Thursday, March 8, 2018

SENYALES NA MAHAL NG ISANG PUSA ANG KANYANG HUMAN...






SENYALES NA MAHAL NG ISANG PUSA ANG KANYANG HUMAN...

May alaga ba kayong pusa?

Lumaki akong may pusa sa aming bahay. Pinangalanan ko ang kuting ng Chiquita, na sa pagkatanda ko ay nagmula sa isang pelikulang aking napanood, ang Eddy Duchin Story. Ang kaso lamang, nang lumaki ang kuting, e, lalaki pala si Chiquita.

Anyway, si Chiquita ay katabi ko sa pagtulog. Sa mga gabing malamig, paborito nitong sumiksik sa aking leeg, kaya kapwa kami nahihimbing sa pagtulog dahil hindi kami nagiginaw.

Nang mag-asawa ako ay nag-alaga rin ako ng pusa. Puting-puti ang kulay nito. Nahingi ko ito sa probinsiya nang kuting pa at pinangalanan ko ng Mimi. Muli, mali! Nang ito ay lumaki, nakita kong lalaki din pala! Tulad ni Chiquita, si Mimi ay itinabi ko rin sa pagtulog (sa kabila ng pagtutol ng aking kasama, Isang pangyayari na naulit nang mag-alaga naman ako ng isang Japanese Spitz)

Ngunit ang lahat ng ito ay lumipas na. Ang huling aso namin ay si Gaia, but that is another story. Hindi ko ito aso. At wala na rin kaming naging pusa pagkatapos ni Mimi at ng isa pang pusang nakuha ko sa palengke na muli kong pinangalanan ng Chiquita. Medyo malaki na ito nang aking makuha kaya sigurado na akong ito ay babae.

Ngunit Isang hatinggabi, sinabi ng aking anak na may naririnig siyang kaluskos na nagmumula sa isa naming bakanteng kuwarto. Baka raw magnanakaw. Pero nang buksan namin ang ilaw dito ay wala namang tao kundi mga kahon, maleta, abubot na nakatambak rito. Sarado naman ang mga bintana, Hindi sira ang screen, e, ano kaya iyong mga kaluskos na naririnig. Tinutukan namin ng ilaw ng flashlight ang mga sulok at sa isang liblib na lugar ay may dalawang wari ay nagniningas na mga mata ang bumulaga sa amin. Isang pusang itim! Gumugol kami nang halos dalawang oras bago namin nahuli ito at nailabas ng bahay. Parang si Palos kadulas. Ang bilis kumilos, lumundag, sumuot sa mga lugar na hindi namin maaabot. Naisipan ko lamang na abangan ng bayong ang tanging lalabasan nito, saka binulas ng walis upang umalis sa kinalalagyan, kaya napasok sa loob ng bayong. At iyon ang unang kabanata sa buhay ni Black Magic. Na hindi na namin muling nakita... Hanggang Isang araw...

Isang pusang itim ang nakita naming nakaistambay sa may laundry area namin. Medyo mailap Ngunit nang bigyan ng pagkain ay palagi nang dumarating, kapag gutom na siguro. Lumipas ang mga araw na naging permanent fixture na siya sa lugar na ito. Kumakain, namamahinga, natutulog sa ibabaw ng washing machine o aircon. Hindi namin tiyak Kung ang pusang Ito ay si Black Magic, Ngunit tinanggap na rin naming ito na nga. At tinawag namin itong Magic. Na kinagiliwan ng lahat ng Tao sa bahay. Kapag ngumiyaw na Ito, tatanungin na namin, o, ano'ng gusto mo? Gutom ka na? Gusto mong pumasok?

Sinabi kong huwag itong papapasukin, Baka umihi o magkalat. Ni hindi namin alam kung saan nanggaling, sino ang may-ari. Dahil may napansin kami rito. Wari, ito ay kapon o neutered. Ibig sabihin, si Magic ay isang pusang alaga.

Nasa bakasyon kami nang sinubukang papasukin ng mga tao sa amin si Magic sa loob ng aming bahay. Una raw nitong tinungo ang sofa at dito nahiga at natulog. Minsan, nahihiga ito sa sahig ngunit kadalasan, sa sofa Ito namamahinga. Kaya nilagyan na ito ng sapin.




 Napansin din nila na kumbaga sa isang bata, well-behaved si Magic. Hindi magulo, hindi umaakyat sa mesa ng pagkain, hindi tumatanghod sa mga kumakain. Kung gusto nitong lumabas o pumasok ng bahay, ngumingiyaw lamang nang walang tigil. Gusto nitong hinihimas ang ulo at tiyan. Kaso lamang, kapag nasarapan ito ay nanggigigil at nangangagat. Love bites ang tawag dito. Siguro sa tao, parang hickie.

Kaya nang dumating ako mula sa bakasyon, considered adopted cat na si Magic. At doon nagsimula ang aming interaction. Na mabilis ang progress dahil siguro, feel nitong Mahilig ako sa pusa. Hanggang dumating sa punto na oras na buksan ko ang ilaw sa banyo ay sisimulan na nito ang pagngiyaw dahil gusto na nitong pumasok (sa labas Ito natutulog, sa ibabaw ng aircon).  

Kamakailan ay may nabasa ako sa Internet tungkol sa mga senyales na mahal ng isang pusa ang kanyang human. Human! Iyan ang tawag sa atin ng mga hayop, aso, pusa at iba pa. Hindi raw kasi tayo ang may alaga sa mga ito. Tayo raw ang alaga nila. Dahil halos sunud-sunuran tayo sa kanila. Kaya, tayo ang kanilang Human.

Anyway, narito ang Ilan sa mga natandaan kong senyales na napagmasdan kong asal ni Magic sa akin. Ang iba ay na kodakan ko ngunit may ilang hindi.

-kneading- Ito iyong para kang minamasahe ng dalawa niyang kamay/paa sa unahan. Kaso, nanggigigil yata, inilalabas rin niya ang kanyang mga kuko.



-lying on its back, belly up- dito naman ay tumitihaya siya para himasin mo ang kanyang tiyan.


 
-head bump ending in sleeping on your lap- madalas niyang gawin sa akin ang pagkiskis ng kanyang ulo pag nadaiti sa aking braso o binti o kahit saang parte ng katawan ko. Pero hindi pa siya kumakandong sa akin. Inuunan lamang niya ang kanyang ulo sa aking hita sa pagtulog.



-blinking his eyes on you- kapag tinuunan mo siya ng paningin, kakurap siya at paliliitin ang kanyang mga mata habang nakatingin sa iyo.



-love bites-lahat kami sa bahay ay lagi, tinatangka niyang kagatin kapag nanggigigil siya, kaya Lang, kami na ang umiiwas.

Marami pang iba tulad ng pagkibot-kibot ng dulo ng kanyang buntot kapag kasama mo. O dinadalhan ka ng regalo, nahuling daga? O dinidilaan ka, naku, magalas ang kanyang dila.

Aso… pusa… o kahit anupamang hayog na alagain, mainam sa tao. Nakakababa ng blood pressure. Nakakakalma, nakakarelaks. At dagdag ng iba, may nakakagalitan ka pa o nakakausap lalo na’t nag-iisa ka na lamang sa buhay. At nakakatuwaan, lalo na at marunong pang mag-wacky sa kodakan!


6 comments:

  1. Namiss ko winter ko ganyan sya sakin kaso nawawala sya😭😭

    ReplyDelete
  2. Napabasa ako nito kasi first time ko mag ka pusa. Dog liver talaga ako pero dahil sa US ako at di ko afford ang aso nauwi ako sa pusa. Anak ng stray cat na dinampot ko lang. Sobrang bait minsan nakakaingis na lang lagi na lang nakahuga kahit mag lalaro sya nakahiga ubod ng tamad tumayo. Haha pero nakakapg bigay giliw kaya naman akoy nainlab talaaga. Nagustuhan ko sya lalo dahil papikit pikit sya pag nakatingin sakin na cute-tan ako kaya inadopt ko na 😅

    ReplyDelete
  3. Ganyan din ang alaga kong c mohjie(cat) sobrang lambing lagi natutulog sa dibdib ko

    ReplyDelete
  4. Meron po umuuwi pusa dito sa Bahay kaya pinapakain ko nlng po pero parang parami ng parami cla.gustong gusto nya po humiga sa ibabaw ng mga libro at kapag nakita nya akong nkaupo lalapit sya at papatong sa mga hita ko minamasahe nya pero hbng tumatagal bumabaon na kuko nya Kya sbi ko tama na baba kna bilang pasasalamat papakainin ko na sya😊😊dami mga ligaw na pusa ako ampon punta lng cla kpg Oras na ng kainan Ang galing tumaming eh😂

    ReplyDelete
  5. Kamukhang kamukha ng baby lucas ko, may puti din sa tiyan na katulad ni magic,so lambing din but very territorial as i observed but any loyal loyal nia sakin dahil sakin lng tlga sya kumakandong😻😽

    ReplyDelete
  6. Uuwi pa kaya pusa po namin bigla na lng sya di umuwi paggising nqmin wala na sya 3 days na sya wala.. sana mau makasqgot.

    ReplyDelete