Random
Thoughts… Random Talks… 6
Ambisyon: Napakinggan ko ang isang
kwentuhan ng tatlong magkakaiskwela.
Binibilang nila kung ilan silang magkakaklase ang sa UP-Diliman
nag-aral. Mga labindalawa yata. Sa
pagkatanda nila, basta at kasama sa top ten ang mga graduates o may average na
85 above, walang entrance exam noon.
Tanda
ko rin na kinonsidera ang UP sa iskwelahang papasukan ko noon, kaya lamang,
problema ang titirahan, promdi raw kasi ako, mahirap nang ipalaot. Bumagsak ako
sa kaserang tinutuluyan ng aking kapatid na lalake, kababayan namin ang may-ari
nito, na nasa Azcarraga, kaya natural lamang na pati ang kurso niya,
Accounting, ang naging kurso ko… sa UE.
Ang usapan ay nauwi sa kung ano ang mga kinuha nilang
kurso at kung iyon ang talagang gusto nila, ayon sa inilagay nilang ambition
sa graduation issue ng kanilang schoolpaper. Naalaala pa nila ang dalawang kaiskwela na ang inilagay na ambition ay to be a priest. Na sa tunay na buhay ang nangyari ay...at nagkatuwaan sila!
Tanong doon sa isa kung bakit Nutrition ang kinuha nito sa
kolehiyo. Ang sagot, ewan nga raw niya
kung bakit iyon. Basta ang natatandaan
niya, noon ay maraming kaibigan ang kanyang Kuya na mga dalagang kumukuha ng Nutrition. Malamang na idol nito si Kuya, na kilalang
marunong at guwapo (na noong isang high school senior, ay crush nga naming mga
sophomores, mangitian lang kami, kilig to the bone nang tunay!)
Isa sa tatlong magkakausap ay iba naman ang istorya. Nagpasimula upang maging doktor sana, kung
iyon ang tunay niyang gusto o gusto ng mga magulang niya, hindi rin niya
matiyak. Nauwi siya sa paglipat ng iskwelahan
nang dalawa pang beses at pagtatapos ng propesyon sa isang kinikilalang military academy sa ibang bansa. Sikat
talaga. Proud ang lahat sa kanya.
Iyong ikatlo sa nag-uusap ay pagiging doctor ang inilagay
na ambisyon sa kanilang schoolpaper, ngunit sa isang kursong in demand daw noon ang napuntahan. Aba naku, kung ito palang ikatlo, na siyang naging
kapalaran ko, ay naging doctor, nasaan na kaya ako?
Random
thoughts: Kung sa UP rin ako nag-aral at doon kami nagkatagpo
kaya kami naging magkapalaran, at naging doctor nga siya, mayaman na siguro
ako! At nasa maganda at upscale na
village ang address.
Pero maaari namang
doktor din ang napangasawa nito.
Karaniwan naman, ganito ang nangyayari. Doktor sa doctor. Kung nagkagayon, sino kaya ang
napangasawa ko?
Isa
pa: Kung sa UP ako
nag-aral at doon sa mga dormitoryo roon tumira, magiging writer pa rin kaya
ako? Ng mga buhay ng mga dormitoryana roon? Minsan, May Isang Pag-ibig ng mga dormitoryanang taga-UP, hindi ng mga taga-University Belt. Siguro, ibang bersiyon ng Isang Pook, Dalawang Panahon ang
papalarin pa ring manalo sa Palanca. Bakit hindi?
Siguro, kahit saang pook at saang panahon ako naroon, lalabas, gigitaw,
ang tunay kong kinahihiligan, ang pagsusulat. Sapagkat ako ay ako. Kaya tiyak ko rin kung sino ang magiging kapalaran ko, doktor or hindi naging doktor, sapagkat ako ay ako, sabida.
Ngayon, patuloy ang aking maligayang buhay sa pagiging
storyteller at narrator of tales, asawa ng isang hindi naging doctor, at sa
isang low-cost housing*** sa Marikina naninirahan.
***Nang mag-offer ang Social Security System ng isang
housing sa Marikina noong 1969 sa pamamagitan ng isang raffle sa mga SSS
members, ang tawag nila rito ay low-cost housing. Ang mga lote ay may sukat na mula 200 to 300
square meters, more or less, at tipong detached bungalow, 2-bedroom 1 bath, na
pwede nang tirahan agad. Bahala ka na sa
improvements tulad nang grills, screen, vinyl or parquet or whatever flooring,
built-in closets and cabinets at bakod.
Sa halagang 100 to 110 pesos a month, 25 years to pay, noong ang renta
sa 2-bedroom apartment ay 110 pesos din. WOW!
Anong ligaya namin nang isa kami sa 500+ na nanalo out of 3000+ na
sumali sa raffle!
Ito nama’y napagninilayan lamang. Kumbaga…
No comments:
Post a Comment