


Nabigla si Violeta sa naramdamang tampal sa kanyang bisig. Ang mga mata nina Aida at Elsa ay nakapako sa kanya. “Ano'ng sagot mo?” sabay tanong ng mga ito.

Napatawa siya. “Ano bang tanong n'yo?”

Saglit na nagtinginan ang dalawa. Saka makahulugang tumango-tango. Si Elsa. Hindi nakangiti at pormal na pormal ang nagtanong. “Dadalo ka ba sa ating reunion?”

Bigla ang mukha ni Elsa ay napalitan ng larawan ni Ben. Si Aida, ni Ric. Sunud-sunod ang kanyang pag-iling. Ewan. Ewan...


SI BEN AT SI RIC ay matalik na magkaibigan. Noon. Sila ni Ric ay mag- steady. At silang tatlo ay magkakamag-aral. Mula elementarya. Doon sa central. Sa tapat ng templo ng mga mason. Hanggang high school.

Ang unang taon sa high school ay sa lumang munisipyo nila ginugol. Doon sa tabi ng ilog. Ang dati ay malalim at maluwang na ilog na gumagapang sa kahabaan ng baryo Tampoy. Sa matandang gusali na yari sa bato at tisa, tulad ng ilan pang natitirang bahay sa Barasoain, Ang gusaling kung tawagin ay presidencia, ang relik na gusali na giniba upang ang lugar ay pagtayuan daw ng gasolinahan, na ipinatigil ang paggiba ng isang historical society ng Bulacan, ang gusaling hanggang ngayon ay giba pa rin at hindi pa naipaayos. Doon. Doon sila nag-first year nina Ben at Ric. Trese siya. Katorse ang dalawa.

(… ang naiibang amoy ng ilog sa tabi ng Casa Real, lalo na kung high tide... ang Casa Real ang naging saksi sa ating unang pagkikita noong first day ng high school years at sa loob ng halos walong buwan ay naging pangalawang tahanan para sa atin...

… ang panananghalian natin nang taong iyon... ang karamihan ay sa palengke, ang iba'y sa mga tindahan at karinderya sa paligid-ligid at ang iba ay sa kanilang mga bahay... samantalang buhat sa radyo (de-kuryente, kaibigan, dahil ang transistor ay ilang taon pa bago natuklasan) ay naririnig natin ang mga soap operang “Gulong ng Palad” at “Ilaw ng Tahanan”... at bago maghapunan naman ay may “Prinsipe Amante”.)

Pinakamarunong sa kanilang tatlo si Ric. Bagaman at hindi ito ang nasa ulo ng klase. Magkapareho na siguro sila ni Ben. Ngunit daig siya ni Ben sa numbers. At sa kabisahan naman ay talo niya ito. Kung minsan, pati si Ric.

May kani-kaniyang ugali ang mga guro tungkol sa sitting arrangement ng mga iskwela. Si Miss Reyes ay lagi nang ayon sa taas ng grado sa iksamen. Ang pinakamataas ang pinauupo sa kahuli-hulihan. Kaya, hindi na rin naglalalayo ang upuan nilang tatlo. Si Mrs. Gonzales naman ay ayon sa unang letra ng apelyido. At sapagkat siya ay Reyes, si Ric ay Santiago at Santos naman si Ben, may mangilan-ngilan lamang na nasasalit sa kanilang hilera,.

Mag-steady nga-sila ni Ric. Ngunit si Ben lamang ang nakaaalam. Wala nang iba. Si Ben ang taga-abot ng sulat ni Ric, kung may gustong sabihin ngunit hindi naman siya makausap. Si Ben ang ganire. At si Ben ang ganoon. Kung tutuusin ay madalas pa niyang kausap si Ben kaysa kay Ric. Pero, iyon naman ang gusto niya.

Noong panahong iyon, hindi uso ang makipag-steady nang trese anyos lamang. At iniilingan ng lahat ang mga tinedyer na babai at lalaki na laging magkadikit at nagbubulungan ng mga sweet nothings. Noon... ang mga trese anyos ay naglalaro pa. Kaya siya, kasama ang kabarkadang sina Aida at Elsa, suot ang kanilang bloomer na pang PE, ay tigas na kaluluksong-tinik. Doon sa may tabi ng ilog. At kung pagod na sila, ay uupo sila sa bangkito ng tinderang si Dely, sa tabi ng post office. At magkukwentuhan. At maghahagakgakan. At maghuhubad ng pump shoes at magpapahangin ng mga paa.

Kung minsan ay nakakalaro nila ang mga lalaki. Si Ben at si Ric. Si Edy na taga-Guiguinto. Si Roland na taga-Catmon. Si Resti na taga-San Juan. Naglulubigan sila. Sa kondisyong kaunting ingat sa pagtaga ng mga lalaking nakataya sa lumulubig na babae. At kadalasan, nagpre-presong pung sila. At hanggang sa pagliko ng kalsadong patungong baryo ng Caingin ay nakararating sila sa pagtatago.

Bago natapos ang taon ng aralan, lumipat sila sa may kapitolyo. Sa kalakihan ng paaralang panlalawigan. Sa kalawakan ng mga damuhan. Sa kaliliman ng naglalakihang puno ng mga akasya sa paligid. Sa mataas, maluwang na grandstand sa provincial athletic grounds. Sa mga karihang naghilera sa highway. Beinte nire. Beinte noon. At diyes na kanin. At daan...libong istudyante.

(… nang sumunod na mga taon, ang mga boys na may baong nakabalot sa dahon ng saging ay sa Agronomy, Horticulture, Automotive o sa Grandstand kumakain, na kadalasan ang ulam ay itlog, prito o hardboiled, tuyo, tinapa o pritong bangos, come to think of it, wala pa yatang tilapia o galunggong noon... swerte na kung makapagbaon ng pritong baboy, tapang baka o adobong manok minsan isang buwan... samantalang ang mga girls na may baon din ay sa cafeteria o sa loob ng mga rooms kumakain... at 'yong mga “can afford” ay matatagpuan kung tanghali sa mga karinderia sa harap ng provincial capitol at ang paborito ng marami ay ang turu-turo ni Ka Pisang... biro mo, sa halagang beinte sentimos lamang, may minudo o apritada ka na, kaning bagong saing, mainit na sabaw at malamig na inumin.)

Sa mga unang pagkakataon, dumalas ang paglapit sa kanya ni Ric. Na lubha naman niyang ikinatuwa. Ang kanilang grupo, silang tatlo at saka sina Aida at Elsa ay isang kilalalng barkada. Marurunong . Mga guwapo. Mga guwapa.

(… ang gulo, ang tawanan, ang biruan ng mga barkada... kung nagkakatipon while munching peanuts, feasting on butong pakwan, drinking coca-cola, Goody Rootbeer or Mission Orange (ang beer, rum, gin at lalo na ang drugs ay hindi pa bahagi ng sessions ng mga kabataan noon), at sharing secrets...)

Sa malimit na pag uusap, unti-unti, may nasilip siya sa katauhan ni Ric.

“Mataas ang pangarap ko sa buhay,” sabi nito.

“Kasama ba ako roon,” biro niyang tanong.

Makahulugan ang sagot ni Ric. “Kung gusto mo bang sumama.”

Di kasi namang gusto niya. Sapagkat mahal niya si Ric. Mahal na mahal. Isa pa'y wala namang masama sa ambisyosong tao. Kaya, tumango siya. Oo... oo.

Kasama si Ric sa unang lima nang magbigayan ng card. Sila ni Ben ay sa huling lima ng sampung nanguna.

Sophomores. Sa old building . Medyo nagkahiwalay ang grupo. Madalas na wala si Ric. Maraming extra-curricular activities. Si Ben ay bihira na ring sumama.

Ang pangalawag taon sa high school ay ang taon ng pagkakaroon ng damdaming ako... kami ay kabilang sa paaralang ito. Tse, hitsura lang ng mga juniors. Akala mo naman kung sino. Pero crush nila ang mga lalaking seniors. Si Ador. Ang puti. Ang balbon na si Rading . Ang palabating si Tony.

Isang taong nawala sila ni Ric. At ni Ben. Ang dalawa, sa kapwa nito mga lalaki. Nahuhubog, nalilinang ang pagkalalaki. Siya, sa kanyang mga kaiskwelang babai, sa kanilang hindi maikakailang pagbabago. Sa pagiging tunay na babae.

Sweet violets, sweeter than the roses,
covered all over from head to toe...

May ibinubulong si Ric. I love you. I love you. My sweet violet...

Juniors prom.

(… at ang memory ng ating first dance... kailan nga ba ang ating unang sayaw, kailan ito naganap, kailan natin ito naranasan? Marahil, iba-ibang pagkakataon ang ating first dance... ngunit sigurado, walang pagkakaiba ang mga sayaw... kung hindi slow drag, marahil ay waltz, cha cha, mambo... gayundin ang mga awit... You're Breaking my Heart, No Other Love, Kiss of Fire, Cold, Cold Heart, Tennessee Waltz, I Went to your Wedding...

… at malilimot ba natin ang “sen-sen” na nakababad sa bibig upang kahit malapit, dahil nagsasayaw, ay hindi maka-offend ang pagbulong ng mga sweet nothings...)

Nagsayaw sila ni Ric. Ngunit minsan lamang. Abalang abala si Ric. Chairman ito ng kung anong committee. At kasapi sa kung saan pa.

Panay ang sayaw sa kanya ni Ben. ”Ihinabilin ka ni Ric sa akin.”

Umingos siya. Masama na ang kanyang loob. Lalo na nang sabihing hindi siya masasabayan sa pag-uwi ni Ric. “Sorry, Violet. Kailangan pa ako dito. Si Ben na lang.”

Si Ben na naman.

“Sorry Violet,” sabi ni Ben.

“Bakit?” nagtataka niyang tanong.

Nagkamot ng batok si Ben. At nagtawa. “Kasi, kasi alam kong mas gusto mong kasabay si Ric.”

Umungol siya. “Busy lagi.”

Nang ikatlong taon sa high school, lumipat na sila ng building . Sa bago. Sa tabi ng pambansang lansangan. Paharap sa dakong hilaga. Kita ang mga nagyayao't dito na mga sasakyang galing sa Baguio, sa Ilokos. At ang mahaba, kumikiwal na tren.

“Mahal kita. Ikaw lamang .. “ ang sabi ni Ric.

“Kung totoong mahal..” hindi na niya nasundan ang kanyang sasabihin. Barado na ang kanyang lalamunan.

Ang dahilan. Opisyal ng PMT si Ric. Ngunit hindi siya ang kinuhang sponsor nito. Ang ikinatuwiran pa ay napasubo sa pagtango sa anyaya raw na birong totoo ng anak na dalagita ng kanilang prinsipal. At ang sabi pa, nariyan naman si Ben. Gusto ka niyang kunin, nahihiya lamang sa akin.

Isinali pa si Ben. Iginawa pa ng istorya si Ben.

Siya ang naging sponsor ni Ben. At pinagbuti niya ang kapit sa bisig ni Ben. At pinanay niya ang ngiti at tingala sa kay Ben. At nang matapos, nagtaka pa siya. Dahil enjoy siya.

Kasama pa rin sila sa sampung nanguna sa pangatlong taon. Ngunit si Ric ay pumangalawa na. Noon, sa unang pagkakataon ng kanilang high school romance ni Ric, nakadama siya ng pangamba. Tumataas si Ric, tulad ng pangarap nito para sa sarili. At parang siya ay naiiwan. Sa tingin niya, iba na ang ginagalawang daigdig ni Ric. Gayong pareho sila ng seksiyon. Ang una. Pareho silang miyembro ng mga organisasyon sa paaralan. At kapwa kasapi sa staff ng pahayagan.

Seniors na sila. Isang taon na lamang. Isang taon na lamang sila. Ni Ric. Gayon ang pakiramdam niya sa sarili. Samantala, patuloy ang nakatatawa nilang relasyon ni Ric. Natatawa na lamang siya. Dinadaan niya sa tawa. Dahil kung hindi...

At hindi siya makapagreklamo kina Aida at Elsa. Gayon siya katahimik. Isa pa'y ipinagmamakahiya niya ang sarili sa kalagayang alanganin. Nagmamahal, pero parang hindi naman masyadong minamahal. Sa pagdaraaan ng mga araw, nakabuo siya ng pasiya.

At natapos ang taon ng aralan. Ang apat na taon sa high school. Apat na taon nila ni Ric. Wala na ang mga last minute quiz at pagmamartsa sa initan. Ang paggawa ng bag na rafia at pagluluto ng adobo sa home economics. Ang pagtitinda sa school cafeteria. Wala na ang sigawan at kantiyawan kung may laban ang team ng basketball o volleyball o softball sa mga athletic meet. O ang walang habas na palakpakan sa mga oratorical contest. Wala na sila ni Ric. Alam niya. At sa gabi ng graduation, pagkaraan ng isa, dalawa nilang sayaw, nag-usap na lamang sila.

“Mabuti pa Ric, buti pa'y hiwalay na tayo.”

Ganon lang. Akala niya'y hindi niya masasabi, dahil sikip na sikip ang kanyang lalamunan at nais magbara ng kanyang ilong sa nagbabantang pag-iyak..

Humingi ng paliwanag si Ric.

“Kasi, alam mo, possessive yata ako. Mapaghanap. Gusto ko kasi sa boyfriend iyong... iyong may panahon lagi. Para sa akin.”

Nagbuntong-hininga si Ric. “Doon ako kulang, Violet, pero, mahal naman kita. Naniniwala ka, di ba?”

Hindi kaagad siya nakasagot. Kalaunan, sabi niya. “Ewan. Kasi, ang talagang gusto ko'y nakikita ko ang pagmamahal na iniyuukol sa akin.”

Hinintay niyang sabihin ni Ric na magbabago ito. Magpaliwanag na kaya lamang ito walang oras para sa kanya ay sa dahilang nag-aaral pa sila. At mangako na darating din ang panahon para sa kanilang dalawa. Dahil kahit na may alinlangan siya, kahit hindi siya nakatitiyak, bibigyan niya ng pagkakataon ang apat na taon nilang unawaan.

Ngunit hindi kumibo si Ric. At iyon ang simula ng kanilang paghihiwalay. Sa katapusan ng apat na taon nilang pag-aaral sa high school. Apat na taon nila.


SA REUNION, wala si Ric. Wala pa nang sila ay dumating. Ngunit nangako raw
na darating kasama ang asawa. Si Ben ay kasalamuha ng mga lalaki. Nagkakatuwaan. May binubuska. Kaiskwela nilang si Ver. Wari ito ay binata pa rin at ayaw patali.

Sa pagitan ng pag-aasikaso sa pagkain ng dalawang anak na kasama, at sa pakikipag-usap kina Elsa at Aida, sinusuyod ng tanaw ni Violeta ang buong paligid. Ang grupo nina Ben ay kinabibilangan ng sampung nanguna sa kanilang pagtatapos. Ang nagtapos sa PMA na si Nestor, ngayon ay kabilang na sa mga mataas na opisyales ng yate ng pangulo ng bansa. Ang doktor na si Orlan. Si Romeo na professor sa isang graduate institute. Ang arkitektong si Fidel. Ang tanyag na manunulat na si Lamberto. Ang wala lamang ay si Ric.

Abala ang mga babae sa pagpapakain sa mga kasamang anak. Sa paghabol sa mga tumatakbo. Sa pagsaway sa mga nag-aaway. Next time, sabi ng isang kaiskwela, hindi natin isasama ang mga tsikiting, di tayo makapag-tsismis!

At tulad nang dati, ang mga malapit sa guro noong araw ay siya ring kausap ng mga guro sa ngayon. Ang mga musa at sweetheart noong araw ay siya pa ring pinagkakaguluhan ng mga lalaki ngayon. At hindi naiiba sa kalakaran ng mga reunion ng mga dating magkakamag-aral, ang mga asa-asawa ng mga ito, mababae o malalake, ang siyang nasa likuran. Tagapakinig. Tagatawa. Ang ibang mga listo o lista ay nakikisagot.


Isang lumang awitin ang pumapailanlang, nakikisingit sa di magkamayaw na ingay at tawanan sa paligid. I was dancing with my darling to the Tennessee waltz, when an old friend I happened to see...

(Gunitang binubuhay, kamalayang ginigising... damdaming pinupukaw. Di ba't bumabalik sa alaala ang nakaraang kahapon sa tuwing maririnig natin ang mga himig at nota ng mga awit ng ating kapanahunan?)

“Mommy.... “ ang iniinom na softdrink ay tumapon sa dibdib ni Eric. Nakadama si Violeta ng pagkayamot. Binihisan pa naman niya nang husto ang anak , dahil gusto niya, kapag nagkita sila ni Ric...


SA MAYNILA, magkakaiba sila ng pinasukang pamantasan nina Ric at Ben. Ngunit si Ben lamang ang madalas na nakaalalang dumalaw sa tinitirahan niyang kasera. Wala na si Ric. Bagaman at lahat ng balita tungkol dito ay alam niya. Dahil sa kina Aida at Elsa. Iba na naman ang girlfriend ni Ric, Violet.

Nagkibit siya ng balitkat. Hayaan mo siya.

Sumabad si Elsa. Alam mo na, e collect and collect, and then, select.

Nagtawanan sila. Noon ay kay dalas niyang maisip, marahil, hindi siya makatagpo ng isang katulad ko. Marunong . At maganda. Ngunit alam niyang pang-aaliw lamang ng loob ang kanyang ginagawa. Sapagkat ayon sa mga balita, sa bawat pagpapalit ng kasintahan ni Ric, ang babae ay higit ang ganda at dunong sa sinundan. Nasaktan siya. Hindi lamang niya matalos kung ang kanyang pride. O ang kanyang pusong umiibig.

Sabi ni Elsa. “Mahal mo pa ba siya, Violet?”

Matagal na inisip niya ang sagot. “Hindi na. Talagang hindi na. Ngunit hindi ko pa rin siya makalimutan. Marahil dahil sa ako ang nakipagkalas sa kanya. At hanggang ngayon ay iniisip ko pa kung tama ang aking ginawa. At kung mauulit ang mga pangyayari ay maiba ang aking desisyon.”

Iba naman ang sinabi ni Aida. “Ambisyoso si Ric.”

“Anong koneksiyon?” tanong naman ni Elsa.

“Kung hindi si Violeta ang nakipagbreak sa kanya, siya ang makikipag-break, hindi mo ba nakikita ang pattern?” tumawa pa si Aida.

Ang pattern na sinasabi ni Aida ay hindi kaagad niya nakita nang siya ay nasa high school. Sapagkat bata pa siya at hindi pa hinog ang kanyang pag-iisip. Ngunit ito ay maliwanag niyang nadama. At ang damdaming ito ang nag-udyok sa kanya na makipagkalas kay Ric. Ang kawalang-panahon para sa kanya, ngunit may panahon sa mga bagay na makapagpapalawig sa mga pansariling pangarap. Noon, sa high school, ang mga pakikihalubilo sa mga taong nasa itaas. Kaibigan, kaanak, ng mga guro at prinsipal...

Si Ric ay hindi nga niya nagawang limutin kaagad. Si Ric ang kanyang unang pag-ibig. At ang larawan nito ang naging huwaran niya sa paghanap ng tatanggaping mangingibig. Anong sasabihin ni Ric kapag nakita nito si Bert. Baka magtawa ito. Marunong si Bert, pero hindi naman guwapo. Marunong at guwapo si Nonoy, pero garil namang managalog. Marunong at guwapo at taal na tagalog si Ariel, pero...

“Ano ka ba?” minsa'y sinabi ni Ben. “Ang hinahanap mo ba'y boyfriend o panlaban kay Ric.”

Ang sagot niya. “Iyong ang mga katangian ay halos katulad ng kay Ric. Plus iyong wala sa kanya na hinahanap ko. At siyempre, iyong mahal ko at mahal ako.”

Hindi naglaon, natagpuan niya ang lalaking hinahanap niya. At nagulat pa siya. Dahil hindi naman pala kailangang magkasama-sama ang mga katangiang hinahanap niya. Mahalaga lamang ay mahal na mahal siya. At mahal na mahal niya ito.

Sa kabila ng lahat, nagdalawa pa rin ang kanyang loob sa pagdalo sa reunion. Kinantiyawan siya nina Elsa at Aida nang magkita-kita sila bago dumating ang okasyon.

“Baka sabihin na lang ni Ric, in love ka pa rin sa kanya.” sabi ng mga ito.

Kay layo sa katotohanan. Samantala, ngingiti-ngiti lamang ang kanyang asawa. Hindi lihim dito ang kanilang nakaraan ni Ric. “Dadalo ba tayo?” tanong nito.

“Gusto mo ba?” sagot niya.

Tumawa ito. At nanukso. “Bakit ,natatakot ka ba? Kay Ric? Sa kanyang asawa?”

Inirapan niya ang kanyang asawa. “Ba't ako matatakot sa kanila?”

Ang totoo. Natatakot siya sa kanyang sarili. Sa magiging reaksiyon niya sa muling pagkikita nila ni Ric. Baka may magising sa kanyang sarili. Isang tulog na damdamin. Hindi pag-ibig, sapagkat natitiyak niyang wala na siyang ganitong saloobin para sa kay Ric.

Ang ikinatatakot niya ay ito. Ang madilat ang kanyang mga mata sa katotohanang nagbago na pala si Ric. Na ang hinahanap niya dito noong araw ay matatagpuan na niya rito ngayon. At sa gayong pangyayari ay makadama siya ng panghihinayang. Sa mabilis na pagpapasiyang ginawa. Noong gabi ng kanilang graduation. Labingwalong taon na ang nakalilipas. Kung magkagayon ay paano ang kanilang pagsasamang mag-asawa. Mahal niya ang kanyang asawa. Mahal na mahal. Kaya parang ayaw niyang magkita sila ni Ric. Ayaw niyang makadama ng pagbabago sa sarili. Sapagkat ayaw niyang magkaroon ng batik ang kanilang matamis na pagmamahalan. Ayaw niya. Para sa kanyang asawa.

“Kailangang dumalo tayo,” pasiya nito.

At naisip niya, kailangan nga. At tumango siya. Anuman ang mangyari, anuman ang maging kahinatnan, saka na lamang siya mag-iisip kung ano ang gagawin. Sa ngayon... ang lahat ay pinaghandaan niya. Mula sa barong-tagalog na isusuot ng kanyang asawa hanggang sa medyas ng mga bata. At ang may cutwork na tela na ipinatahi niyang pantsuit.

Sila nga ay dumalo. Ngunit bago sila lumakad, bago sila lumabas ng silid ng kanilang tahanang mag-asawa, inakbayan siya nito at pinisil sa balikat at may ibinulong. Ito lamang ang tandaan mo. Mahal kita. Iyo ang aking buong pag-unawa.


"VIOLET!"

Tinanaw ni Violeta ang dalawang lalaking lumalapit sa kanya. Si Ben. At si Ric. Higit na mataas, higit na guwapo, higit ang pagtitiwala sa sarili na ibinabadya ng imbay ng mga bisig at ngiti ng mga labi, si Ric. Inakbayan ni Violeta ang kalapit na anak. Malamig na malamig ang kanyang palad sa mainit na batok ni Eric. At may kung anong lilipad-lipad sa loob ng kanyang sikmura.

Labingwalang taon, mula noon. Sila ni Ric. Sila nina Ben. Sa lumang minisipyo sa tabi ng ilog, sa pagbaba ng tulay. Si Ric na walang panahon para sa kanya. Si Ben na matiyagang taga-alalay niya, tagasunod, kasama. Isang sayaw sa Juniors Prom. Sorry, hindi kita maihahatid. Sorry, hindi ako makatanggi sa anak ng prinsipal.

At hindi man lamang tumutol si Ric sa ginawa niyang pakikipaghiwalay. Hindi man lamang nangakong magbabago. At ang uri ng kanyang hinahanap na pag-ibig. Ang pag-ibig na laging may panahon, kahit sandali, para sa isang minamahal.

May tiwala na ang kanyang ngiti nang abutin ang kamay ni Ric. Alam niya, nakapako sa kanila ang mga mata ng mga nasa paligid. “Violet, hindi ka nagbabago. Sweet violet, sweeter than the roses...” bati nito.

Tumawa siya at sinulyapan si Ben. Na tumawa rin at sumuntok sa bisig ni Ric “Nasa pagdadala iyan, pare ko...”

Nginitian at kinausap ni Violeta ang maganda at ismarteng asawa ni Ric. At nawala sina Ric at Ben sa grupo ng mga kalalakihan upang magbalik lamang kaagad at magpaalam. “Aalis na kayo!” takang-takang tanong ni Violeta sa asawa ni Ric.

Si Ric ang sumagot. “Gusto ko lamang talagang makarating dito. Kahit saglit. Pero may kompromiso ako ngayon.”

Ang ngiti ng asawa ni Ric ay may kasamang bahagyang taas ng kilay. “Golf,” sabi ito.

“Well...” nagtawa is Ric. “Sa golf links ginagawa ang mga importanteng disisyon, hija, at ang kalaro ko yata ay ang may ari ng...”

Naisip ni Violeta, labingwalong taon, wala pa ring malaking ipinagbago si Ric. Ito pa rin ang dating si Ric. Na ang mga mata ay laging nakatuun sa mga bagay lamang na maaaring mapakinabangan. Hindi na bale ang iba na kung tutuusin, hindi naman masama. Kaya lamang, hindi ganoon ang pangarap niyang buhay.

Naramdaman ni Violeta ang isang marahang pisil sa kanyang balikat. At nalingunan niya si Ben. Nakangiti. Ang dati pa ring si Ben. May ibinubulong, mahal.

At tumango siya sa asawa. Oo, Ben. Mahal.

At umiling siya. Hindi. Walang pagbabago. Ikaw lamang.


LIWAYWAY, HUNYO 1971

No comments:

Post a Comment