Wednesday, February 10, 2010

MINSAN, ISANG ARAW NG MGA PUSO

MINSAN, ISANG ARAW NG MGA PUSO

BINITIWAN ni Elsa ang hawak na valentine card. Pinagmasdan niya ang lalaking nakatayo sa tuktok ng hagdanang pababa sa card section ng Shoemart Makati. Ang limang taong nagdaan ay walang dinalang pagbabago sa kaanyuan ni Daniel. Matikas pa rin ang tayo nito. Magandang magdala ng damit.

Saglit na pinaraanan ng tingin ni Elsa ang sarili. Wala rin naman siyang malaking ipinagbago. Slim pa rin siya. At sapagkat maliit siya, petite, wika nga, ay talagang cute, papuri niya sa sarili. Muli, ibinalik niya ang pansin sa pinamimiliang valentine cards. Si Kupido, may hawak na palaso. Kulay rosas na bulaklak. Kulay pulang rosas, isang pulang balloon, may nakasulat na I love you. Hindi mapigilan ang sarili, muling hinanap ng kanyang mga mata si Daniel. Naroon pa rin si Daniel, ngunit may ibang tinitingnan.


LIMANG taon na ang nakaraan, boyfriend niya si Daniel. Isang buwan bago dumating ang araw ng mga puso, ex-boyfriend na niya ito. Laking sisi sa kanya ng kaibigang si Noemi. “Kung kailan malapit ang valentine, saka ka nakipag break. Pambihira ka talaga.”

Nagkibit siya ng balikat. Pero hindi maawat si Noemi. “Paano ang wedding plans ninyo.”

Parang batang pinaliwanagan niya ang kaibigan. “Iyon nga ang dahilan. Nagsimula na siyang magplano tungkol sa kasal at waring hindi pa ako handa. Hindi pa sigurado sa sarili. I just want to be fair.”

“Hindi ka in love sa kanya,” usig ni Noemi.

“Nakadalawang taon kami. Two solid years. Pero parang kulang. Parang may hinahanap akong wala. Alam ko, ako ang may diperensiya. At inamin ko ito sa kanya. Alam ko rin, naunawaan niya ako. Pero siyempre, masakit rin para sa kanya. I felt like a heel.”

Sunud-sunod ang iling ni Noemi. “Wala ka nang matatagpuang tulad ni Daniel. Guwapo. Matalino. Good family. Magandang hanapbuhayl”

Ngumiti na lamang siya. Maganda rin naman siya. Marunong. Angkang may sinasabi sa kanilang probinsiya at okey rin ang trabaho. Good match talaga sila ni Daniel. Pero alam niya ang ibig sabihin ni Noemi. Hindi siya minemenos nito. Ayon sa statistics, higit na marami ang mga babae kaysa sa mga lalaki. And that's that.

Bisperas ng araw ng mga puso ng taong yaon, tumawag sa kanya sa telepono si Daniel. Nangungumusta. May hinihiling. “Elsa, puwede ba? Valentine na...”

Kay lalim ng kanyang buntong-hininga at kay haba ng kanyang paliwanag. “We've been through that, di ba. Akala mo siguro, Dan, hindi masakit sa akin ang ginawa kong ito. Mahal kita, alam mo 'yon, pero nang simulan mo nang banggitin ang pagpapakasal... I had to think things over. Marriage is a commitment. Kailangang kapuwa tayo nakatitiyak sa ating niloloob. Hindi lamang ikaw. Ako rin.”

“So, loveless valentine pala ako ngayon,” matamlay na wika ni Daniel.

Ewan niya kung bakit niya sinabi iyon. Matay man niyan isipin, hindi niya mawari kung ano ang nagbunsod sa kanya upang sabihin iyon kay Daniel. “Alam mo bang loveless rin si Noemi ngayong Valentine?”

Nang sumagot si Daniel, parang naiba ang tinig nito. “Noemi is a very nice lady.”

Bakit nga hindi. Gayon ang himig ng tinig ni Daniel. Bakit nga hindi.

Nang Valentines Day na yaon, wala siyang valentine. Sa unang pagkakataon, sa loob ng marami-raming taon, ni wala siyang tinanggap na card o bulaklak o regalo. Wala siyang manlilligaw. Alam ng marami na boyfriend niya si Daniel. Wala pa sigurong nakababalita na break na sila. At hindi na nga tumawag si Daniel sa kanya. Na okey naman sa kanya. Baka kasama si Noemi, sinunod ang sinabi niya. Naisip lamang niya, napakalaki pala ang kakulangang hinahanap-hanap niya sa pag-iibigan nila ni Daniel na ang ganoong pangyayari ay ni hindi nakabahala sa kanya. Siguro, naging magnobyo lamang sila ni Daniel dahil good match sila. Pero talagang may kulang. Na hindi naman niya matuunan ng daliri kung ano.

Napagpasiyahan niya sa araw ng mga puso na hindi siya uuwi nang maaga sa bahay. Buo na ang kanyang plano. Maglilibot siya. Sa Rustan. Tutuloy ng Quad, sa tindahan ng mga isda at aquarium, pusa't aso, mga ibon. Pagkatapos ay sa National Book Store. Saka mag-a-ice cream sa Magnolia. Pupunta sa Edsa, kukuha ng bus monumento, bababa ng Cubao, uuwi ng Marikina.

Siya nga ay naglibot. At talagang enjoy siya. Sa pagtingin-tingin sa mga designer bags at designer shoes at sa naggagandahang accessories na hindi halos niya pansin ang mga tao sa kanyang paligid. Nang magsukat siya ng isang bestido, nagulat pa siya nang sabihin ng saleslady. “Ipakita ninyo sa boyfriend ninyo. Tiyak, magugustuhan.”

Boyfriend, anong boyfriend ang tanong ay inihugis ng kanyang mga labi, ang pagtataka ay nasa kanyang mga mata.

Humingi ng paumanhin ang saleslady. “Akala ko'y boyfriend ninyo. Ang lalaking iyon... kangina pa sa tabi ninyo. Pinagmamasdan ang bawat kilos n'yo. Nakangiti pa. Parang siyang siya.”

Ang lalaking sinasabi ng saleslady ay higit na matangkad kay Daniel, tsinito, kulot ang buhok, very casual ang porma. Isang bagay ang kaagad na tumawag ng kanyang pansin sa kaanyuan ng nasabing lalaki. Kahit nag-iisa ito, nakatayo sa harap ng isang iskaparate na may nakadispley na manikin, para bang napakaganda ng iniisip na wari tuloy, sa anumang saglit ay mamumutawi ang isang ngiti sa mga labi nito.

Bigla niyang naisip, bakit nag-iisa ang lalaking ito gayong araw ng mga puso. Katulad rin kaya niya na walang valentine. Guwapo naman at maganda ang personalidad. Iyon bang tinatawag na easy charm, magaan. Bakit nga kaya?

Mula sa Rustan ay nagtuloy siya sa Quad, sa tindahan ng mga aklat. Nawala na sa kanyang loob ang lalaking kulot. Isang magandang valentine card ang nakaakit sa kanyang pansin, damdamputin na niya nang may nakasabay siyang kamay na kukuha rin dito. Naurong ang kanyang kamay at napatingin siya sa katabi. Ang lalaking kulot.

Ngumiti ang lalaki. “Ladies first,” anito.

Pinigil niya ang kanyang ngiti. “Sa iyo na lang,” kanyang sabi.

Bahagyang nandilat ang singkit na mga mata. “Aba, huwag, kawawa iyong mama. Hindi tatanggap ng card. Kahit huli na, better late than never.”

Nagkibit siya ng balikat. “Hayaan na. Wala na.” Tuloy-tuloy ang kanyang sagot, hindi na niya mabawi.

“Wala na?” nagbibiro pero nag-aanyaya ng tugon ang tinig.

Bigla ang paggitaw ng pangamba, ng pag-aalaala. Elsa, aniya sa sarili, anong nangyayari sa iyo. Baka akala ng lalaking ito, kung anong klase kang babae. Aba...

Sinulyapan niya ang katabing lalaki. Talagang matangkad ito. Hanggang balikat lamang siya. Nagtama ang kanilang mga paningin. Ngumiti ito. Alanganin. “Sorry, very presumptuous of me,” hingi nito ng paumanhin.

Ewan kung ano ang nangyari sa kanya, napangiti na rin siya. Okey lang, para bang ganoon. Na kaagad sinamantala ng lalaki. “I'm Roy. Roy Asuncion. Lahing Nueva Ecija. Tubong Quezon City.”

Ewan pa rin kung ano ang nangyayari sa kanya. “I'm Elsa,” maigsi niyang sagot.

Sa Quad pa rin, sa Magnolia, sa harap ng isang malaking supot ng barquillo at tigalawang scoop ng gold label para kay Roy at flavor of the month para sa kanya., nagkuwentuhan sila. Kung makipag-usap si Roy, palagay ang loob, para bang kaytagal na niyang kakilala. At sa kabila ng iwing pag-aalaala, nadarama niyang natatangay siya, naaakit na magtiwala.

“Takot ka pa ba sa akin?” tanong nito

“Bakit ako matatakot?” ganting tanong niya.

Si Roy. “Wala ka ngang dapat ikatakot. And believe me, Elsa, natutuwa ako na pumayag kang makipagkilala sa akin, isang istranghero. Wala kasi sa hitsura mo ang pumapasok sa ganitong sitwasyon.”

Umiling siya. “Nagtataka nga ako.”

“Pero bakit? Anong nag-udyok para ka pumayag. Sabagay, naguwapuhan ka siguro,” pagbibiro nito.

Humulagpos ang pinipigil niyang hagikhik. “Bumabagyo,” aniya.

Tumawa si Roy. Pagkuway nagseryoso. “E, ano nga?”

Waring napakaimportante kay Roy ang dahilan kung bakit siya pumayag, kaya nag-isip siya. “Madali lamang ang sagot,” nginitian niya si Roy. “At home ako sa iyo. Ewan kung bakit. Basta ganoon.”

Huminga nang malalim si Roy. “May ikukuwento ako sa iyo Elsa, huwag kang magtatawa. The story of my life. Bakit nag-iisa ako ngayon gayong Valentines Day.”

Sa loob-loob niya, narito ang sagot sa kanyang mga tanong. Nagpatuloy si Roy. “Nagbreak kami ng girlfriend ko. Walang malaking awayan, just a cooling off. Alam ko, sa likod ng pagiging civil niya, ako ang sinisisi niya. Para raw hindi ako interesado sa aming relasyon. Hindi ko maitanggi iyon. Dahil totoo.”

“May iba?” tanong niya.

Umiling si Roy. “Wala. Kaya lang, parang... parang may hinahanap ako na wala sa aming relasyon. Parang may kulang.”

Bigla ang pagsikdo ng kanyang dibdib. Naalala niya si Daniel. Ang dahilan ng kanyang pakikipagkalas dito. Mandin ay nalarawan sa kanyang mukha ang kanyang iniisip. Nagulat pa siya nang mapunang matamang nakamasid sa kanya si Roy. “Ikaw rin, ganoon.”

Hindi siya sumagot at nagpatuloy si Roy. “Nagdalawa na nga ang damdamin ko noon. Ang relasyon kasi namin, hindi lamang parang may kulang, kundi mabigat pa ring dalhin. Ewan ko kung naranasan mo na iyon.”

Napatango siya. Tumango-tango rin si Roy. “Kung sa mga kaibigan nga, mayroong sa una pa lang pakikiharap ay magaan agad ang dugo, parang matagal nang kakilala, e, di dapat, lalo kung nobya mo. Kaya, ayun, we parted ways. E, Valentines Day, walang date, namasyal na lang ako. At nakita kita. At nang makita kita ay kaagad kong naalaala ang isang kuwento na aking nabasa. Isang kuweno tungkol sa mga taong bilog.”

Napatingin siya kay Roy. "Taong bilog?”

Tumango si Roy. “Oo, Elsa, tungkol sa mga taong bilog.”

At mataman siyang nakinig kay Roy. “May isa raw uri ng pag-ibig na pambihira. Ito ang tinalakay ni Aristophanes, isang manunulat ng dula, sa symposium ni Plato. Ayon kay Aristophanes, nang unang panahon, walang lalaki at walang babai. Ang mga nilikha sa daigdig ay mga taong bilog na apat ang bisig at kamay, apat ang hita, binti at paa at dalawa ang mukha. Ngunit dumating ang panahon na ang mga taong bilog na ito ay hinati ni Zeus. At naiba ang anyo ng mga tao. Nagkahiwalay sila. Paminsan-minsan, may mga taong naghahanap at natatagpuan naman ang kalahati ng kanilang pinagsimulang nilikha. Ito ang mga taong nagnanais na sila'y laging magkapiling. Araw at gabi ay magkasama. Mga taong nagtuturing na silang dalawa ay isa lamang. At sa lagi lamang na pagsasama nagkakaroon ng kaganapan ang sarili.”

Tumigil sa pagsasalita si Roy. “Mula nang mabasa ko ang kuwentong ito, sumilid sa isip ko kung posibleng matagpuan ko ang kalahati ng aking pinagsimulang nilikha. Ang aking dating girlfriend, hindi siya, natitiyak ko. At nang makita kita...”

“Kuwento lang iyan, Roy,” mabilis niyang wika.

“Kuwento nga lang, pero, ikaw, hindi mo ba nanaising matagpuan ang kalahati ng pinagsimulan mong nilikha. Halimbawa nang totoo ito?” tanong ni Roy.

Saglit siyang nag-isip. “Siyempre, gusto ko rin.”

“Elsa...” seryoso si Roy. “I'd like to be your friend. Pwede ba? May magagalit ba?”

Tumango siya. Pwede. Umiling siya. Walang magagalit. Si Roy, totoo kaya ang ikinuwento nito? Si Daniel. Sigurado siya. Hindi ito ang kalahati ng kanyang pinagsimulan. Si Roy. Ewan niya. Para siyang nalilito. Napakabilis ng mga pangyayari. Ito yata ang pinakamakulay na araw ng mga puso sa kanyang buhay. Wala siyang valentine, pero heto, narito at kumakain ng ice cream, kaharap ang isang taong dalawang oras pa lamang ang nakararaan ay isang istranghero sa kanyang buhay.

Sumakay sila ng bus papuntang Monumento. Kasama niyang bumaba sa Cubao si Roy. Sinabayan siya hanggang sa makasakay ng dyip patungong Marikina. Ngunit bago ang lahat ng ito, may ibinigay si Roy sa kanya. Isang pulang balloon, binili sa isang nakasalubong na tindero. At kahit kakatuwa ang ayos niya, hindi niya pinawalan ang lobo. Iniuwi niya ito sa kanilang bahay.



ANG valentine card na may disenyong isang pulang-pulang lobo na may nakasulat na I love you ay muling dinampot ni Elsa, ngunit higit na mabilis ang isang nakasabay na kamay. Kilala niya ang kamay. Tiningala niya ang kulot na buhok, singkit na mga mata at nakangiting labi. Si Roy. Ang limang taon ang nakaraan ay isang istranghero sa kanyang buhay. Na minsan, isang araw ng mga puso ay nakipagkilala sa kanya at nakipagkaibigan. Na dalawang taon pa lamang ang nakalilipas ay kasama niyang lumuhod sa harap ng altar, nakatali ng kanyang dibdib. A, ewan niya kung si Roy ang kalahati ng kanyang pinagsimulang nilikha. Ang alam niya maligaya siya sa piling nito. At ang hinahanap niyang kulang sa pag-iibigan nila ni Daniel ay dito niya natagpuan.

Si Daniel. Sumulyap si Elsa sa may tuktok ng hagdanan. Wala na si Daniel.

Pebrero 17, 1986

No comments:

Post a Comment