Saturday, July 4, 2009

MAY PUNTOS ANG PAG-IBIG



MAY PUNTOS ANG PAG-IBIG


Inalis ni Lorna ang plorerang nakapatong sa ibabaw ng hapag na nasa pagitan nila ni Raul. Nilatagan ito ni Raul ng diaryo at sa ibabaw ng diaryo ay inilagay ang kuwadradong tabla na ginagamit sa paglalaro ng scrabble. Binuklat ni Lorna ang munting kuwaderno na listahan ng kanilang mga iskor. Sa unang pahina ay nakita niya ang mababang iskor na kanyang natamo nang una siyang maglaro ng iskrabol.

“Paano ba ang paglalaro nito?” tanong niya noon kay Raul na siyang may dala nito.

“Ganito lang,” sabi naman ni Raul. “Ito ang board na siya nating pagtatayaan ng mga pitsa. May isang daang pitsa. Dalawa ang walang letra at puntos. Kapag napunta sa iyo ito, maitatakda mo rito kung ano ang kailangan mong letra para makabuo ka ng gusto mong salita. Wala nga lamang katumbas na puntos ito. Ang siyamnapu’t walong pitsa ay may mga letra at puntos. Tulad nito. Bawat letrang A, E, I, N, ay may halagang tig-isang puntos lamang. Mababa ano.”

“At itong letrang K ay may limang puntos,” agaw niya.

“At ito namang letrang Z at Q ay tigsasampung puntos,” dagdag naman ni Raul. “Ngayon, dito sa ating tayaan ay makikita mong may mga double your letter. Iyon ay triple your letter. Ang isang ito ay double your word. At iyan naman ay triple your word.”

“Alam ko na,” kanyang wika. “Kung titira ako ng aking mga pitsa, kailangang pag-iisipan ko na ang mga pitsang may mataas na punto ay dapat matapat o malagay sa mga kuwadrado na may nakasulat na doble o triple, para malaki ang aking iskor.”

“Tumpak,” nasisiyahang sagot ni Raul noon. Sinimulan kaagad nila ang paglalaro at ang unang pahina ng listahang kuwaderno ang siya ngang naging saksi nang matabunan siya ng iskor ni Raul. Ngunit matagal na iyon. Sa mga sumunod na pahina ay magaganda na ang kanyang iskor.

Sa kalagitnaan ng kuwaderno, ang isang malinis na pahina ay hinati ni Lorna sa pamamagitan ng isang guhit na patayo. Sa itaas ng unang hati, isinulat ni Lorna ang pangalan ni Raul. Raul. Kinagat ni Lorna ang puno ng bolpen. Sinulyapan niya si Raul.

Nakasandal si Raul. Nakatingin sa kanya. “Bakit?” tanong niya. Sa itaas ng ikalawang hati ng pahina ng kuwaderno, isinulat ni Lorna ang sariling pangalan.

Ngumiti si Raul. “Wala,” matipid nitong sagot, sabay dampot sa telang supot na kinapapalooban ng mga pitsa ng iskrabol. Dumukot ito ng isa. Itinihaya sa ibabaw ng hapag. Letrang S. Sylvia. Ang pangalan ay inihugis ng kumibot na mga labi ni Raul.

“Huli ka na,” kantiyaw ni Lorna. Siya naman ang dumukot sa supot ng pitsa. Letrang A ang kanyang napalaran.

Sa unang pitong pitsa na kinuha ni Lorna, nabuo niya ang salitang three. Sa gitna ng laruang tabla, inilapag niya ang mga ito, sabay bilang ng katumbas na puntos. Sa ilalim ng kanyang pangalan, isinulat ni Lorna ang bilang na 16. Muli, kumuha siya ng limang pitsang pamalit sa itinira.

Three. Tatlo. Si Raul. Si Sylvia. At siya, si Lorna. Silang tatlo ang klasikang tatsulok. Umiibig siya kay Raul. Si Raul ay umiibig kay Sylvia. Ang mapalad ay si Sylvia. May katugon ang pagibig nito kay Raul.

Silang tatlo ay magkababata. Magkasinggulang sila ni Sylvia at matanda lamang nang dalawang taon sa kanila si Raul. Magkatapat ang bahay nila ni Raul. Magkatabi ang bahay nito at ni Sylvia.

Maliit pa siya, napuna na ni Lorna na siya ang ikatlo sa tatsulok. Sa bahay-bahayan, lagi nang ang mag-asawa ay sina Raul at Sylvia. Siya, kung di man kumadre, ay tiyahin kaya ng anak-anakan ng mga ito na isang manika. Minsan nga ay tindera lamang ang kanyang papel sa kanilang laro at siya ay nainis. Ginawa tuloy siyang doktora at siya ang umasisti sa kunwaring panganganak ni Sylvia.


Alam niya, higit siyang maganda kay Sylvia. Tuwing Mayo, lagi na siyang kinukuhang sagala sa santakrusan sa kanilang baryo. Si Sylvia, minsan man ay hindi naging sagala. Taga-ilaw lamang ito. Kung minsan, tagasindi ng lusis na ipinang-iilaw sa kanya. Ngunit sa prusisyon, santakrusan man o Mahal na Araw, laging kasunod ni Sylvia si Raul.

“Ilista mo,” tinapik ni Raul ng bolpen ang kanyang kamay. Sa ibabaw ng huling letrang E ng salitang three ay may tatlong pitsang idinugtong si Raul at nabuo ang salitang care. Anim na puntos, doble… dose.

Sa ilalim ng pangalan ni Raul, isinulat ni Lorna ang bilang na 12. Care. Hanggang ngayon, naaalaala pa ni Raul si Sylvia. Wala na si Sylvia. Wala na, Raul… muli naglagay siya ng limang pitsa at nabuo niya ang salitang share at scare. Dalawampu’t limang puntos ang nadagdag sa kanyang iskor. Pumalatak si Raul. At wari, pinagbuti nito ang pag-iisip ng ititirang pitsa.

Hanggang sa high school, magkakaeskwela silang tatlo at lagi nang magkakasama. At patuloy siyang umasa sa pagdating ng panahon na mamumulat ang mga mata ng nabubulagang si Raul. Na siya, si Lorna, ang higit na karapat-dapat pag-ukulan nito ng pansin at hindi si Sylvia. Siya ang higit na maganda. Higit na marunong. Higit na maraming katangian.

Noon, sumilid sa kanyang isipan kung ano ang katangian ni Sylvia na wala sa kanya at siya namang maaaring gusto ni Raul dito. Masaya si Sylvia. Laging nakatawa. At palabiro. Madaling makipagkaibigan. Kinagagaanan kaagad ng loob.

Triple. Ibinaba ni Raul ang apat na pitsa at binuo ang salitang exurb.

Sinalubong ni Lorna ang mga mata ni Raul. “Triple!” bulalas niya, kasunod ang pagbilang. Apatnapu’t dalawa.

Sumandal si Raul sa kinauupuang silya. “Naalala ko si Sylvia.”

Nahinto sa pagsulat si Lorna. “Bakit?”

Tumawa si Raul. Mahina. “Minsan… nang maglaro kami ng scrabble, inilagay ko ang salitang iyan, exurb, at ang letrang X ay natapat sa double your letter pagkatapos ay triple your word pa, ayaw ba namang pumayag. Wala raw ganoong salita. Madaya raw ako.” Tumingala si Raul, saglit na pinagmasdan ang kisame.

“Sanay may katabi kayong diksiyonaryo.” Ipinagpatuloy ni Lorna ang pagsulat ng iskor ni Raul.

Apat ang pitsang itinira ni Lorna. Nabuo niya ang salitang down at dagdag sa kanyang puntos ang bilang ng salitang scared. Hindi pa nakakalimutan ni Raul si Sylvia. Sa bawat gawin ni Raul, kakabit ang alaala ng isang panahong pinagsamahan nila ni Sylvia. Isinulat ni Lorna ang kanyang iskor.

“Hindi mo pa siya nakakalimutan…” sinulyapan ni Lorna si Raul.

“Ang isang katulad ni Sylvia ay napakahirap makalimutan. Kung siya lamang ay naging maganda at ang kagandahan lamang niya ang umakit sa akin, marahil ay…”

“Maganda naman si Sylvia,” agaw ni Lorna.

Umiling si Raul. “Hindi nga pangit si Sylvia, ngunit dahil sa ikaw ang lagi niyang kasama at lubhang malaki ang pagkakaiba ninyong dalawa, inakala niya at inakala ko na ring hindi nga siya maganda, sa karaniwang pamantayan ng kagandahan. Kahit sa akin, maganda siya…”

“Charming si Sylvia,” walang maisagot si Lorna.

May kumislap sa mga mata ni Raul. “Pag ngumiti na si Sylvia, una nang ngingiti ang kanyang mga mata. Ang lakas namang tatawa.”

Sa kanilang dalawa ni Sylvia, siya ang higit na mabining kumilos, mahinhing tumawa. Si Sylvia, kung tumawa ay bigay na bigay, wika nga. At nakahahawa.

Pagkatapos nila ng pag-aaral sa high school, sabay-sabay silang nagsiluwas sa Maynila upang kumarera. Komersiyo ang kinuha ni Raul. Nais nitong maging Certific Public Accountant. Sa isang dormitoryo sila nanuluyan ni Sylvia. At marami silang naging kakilala. Marami siyang naging manliligaw. Si Sylvia ay isa lamang. Si Raul.

Maalalahanin si Raul. Lagi nang may pasalubong para kay Sylvia. Kung anu-ano lamang naman. Kung minsa’y sampalok na malahugot, manggang manibalang. At kung gabing patay na ang ilaw sa kanilang silid-tulugan at wari, himbing na ang kanilang mga kasamahan, saka nila kakainin ang mga dalang ito ni Raul.

Ayaw pa sana niya. “Nakakahiya, baka kung ang kanilang sabihin.”

Tatawa si Sylvia. “Ba’t ka mahihiya. Para pipitu-pito iyang bigay sa ating sampalok, hahatian pa natin sila. Ilan tayo rito sa kuwarto. Higit pang dalawampu.”

Sa kanyang sarili ay napipintasan niya ang ugaling ito ni Sylvia. Maramot, kanyang naisaloob. Ngunit si Raul, tatawa lamang si Raul kapag ikinuwento na rito ni Sylvia ang kanilang ginawa. At manunukso. Ang dadamot ninyo.

Muling nagbaba ng mga pitsa si Raul. Nabuo ang mga fa at foe at or. Tinulungan ni Lorna sa pagbilang ng puntos si Raul.

“Ba’t di ka pa mag-asawa, Lorna?” biglang tanong ni Raul.

“Walang makagusto,” bigla rin niyang tugon.

Nakatawang umiling si Raul. “Anong ginagawa ni Ben. Ni Jorge. Parehong nagpapakamatay sila sa iyo.”

Pero sa iyo ako namamatay. Ibinaba ni Lorna ang apat na pitsa. Binuo ang salitang yearn.

Ilang ulit na siyang tinanong ni Sylvia. Noon pa mang magkasama silang nag-aaral ng pagtuturo. “Sino ba sa kanila, Lorna?”

Iiling siya. “Gusto ko’y kababayan,” kanyang idudugtong.

Matagal siyang tinitigan ni Sylvia noon. Saka nagtatawang nanukso. “Kapag may nagustuhan akong iba at di kami nagkatulyan ni Raul…”

Nakalabi, kaagad siyang tumutol. “Hindi ko siya type. Huwag mong ipasa sa akin.”

Mataas si Raul. Limang talampakan at sampung pulgada. Kayumangging sunog pa nang bahagya ang kulay. Maigsi ang gupit ng buhok. Matangos ang ilong. Malaki, maamo ang mata. Pormal, walang kibo sa mga bagong kakilala. Palabiro sa mga dating kaibigan. Matalino. Palabasa. May ambisyon sa buhay. Raul. Raul.

Tatlong pitsa ang idinugtong ni Raul sa mga nakataya. Nabuo ang salitang ooze. “Baka mawili ka sa pagtuturo, Lorna… mahirap din naman ang nag-iisa sa buhay.”

Idinagdag ni Lorna ang nakuhang puntos ni Raul sa dati nitong iskor. “Kung kapalaran ko talaga ang tumandang dalaga…”

“Sabi nga ni Sylvia…” bigla napahinto sa pagsasalita si Raul. Humihingi ng paumanhin ang mga mata nito nang tumingin kay Lorna.

“Sabi nga ni Sylvia…” ulit ni Lorna, habang pinagpapalit-palit ang mga hawak na pitsa.

“Si Sylvia,” umiling-iling si Raul. “Kung di ko raw niya niligawan, tatanda raw siyang dalaga.”

“Ibig sabihin, hindi siya magkakagusto sa iba kahit pa nga ligawan siyang mabuti…” sinulyapan ni Lorna si Raul.

Tumango si Raul. “At naniwala naman ako.”

“Totoo yun. Talagang may mga taong ganoon.” At naisaloob niya, tulad ko nariyan sina Jorge at Ben, ngunit ikaw ang mahal ko. Kung di mo ako lalapitan, magpapakatandang dalaga na ako.

“Ang reklamo nga lamang ni Sylvia ay hindi ko siya binigyan ng pagkakataong maligawan pa ng iba, para naman naipakita niya sa akin na ako ang pipiliin niyang talaga. Elementary pa lang kasi tayo….”

“Hindi mo na siya pinawalan. At pagkatapos na pagkatapos sa kolehiyo ay…”

“May ugali si Sylvia na halos ibigay ang buong sarili at ibuhos ang buong panahon sa mga bagay at gawaing malapit sa kanyang puso.”

“Kaya nagpumilit ka nang pakasal kayo bago siya mawiling magturo.” Tinihaya ni Lorna ang dalawang pitsa at nabuo niya ang salitng wed.

Tandang-tanda ni Lorna ang araw na iyon. Lumapit sa kanya si Sylvia. “Sasama ka sa amin ni Raul. Witness ka namin.”

“Magtatanan kayo!” Nagulat siya.

Tatawa-tawa si Raul. “Itong si Sylvia.”

Kinawit siya sa bisig ni Sylvia. “Alam sa amin. Alam sa kanila.”

“Pero bakit?” tanong pa rin niya.

“Gusto ko’y tahimik. Walang magulo. Si Raul lamang at ako. Kayo na mga sasaksi. At ang magkakasal.”

Iba talaga ang ugali ni Sylvia. Kapalaran lamang talaga nito na magustuhan ni Raul. Marami siyang mga kakilalang lalaki na higit na gusto ang ugaling tulad ng sa kanya. Walang taas, walang baba. Hindi sumpungin. Hindi ibinubuhos nang lubusan ang loob sa anumang bagay. Hawak ang sarili. Si Sylvia ay katumbalikan niya. Si Sylvia ang gusto ni Raul.

“All out.” Ibinabang lahat ni Raul ang mga pitsa nito. Idinugtong sa nakatayang letrang H at binuo ang salitang heredity. “Plus fifty ha.”

“Talung-talo mo ko.” Pinanood ni Lorna ang paghihilera ng pitsa ni Raul.

“Si Sylvia…” nahinto ang kamay ni Raul.

“Ano?”

“Si Sylvia, talo na, ayaw pang aminin. Sige pa ang laro, kahit natabunan na ang kanyang iskor, hindi aayaw…”

“May fighting spirit…”

Tumuwid na bigla ang nakahukot na katawan ni Raul. Saka, unti- unti, lumaylay na muli ang mga balikat. May fighting spirit si Sylvia. Halos hindi marinig ang tinig ni Raul.

Hanggang sa huling sandali, nakipaglaban sa kamatayan si Sylvia. Ngunit ano na ang magagawa ng lakas ng loob nito, ng mga ngiti at tawa at dalangin, ng mga kuwento at pagbibiro sa kabila ng panghihina ng katawan na likha ng leukemia. Namatay si Sylvia. Ang maramot, laging may katwiran, malakas tatawa, ayaw patalo sa scrabble na si Sylvia. Wala na si Sylvia ni Raul. At nakita niya ang bigat ng dalamhating dinala nito.

Bata pa si Raul. At walang anak. Madali itong makalilimot. Sa kanyang puso, nag-usbong ang binhi ng pag-asa. Pagkalipas ng isang buong taong hindi pag-uwi ni Raul sa kanilang nayon, isang buong taong pagsusubsob ng ulo sa hanapbuhay kung araw at buong taong pagbubumabad sa kung saan-saan, paglalasing upang makalimot, kung gabi, dinatnan niya ito isang hapon sa kanilang tahanan.

“Kumusta?” masaya, nananabik niyang bati.

“Eto,” nakangiting sagot nito.

Nakita niya, nasa mga mata pa rin ni Raul ang sakit, nasa mga labi pa rin ang pait, na una niyang nakita nang lapitan niya ito sa pagkakatayo sa tabi ng kabaong ni Sylvia. Isang taon na bang namamatay si Sylvia? O kahapon lamang? Wala. Walang ipinagbabago si Raul.

Sa harap ni Raul hindi na niya napigil ang kanyang mga luha. Umiyak siya. Umiyak nang umiyak. Sa matinding awa kay Raul. Sa nagbabangong pagkamuhi sa kanyang puso. Sylvia. Sylvia. Ano’t pinahihirapan mo nang ganito si Raul. Anong uri ka ng tao, Sylvia. Ang mga hindi makatwirang isiping naglaro sa kanyang utak.

Naggalit-galitan si Raul. “A, Lorna. Kaya ako naparito ay hindi upang makipag-iyakan. Sabi nga ni Sylvia, huwag kong ikalungkot ang kanyang pag-alis. Huwag akong iiyak. Sabi pa ni Sylvia…”

Bakasyon si Raul. At tuwing hapon, pag-uwi niya buhat sa eskwelahang pinagtuturuan, dinaratnan na niya ito sa kanilang bahay. Upang makipagkwentuhan. Na lagi namang si Sylvia ang paksa. Sabi nga ni Sylvia. A, si Sylvia. Ang gusto ni Sylvia. Ayaw na ayaw ni Sylvia. Sylvia, Sylvia. Sylvia.

Bumili siya ng baraha. Naglaro sila ng black jack. Si Sylvia. Ang daya daya. Busted na, humihingi pa ng karta. Sinubok naman niya ang rummy. Si Sylvia. Ang daya daya, rummy na ko, pilit pa ring ibinibilang ang barahang inabutan sa kanyang kamay .. at sa scrabble…

“Tira na Lorna,” untag ni Raul . “huwag mong sabihin, aayaw ka na niyan.”

Pinaglaruan ni Lorna ang hawak na pitsa na walang letrang nakasulat. Sa pakiramdam niya, parang nais na nga niyang umayaw. Tumigil sa pakikipaglarong iyon na maliit pa siyang bata nang kanyang simulan. Larong nagmula sa bahay-bahayan nila nina Raul at Sylvia. Larong ngayon ay sa scrabble humantong.

Pinagmasdan ni Lorna ang kanyang mga pitsa. Dalawa ang letrang O, dalawa ang letrang I, isang letrang P at isang letrang U. saka ang hawak niyang blanko, ang tinatawag na wild. Walang kakuwenta- kuwenta ang mga ito. Tulad ng kalagayan ng kanyang pag-ibig kay Raul. Hindi pa nito nalilimot si Sylvia.

Inilapat ni Lorna ang blangkong pitsa sa gitna. Ngunit wala na si Sylvia. Sila na lamang ni Raul ang naglalaro. Ngayon pa ba siya aayaw.

Muli, inilapag niya ang letrang O. at ang lerang P. Ang mga ito ay idinugtong niya sa nakataya nang letrang E.


“Ano yan?” tanong ni Raul.
Itinuro ni Lorna ang blangkong pitsa. “Ito ay letrang H.”

Malakas na binasa ni Raul ang salitang nabuo ni Lorna. HOPE.

Tumango si Lorna. Oo. Hope. Ang ibig sabihin ay pag-asa. Na iyon lamang ang magagawa niya sa kasalukuyan. Ang umasa. Umasa. Umasa.

At kanyang isinulat sa kuwaderno, sa ilalim ng kanyang pangalan ang katumbas na puntos nito.


Liwayway, Hunyo 22, 1970

2 comments:

  1. Hi Ms. Eve,

    Beautiful Morning!

    Wow, your blog is very patriotic, very Filipino, very nostalgic.... All the more I feel proud to be a FILIPINO.. Its a trip down memory lane for me..I can well relate to it because I belong to "jewel citizen" group....your blog would serve as resource and reference of students taking up Filipino, Panitikan, Phil history, Phil culture and traditions, Filipino positive values and wisdom and other related subjects..I did try to make blog also and posted it in my multiply site altho it dealt mostly with my travel experiences and be a bestower of wisdom to others..

    More Power to you Ms. Eve

    Miles Bernal
    www.Mileslbernal.multiply.com

    ReplyDelete
  2. Amazing,Auntie! close to pathetic naman ang sitwasyon ni Lorna... actually its possible to be happy just being in love!! Or she can plant the seed and settle the issue then and there... he he. Pero hindi na yun magiging "literary!' I like the way your stories transport me in time. Thanks mucho! -Arlene S.

    ReplyDelete