Saturday, September 29, 2012

­Lumang Kasangkapan sa Isang Eskaparate ng Isang Lumang Bahay


­Lumang Kasangkapan 
sa Isang Eskaparate 
ng Isang Lumang Bahay

Sabi nga, naisipan lang.  Sa huling pag-uwi sa lumang bahay, naisipang linisin ang isang eskaparate na kinalalagyan ng mga lumang baso, pitsel, prutera, dulcera, sopera at mumunting tasa ng tsokolate.  Ngunit hindi ito natuloy sa paglilinis at sa halip, nahawakan ko ang kamera at ang nangyari, kinodakan ko na lamang ang mga ito.




Sa loob-loob ko, minsan isang panahon, ginamit ang mga ito ng mga taong nakatira sa lumang bahay.  Ang sorbetes ay hindi galing sa groceri, kundi gawa sa grapinyera na iniikot nang mano-mano, may tipak-tipak na yelo na nabubudburan ng asin, sa paligid ng galonera.  Makapuno, atis, keso, avocado, mantekado, vanilla – iyan ang lasa ng sorbetes noon.  At ito ay hindi inihahain na nakalagay sa apa.  Ang Ba Berto lamang na sorbetero ng aming kamusmusan sa elementarya ang gumagamit ng apa.  Na kapag napaglalambingan namin ay nahihingan ng ekstrang apa para mahatian ang kaiskwela ng halagang singkong sorbetes.  Mayaman ka na, kapag ang biniling sorbetes ay sa pandecito ipinalaman.  Noon, sa mga tahanan, ang sorbetes ay sa kristal na kopita inilalagay.  At hindi punung-puno.  Tamang-tama lamang ang laman. (Sa aming bahay, nang lumalaki ang aking mga anak, baso ang pinag-lalagyan ng kakaining ice cream, at itinataktak pa, na para namang pwede pang siksikin at nang mapuno!)


Ang pitsel na kulay rosas ay may istorya pala.  Minsan, sa isang pagdalaw sa aming anak, naimbita kami ng kanilang kaibigang halos kaedad namin.  Sa bahay nito kami naghapunan at ang unang bumati sa aming paningin ay ang gagamiting huwego ng dinnerware.  Kulay rosas na lahat, mula sa pinggan, platito, tasa, baso at iba pa.  Doon namin nalaman, na noong panahon raw ng Great Depression sa States, noon nagpalabas ng mga kasangkapang tulad nito, na may kulay - rosas, asul, ewan kung may iba pa.  Kaya, kumbaga, antigo talaga at may kasaysayan pa ang mga ito.  Naikwento na rin tuloy namin na sa Pilipinas, mayroon din kami ng kasangkapang tulad nito.  Kaya lang, pitsel lang at baso.  Na ngayon naman ay bihira naming gamitin, kasi ay napakanipis.  Ingat talaga sa pag-inom at paghuhugas, baka mabasag.

Ang prutera.  Nakatutuwa ang natagpuan ko sa eskaparate.  Makulay ito.  Berde.  At scallop pa ang gilid.  Sa ibang bahay naman, iyong prutera ay tatlong patong, ang taas!   Sa aming bahay, dalawang patong lang, sa aking pagkatanda.  Nasa gitna ito ng mesa, iyong tinatawag ngayong centerpiece, at dahil maraming patong, marami  ring prutas ang nailalagay.  Piling-piling na mga saging, mangga, tsiko, dalandan, mansanas, ubas, depende sa kakayanan ng maybahay.  Sa mga piyestahan, ang prutera ay napapalamutihan pa sa buong gilid ng mga nakasingit na pastillas, na nakaladlad ang burdadong buntot.



Ang sopera ay lalagyan ng sopas.  May takip ito na karaniwan nang may dibuho pa.  Ang tipo ng handaan noon ay hindi ang karaniwan nang buffet ngayon, na nakahalayhay na sa buffet table ang mga putahe at ang mga bisita na ang kani-kaniyang kuha.  Na ang ibang masisiba ay halos gabundok kung maglagay sa plato, sunod ay hindi naman nauubos.  Takaw-mata lamang.  Noon, nakaupo ang mga bisita sa mahabang mesa, halos bihira pa rin ang bilog.  Kasi, sa mahabang mesa, mayroong tinatawag na kabisera, na siyang ulo ng hapag, kung saan nauupo ang padre de pamilya, at kung may punsiyon naman, ay ang panauhing pandangal.  Si Padre Damaso, noong panahon ni Rizal, sa tahanan ni Kapitan Tiago.  Sa bawat pinggan sa mesa ay may nakalagay na malukong, na siyang nilalagyan ng sopas na sinasandok naman mula sa sopera.  Bawat putahe ay isa-isang inaalay at iniaalok sa bawat panauhin.  Noon, halos walang katapusan ang dating ng mga putahe, lalo at may kaya ang may handaan.

Dulcera o ang mga lalagyan ng minatamis na grabansos, makapuno o murang buko, ube.  Ang leche flan ay naraniwan nang may sariling bandeha na kristal din.  At tulad nang nabanggit sa unahan, ang pastilyas San Miguel na ang borloloy na balutan ay ginunting na mga senaryo ng mga nagsasayaw o lokal na tanawin sa nayon, ay sa gilid ng prutera isinisingit, kaya ang buntot ng mga ito ay nakalawit na parang palamuti.  Tunay na hindi lamang tiyan ang binubusog, kundi pati ang mga mata.  Noon. 

Nang ikasal ako ay may natanggap akong dalawang set ng chocolate cups, na very dainty ang dibuho at napaka-fragile ang hitsura, kaya hindi naman nagamit nang madalas.  Unang-una, sa malaking tasa umiinom ng tsokolate ang aking pamilya, dahil homemade ng aming neighbor ang cocoa balls na galing pa ng Bicol.  Maliliit lamang talaga ang mga tasa para sa tsokolate.  Dahil noon, talagang tsokolate-e ang ipinaiinom sa mga handaan.  Natatandaan pa ba ninyo ang kaibhan ng tsokolate-e sa tsokolate-a?  Naalaala ko tuloy ang kwento ng aking pamangkin na paborito ang tsokolate.  Nang maliit pa ito ay isinama ng kanyang Mama sa isang parasal ng kapit-bahay na isa sa mga handa ay tsokolate.  Aba'y isang tungga lamang ng bata ang laman ng tasa, kaya panay ang “uho” ng tagasilbi, sa katuwaan ng lahat.




Buntot na lamang ng nasabing panahong nabanggit ang inabutan namin.  Ngunit kami naman ay kasama sa mga unang nakaranas ng pagkain ng buffet style.  Na sa restaurant ay smorgasborg ang tawag.  Ng Noritake dinner set na inireregalo sa kasal ng mga ninang.  Ng kinokolektang pitsel na may disenyong katutubong sayaw.  Natatandaan pa ba ninyo ito?

 
At saka, ang kulot ng buhok sa cold wave, hindi na sa kuryente na parang oktopus, na ang mga galamay ay nakakabit sa hinati-hati at inikot-ikot na buhok namin.  Ng buhok na tiss pag nagpa-hairdo sa parlour. Natatandaan ko pa ang mervin ng aking Inang at ang kapirasong kumpol ng binilot na pinutol niyang buhok (madalas mapagkamalang daga) na ipinalalaman niya sa kanyang coiffure para magkaroon ito ng tinatawag ngayong “body”.  Gayundin, sa pagsayaw ng rock n roll (malaswa, sabi ng Amang Puten).  At pagpapatugtog sa jukebox!  Ilang diyes ang naihulog ko para patugtugin lamang ang paboritong kanta noon – What is this thing called love?

Hindi ko dinatnan ang harana.  Hindi ako naharana, ngunit may mga kaiskwela ako (mas matanda sa akin) na nakaranas nito, lalo at nadarayo sila sa ibang lalawigan.  Kapag namataan ng mga kabinataan doon na may nababagong mukha, wika nga, agad nang magkakayayaang mangharana.  Pero ano ba ang harana?  May isang tagasubaybay na nagmungkahi na sana, maglagay ako ng artikulo tungkol dito.  Dito na dumating ang tulong, basta gagamitan ng pananaliksik, ang kaibigan kong si Rolly E.  Sa humiling, abangan sa isang buwan ang artikulong ito. 

Nagmula tayo sa lumang bahay, lumang kasangkapan, at ngayon ay harana.  Pawang mula sa isang nagdaang panahon.  Ngunit anumang bagay, luma man o bago, ang lahat ay nasa sa pananaw at damdamin ng tumitingin.  At ng nakadarama. 

Naitanong ko minsan, sa isang pag-uwi sa lumang bahay, kung kaya kong tumira sa nasabing bahay?  Dahil hindi ito ang bahay na aking sinilangan at nilakhan.  Hindi kaya ito isang uri ng betrayal sa aking tunay na tahanan?  


Ewan kung bilang sagot, ngunit ito ang sumingit sa aking isipan: My own, old house... is in my heart.  Hindi mabubura.  Nakatatak na.  At ang nababanggit dito na lumang bahay, na sinilangan at nilakhan naman ng isang tao sa aking buhay...  This house is in my life...

Sagot ba iyon sa tanong?

Basahin:  Ang Tahanan ni Erika. 

No comments:

Post a Comment