Sunday, July 19, 2009

MICHAEL JACKSON, ELVIS PRESLEY, FRANK SINATRA

MICHAEL JACKSON, ELVIS PRESLEY,
FRANK SINATRA


Hindi pa nagtatagal, nagtungo na SA DAKO PA ROON ang binansagan ng marami na Entertainer of all Times, si Michael Jackson. Naglabasan na sa peryodiko at sa telebisyon, mula sa mga kilalang kolumnista, artista, pulitiko, karaniwang tao – mga maybahay, empleyado, barbero, atbp. - ang maraming kwento tungkol kay Michael at sa musika nito. Na iisa lamang ang nilalaman: kung paano hinubog ng kanyang mga awit at sayaw ang panahong nilakhan nila. The Michael Jackson Era. Na sa ilang linya pa lamang ng anumang awit niya, parang agos nang bumabalik sa kanila ang gunita ng kanilang kabataan, ng kanilang mga pag-ibig, ng kanilang mumunting karanasan, ng kanilang lungkot, ng kanilang kabiguan at tagumpay. At ngayon, lubos nilang ipinagluluksa ang pagpanaw nito. At anumang hindi magandang pangyayari sa buhay nito ay hindi na mahalaga. Ang nais na lamang nilang tandaan ay ang kanyang musika. At sa pakikinig dito ay ang maglunoy sa batis ng mga gunita.

Iisa lamang ang awit ni Michael Jackson na nagkaroon ng kaugnayan sa akin. Ito ang “Give Love on Christmas Day” na kinanta nilang magkakapatid, the Jackson Five. Maliliit pa noon ang mga anak ko at ang naisip kong iregalo sa kanila ni Santa Klaus ay isang munting portable record player. Kasama ng nasabing player ay isang munting 45rpm na plaka ng pamaskong awit na ito. Tuwang-tuwa sila at sa isang mahabang panahon, naging parang Christmas anthem namin ang “Give Love on Christmas Day.” Kababasa ko pa rin ng isang email kung saan inilahad ng dating PR Officer ng Manila Hotel ang napakagandang karanasan niya nang si Michael Jackson ay buong siglang nakilahok sa pamimigay ng regalo sa 300 ulila sa Christmas Party na alay sa mga ito noong December 7,1996. In her own words, sabi niya: As Michael Jackson is laid to rest and returned to pristine condition in the afterlife, these two incredible acts of the King of Pop, volunteering for charity and unselfishly spending time with the less fortunate will forever be the way I will remember this man.

Kamakailan din, tumanggap ako sa email ng mga links sa mga jukebox hits ng iba’t ibang taon. Wow! Inumpisahan ko sa 1940 at naalaala ko ang panahon ng mga nakatatanda kong kapatid. Isinunod ko ang 1955. Panahon ni Elvis Presley at The Platters. Fats Domino at Johnny Cash.

Si Elvis. Gustung-gusto namin ang mapupungay niyang mga mata. At kapag inaawit niya ang “Love Me Tender”, na parang may kasamang buntung-hininga sa gitna ng mga lyrics, na pangit daw at hindi tamang pagkanta, sabi ng isang nakapag-aral ng boses, nagswu-swoon kami noon. At kapag ang kanta niya ay sinasabayan pa ng giling-giling ng kanyang baywang at balakang, ayyyyyyyyyyy! Bastos, sabi naman ng matatanda noon. Pero, sa lengguahe ng mga bata ngayon, dedma lang kami. No pansin, ekanga.

Nang dumating si Pat Boone, na napakaseryoso at disente ang dating, medyo nagkaroon ng kani-kanyang paborito kami. Bagama’t gusto rin namin ang mga kantang “Bernadine” at “Love Letters in the Sand” nito, diehard Elvis kami noon. Iyon din ang panahong Nida Blanca vs. Gloria Romero na kalaunan ay sinundan ng Susan Roces vs. Amalia Fuentes, at ng di kalayuang era nina Vilma Santos vs. Nora Aunor, o Vi & Bot vs Guy & Pip. Tulad ng panahon ni Michael Jackson, maliwanag ang pagkakahati-hati at dibisyon ng mga nasabing “era” na tinatampukan ng mga nabanggit na artista. At depende kung kailan ka ipinanganak at lumaki, sa isa sa mga “era” na iyon ka babagsak.

Kami, kay Elvis talaga. At sa The Platters. Iyong awit ni Fats Domino na “Blue Heaven”, ang naaalaala ko ay iyong espesyal na pambalot ng regalo ng Blue Heaven. Kapag birthday mo, o Pasko o Valentine, espesyal ang feeling mo kapag ang gift na tinanggap ay nababalot ng baby blue o baby pink na linsong linen na wrapper, sunod ay muli pang nababalot ng malinaw na cellophane at napapalamutihan ng napakagandang ribbon. Balutang-balutan pa lamang ay regalo nang masasabi. Iba ang dating. Talagang pinaghandaan ng manliligaw na nagreregalo. Mapapasagot ka tuloy ng oo, hehhehheh! Ngayon, karaniwan nang may nabibiling korteng supot na gawa sa makintab at makulay na wrapping paper. Dito inilalagay ang mga regalo. Naka-staple ito para huwag bumukas at may laso rin naman. Okey din, pero, iba pa rin ang balot ng Blue Heaven.

Noon, sa akompanya ng ukulele namin kinakanta ang Blue Heaven. Na sinusundan namin ng Simple Melody. Tanda ko pa ang lyrics nito. Won’t you play a simple melody, like my mama sang to me. One with a good old-fashioned harmony, Play some simple melody… Recent memory ko nito ay ang isang high school reunion na dinaluhan ko kung saan ang banda sa sayawan ay ang grupo ni Crispin ng Malolos. Noong araw, ang banda namin sa sayawan sa high school graduation na ginaganap sa may glorietta sa kapitolyo ng Bulacan ay si Jules and His Orchestra, na kanayon din ni Crispin. Akalain mo…

Sa paglipas ng panahon, na tinampukan ng mga Beatles, nagpabalik-balik sa buhay at kamalayan ng mga nagdadalaga at nagbibinata at mga nagiging magkasintahan ang musika ni Frank Sinatra. Mga awit at himig na walang kupas. Mga all-time favorites. Hinuhuni. Inaawit. Isinasayaw. I’ve got you under my skin. All the things you are. Bewitched, bothered and bewildered. The nearness of you. Someone to watch over me. September in the Rain. All or Nothing at all. All the way. At marami pang iba.

A, si Frank Sinatra! Na hindi mo maikakategorya na noon lamang. Dahil nilakaran nito ang iba’t ibang panahon. Mula sa sama-samang instrumento ng isang orchestra o banda hanggang sa mikroponong ayaw bitiwan ng nasa karaoke bar. I’ve loved, I’ve laughed and cried, I’ve had my fill, my share of losing. And now as tears subside, I find it all so amusing. To think I did all that, and may I say – not in a shy way, No, oh no, not me, I did it my…. BANG!

But truly, Frank Sinatra’s music is a continuing era of melody from the heart. From the innermost recesses of the mind. From underneath the skin. A tune from nowhere, familiar, yet so far away, flitting in and out of the subconscious. Bringing fragments of memories gone by.

FRANK. Ang kasunod kong kwento para sa buwan ng Agosto.

ABANGAN !!!

No comments:

Post a Comment