Wednesday, July 1, 2009

“LAROLYMPICS”



“LAROLYMPICS”


Ang Marikina City ay isa sa mga siyudad at municipalidad na naglunsad ng “Larolympics”. Ang kawangis nito ay ang “Palarong Pambansa” ngunit ang mga tampok na laro dito ay ang mga larong kinalakhan ng mga batang Pilipino. Ang layunin nito ay nang maihilig ang mga bata na lumabas ng bahay, masikatan ng araw, makalanghap ng sariwang simoy ng hangin, magtatakbo, maglaro kasama ang iba pang bata, at hindi lumaking ang alam lamang laruin ay ang mga ginagawa sa computer. Masyadong tutok ang mga mata sa monitor. At ang masama, baka kung saan-saan na nagsa-surfing.

Isa sa mga laro sa Larolympics ay ang patintero.

Kinagisnan ko nang nilalaro ito ng mga binatilyo sa lansangang-nayon, sa harap mismo ng aming bahay, sa tapat ng poste ng Meralco kung saan may ilaw, lalo na at hindi naman kabilugan ang buwan. Paboritong laro ito kapag full moon na nagsisilbing tanglaw sa mga naglalaro. Ang kalsada na hindi pa sementado noon ay minamarkahan nila ng ibinubuhos na tubig. Hindi man ako nakasali sa pakikipaglaro sa kanila, nang lumaki-laki na ako at mag-aral ay nilaro namin ito sa eskwelahan.

Noon, ang tawag namin dito ay lubigan. Kasi, lumulubig kami. Ganito ang tawag namin kapag nalampasan namin ang lahat ng mga kalaban na humaharang sa amin. Iyong nasa harapan, iyong nasa patuto, iyong naka-perpendicular sa patuto, at kung marami ang kasali sa laro, ay may pangalawa ulit na patuto. And so on… Exciting ang larong ito. Pabilisan ng takbo. Patalinuhan nang paglansi para malito mo ang kalaban. Kunwari ay lulusot ka sa kanan niya at pag nagpunta siya rito, sisibad ka sa kanyang kaliwa.

Isa pang nilalaro namin noon ay ang presong bato o tumbang preso. Gamit dito ay mga pamato o bato na ipinupukol namin upang patumbahin ang basyong lata ng gatas na carnation na binabantayan ng taya o it. Ang kailangan lamang dito ay muli mong madampot ang iyong pamato at makauwi ka sa bahay o sa linyang pinagsisimulan. Ang hirap dito, kapag napagkaisahan ka ng mga kalaro, hindi ka na makakabangon o makaaalis sa pagka-taya.

Noon, kapag ako ang hindi maalis sa pagkataya, at napansin ito ng nanonood kong kapatid, tatawagin na ako, pinauuwi na raw ako ng Inang, kakain na… at siempre, inis ako, pero ang totoo, gusto lang nilang makabangon ako.

May isa pa kaming laro noon na ang tawag namin, sa ngayon ay maituturing na hindi politically correct. Ewan kung bakit ganoon ang tawag namin dito, kinalakhan na. Nang panahon ng mga anak ko, nilalaro rin nila ito sa harap ng aming bahay dito sa subdibisyon sa Marikina, pero ang tawag nila ay agawan-base. Dalawang grupo ito na magkalaban, may kani-kaniyang base kami o bahay. Magkalayo ang mga ito. Patakbo-takbo kami sa gitna. Kapag nataga (natapik naming una) ang kalaban, iuuwi namin siya sa aming bahay. Didipa siya, parang pinahahaba ang katawan, dahil, pwede siyang isalba ng mga kasama sa pamamagitan ng pagtapik din sa kanya. Kaya lamang, kailangang lusubin ang bahay (parang kampo) ng kalabang may hawak nito. Medyo dito nadudumihan ang mga damit at katawan namin, dahil kapag kami ay nahuli, halos dapa-luhod na kami sa lupa para humaba ang aming katawan at mailigtas kami ng mga kasamahan.

Iyan ay ilan lamang sa mga larong bata namin noon. Ngunit nang maging teen-ager na kami, especially noong high school, ay iyong truth or consequence. Masaya ito, lalo at ang mga naglalaro ay may mga crush sa grupo. Mas pinipili noon ang consequence kasi, medyo tame naman noon ang mga iniuutos gawin – magsayaw, kumanta, umarte. Pero siempre, pag truth, nagkakabistuhan, lalo at may mahina dati ang loob na dito nagiging malakas ang loob na magsabi ng kanilang crush.

Kalaunan, nang nag-aaral na sa Manila, ang napagbalingan naman namin ng pansin ay ang mga card games – solitaire, double solitaire kapag may bisita sa dorm na wala nang mapag-usapan o ayaw mag-usap, lucky nine, black jack (ngayon siguro ay pusoy o tong-its na), at kung medyo matalino kuno, chess at scrabble.

Nakatutuwa iyang scrabble. Kung mag-boyfriend ang naglalaro at imaginative kumbaga, marami silang nasasabi sa kausap sa pamamagitan lamang ng mga ihinahalayhay na pitsa sa board. Ang mga saloobin nila ay lumalabas sa mga binubuo nilang salita. Mababasa ang mga damdaming kinikimkim. Pag-ibig. Sakit ng loob. Pag-asa. Lumbay.

Ito ang paksa ng susunod kong kwento sa buwan ng Hulyo.
MAY PUNTOS ANG PAG-IBIG.

Abangan ninyo. Sa mga kapanahon ko, makaka-relate kayo. Sa mga kabataan, ganoon kami noon, paano kayo ngayon? Do share…


1 comment:

  1. Hi Ms. Eve,

    For your possible interest...this will bring you more ideas in writing, a showcase of your skills, opportunity for interaction with other writers as well...

    The Writer's Bloc, Inc., an independent group of emerging and established playwrights, invites interested parties to join its regular reading sessions of new plays every other Sunday afternoon starting August 2, 2009.

    Plays read and discussed during these sessions will be considered for presentation in the group's numerous activities, like the annual Virgin Labfest and for future publication initiatives.

    The Bloc also offers playwriting workshops to interested groups and institutions. The Sunday sessions, however, are free of charge.

    For inquiries, please e-mail Rody Vera or Alvin Dacanay at thewritersblocinc@yahoo.com.ph or writersblocinc@gmail.com.

    Good luck,
    Miles Bernal

    ReplyDelete