Saturday, September 29, 2012

ANG TAHANAN NI ERIKA


ANG  TAHANAN NI ERIKA

SA dormitoryo, kay Erika nakatuun ang pansin ng lahat nang hapong iyon.  Bawat makasalubong niya ay ngumingiti sa kanya.  Bumabati.  Nanunukso.  Na tinutugon naman niya ng pagngiti rin, pasasalamat sa pagbati, tampal dine at kurot doon sa mga panunukso.

“Ano ang nararamdaman mo, Erika?”  tanungan ng mga ito.

Pahigang ibabagsak ni Erika ang kanyang katawan sa malambot na kutson ng kanyang katre.  Mag-iinat.  Ipipikit nang mariin ang mga mata habang mawala- lumitaw ang ngiti sa kanyang mga labi.  Saka sasagot.  “Natatakot.”

Kikiligin ang kanyang mga kaharap.  Magtitinginan.  Bubulalas ng tawa.  Ano nga kaya.  Ano nga kaya.  Mamamatay ako, sasabihin ng isa, sabay pagpapatibuwal sa tabi ng nakahigang si Erika.

Sa pagbaba ni Erika sa patahiang nasa ilalim ng dormitoryo ay sunuran rin ang kanyang mga kasama.  At panibago na namang tuksuhan.  Ang mga mananahi, palibhasa'y nagsisitandang dalaga ay lalong higit kung manukso.  At kiligin.

Naghapunan si Erika sa gitna ng pagkakagulo ng mga dormitoryana.  Adobong manok ang ulam at may fruit salad pa.

“Nagpasikat din naman si Ate Nene,” sabi ng mga ito kay Erika.  “Kung hindi ka lang ikakasal bukas, ang ulam natin ngayo'y ginisang munggo at pritong galunggong.  Biyernes yata ngayon.”

Tawa nang tawa si Erika.  Hindi makakain.  At naggagalit-galitan sa harap niya ang matandang tagapagluto.  “Ano ba, Erika.  Nu'ng araw, nagmamakaawa ka sa akin, bigyan lang kita ng atay ng manok.  Ngayon, may atay na, may balunbalunan pa, saka hita pa ng manok, ayaw mong kumain.  Aba'y magpakabusog ka.”  Itinaas ng matandang tagapagluto ang kanang bisig, sabay kindat sa mga nakikinig.  “Iba na yung malakas.”

Hindi pa tapos ang umuugong na halakhakan ay lumapit naman kay Erika ang dalagitang tagapagsilbi sa hapag.  Wika nito.  “Ikaw,  Erika, baka akala mo'y di ko alam.  Nung araw, pagtalikod ko, dalas mong mang-umit ng saging sa counter.  Hala, ubusin mong lahat iyan.”  Inilabas nito sa mesa ang isang piling na saging.

Tumayo si Erika, nakataas ang dalawang kamay.  “Suko na ako.  Suko na.  Ayoko nang tumawa. Baka wala na akong itawa bukas.  Baka ngiti ma'y di na ako makangiti.”

Iniwan ng dalaga ang mga kaharap.  Ang mga ito, sa gitna ng pagkakatuwaan at sa kabila ng pagtutol ng tagapagsilbi ang siyang kumain ng saging.


TAHIMIK sa silid nina Erika.  Pinabayaan siyang mamahinga ng kanyang mga kasama.  May naligo.  May nag-aayos ng buhok.  May umalis upang magpanikyur.  May namalantsa ng bestidong isusuot kinabukasan.

Nasa tabi ng durungawan ang katre ni Erika.  Pinakamainam ang kinalalagyan niya sa buong dormitoryo.  Sariwang hangin ang nalalanghap niya, hindi tulad ng mga nasa una't ikalawang silid na nasa tabing-durungawan din ngunit may alikabok ang nasasagap dahil nakaharap ang mga ito sa isang lansangang daanan ng mga sasakyan.  Ang silid nina Erika ay katapat ng maaliwalas na palaruan ng isang panlalaking kolehiyo,

Sa kanyang pagkakahiga ay tahimik na pinagmamalas ni Erika ang larawan ng isang makisig na lalaki na nakapatong sa munting hapag sa tabi ng katre niya ngunit lumilipad ang kanyang diwa.  Ano ang ginagawa ng mga lalaki sa isang stag party.  Laking katangahan.  E di nag-iinuman.  Nagkukuwentuhan.  At pinapayuhan ang ikakasal.  Kung minsan nga ay... a, ayoko!

Pilit na pinayapa ni Erika ang naglilikot na guniguni.  Ipinukol ang tanaw sa labas ng durungawan.  Latag na ang dilim.  Sa pagitan ng mga dahon at sanga ng punong pino na nakatanim sa gilid ng palaruan ng kolehiyo ay namataan niya ang isang bituin.   May kirot na naramdaman siya sa kanyang puso. Itay bulong niya...Itay...

Ang sabi ng kanyang ama.  Huwag mo nang alalahanin ang isasaloob ng iyong tiya.  Ang ibang tao na lamang. Ano ang kanilang sasabihin?  Wala ka bang tahanan?  Wala ka bang pamilya?  Ano't sa dormitoryo mo gustong manaog sa araw ng iyong kasal?

Ito ang  aking tahanan, Itay.”

“Isang dormitoryo!”
  Waring nakagitla sa kanyang ama ang tinuran niya.  “Isang dormitoryo!”  ulit nito.  “May oras ang dalaw, kain at tulog.  Ito ba ang itinuturing mong tahanan?”

Tumango siya.  At pinilit niyang magpaliwanag sa kabila ng paninikip sa kanyang lalamunan.  “Kung saan naroroon... kung saan natatagpuan... ang kaligayahan... at katahimikan. Di ba, Itay?  Kaya ito ang aking tahanan.  Isang dormitoryo.”

Nagdaramdam na lumisan ang kanyang ama at makalipas ang ilang araw ay sumapalad niya ang isang liham nio.  Ang kapasiyahan mong manaog sa dormitoryo sa araw ng iyong kasal ay naglalagay sa akin at sa iyong tiya sa isang kalagayang kahiya-hiya, anang isang bahagi ng liham,  ngunit huwag kang mag-alaala.  Darating ako sa araw ng iyong kasal.  Ihahatid kita sa altar.  Hindi ko tatalikuran ang katungkulan kong ito sa iyo.  Idalangin mo lang anak, sana ay maunawaan ko at matanggap na sapat na ang labindalawang taong ipinagkawalay natin upang mawalan ako ng bahagi sa iyo... upang piliin mo sila at talikuran mo ako.
Ang liham na iyon ay iniyakan niya tulad nang pag-iyak niya noong unang gabi ng pagtira niya sa dormitoryo may labindalawang taon na ang nakalilipas.


NAPABALIKWAS si Erika.  “Labindalawang taon!”  bulalas niya.  “Akalain ninyo, labindalawang taon akong nakapagtiis tumira rito sa dormitoryo.”

“Oo nga,” wika ni Lorna sabay lapit kay Erika.  “Kaya umalis-alis ka na at kami'y sawa na sa iyo.”

Lumakad-lakad si Erika sa silid.  Pailing-iling.  “Labindalawang taon na ang almusal ay kapeng lasang tsokolate at minsan, tsokolateng lasang kape.  Saka scrambled na itlog, hard boiled na itlog, estrelyadong itlog.”

“At sa tanghalian ay kari-karing tuwalya na pagkakunat-kunat.”  sambot ni Lorna.

“At  sa gabi nama'y paksiw na galunggong.  Ugh...”  at dumuwal ang nagsalita.

“At limang minuto lamang sa telepono,”  anang isa naman.

“Pila pa sa banyo.”  Hinatak ni Erika ang kanyang tuwalya at bata.  “Maliligo nga pala ako't darating na iyong mag-aayos ng aking buhok.”


BUMANGON sa pagkakahiga si Erika.  Inaninaw ang orasan sa ibabaw ng munting hapag sa tabi niya.  Nang makitang wala pang ikalabindalawa ng hatinggabi ay tuluyang bumaba sa katre.  Kumilos ang nakahiga sa karatig niyang katre.  “Erika, ikaw ba 'yan?”  tanong nito.

“Di ako makatulog.” ipinatong ni Erika ang dalawang siko sa palababahan ng durungawan at nangalumbaba.  Pilit na pinaglalagos ang paningin sa karimlang bumabalot sa paligid.

“Excited ka.”  Bumangon na rin si Lorna.  “Talagang ganyan raw ang ikakasal.”

“Sa salas tayo,”  yaya ni Erika.

“Kailangan mong matulog,”  tutol ni Lorna.

“Saglit lang. Tayo na.”

Nanungaw ang dalawa pagdating sa silid-tanggapan ng dormitoryo.  Madalang na ang mga sasakyang nagdaraan at paisa-isa na lamang ang mga taong naglalakad.  Walang kakibo-kibo si Erika.

Binalingan siya ni Lorna.  “Naaalaala mo ang iyong itay.”

Pasadlak na naupo si Erika sa kalapit na sopa.  “Noong araw, taga Room One ako.  Ang mga kakuwarto ko, iba-iba. May Ilokana.  Zambalenya.  Tagalog. Pangasinan.  Labintatlong taon lamang ako noon.  Hirap na hirap akong makisama.  Isang taon pa lamang namamatay si Inay.  Kapapag-asawa lang ni Itay.”

Sumandal si Erika at tumingala sa kisame.  “Minsan.  Gumawa ako ng paraan.  Gusto kong maging kaibigan ang mga kasama ko  I wanted to belong.  Kaya nang marinig kong nais nilang magdrinking session ay nagprisinta akong magbigay ng isang boteng rum.”  Nagtawa si Erika.

“Ano'ng nangyari?”

“Nangumbida kami ng taga Room Four.  Bar reviewee.  Talaga namang game.  Nang walang malasing, dami kasing coke... ay naglasing-lasingan.  Lumupasay sa sahig. Humapay-hapay.  Biling-bili naman namin.  Lalo na 'ko.  Ang tawa ko lang, nang biglang dumating ang may-ari ng dormitoryo, si Ate Nene.  Kinagalitan kaming lahat.”

Nagpatuloy sa pagsariwa ng nakaraan si Erika, habang buong pagkaunawang nakikinig si Lorna.

“Ako ang pinakabata noong panahong iyon, ngunit hindi naging dahilan ito upang ako ay kanilang katuwaan at ituring na bunso.  Lubha akong walang kibo.  Hindi palabati at laging nagmumukmok.  Ang hindi ko pakikihalubilo ay ipinagkamali nilang kasupladahan at ang matatandang maaaring makaunawa ay abala sa kanilang sariling buhay.  Kaytagal kong walang kaibigan.”

Bumuntung-hininga si Erika bago nagpatuloy.

“Hanggang isang araw, ako'y nagkasakit. Dinalaw ako ng aking ama kasama ang aking tiya.  Marami silang pasalubong ngunit sandali lamang ang itinigil nila sa akin.  Noon ko naunawaan, noon ko natanggap na talagang ako'y nag-iisa na sa buhay.  Patay na ang aking ina.  May asawa nang kauli ang aking ama.  Hindi ko na maaasahan ang panahon niya at pagmamahal.  Kung bakit, ewan ko.  Tinanggap ko na lamang kalaunan.  Inisip na lamang na may dahilan.  Kaya salapi na lamang ang maiuukol niya sa akin...” sa huling binanggit ay waring nabasag ang tinig ni Erika.

Tumayo si Erika.  Sinabayan ni Lorna si Erika sa paglakad.  Nang magawi sa hagdanang papanaog ay sagot na tumigil si Erika.

“Kay dalas kong maupo sa may ibaba ng hagdanang ito.  Lagi kong hinihintay ang pagdalaw ni Itay.  At kaydalas kong mabigo... hanggang naging ganap akong dalaga.. at makilala ko si Roman.”

Bago tuluyang pumasok sa kulambo ay tinanong ni Erika ang kaibigan.  “Masisisi mo ba ako?”


WALANG kakurap-kurap na nakatitig si Erika sa salamin.  At habang tumatagal ay waring naglalaho ang larawan ng babaing nakasuot pangkasal na kanyang katitigan.  Ang pakiramdam niya'y para siyang magaang-magaan.  Lumulutang. At ang sarisaring ingay at salitaan sa kanyang paligid ay malayung-malayo, halos hindi na niya marinig.

Ang saglit na pagkawala sa sarili ay pilit na ikinubli ni Erika sa pamamagitan ng paggala ng paningin sa kabuuan ng silid na kinaroroonan niya.  Tokador dito na kinapapatungan ng sarisaring bote ng pabango at gamit ng babae.  Ang malaking kama roon na may malambot na kutson at laging natatakpan ng ginantsilyong bedspread.  Telepono sa may pagpasok ng pintuan.  Ito ang silid ni Ate Nene, ang may-ari at tagapamahala sa dormitoryo, pinaka-ina ng lahat ng nakatira roon. Ang kanyang pinaka-ina sa nagdaang labindalawang taong pagtira sa dormitoryong iyon na naging pinaka-tahanan niya.

Isang walang pangalang pamimigat ang naramdaman ni Erika na namuo sa kanyang dibdib.  Kasunod nito'y ang pagtusok sa likod ng kanyang mga mata ng isang libo't isang matutulis na...

“Aspili nga, hoy...”  umaalon ang tinig ng baklang kinasundo na mag-aayos kay Erika.

Sa umugong na halakhakan ay may isang namumukod na hagikgik.  Hinanap ng mga mata ni Erika ang pinagmulan nito at nginitian.  Si Uding.  Labing-anim na taon.  Kadarating lamang sa dormitoryo.

Katabi ni Uding si Thelma.  Sana'y Ateng na kita, sabi nito.  Sana'y kapatid na kita, bulong niya at kanyang naalala ang mga kapatid niya sa ama na bihira niyang makita at makapiling sa kadahilanang hindi siya ang may gawa.  Si Lolly sa likod ni Thelma.  At si Gigi sa tabi ni Lolly.  Si Linda.  Si Nita.  Si Laida.


DINATNAN ni Erika sa salas ng dormitoryo ang kanyang ama, kausap ang may-ari, si Ate Nene.  Nginitian niya ito at sa pagtatama ng kanilang mga paningin ay may pilit siyang inaninaw sa mukha nito.  Wala ang kanyang hinahanap at nakaramdam siya ng pagkabigo.

“Sa simbahan na magtutungo ang tiya mo't mga kapatid,” narinig ni Erika na sabi ng kanyang ama habang inaabot niya ang kamay nito.

Tumango si Erika kasunod ang isang malalim na buntung-hininga.  Pagkuwa'y binalingan niya ang nakamasid na may-ari.  Ginagap niya ang palad nito.  “Aalis na ako, Ate Nene.”

“Magkikita pa naman tayo pagkatapos ng kasal.”

Matipid na ngumiti si Erika.  “Oo nga, Ate Nene, pero ngayon ko gustong sabihin sa inyo, sa harap ng aking ama, na hindi siya nagkamali ng pagpili ng dormitoryong pinagtirahan sa akin.  Na  naging maligaya ako rito.”

May kumislap sa mga mata ng may-ari.  Pagkuwa'y masuyong kinabig sa dibdib niya si Erika.  “Higit kang magiging maligaya sa piling niya.  Mabait kang bata.”

At sa pagtawa ni Erika ay hindi niya napansin ang anino ng lumbay na saglit na tumabing sa mukha ng kanyang ama.

Sa puno ng hagdan ay nakaabang ang tagapagluto, mga tagapagsilbi sa hapag, mga katulong at ilang hindi makadadalo sa kasal.  Pigil ang hiningang nangakamasid kay Erika.  Pagtapat sa nakamatang tagapagluto ay saglit na tumigil ang dalaga.

“Talagang sawa na kayo sa akin, Ima.  Ni ayaw ninyong dumalo sa kasal ko.”

Pilit na ngumiti ang matanda.  Ikinibut-kibot ang mga labi na waring gustong magsalita.  Pagkuway biglang tinalikuran si Erika, sabay bulalas ng iyak.  “Ang anak ko.  Erika, anak ko...”

Matagal na hindi nakaimitk si Erika.  Nang mapahinahon na ang sarili ay tiningala ang kaagapay na ama.  “Tayo na Itay,”  yaya niya.

Ngunit waring wala sa sarili ang kanyang ama.  Parang itinulos sa pagkakatayo ito.  Puno ng pagkabaghan na hindi maialis ang mga mata sa umiiyak na tagapagluto.

Marahang pinisil ni Erika ang kamay ng ama at sa masuyong tinig ay sinabi.  “Umiiyak siya, Itay... dahil may aalis na kasama sa bahay.”

Unti-unti binawi ng ama ng dalaga ang paninging nakapako sa umiiyak.  Sinagot ang pisil ng kamay ng anak, habang tatangu-tangong nagwika.  “Oo nga. Oo na.”  At ang lungkot na tuwina'y kaakibat ng pagtanggap sa isang masakit na katotohanan ay nanulay sa tinig nito.

Pebrero 26, 1968 Liwayway

No comments:

Post a Comment