BISITANG BALIKBAYAN – 1 -
Ang pagdating at pagbabakasyon ng isang kaibigang balikbayan
ay big deal sa mga dinaratnan. Kung
kaiskwela, umaatikabong tawagan na at text ang kasunod nito para sa balak na
get-together. Malimit na ako ang naaasahang mag-organize nito na nagsimula
noong nagsisipag-opisina pa ang aking mga kasama sa katwirang wala raw naman akong ginagawa, dahil
housewife ako at lagi sa bahay! Kaso,
mga retirado na silang lahat, e, ako pa rin, nakahahalata na ako!
Sa totoo lang, kaya
ako siguro ang naka-assign dito ay sa dahilang ako ang laging ka-email ng mga
balikbayang ito at sa paminsan-minsang pagbisita ko abroad ay ako ang kanilang
nakakausap at nakakasama. Isa pa, dahil
siguro bago ako naging pangulo ng aming alumni association ay forever secretary
ako at siyang nakaaalam sa mga ganitong asikasuhin. (Preamble lamang po ito ng aking mga kwento
tungkol sa nakatutuwang karanasan kamakailan.)
Dalawang balikbayan ang inanyayahan kong kumain sa
labas. Tamang-tamang nasa probinsiya
kaming lahat ng nasabing araw kaya nag-google ako ng magandang makakainan sa
aming lugar. Nakakita naman ako, maganda
ang review, okey raw ang food at service, fair ang cost. Nagtanong pa ako sa isang pamangkin na
nakapunta na roon. Ayos naman daw, hindi
lang airconditioned. Hindi ko na ito
sinabi sa aking kasama, may bentilador naman daw at parang tipong outdoor,
hindi kulong ng mga dingding ang restoran.
Pagkasundo sa mga balikbayan ay nagpunta na kami sa nasabing
lugar at hindi namin nakita ang restoran.
Madali’t sabi, kahit isang tuwid na kalye lamang ang aming pinasok, kami
ay naligaw. Dahil sa magandang review,
nakatingala kaming lahat sa paghahanap ng karatula. Na maliit lamang pala kaya hindi namin
nakita.
Pumasok kami, naghanap ng magandang lugar na mauupuan kung
saan conducive sa kwentuhan. Nakakita
naman ng malayu-layo sa ibang kumakain, naghintay ng waiter na lalapit para
mag-request ng ekstrang bentilador na sa amin nakatutok. Dumating naman, okey nga ang service, so far.
Muli, naghintay ng waiter para sa menu. Wala.
Kaya tumayo na ako, iniwan ang mga kasama at lumapit sa counter kung
saan may kausap (customer?) ang tao (cashier?) rito.
Sa likod ng kahera ay may isang malaking blackboard. Nakasulat rito ang listahan ng mga ulam: Pritong ganire at ganoon, Crispy na ganire at
ganoon, kare-kare at mga espesyalidad na ganire at ganoon, etc.
Ah, naisaloob ko, eto pala ang menu. Kaya binasa ko ang mga ito at inisip kung ano
ang magugustuhan ng kasama kong balikbayan.
Crispy pata, sabi ko. Ito na ho
ba, ang tanong. Teka muna, at tatanungin
ko muna ang mga bisita ko, mga senior iyon, baka ayaw ng cholesterol, sagot ko.
Umalis ako saglit at bumalik sa aming upuan, at ayos daw ang crispy pata. Pagbalik ko sa counter para sabihing okey na,
wala na raw crispy pata, nabili na iyong last pata, kasi daw, di ko pa kinuha
agad. Abaw, e, sabi ko, dapat ay marami
kayong stock, wala pang alas seis, ubos na ang tinda ninyo. Kasi daw, etcetera, etcetera, ang
katwiran. Walang magagawa, naroon na,
kaya sige na lang.
Itinuro ko ang kare-kare. Ayyy, sabi noong babae, may X na ho.
Ibig sabihin, ubos na! Nakupo,
lahat nang nakursunadahan kong order, may X na, ubos na. Aba, e, magsara na kayo, sabi ko. Tumatawa lang sila. Gusto ko na sanang umalis pero
nagkakakwentuhan na ang mga kasama ko, kaya pumili na lamang ako noong
espesyalidad raw nila na walang X.
Bumalik ako sa upuan.
Inis na ang aking partner. Bakit
daw ako ang tayo nang tayo. Bakit hindi
ako humingi ng menu sa waiter. Nakupo,
e, hindi maibibigay ng waiter iyong menu, kasi blackboard iyon na nakapako sa
dingding! Tawa nang tawa ang mga
balikbayan (‘kakahiya naman…)
O, sige, anong drinks ang gusto ninyo, tanong ko. Naghanap kami ng waiter. Wala.
Sa isang maliit na blackboard sa isang partisyon ay may nakalistang
drinks at shakes. O, hayan pala, sabi
ko. Pili na tayo. Namili na kami. Siyempre, tumayo ulit ako para sabihin ito sa
counter. Sabi sa counter, ayyy, wala ho
kaming shakes, sira kasi iyong makina, panay softdrink lang. Balik ulit ako sa upuan dahil sigurado akong
hindi nagsisi-inom ng softdrink ang mga ito. Tubig na lang, bottled. Order naman ng partner kong kasama, hot
calamansi, kasi may sipon ako.
Balik ako sa counter.
Wala raw bottled pero mineral naman ang drinking water na isini-serve
nila. Okey, sabi ko, may calamansi ba
kayo. Mayroon daw. Good, sabi ko, bigyan mo kami ng isang hot
calamansi. Naku, sagot, hindi raw pwede,
kasi… iyong kalamansi nila… ay pampiga lamang sa pansit! Ay, buhay!
Gusto ba ninyong malaman kung alin at saang restoran ito? Heheheh!
BISITANG BALIKBAYAN -2-
Isang dating kasama sa dormitoryo ang umuwi at
nagbakasyon. Kinontak ko agad ang ilang
naririto pang taga-dorm (marami sa grupo namin ay nasa abroad na) para sa isang
get-together. Mungkahi ng isa na sa
halip na sa Megamall magkita-kita ay sa isang bagong Mall na malapit sa kanila
pumunta. Okey raw ang parking, bagong
bukas ang restoran at naiiba.
Magugustuhan raw namin. Unique,
kumbaga.
Naligaw rin kami sa pagpunta, dahil mali raw akong kumuha ng
direksiyon. Basta nakarating sa
pupuntahan, sa akin ay tapos na ang salitaan.
At nagkita-kita naman kami.
Masaya. Yakapan. Beso-beso, kwentuhan na agad kung saan
nag-abot, hindi pa nakapapasok ng restoran.
Kakaiba nga ang nasabing restoran. Senyora
ang tawag sa amin. Nang nakaupo na
kaming lahat, nagpakilala ang tagapagsilbi
(hindi waiter at your service!) kundi tagapagsilbi. Binigyan kami ng Talaan ng mga Pagkain. Heheheh,
yaon po ang menu. Masarap ang kanilang
okoy. Naalaala tuloy namin ng aking
partner ang kinainan naming restoran ni
Tito Manny Tagle, ang Bistro 7107 sa Crystal City, Arlington, VA, a Filipino
fusion restaurant na supersarap ang okoy.
Kaso, dumating na ang iba pang pagkain, kanin, sopas, ulam,
e, halos nahuli pa ang ensalada! At ang Serbesang Magaan ay nasobrahan yata ang gaan, ang tagal bago
dumating. Gayundin din ang lychee buko
shake, pinitas pa raw yata ang buko sa Quezon, sabi ng isa naming kasama. Sa tagal ng mga kwentuhan, na hangga’t
makakaya, ay isinasa-tagalog ang mga pag-uusap, no English please, (may isang
naghahanap ng CR, correction please, palikuran!),
umabot ang tanghalian namin ng halos apat na oras, parang lauriat ng
Intsik. Kaya, naisipan naming mag-order
na ng merienda. Ginataang
halo-halo. Wala raw. Hanap ulit kami sa Talaan. Halo-halong
ginadgad na yelo. Wala raw.
Pabiro, sabi namin, magsara na kayo.
Ngunit kadalasan naman, sa mga
pagtitipon ng magkakaibigan, secondary na lamang ang pagkain. Higit na mahalaga na nagkita-kita at
nagkabalitaan,
Kung iisipin, anu-ano ba ang napag-usapan ng mga ito? Nagsimula sa rekoleksiyon ng kung saang parte
ng Room IV ng dormitoryong tinirahan namin ang situwasyon ng kani-kanilang
katre; ang pangalan ng mga kasama noon – sina Kambal, magkakapatid na Velda,
Alicia at Siano, si Gerry o Imo ang gofer
namin noon na nakatagpo ng isa sa Indonesia at mayaman na raw, ang cook na si
Ate Lila, ang receptionist na si Olympia, ang mga dormitoryanang areglado ang
kilay noon pa man, o makapal ang make-up, ang blondie ang buhok, ang
susun-suson ang petticoat, ang kumain ng kanyang meryendang itinatabi, ang
tumatayo sa kama at nag-i-speech, kung sino ang namatay na, ang tumandang
dalaga, at nasaan na si ganire at si ganoon.
Pagkatapos naman ay dumako ang usapan sa Alzheimer, bakit malilimutin na
sila sa mga pangalan, mga gamot na iniinom, mga sakit at operasyon at ang
kwento ng isa na ang kakilalang doctor na gumagamot ng Alzheimer ay may sakit
nang Alzheimer ngayon. Naku, nagtanong
na tuloy kung anu-ano ang espesyalidad ng mga doctor nilang anak. Dahil ganoon daw, nakukuha raw ng gumagamot
iyong sakit ng ginagamot. Heheheh…
Paglabas ng nasabing kakaibang restoran sa bagong kabubukas
na Mall, halos isang oras pang tumayo kami sa harap nito, nagkodakan, muling
nagkwentuhan, at kalaunan, naisipang magkape sa Starbucks. Na nilakad pa ng kay layo, maituloy lamang
ang kwentuhan nang nakaupo. Sa
Starbucks, nakaswerte kaming nakaupo sa isang sulok, kaya lamang, tampak sa
sikat ng papalubog na araw kaya silaw na silaw ang isa sa amin. Biruan ay hihintayin naming lumubog ang araw para
hindi na siya masilaw. Kaso, baka
masikatan naman siya ng buwan.
Marami
pang kwentuhan at tawanan ang nangyari na dumako pa sa kani-kanilang pangungumpisal at ang dalawang pagrorosaryo na ipinataw sa isa (palagay namin ay hindi sa dami ng kasalanan ito kundi dahil sa pakikipagtalo sa pari). Ang nakatutuwa ay ang kwento ng isa na nalimutan wari ng pari na bigyan siya ng dadasalin kaya siya pa ang nagpaalala rito, na aniya, may kasalanan siya dahil nakikinig siya ng tsismis sa mga artista, na sinagot nito ng okey lang, entertainment lang iyon...
Pagsapit ng alas seis ng hapon, noon
lamang naghiwa-hiwalay ang grupo… sa pangakong muling magkita-kita pagdating ng
sinumang balikbayan uuwi.
BISITANG BALIKBAYAN – 3 –
Isang forever faithful na balikbayang kaiskwela ang muling
bumisita. Isa na namang okasyon upang
magkita-kita kaming magkakaiskwela – kaming mga madaling magkatawagan sa
telepono, na magkaka-textmates, mga retirado, malalaki na ang mga apo kaya di
na nag-aalaga.
Ang pagkikita-kita ay
naganap sa tahanan ng isang dating presidente ng aming alumni association.
Potluck ang meriendang halo-halo (kani-kaniyang toka ng dadalhing
panghalo). Libre ang tanghalian na
sinagot ng isang nagdaos ng kaarawan – halabos na swahe at gatas ng kalabaw,
kare-kareng buntot ng baka, pritong manok, burong isda – na dinagdagan pa ng
mga dalang laing, ginataang biya, fruit salad, Bataan ice cream (galing pa sa
Bataan), cassava cake, etc.
Pero ang
highlight nito ay ang kontratadong DI na namuno sa pagtuturo ng LA Walk na
sinundan ng Zumba!
Sino ang magsasabing boring
ang buhay ng mga Seniors? Lalo pa at
ang ilan sa mga seniors na ito ay nag-sleepover pa para sa mas mahabang
kwentuhan at kinabukasan ay nagsitungo sa isang buffet restaurant na nagbibigay
ng 50% discount sa mga over na over na Seniors!
Wika nga’y samantalahin…
Hi Eve:
ReplyDeleteWala pa ring bagong post? Abang na abang na ako.
Yung mga dati, dalawa, tatlong beses ko nang nabasa.
Sana, pagbukas ko luli nito, meron nang bago.
Ruby