Sunday, July 24, 2011

REMEMBERING MOMENTS...


REMEMBERING MOMENTS...


Nang mga nakararaang linggo, panay ang pag-ulan. Minsan ay sinasabayan pa nang pagkulog at pagkidlat. Wala namang bagyong nasa loob ng Philippine Area of Responsibility, namamaybay lamang sa gilid nito, ngunit dahil sa hanging habagat na humihila sa kung anuman iyong hinihila niya, panay na ang pagbuhos ng ulan.

Ngunit ngayon, sa kabila ng magandang panahon at matinding sikat ng araw, sumasalit ang pabugsu-bugsong dating ng malakas na ulan. Tunay na buhos talaga. Parang mga mumunting gunita ng nakaraan na pabigla-bigla ring gumigitaw sa alaala. Dahil talaga, hindi maiwasan, ang pag-ulan ay maraming alaalang ibinabalik, lalo na sa mga katulad namin. Narito ang ilan at kung mayroon kayo, do write me sa eve.manunulat@gmail.com and share...

-Pamumulot ko ng makukulay na mumunting bato sa aming bakuran matapos ang isang pag-ulan nang ako'y bata pa. Ang orihinal na pangalan raw ng bahaging iyon ng baryo namin ay Buhangin. Walang makapagsabi kung bakit, maliban sa iyon ang kinagisnan ng matatanda, dahil kapag naghukay ng lupa sa bakuran, ilang talampakan pa lamang ang lalim ay buhangin na ang lilitaw na may kasama pang mumunting kabibe. Nakita ko pa ito at naranasan nang personal. Marahil at haka-haka ng matatanda noon, na may malinaw namang batayan, ang nasabing lugar namin, minsan isang panahon, ay bahagi ng isang ilog.

-Pagkain ng inihaw na mais o binatog, habang nakapanungaw sa bintana sa probinsiya at pinapanood ang mga batang naliligo sa ulan at nagpapaanod ng bangkang papel sa mga kanal sa gilid ng kalsada. Hindi ko naranasan ang paliligo sa ulan nang ako ay maliit. Minsan, nang ako ay may asawa na, naligo ako sa ulan sa loob ng aming bakuran. Binayaan ko ring maligo ang aking mga anak nang sila ay bata pa.

-Sleepover naming magkakabarkada. May pagkakataong nayayaya kong matulog sa aming bahay sa probinsiya sa pag-uwi ko buhat sa pag-aaral sa Maynila, ang dalawa o tatlong kabarkadang babae na pawang mga kapitbahay rin. Sa sahig sa sala kami natutulog, naglalatag na malapad na banig, sa ilalim ng malaki ring kulambo, sa tabi ng dingding na may bintanilya. Ibinubukas namin ito habang nagkukuwentuhan pa kami at hindi pa inaantok. Tag-ulan noon at panay ang pagkulog. Sa bawat pagkidlat, sabay-sabay kaming magsisigawan at magtatawanan dahil ang pakiramdam namin, ang liwanag na nagmumula sa kidlat ay mula sa “flash” ng kamera ni Topico, ang paboritong photographer ng bayan. Ganito kami noon, ang babaw ng kaligayahan, ngunit anong dalisay na katuwaan!

-Panunungaw sa bintana ng mezzanine sa lumang bahay na pinangangaserahan namin sa Legarda kapag idineklarang walang pasok sa eskwela dahil sa bagyo. Aming pinapanood ang mga taong naglalakad sa ulan. Tanaw mula sa kinalalagyan namin ang puno ng tulay ng Mendiola. Baha na sa Azcaraga ngunit hindi ako pinapayagan ng kapatid kong kasama sa kasera na maglakad rito. Bagama't minsan, isinama ako ng isang kaibigan sa high school na sa UST nag-aaral ng medisina, na magtampisaw sa baha sa loob ng kampus ng universidad. Malinis ang tubig-ulan sa damuhan ng iskwelahan. Enjoy!

-May barkada rin ako sa UE CPA Review Class. Isang kabarkadang lalake noon ang may-ari ng owner na jeep na lagi naming sinasakyan sa pamamasyal. Kadalasan nga, wala pa iyong may-ari ng jeep, nakaupo na kaming lahat sa loob. Gustung-gusto namin kapag pinatatakbo niya nang mabilis ang jeep sa baha sa Espanya kapag inihahatid niya kami pauwi sa tinutuluyang apartment sa Craig. Sumasabog ang tubig-baha sa windshield ng jeep at sabay-sabay kaming sumisigaw. Ang saya! Isang araw, umuwi kami sa aming probinsiya dahil gusto raw nilang makarating sa aming bahay. Pagbalik namin ay napakalakas ng ulan at itinirik kami ng jeep. Nagtulak ang mga lalake at awa ng Diyos, nakabalik rin kami ng Maynila bagaman at ginabing tunay (nakagalitan ang kasama ko ng kanyang Papang). (Update sa kabarkadang may-ari ng jeep: Millionaire many times over na at hindi na sa owner jeep kami inaanyayahang sumakay, kundi sa kanya nang “yacht”, bukod pa sa pagdi-dinner sa kanyang mga restoran.)

-Ulan sa UP Campus nang isama ako ng isang kabarkada (iba't ibang panahon sa aking buhay, iba't iba ang aking barkada: teen-age; high school; dorm; college; early maturity. Natapos nang ako'y lumagay sa tahimik, pamilya ang naging prayoridad. Ngayo'y balik-high school at dormitory barkada.) Tandang-tanda ko pa ang paglalakad sa ulan sa ilalim ng malalabay na sanga ng mga puno sa UP Campus, patungo sa Area 2, para daw gulatin at sorpresahin ang isang taong may kaarawan sa buwan ng Hulyo. Ewan lang kung nagulat...

-Awit na Moon River na parang umuulinignig sa aking pandinig. Katatapos lamang ng isang nagdaang bagyo. Malawakan ang nangyaring pagbaha. Umuwi kami ng probinsiya mula sa sanlinggong pagtatrabaho sa Maynila. Malamig, mamasa-masa ang simoy ng hangin. Kulimlim pa ang panginorin ngunit namamanaag na ang gumagandang panahon.

-Awit na September in the Rain sa Burnham Park sa Baguio.

-Ulang pinapanood ng isang paslit na nakasilip sa siwang ng jalousie windows sa inuupahan naming apartment sa 62-C Jesus Street, San Francisco del Monte, QC isang araw sa buwan ng Hulyo, marami nang taon ang nakalipas, kung saan natuwa akong humabi ng isang tulakis:

after the rain
teardrops hang by the jalousie-panes
but a chubby little hand
ceremoniously brushed them away
while the innocent lips muttered
a nursery prayer:

“rain, rain, go away
come again, another day
me and my brothers
want to play
today is my birthday...”

today is my birthday!
and with this realization
away she sang...
“happy birthday
to me!”

Happy Rainy but Flood-free (nawa) Day to All !!!






Friday, July 15, 2011


MAHIRAP BANG MAKAISANG-PALAD ANG ISANG CELEBRITY?

Wala akong kaibigan o malapit na kakilala na may asawang celebrity. Para sa akin, ang “celebrity” ay iyong mga taong tanyag, maraming nakakakilala na hindi naman niya kilala. Alam ang kanyang buhay at sinusundan ang bawat kilos niya. Na karaniwan nang nangyayari sa mga artista – pelikula, teatro, telebisyon at iba pang larangan ng sining.

Mahirap bang makaisang-palad ang isang celebrity? Na nabubuhay sa mga harapang paghanga at adulasyon ng fans? Laman at paksa ng mga talkshows sa telebisyon, artikulo sa mga magasin, at pinag-uusapan sa facebook at tweet?Iniintriga? Ang mga munting pagkabisala o maling salitang namulas sa bibig sa isang interview ay pinalalaki?

Sa mga naging magkapalaran na kapwa artista, mabibilang marahil sa mga daliri ng kamay at paa, ang naging matibay ang pagsasama at hindi naghiwalay kalaunan. Noong araw, nariyan sina Tita at Pancho Magalona, mga magulang ni Francis M. Ang Da King at si Susan Roces ng panahong ito. Nariyan rin sina Lani at Bong Revilla na katatapos lang magdiwang ng kanilang ikadalawampu't limang anibersaryo ng kasal. Kapwa sila mga celebrities na ang pagsasama ay dinalaw rin ng mga gusot at intriga ngunit hanggang ngayon, pinagsusumikapan nilang mapanatiling buo ang pagsasama. Marahil, masasabing isang dahilan rin ay kapwa sila artista. Alam nila na kasama sa kanilang hanap-buhay ang mga problemang sumasapit sa kanila.

Ngunit paano, kung ang isa sa mag-asawa ay hindi kabilang sa nasabing propesyon? Isang ordinaryong tao na may ordinaryong hanap-buhay? Matatagalan kaya niya ang maging bahagi ng may kaguluhang buhay na ito? Sa mga ganitong pag-asawahan, kung maibabalik kaya ang nakaraan, may babaguhin ba sila sa kanilang naging disisyon noon? Na pakasal sa isang celebrity?

At kung ngayon ka lamang magpapasiya, at mayroon ka namang pamimilian, at sa pamimiliang ito ay may isang celebrity...

Sino ang iyong pipiliin?


ANG PIPILIIN

ANG masarap sa maganda, ligawin. At dahil marami kang talisuyo, mayroon kang choice. Tulad ni Cynthia, kung gusto niya ay tall, dark and handsome, at has some pa, nariyan si Eric. Ang mga magulang ay may-ari ng mga palaisdaan. Magaling magregalo ng mga sugpo at alimango. Kung tisoy naman ang kanyang trip, pwedeng-pwede si Jim. Ang tangos ng ilong. Maputing mamula-mula ang kutis. Balbon. Okey rin naman si Roy. Ngunit sa lahat, sa unofficial survey na ginawa ni Cynthia, tumanggap ng maraming boto si Nonong.

“Hindi siya masyadong guwapo, pero ang dating, aba, oozing with sex appeal,” sabi ni Idia.

“Ang mga mata, bedroom eyes. Para bang laging nagyayayang halina, matulog na tayo, Cynthia,” sambot naman ng pilyang si Soly.

“Pero higit sa lahat,” agaw ni Fe, si Nonong ay isang celebrity. Isang sikat na star. Magaling na mang-aawit. An all around entertainer.”

Doon napabuntung-hininga si Cynthia. Okey na nga sana si Nonong. Mabait. Personable. Very talented. Mga katangiang umaakit sa kanya. Mga katangian ding pumipigil upang hawakan niya ang kanyang sarili. Upang huwag mapanibulos ang kanyang loob dito.


SI NONONG ay kamag-aral niya sa UST. Noon. Kapwa Masscom ang kanilang kinuhang kurso. Nang kunin siyang muse ng isang organisasyong kinasasapian ni Nonong, doon sila nagkalapit. Niligawan siya. Ngunit noon, wala pa sa loob niya ang pag-ibig. Sunod, dumating ang kanilang pagtatapos. Nagkahiwalay sila ng landas. Napasok siya sa isang travel agency, kalaunan ay nalipat sa isang hotel. Samantala, si Nonong ay unti-unti namang sumisikat bilang isang mang-aawit.

Nang muli silang magkatagpo ni Nonong, ganap na ang tagumpay nito. Nabibilang na sa mga pangunahing mang-aawit ng bansa. Kaarawan ng isa niyang masugid na manliligaw at imbitado siya nito sa isang dinner show. Ni Nonong. Mamataan ba naman siya ni Nonong at patungkulan ng isang awit. Anito'y alay sa mga natatanging pag-ibig ng kanyang mga tagapakinig.

Magaling manghuhula ang kanyang kasamang binata. “Ikaw 'yon Cynthia, ano?”

Tumawa siya. Bakit ba siya magkakaila. “Noon pa 'yon. Wala na ngayon.”

Saglit na nag-isip, pagkuwa'y umiling ang kanyang kasama. “Mukhang mayroon pa, Cynthia. Lalaki ako. Alam ko.”

Hindi siya sumagot. Totoo ang sinabi ng kanyang kasama. Dama niya, umiibig pa rin si Nonong sa kanya.

Dumating sa kanilang bahay si Nonong isang araw, simpling araw, makahapunan. Nakakotse. May tsuper. Na agad nakilala ng kanilang mga kapitbahay at mga pininsan. Nagsilip-silip sina Fe, Idia at Soly. Naaasiwang pinatuloy ng kanyang nanay si Nonong.

“Naligaw ka,” bungad niya.

Ngumiti si Nonong. “Hindi ako naligaw. Sinadya ko talaga ang pagpunta rito.”

“Kumusta ang buhay-artista. Ang sarap sigurong maging sikat.”

“Masarap na mahirap. Mga recordings, promotions, preparasyon sa mga dinner shows, tv shows, imbitasyon kung saan saan...”

“Fulfilled ka naman. Natupad ang mga pangarap mo noon. Nang nasa UST pa tayo. Na pinakakanta ka naming lagi, wala namang bayad.”

Tumango, tumawa si Nonong. “Kalahati ng pangarap ko, natupad na. Pero iyong kalahati, hindi pa.”

“Gusto mong maging international singer,” panimula niya.

Ngumiti kasabay ang kibit ng balikat , si Nonong. “To perform abroad. Concerts para sa ating mga kababayang immigrants na uhaw sa mga Filipino talents. At kung sinusuwerte, baka may makagusto, magkaroon ng break...”

“Tiyak may makagugusto,” aniya.

Tumawa si Nonong. 'Yan ang gusto ko sa iyo, very supportive ka.”

“Believe ako sa iyo, sabihin mo,” agaw niya.

Tinitigan siya ni Nonong. “Talaga?”

Sinalubong niya ang mga mata ng binata. “Talaga.”

Muli, nanligaw ang binata sa kanya. Basta may panahon ito, laging dumadalaw sa kanya. Kung masyadong busy, tumatawag lamang sa telepono. Minsan, may dumarating na bulaklak sa kanya kahit walang okasyon. Mga love notes, hallmark cards, tipong missing you, thinking of you, I love you, dumarating sa pamamagitan ng koreo.

Kahit mahal ang mga magasing pang-artista, bumibili na ang mga pinsan ni Cynthia. Binabasa ang lahat ng artikulo. Sinasala ang kolum nina Inday Badiday, Kuya Germs, Tito Nards at kung sinu-sino pa. Gustong matiyak na walang natsi-tsismis na babae kay Nonong.

“Para sa amin, Cynthia, okey na si Nonong,” sabi ng mga ito.

“At alam mong in love talaga sa iyo. Dahil noon pa man, nanligaw na,” ang dagdag.

Naniniwala siyang tunay ang pag-ibig sa kanya ng binata. Ngunit nangangamba siya sa dahilang magkaiba ang ginagalawan nilang daigdig. Kahit masasabi nang sosyal ang uri ng hawak niyang trabaho sa hotel, iba pa rin ang kay Nonong. Ang mga taong kahulubilo nito ay nabibilang sa sining, mga prodyuser, direktor, artista, reporter, at mga tagahanga na kadalasan ay siyang pinakamahirap pakisamahan. Takot siya sa intriga.

Tutol ang kanyang ina. Magkatulad ang kanilang dahilan. Pareho ang kanilang pangamba. “Baka lumuha ka lamang,” sabi nito. “At saka, mabuti kung nag-iisa ka sa buhay niya. Karaniwan sa ganyan, may iba pa.”

Naikwento niya kay Nonong ang lahat. Napailing ito. “Nauunawaan ko ang nanay mo. Ngunit siguro naman, alam mong totoong lahat ang damdamin ko sa iyo. Kundi lamang sa isang bagay na mahalaga rin sa akin, ngayon din ay yayayain kitang pakasal.”

Nagpaliwanag si Nonong. “Dito sa atin, ang buhay ng isang artista ay walang katiyakan. Ngayon ay sikat ka, limpak ang kinikita. Bukas, maaaring laos ka na, wala nang tagahanga, wala nang bibili ng iyong plaka, hindi ka kukuning umawit sa mga show, hindi ka na bankable. Kung minsan, napakasimpli at walang kakwenta-kwenta ang dahilan.”

“Halimbawa'y nag-asawa ang isang artista,” kanyang wika.

Tumango si Nonong. “Halimbawa'y nag-asawa ang isang artista.”

“At iyon ang dahilan mo, kaya di mo ako mayayayang pakasal.”

“In a way, yes,” ayon ni Nonong. “Kaya, bago kita yayaing pakasal, nais ko munang matupad ang kalahati ng aking pangarap sa buhay. Ang maging international singer. O kundi man, maging kilala at maaasahang singer sa mga concert abroad. Kapag kasi narating na ng isang Filipino artist ang status na yaon, naiiba ang perception sa kanya ng mga fans. Kahit may asawa siya, o anak, natatanggap na. Kaya ko rin ito nililiwanag sa iyo, Cynthia, ay sa dahilang nais kong maging matapat sa iyo. Kung magiging mapalad ako sa pag-ibig mo, hihilingin kong maging malawak ang iyong pang-unawa, maging malaki ang iyong puso, at maunawaan mo ang magiging kalagayan natin.”

Sabi ng kanyang nanay. “Masasaktan ka lamang. Magiging kasintahan mo nga siya, ngunit itatago ka naman niya. Hindi puwedeng malaman ng mga tagahanga niya. At ang mga reporter, walang patawad ang mga iyon. Dadalirutin ang buhay mo.”

“Wala naman tayong itinatago,” sagot niya.

Tiningnan siya ng kanyang nanay. “Wala nga. At iyon ang masama. Iyong wala naman, kamukat-mukat mo'y magkakaroon. At isa pa. Magaling ngang mang-aawit si Nonong, ngunit sa panahong ito'y napakamaraming magaling. Kailan niya matatamo ang kanyang minimithi. At paano kung maging mailap ang tagumpay sa kanya. At bumilang ng mga taon. Patuloy ka pa ring maghihintay. Hanggang kailan. Hanggang lipasan ka ng panahon. Paano kung dumating nga ang kanyang pangarap ay nagbago na ang damdamin niya sa iyo. Hindi siya ang nawalan. Ikaw. Ikaw lamang.”

Totoong lahat ang sinabi ng kanyang nanay. Ito rin ang mga dahilang mahigpit na pumipigil sa kanya. Kung naging ordinaryo tao lamang si Nonong, wala sana siyang problema. Subalit iba naman ang katuwiran ng kanyang mga pinsan.

“Talagang ganyan ang pagibig, isang pakikipagsapalaran. Parang sugal. Maaari kang manalo, maaaring matalo,” wika ni Fe.

Umiling siya. “Kaya nga ayoko ng sugal. Simple lamang akong tao. Simpli rin ang pangarap ko sa buhay.”

“Pero huwag mong sabihing palalampasin mo ang pagkakataong maging boyfriend ang isang sikat na singer,” sabay-sabay na tutol ng mga ito.

“E, anong gagawin ko. Malabo ang hinaharap ko kay Nonong.”

“Give it a try. Malay mo, baka matupad agad ang pangarap niya. E, di pakakasalan ka agad niya. Kundi naman at sa palagay mo'y malayo at hindi mangyayari, e, di bumitiw ka.”

Sinagot niya si Nonong.

Mabait at maalalahanin si Nonong. Kung may usapan sila at hindi makararating, agad nang magpapasabi. Busog siya sa mumunting alaala. Mga tawag sa telepono. Ilang okasyon, dinala at ipinakilala siya sa pamilya. May ilang kaibigan itong nakaaalam ng kanilang relasyon.

At isang araw, nakadama siya ng pagbabago sa sarili. Waring hindi na niya matatagalan ang gayong kalagayan. Itinatago, inililihim. Hindi ganap ang kaligayahan. At kinausap niya si Nonong. Sinabing hindi na siya makapaghihintay.

Hindi tumutol si Nonong. Nauunawaan raw siya.


ANG masarap sa maganda, ligawin. Hindi nagtagal, may bago na namang mga manliligaw si Cynthia. Ngunit kung baga sa gamugamo, napaso na si Cynthia. Ngunit alam niya, kapag umibig siya ngayon, titiyakin niyang ang kanyang pipiliin ay hindi na siya papaghihintayn. Na kung paanong ito ang magiging una sa kanyang puso, siya naman ang magiging una rin sa puso nito.

Liwayway, Agosto 1, 1988



Sunday, July 10, 2011

TALASALITAAN NI AMAYA


TALASALITAAN NI AMAYA


Pana-panahon lamang. Noon, ginagabi ako sa pagsubaybay sa Pinoy Big Brother ng ABS-CBN dahil kay Robi Domingo. Naikwento ko na rito sa blog ang tungkol kay Robi, kung paano ko siya nakilala. Sumunod naman ay ginabi rin ako sa panonood ng Survivor Philippines ng GMA. Kaya, masasabing namimili ako ng panonoorin at hindi nakatutok sa isa lamang channel. Isa pa'y hindi ako makasingit na manood ng telebisyon sa aming bahay. Kaya nagkakasya na lamang akong magbasa at habang nagbabasa ay makinig sa mga pinatutugtog na CD. Bagama't may pagkakataong pinagbibigyan nila ako.

Sa ngayon ay sinusubaybayan ko ang “AMAYA” dahil nainteresado ako sa nababagong dayalogo nila. Tulad nang sinabi ng isang kolumnista, alam kong ang “Amaya” ay hindi rin naman naiiba ang tema ng pag-ibig at buhay ng mga karakter sa mga naipalabas na. Nasa mga “twists” lamang ang ikaiiba nito. Nasa “panahon” na ginagalawan ng mga karakter. Nasa mga artistang gumagananp. At maliwanag na maliwanag, nasa naiibang dayalogo. Nasa maayos na pagbigkas. Nasa nababagong salita na marapat sigurong matutuhan at matandaan ng mga nanonood.

Ilan sa natatandaan ko ang sumusunod. Ang mga nababagong salita, sa unang paggamit ay inilalagay ang kahulugan sa screen ng telebisyon. Minsan, hindi ko ito nakikita, ngunit dahil sa kanilang paggamit ay medyo nahuhulaan ko ang kahulugan. Kung nagkamali ako ng pag-intindi, sana ay may magsabi ng tamang kahulugan nito.

-Bana – na ang kahulugan ay asawa. Naalaala ko noong araw, may kaibigan akong manunulat at makata, Liwanag ang kanyang pangalan, nagkukuwento siya sa akin nang nabanggit niya ang salitang “ang aking bana”. Tinanong ko siya kung ano iyong “bana”. Asawa, ang aking asawa, ang sagot niya. At iyon ang unang pagkakataong narinig ko ang salitang “bana”. Sa “Amaya” ko lamang muling narinig ito.

-Iloy – na ang kahulugan ay ina o nanay. Iloy. Masarap ring bigkasin. May indayog at may lambing. Parang Inay. Parang Inang. Parang Ima. Mama? Mommy?

-Baba – na ang kahulugan ay ama o tatay. Sa unang pagbigkas, parang walang lambing, ngunit nang sinasambit ito ni Marian Rivera habang nananangis siya sa pagkapaslang sa kanyang ama, ay madarama ng nanonood ang damdamin ng pagmamahal ng anak sa kanyang ama o Baba. Lalo pa't masasabing ulila siya sa ina.

-Ginoo – ang tawag na may paggalang sa anak na lalake ng isang maharlika o may kapangyarihang Rajah. Ang “Ginoo” ay “Mister” sa katawagan ngayon. Bagama't masyado nang palasak ang pagtawag ng “mister”, ngunit sa simula, ito ay tawag na may respeto.

-Bae o Bai – ang tawag sa anak na babae ng isang may katungkulan sa isang “banwa”. Kung ang pangalan ng “bae” ay Marikit, kung kausapin siya ng mga “uripon” ay “Bae Marikit”. Ang katulad siguro nito sa ngayon ay “Miss”, itinatawag sa isang babae na may kasamang respeto. Ngunit sa panahon noon, ito ay itinatawag lamang sa mga may dugong mahal, o may katungkulan.

-Banwa – hindi ko masyadong natandaan ang iksaktong kahulugan, ngunit ayon sa paggamit ng mga karakter, waring ito ay isang komunidad o pamayanan na nasasakupan ng isang datu o rajah.

-Bukot – ang bahay na tinitirahan ng mga “bae”. Ang mga “bae” ay hindi basta lumalabas dito kaya sila ay nakaduyan o kinakarga upang huwag sumayad ang paa sa lupa.

-Binukot – ito naman ang tawag sa mga anak na babae ng datu. Kumbaga, parang sila ay mga prinsesa. (Salamat sa isang nagmagandang-loob na itinuwid ang maling nailagay rito.  Mabuhay ka!  Sana ay patuloy kang sumubaybay rito.)

-Uripon – alipin ang kahulugan nito. Sila ang mga nagtatrabaho para sa kanilang mga amo o nagmamay-ari sa kanila.

-tagna – hula.

-himalad - panghuhula

-babaylan – manghuhula, manggagamot at marami pang kahulugan, batay sa kung ano ang kanilang “expertise”.

Ang iba pang mga salitang ginagamit sa dayalogo ng Amaya ay: timawa, umalagad, pangangayaw, pamamangkaw, alabay. Na hindi ko nabasa ang iksaktong kahulugan nang ilagay ito sa screen ng tv. Ngunit ayon sa paggamit sa dayalogo, parang ang ibig sabihin, ng mga ito ay malaya (timawa), mga bathalang dinadasalan nila (umalagad), at pananakop sa isang nilusob na banwa (pangangayaw), pamamanhikan (pamamangkaw), trainee o mga mag-aaral at kandidato sa pagiging babaylan (alabay). Marami pa akong hindi natandaan, bagaman at kapag ginagamit sa dayalogo ay nauunawaan ko naman.

Ang nakatutuwa, waring pumapasok na sa lengguahe ng marami ang ilang salitang naririnig sa “Amaya”. Kagagaling ko lamang ng probinsiya, at may nakausap akong isang guro sa elementarya. Sa paaralang pampubliko, may grupo ng mga tinatawag na “cleaners” na pinipiling maglilinis ng kanilang silid-aralan. Ganito kami noong araw. Ibang araw, ibang grupo. Hanggang ngayon pala ay waring ginagawa pa rin ito, dahil siguro hindi magagawang linisin ng iilang dyanitor ang lahat ng mga silid-aralan. Kamakailan raw, narinig niyang nag-uusap ang mga batang iskwela. Anila: “Kayo ba ang uripon ngayon?” Hindi man marahil iksakto ang pakahulugan ng mga bata, ang punto ay inaangkin na nila ang nasabing salita. At ganito naman lumalago ang lengguahe ng isang bansa. (Isa pa'y masasabing katangian na ng mga Pilipino ang paggamit ng salitang hiram na iniaayon nila sa kanilang sariling pakahulugan.)

Nakatutuwang makarinig ng ibang salita na likas naman pala rito sa atin. Kaya lamang, ay noon pa ginamit at ngayon ay halos nalilimutan na, nawawaglit na sa gunita, kahit na ng mga taong pinagmulan nito.

May isang nagtanong sa aking blog kung magiging suliranin raw ba na isama ang mga salitang nagmumula sa ibang wika o lengguahe sa ating Pambansang Wikang Pilipino?

Opinyon ko lamang: Ang tunay na wika ay isang wikang lumalago o lumalaki o lumalawak sa pamamagitan ng paggamit sa tuwina ng mga salita, bago man ito o dati na. Kung ang mga nasabing salita ay nagiging bahagi na ng pang-araw-araw na gamit, sa pagsasalita, sa pagsulat, sa radyo at telebisyon, sa peryodiko, at nalalagay na sa utak ng mga tao, hindi na pinag-iisipang bigkasin, bagkus ay lumalabas nang kusa sa bibig, nagiging karagdagan na ang mga ito sa ating Wika, galing man ito sa ibang lengguahe. Na nangyayari na ngayon. Mga salitang Ingles o Kastila o Hapon o Arabo.

Opinyon ko pa rin: Higit siguro kong magugustuhan, kung ang ma-assimilate o maging bahagi ng ating Wikang Pambansa na binubuo halos ng mga salitang Tagalog, ang mga salitang nagmumula sa iba't ibang dialect sa Pilipinas. Bilang karagdagan, o isa sa mga inaalay na pagpipilian, nais ko ring makita na i-offer na
optional subjects sa mga eskwelahan (high school siguro), hindi lamang ang French, Spanish, Mandarin o anupaman, ang Cebuano, Ilongo, Kapampanan, Ilokano, Pangasinan at iba pang dialect sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Kung nagkakaintindihan tayo, Tagalog man ako o ikaw ay Muslim, Kapampangan man siya o Bisaya o Ilokano, madali nang magkaunawaan sa iba pang mga bagay. Kung ang lahat ng Pilipino ay nag-uusap na nagkakaintindihan ng tunay na ibig nilang sabihin, sa palagay ko'y abot-kamay na ang pagkakaisa. Bakit hindi ito naiisipan ng mga Congressman o Senador?

Ituloy na ngayon ito sa pag-aaral ng ibang wika ng ibang bansa. May nabasa ako noong araw, mauunawaan mo lamang daw ang “kaluluwa” ng isang bayan, kung mababasa mo ang mga nakasulat sa kanilang panitikan.

Samantala, sumainyo ang dakilang pagpapala ni Bathala!





















Monday, July 4, 2011


GANITO SILA NOON


Ang lahat ay nagsimula sa mga kwentuhan at kaabalahan sa pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng pagsilang ni Dr. Jose Rizal. Itong interest sa mga bagay na naganap noong araw... na kay layo nang panahon.

Noong nabubuhay pa ang aking Amang, naitanong ko kung naabutan niya si Rizal. Hindi. Dahil isinilang siya ng 1898, namatay si Rizal ng 1896. Lumaki siyang naririnig na pinag-uusapan, ganoon lamang.

Ngunit kamakailan, sa isang pag-uwi sa probinsiya, sa isang pagliligpit at pag-aayos sa mga lumang kahon, sa lumang bahay ng aking “bana”, may natagpuan kaming dokumento, a true copy of a baptismal certificate dated July 13, 1947. Ito ang Partida Bautismo ng nuno o IMPO ng aking bana. Ang kanyang Impo ay bininyagan noong Hulyo 6, 1870. Nakatutuwa ang hitsura ng nasabing dokumento na nasusulat sa Wikang Kastila. Narito ang mga datos na sinasagot sa nasabing dokumento:

Parroquia de ----------- Malolos
Provincia de------------ Bulacan
Libro de Bautismo No. 20
Folio 152
Fecha del Bautismo – 6 de Julio de 1870
Nombre del Ministro-- Exequiel Merino
Nombre de la Bautizada – (ngalan ng Impo)
Fecha de Nacimiento – (kailan ipinanganak)
Legitimidad --- Hija legitima
Nombre del padre – (ngalan ng ama)
Natural de--- (kung tagasaan)
Nombre de la madre – (ngalan ng ina)
Natural de --- (kung tagasaan)
Residencia de las padres - (kung saan nakatira)
Abuelos Paternos – (paternal grandparents)
Abuelos Maternos – (maternal grandparents)
Padrino o madrina – (ninong o ninang)
El Cura Parroco Rev. Sr. ---

Ang nasabing dokumento ay isang “true copy of the original” lamang (1870) na animnapung taon na katagal (1947), ibinabadya nang mamula-mula at halos malutong nang papel. Ang kinauwian ng pagkadiskubre sa lumang dokumentong ito ay ang nagising na interest sa mga ninunong pinagmulan.

Ang lumang larawan sa antigong kuwadrong nakasabit sa dingding ay muling pinagmasdan, inusisa ang mga pangalan, inanalisa ang mga kasuutan na mga sinaunang saya, ang naguas de ojetes, makapal at itim na medyas sa malaki ang takong na sapatos, payneta sa ayos na ayos na buhok, hawak na pamaypay sa mga babae at amerkanang unat na unat sa lalaki. Iisa ang hitsura ng kanilang katawan, tuwid na tuwid. Pormal ang mga mukha, walang ngiting mababakas sa mga labi, nanunuri ang mga mata.

Ganoon sila noon. Hindi tulad ng mga “wacky poses” natin ngayon!

Kayo, sa mga pagkakataong nauuwi kayo sa probinsiya, sa lumang bahay ng mga ninuno ninyo, ugaliing magbuklat ng mga lumang album at pagmasdan ang mga lumang larawan nila. Sa totoo lamang, may isang libo't isang kasaysayan ang nakapaloob sa mga larawang ito. May malaman lamang tayong isa, hindi na natin mapipigilang mag-isip, magmuni-muni, magnilay-nilay... tuloy maaaring may mapulot tayong aral o leksiyon sa mga ito... tuloy mabago ang ating buhay. Mga kwento ng kanilang pag-ibig, tulad ng isang naisalaysay sa akin ng pinakapanganay kong kapatid. Bagama't hindi ito circa ng panahon ni Rizal at ng nabanggit kong ninuno na nasa partida bautismo, masasabing maibibilang na rin ito sa panahong “ganito sila noon...”

-Isa siyang dalagang nabibilang sa mabuting angkan sa kabayanan. Ang kanyang nobyo ay gayundin ang kinabibilangang pamilya. Kapwa sila nag-aral sa kolehiyo. Hindi sila nagkatuluyan, bakit 'ikamo? Kapag nagkasalubong ang nasabing magnobyo sa kalsada, ni hindi raw tumitingin, o bumabati ang dalaga sa kanyang nobyo. Ito ang dahilan kung bakit tinabangan ang lalaki. Kung iisipin, hindi ba naunawaan ito ng nobyo, na ganoon ang kanilang kinabibilangang panahon? Na ang dalaga ay hindi tuwirang nakikipag-usap sa nobyo, lalo pa at sila ay nagkasalubong lamang sa kalye? (Anong rupok naman ng kanyang pag-ibig!)

-Isa pang kwento ng pag-ibig noong araw. Magnobyo rin sila. Nagkaroon ng digmaan, sinamang-palad na nasugatan ang nobyo. Hindi ito nadalaw ng nobya (o kung nadalaw man, baka minsan lamang, at may kasama pang bantay). Hindi rin sila nagkatuluyan. Ang napangasawa ng lalake ay isang dalagang hindi nangiming dumalaw (at nag-alaga pa?) sa kanya. Kumbaga, ay napanibulos ang loob ng lalake rito. Nang panahong yaon, masasabi nang makabago ang dalagang nagbantay. Ang nangyari, tumanda at namatay na dalaga ang sawing kasintahan. Ngunit hanggang sa huling sandali, laging kinukumusta ng lalake ang dating kasintahan. (Ibig sabihin, sa kalibliban ng kanyang puso ay nananatiling namamahay ang kanyang pag-ibig sa dalagang hindi naging kapalaran. Basahin ang ang kwento kong “Takipsilim” sa aklat kong “Minsan, May Isang Pag-ibig”.

-Magkasintahan ring hindi nagkatuluyan. Nasa probinsiya ang babae, isang guro. Isang alagad ng sining ang lalake na gumagalaw sa ibang daigdig. Nagkahiwalay sila nang hindi nagkakaliwanagan. Nagkaroon naman sila ng kani-kanilang kapalaran sa buhay. Ngunit nang dumating ang sandali ng kamatayan sa lalake, ipinatawag niya ang dating kasintahan upang humingi ng tawad.

-Magkasintahan sila sa isang panahong hindi pa yata naiimbento ang salitang “ecumenism”. Magkaiba sila ng relihiyon, kapwa aktibo sa kani-kanilang simbahan. Kapwa kabilang sa korong umaawit sa misa. Hindi sila nagkatuluyan, ngunit kapwa hindi umibig sa iba. Hanggang sa dapit-hapon ng kanilang buhay ay muli silang nagkatagpo at ang pag-ibig sa isa't isa na isinaisang-tabi ay muling binigyang-buhay. Napakasal na sila... sa panahong higit na maunawain ang mga tao. (Hindi ko lang alam kung kani-kaniya pa rin sila ng pinupuntahang simbahan.)

Ang ganda ng kanilang mga kasaysayan ng pag-ibig. May malulungkot nga lamang. Maihahalintulad ba ang kanilang kwento sa mga kwento ng pag-ibig ngayon? Sa mga magkasintahan na kapag nag-break na raw, ay agad nang nakahahanap ng iba? Na kung minsan, kapatid o pinsan o best friend pa ng dating nobya o nobyo ang napipili?

Pero sabi nga, talagang ganyan ang buhay. E, kung talagang iyong isa ang gusto, bakit hindi? Ang katuwiran nila ay nagiging “totoo” lamang sila sa kanilang sarili. At iyan ang panahon ngayon. Na iba sa panahon noon... Kaming nakapagitna sa dalawang panahong ito ay nagtataglay ng mga katangian, masama at mabuti, ng nasabing dalawang panahon. Sa ilang pananalita, kami ay “bunga at bihag” ng aming panahon. Tulad ni Dalisay.

Pagbalikan basahin ang kwentong “Pag-ibig ni Dalisay” na lumabas sa blog na ito noong Pebrero 22, 2008, ang kauna-unahang kwento rito. At hintayin ang kwento para sa buwan ng Hulyo. Ang pamagat?

ANG PIPILIIN.