Saturday, September 15, 2012

Counting My Blessings


Counting My Blessings

Noong araw, tuwing sumasapit ang Thanksgiving Day kapag buwan ng Nobyembre, nakagawian ko nang gumawa ng listahan ng mga biyayang ipinagpapasalamat ko.  Noon, kung anu-ano lamang naman. 

Ngayon, kahit Agosto pa lamang, sinimulan ko nang gumawa ng aking listahan.  Na itinutuloy ko ngayong Setyembre.  At isang naiibang uri ng listahan.  Sa halip na mga bagay lamang ang ilalagay, isasali ko pati mga tao at lugar, pagkain at pangyayari. (aba, e, parang Pinoy Henyo!) at magagandang alaala ng lumipas.  Mga moments, wika nga.   

Kayo din, subukan ninyo.  Narito ang aking mga biyaya, mga taong walang katumbas na halaga, mga alaala at bagay na hindi mahahalagahan ng salapi.

1. Ang aking ama.  Si Amang.  Sa kanya namin namana ang honesty sa pagtatrabaho.  Pagiging objective at di mapanghusga.  Pormal siya at istrikto ngunit paborito ng mga pininsan sa pagiging mapagbiro at karinyoso.  Malambing at protective sa aming Inang.  Mapag-aral.  Malalim.   Musical.


2. At si Inang.  Kapag pinagbalikan ko sa isip ang nakaraang araw na ipinagsama namin, natatandaan ko, lagi, ako ang nagkukuwento sa kanya ng mga nangyari sa akin at siya ay lagi lamang nakikinig.  Kumbaga, siya ay laging naroon, anytime na kailangan ko siya.  At ito'y tunay na isang biyaya sa isang lumalaking bata, sa isang teen-ager, sa isang bagong ina.
 

3. Mantilla.  Ito ay isang tela na seda, burdado ng makukulay na bulaklak at ibon sa isang itim na manton, ang hugis ay halos trayanggulo at may mga borloloy sa dalawang gilid.  Pagsapit ng ika-16 ng Disyembre, simula ng simbang-gabi, gagamitin na ito ng Inang.  Ang alaalang ibinabalik nito ay malamig na simoy ng hangin sa madaling-araw na nanunuot hanggang buto at mabangong halimuyak ng pulbos na Maja.  May mantilla ako ngayon, regalo sa akin.  Puti naman at burdado rin.  Ngunit hindi ko alam kung saan gagamitin.  Wala na ang sigid ng lamig ng Disyembre.  

4. Chicharong Baboy.  Hindi ito Lapid's.  Ito ay hiwa-hiwang taba at balat ng baboy na binili ng Inang sa palengke, minantika at hinayaang nakababad sa loob ng ceramic na kamaw.  Noong araw na ang kilalang mantika lamang ay Purico at Cenvoco na sa pagprito lamang ng isda ginagamit, ugali na niya ang gumawa ng sariling mantika para sa paggigisa at iba pang lutuin.  Kung kinakapos ng ulam, pipirituhin lamang niya ang nakababad na balat ng baboy at tunay na walang sinabi ang chicharon ngayon.  Cholesterol 'ikamo? Awa ng Diyos, Inang lived to a ripe old age of 91.
 

5. Swing.  Nang gibain ang lumang bahay namin sa probinsiya at nagtayo ng panibago, nagpagawa kami ng swing sa mga karpintero.  Malaki ito at matibay. Tunay na napakagandang istambayan naming mga teen-agers noon. Doon kami nagkakantahan sa saliw ng aking ukulele.  Doon pinag-uusapan ang mga secret crushes.  Sabi nga, kung makapagsasalita nga lamang daw ito, napakarami nang sikreto ang maikukwento.  Ang swing na ito ang nasa pabalat ng aklat kong “Minsan, May Isang Pag-ibig”. Na bago tuluyang nalansag ay naiguhit at naipinta naman ng aking anak.    Batid ko na sinumang minsan, isang panahon ay naupo at inugoy sa duyang ito, na ngayon ay nakabili ng aklat ay agad nakilala ang pabalat.  At kahit paano, may gumitaw na gunita ng panahong nagdaan.
 

6. Christmas Tree na tunay na pine tree galing ng Baguio, pauwi ng Amang na nakadestino noon doon.  Gustung-gusto ko na humihiga sa ilalim ng Christmas tree at sinasamyo ang pine scent nito.  Paskong-pasko ang dating talaga sa batang puso ko.  At ang alaala ng aking unang Christmas tree na sanga ng puno ng bakawan.  Payat at parang naninihang.  Tipid sa berdeng papel de hapon na ipinambalot sa katawan at sanga nito.  Natatandaan ko, hiningi ko ito sa aking Grade Four teacher, si Miss Velasco pagkatapos ng aming Christmas program sa klase.  Kalaunan ko na lamang napagnilay-nilayan na hindi naman pala ako lubos na mahiyain. 
 

7. Makinang Singer ng Inang.  Hindi dahil dito niya tinatahi ang mga damit namin, kundi dahil ginagamit ko itong kunwari ay piyano.  Wala kaming piyano, pero nag-leleksiyon naman ako kay Mrs. Cue, kaya ang ginagawa ko, isinasandal ko ang piyesa sa katawan ng makina, sunod ay titipahin ko ang pahabang kahon sa harap, na waring iyon ay mga teklado.  Con todo arte, sabi ko sa inyo!  Ngayon?  Tadhana na may tunay na piyano ako!  Pag-aari ng isang taong nang dinadalaw ako sa dormitoryo ay tinutugtog ang isang bahagi ng piyesang “My Heart at Thy Sweet Voice” ni Camille Saint-Saens at “Theme For Love” ni Victor Young.

8. Butones.  I have yet to meet somebody who played with buttons when she was little.  I did.  May isang kahong tabla ako ng tabako Alhambra.  Ang laman nito ay mga basyong kaha ng posporo, maliliit na piraso ng kahoy, at iba't ibang uri ng  butones.  Imagination, iyan ang pinagagana ko.  Noon pa man, malikhain na pala ako.  Iginagawa ko ng istorya ang mga butones. Sila ay mga taong pinagagalaw ko.  Ang mga butones na galing sa polo ng Amang ay mga lalake, galing sa Inang ay mga babae.  Ang maliliit ay mga bata.  Ang mga puti ay istudyante na nakauniporme.  May mag-asawa, may anak, may titser, may tindera.  May iskwelahan, may palengke, may simbahan.  Makalat na laro ito, dahil gumagawa ako ng isang sambayanan.  At dahil makalat, madalas akong makagalitan ng kapatid kong tagalinis ng bahay.  Madalas niyang itago ang aking kahon at doon na ako umiiyak.  Ngayon?  Hindi na butones, I play with words na.
 

9. Alaala ng aming lumang bahay.  Na kumakatawan sa isang lumipas na panahon.  Durungawan na halos dalawang metro lamang ang layo sa lansangan.  Na kapag kami ay nakapanungaw, nakakausap namin ang mga kakilalang nagdaraan.  'Oy, saan ang punta mo?  Na sasagutin ng dine lang.  O kaya, 'Oy, sa'n ka galing?  Na ang sagot naman ay iyon din, dine lang...  Na kung minsan naman, kapag ito ay huminto, medyo magkakasarapan na sa kwentuhan.  Uso pa noon ang nakapanungaw.  At katanawan lamang ang kaibayong bahay ng Kaka at Ka Seang, mga kinagisnang kamag-anakan, anak ng Amang Puten at Oya, na kalaunan na lamang namin nalaman na wala namang blood relation.  Kapag may bago akong damit na tahi ng Inang, tatayo na ako sa isang silya,  tatawagin sila at ipagpaparangalan ito.  Isang modista ang Kaka at sa kanya ko nahihingi ang ilan sa aking mga magagandang butones.
 

10. Dormitoryo.  Alam na ng lahat, produkto ako ng dormitoryo.  Stockholder na nga ang tawag sa amin noon – mga dormitoryana sa buong panahon ng pag-aaral hanggang sa pag-oopisina.  Ang kaibhan namin marahil sa iba, ay ang pagtuturing naming tahanan ito, hindi lamang pansamantalang tirahan. Dahil sa mga namuong pagsasamahang parang pamilya na hanggang ngayon ay matibay pa rin.   Lahat ng ito ay mababasa sa aking unang aklat na “Minsan, May Isang Pag-ibig” na mabibili sa lulu.com.    Halos kalahati ng mga kwento roon ay tungkol sa buhay at pag-ibig sa loob ng dormitoryo.    Naroon din  ang nagwaging kwento sa Palanca na “Isang Pook, Dalawang Panahon” na tungkol sa dorm
         

Samantala, dito muna ako hihinto sa aking listahan.  Anytime sa mga susunod na buwan, dadagdagan ko ito.  Sapagkat, nagsisimula pa lamang ako. At di ba naman, tuluy-tuloy ang mga biyayang ipinagkakaloob sa atin? 

Inaanyayahan ko rin kayo na maglista at ibahagi sa amin ang mga biyayang natanggap ninyo.  Gawin ninyo ito, lalo na sa mga araw na parang pinanghihinawaan kayong wari ay walang nangyayari sa buhay ninyo.  Dahil hindi totoo ito.   Lagi, may happening sa atin.
  

Sa ngayon, abangan ang kwento ni Erika, ang tahanan ni Erika.  Ito ba'y kubo?  Bahay na bato?  O isang dormitoryo?
 

Abangan!

No comments:

Post a Comment