Wednesday, March 31, 2010

COMMENTS AND FEEDBACKS, MARCH 2010 TALASALITAANG BULAKAN



COMMENTS AND FEEDBACKS, MARCH 2010
TALASALITAANG BULAKAN


May feedback na tinanggap ako tungkol sa TALASALITAANG BULAKAN. Ikinatuwa ko ito dahil una, ang tagal nang hindi nag-e-email sa akin ang kaibigan kong ito na taga-States, na hindi ko alam kung binabasa niya ang aking blog, bagama't ang sabi nang huli kaming mag-usap sa telepono ay binibigyan pa niya ng kopya ang ilang kaibigan niyang Pinoy na mahilig magbasa ng kwento. Ikalawa, ang ibinahagi niyang mga “salita” ay naiisip ko na nang umagang bago ko pa nabasa ang kanyang email. Ibig sabihin, gumagana pa rin ang ESP namin. Kumbaga, naka-tune in pa rin kami sa isa't isa. Hindi pa nalalagot ang tali. Tulad niya, lubos din akong nagpapasalamat.

-Nagbabalik ang mga magagandang alaala ng ating kabataan. Ako ay lubos na nasisiyahan. Maraming salamat.

Ang mga natatandaan ko ay ang tawag ng Tatay na katyaw sa halip na tandang. At isa pang salita ay matingki. (Mula kay Baby V)


(Katyaw... ganoon nga ang karaniwang tawag sa tandang noon. Matingki... ay nasa klasipikasyon ng mga salitang mabangga, mabunggo, madaiti, masagi. Pero, may degree ang pagkakaiba. Tulad nito -

mabangga – Kung nabangga (past tense) kita, halos sapol kitang tinamaan, baka nabuwal ka pa. Ibig sabihin, malakas ang pagtatama ng ating mga katawan.

Mabunggo – Kung nabunggo ko ang mesa, maaaring nabuwal ang flower vase na nakapatong rito. Medyo nabawasan ang lakas ng pagkatama ko sa mesa. Gumewang lamang ang mesa, kaya nabuwal ang flower vase.

Madaiti – Kung masikip ang sasakyan, maaaring magkadaiti ang ating mga braso kapag tayo'y magkatabing nakaupo, halimbawa, sa jeep. Ibig sabihin, bahagyang nagtatama, pero hindi na pinapansin.

Matingki o ma-ingki – Dito ay parang pinung-pino ang pagtatama ng isang tao at isang bagay. Halimbawa, ganito ang sasabihin kapag may binibihisang bagong opera: “Dahan-dahan lang, baka matingki mo ang aking sugat...”

Masagi – ay halos pareho ng matingki. Mas malaki lamang nang bahagya ang nakasagi. Halimbawa, nasagi ng braso o bisig ko ang halamang nasa paso. Pero, natingki (ng daliri, halimbawa) ko ang sugat niya, gayong ingat na ingat na ako.

Dahil naumpisahan na ito, naalaala ko tuloy ang iba pang mga salita na nasa ganitong kategorya. Na sa States ko pa naririnig. Kapatid ko ang nagsabi, na pag sumumpong ang kanyang arthritis, eengkang-engkang na siya sa paglakad.

Eengkang-engkang. Iingkud-ingkod. Iika-ika. Mga salitang pare-pareho rin halos ang kahulugan, nasa degree lamang ang pagkakaiba.

Eengkang-engkang – Masakit ang balakang, o kuyukot, may arthritis, kaya eengkang-engkang sa paglakad. Ibig sabihin, halos buong katawan ay kasama sa tagilid o hindi pantay, eengkang-engkang na paglakad.

Iingkud-ingkod – Dito ay medyo nabawasan ang hindi na natural na aksiyon sa paglakad. Mas pino ang galaw, halos mula baywang lamang pababa sa paa.

Iika-ika – A, karaniwan nang ang masakit rito ay nasa tuhod o paa lamang. Mas higit sa paa na nakatapak ng pako (painiksiyon agad ng anti-tetanus). Hindi itinatapak ang paang nakatapak, kaya depende sa kung aling bahagi ng talampakan ang napako, iyon lamang hindi masakit ang itinatapak, kaya iika-ika, sa paglakad. Minsan nga, kumakandirit na lang.

Kandirit – palundag-lundag na paglakad na gamit ay isang paa lamang.

Umipod – Kung magkatabi kayong nakaupo, at masyadong nakasiksik sa iyo ang katabi (karaniwan ay mga batang nais kumandong at nais mong ito ay gumawi-gawi ng upo sa natitira pang espasyo, ang sinasabi ay “umipod ka nga doon!” O umusad. Ang umiipod kasi ay hindi tumatayo upang umalis sa kinauupuan, manapa'y iniuusad lamang niya ang kanyang puwet, palayo sa katabi. Sa Candelaria, Quezon, ang nariring kong sinasabi ay “dumais-dais ka nga diyan, maligalig kang bata ka!”

Habang ginagawa ko ito ay aking naiisp, tunay na napakayaman ng wikang Pilipino! At nasa Bulakan pa lamang ako. Isipin mo ang iba pang mga lalawigan at rehiyon, iba pang mga dialects at lengguahe (dahil dito raw sa Pilipinas, ang ibang tinatawag nating “dialect”, sa katotohanan ay itinuturing na “language”. May pagkakaiba ang dalawa.

Bagaman at nais kong magbigay ng disclaimer, na baka hindi naman sa buong Bulakan ginagamit ito. O baka sa Malolos lamang. O baka sa aming baryo Sto. Rosario lamang. O baka sa bahay lamang namin. Bagaman pa rin, na sa loob ng aming bahay, lumaki ako na ang pagsasalita ng maling tagalog ay laging iwinawasto ng aking Amang. Hindi iyong grammar, kundi iyong right choice of word, na tama doon sa nais kong ipakahulugan.

Muli, maraming salamat kay Baby!)



At mula California - Dagdag sa Talasalitaang Bulakan na hindi na raw niya naririnig ngayon. Inilagay ko na ang alam kong kahulugan ng mga salitang walang nakasulat na paliwanag.

1- bigkis – ito ay ang telang ipinantatali sa tapat ng pusod ng bagong kasisilang na sanggol, na hindi na ginagamit ngayon sa mga ospital. Minsan, itinatawag rin ito sa magkakataling mga kahoy na panggatong. O tubo sa palengke. Ang tubo ay pinapangos, baka hindi alam ng mga bata, kasi, wala na ngayong itinitindang tubo sa gilid ng karsada.

2- inuyat/ginaok – Ay, masarap ito na ipinapahid sa mainit na pandesal. Tawag ngayon dito ay coco jam.

3- bagting – pwedeng kwerdas ng gitara (sino kaya ang nakatatanda ng awit na ito “bagting ng kudyapi'y lagot na, dinggin mo ang harana...) o malaking alambre na itinatali sa mga bahay na pawid, ang isang dulo at ang kabilang dulo ay sa isang matibay na kahoy o piraso ng kahoy na ibinabaon naman sa lupa kapag may darating na bagyo. Isang karaniwang tanawin, bayanihan pa, sa probinsiya, kapag may balitang may daraang bagyo sa lugar.

4- kuting - maliit na pusa

5- tuta - maliit na aso

6- mola- malaking kabayo

7- besero- maliit na kabayo o bisiro.

8- tiburin - sports kalesa – two-seater ito, equivalent sa mga sports car.

9- kumon – kubeta – tinatawag din itong kasilyas; toilet ito.

10- sungkit – isang mahaba at medyo payat na kahoy o kawayan na may nakabarigang maikling patpat sa dulo, o kung minsan ay pako, na ginagamit na pangkawit ng isang bungang-kahoy sa mataas na puno.

11- tandang - rooster

12- inahin – At may awit din ang mga bata na ganito: ang inahing manok, kangina'y pumutak, putak, putak, putak, ako ay nagulat!

13- sangkaterba – na kasingkahulugan rin ng sangmalmal, sandamukal, sandamakmak, ibig sabihin, ang dami-dami-dami....

14- alitaptap – may alitaptap pa ba ngayon? O nilipol na ito ng polusyon? Sa Sonia's Garden sa Tagaytay/Alfonso, Cavite, nang nag-overnight kami noong Setyembre ng nakaraang taon, may isang puno sa hardin ni Sonia na pinamamahayan ng sangkaterba, sandamukal na alitaptap. Kay ganda-ganda....

15- dalahira – alam ng lahat kung ano ang tsismosa, pero ang dalahira, ay several degrees na grabe sa tsismosa. Hindi lamang ito mapaglubid ng buhangin, mapagkulapol pa ito ng putik.

16- uma-alindayog – o umiindayog? Kung si Tarzan ay nasa itaas ng mataas na puno sa gubat at may gustong puntahan, nilulundag niya ang isang nakasabit na baging at palipat-lipat siyang umiindayog sa mga puno hanggang makarating kay Jane. O kay Cheetah!

More coming, pag na alala ko. (From Mon T.)

(Wala na akong masasabi, kundi maraming-maraming salamat sa mga INPUT mo. Sana, ay magpadala rin ang iba pa at malay mo, makagawa tayo ng kalipunan ng mga salitang unti-unti nang nawawala sa bokabularyo ng tao. Ang misyon natin ay mapanatiling buhay ang ating wika, hindi lamang ang sa Bulakan, kundi pati na sa iba pang lalawigan. At rehiyon. Isang Talasalitaang Pilipino. Sasabihin ng taga-Bulakan, saglit lamang, sandali lang, teka lang o 'anteka muna... Na aayunan ng isang Kapampangan ng kapa mu, kapa mu... Ng isang Cebuano ng kadyut lang... Ng isang tinedyer ngayon ng wait lang!)



-Kumusta na? Kami ay okay naman. Busy sa mga grandkids.
Salamat at nakuha mo and mga kwento after ng bagyo. Lagi kong binabasa at
ako'y talagang nag-e-enjoy sa mga kwento mo. Habang binabasa ay para
bang nakikita ko ang mga pangyayari ," excellent , vivid descriptions of the details".

Noong araw na bata pa ako, hindi ko na-a-appreciate ang details, pero ngayon,
iba pala, lalo na kami ay narito sa Amerika na puro English ang aking
nadidinig. Talagang real na Tagalog ito, at tunay na you deserve to be
an AWARDEE . Keep sending , Maraming Salamat. (From Lilia)

(Pareho tayo. Noong bata pa ako (nineteen forgotten na), hindi ko rin masyadong gusto ang mga detailed narration sa isang kwento. Gusto ko ay panay conversation na lang. Ang totoo, sa pagsulat ng kwento, ito ang gusto ng mga publisher ng magasin, na mabilis ang takbo o kilos o daloy ng kwento. Kapag narration kasi, parang nakahinto, unless, mga “verb” ang gamit dito. Later however, medyo lumabas iyong technique o style na natural siguro sa akin, na kahit narration, parang may kinakausap ako, kaya kahit paano, hindi naman “boring”, hopefully. Salamat din sa pagsubaybay ninyo sa blog.)


-Lubhang malawak ang iyong imagination para mailagay mo sa isang kwento ang ganyang mga pangyayari. Siguro nga, maraming Rodel ang nagdaan sa masalinuot na buhay..... (From Claire)

(Tunay ngang maraming Rodel sa buhay nating ito. Hindi lamang sa larangan ng pag-ibig, kundi sa buhay mismo. Na nais ay biglang-yaman. Halimbawa, mga tao sa paligid, na nagbabakasakaling tumama sa lotto. Pero, small time lamang ito. Ang beinte pesos na panaya ay kaunting bawas lamang sa pambili ng bigas. Ngunit sa larangan ng pulitika...

Sana, matuto silang tulad ni Rodel. Na makamit man nila ang kanilang minimithi, maging matapat sila sa kanilang tungkulin at huwag magpadala sa halina ng pagpapayaman.)



-Maraming, maraming salamat sa mga magandang sinulat mo, lalo na iyong tungkol sa mga "AWITAN." Kaya pala noon... ay malaki and naitulong mo sa mga kinanta natin. Maramin kang alam na kanta, at talagang pinaghandaan mo kami, KAYA NAPAKASAYA NG ATING AWITAN. This proved, beyond any reasonable doubt, that "PREPARATION IS THE KEY TO HAPPINESS AND SUCCESS, AND WE WILL CHERISH AND ENJOY IT FOREVER, WHEREVER WE MAY BE."

You are right, Eve, that GOOD MUSIC brings back happy and sad memories. The beautiful and meaningful song, that you wrote, entitled, "This Love of Mine," which was sang by Frank Sinatra, was almost applied to my love... The only exception or difference, which was at the ending part of the song, was that "I asked GOD," not just the sun, the moon, and the stars, in answering the ending and most important question, "What's to become of it, this love of mine?" (From Ed)

(Maraming-maraming salamat din sa mga ipinadala mong lyrics ng kanta, mga all-time favorites na talagang hindi kukupas. Minsan, ilalagay ko ang mga ito sa aking blog. Alam mo bang, natutuhan ko na rin ang magpatugtog ng CD o MP3 sa aking computer habang nagtatrabaho ako rito? Nakaka-inspire talaga.

At good news, matatapos ko nang hugasan at patuyuin ang aking mga music CDs na nabaha noon at napuno ng putik. Tiyaga at ingat lamang sa
paghuhugas nito para huwag magasgas. Mga awit nina Frank Sinatra, Mel Torme, Doris Day, Louie Armstrong, Rosemary Clooney, Gershwin, piano at instrumental, orchestral, big band. Classics nina Chopin, Mozart, Tchaikovsky, Vivaldi. at kung sinu-sino pa. What remains to be seen ay kung maayos nga ang pagkalinis ko sa mga ito. Cross your finger, am crossing mine.)



-Gustung-gusto ko ang kwento mo. Gusto ko ngang i-print para lagi kong nababalikan kahit wala ako sa computer. (From Hermi)

(Ay, sige, print mo at i-compile, para kung namamahinga ka, matapos ang mga trabaho ng pag-aalaga sa apo, may mababasa ka. Salamat...at malapit na ang kasunod – ANG BAGONG MAGDALENA.)



Wednesday, March 24, 2010

TALASALITAANG BULAKAN


TALASALITAANG BULAKAN



'La lang, sabi nga ng mga bata ngayon. Nakatuwaan lamang. Ang naisip kong i-blog ngayon ay mga salitang bihira ko nang marinig dito sa siyudad ngunit patuloy pa ring ginagamit sa probinsiya. Kamakailan kasi ay umuwi ako sa Malolos at dumalo sa unang miting ng bagong kahahalal na pangulo ng aming high school alumni association. At narinig ang salitaang ito:

Isang kaiskwela: 'Oy, Ana, nasa'n si Cely? Bakit wala pa?

Ana: Naku, h'wag mong intindihin iyon. Magigi iyon.

Magigi. Natawa ako. Natuwa. Kay tagal nang hindi ko naririnig ang salitang magigi. At dito na napokus ang aming kwentuhan.

Ano ba ang kaibhan ng magigi sa makupad sa mabagal? Halos magkakasing-kahulugan ang mga ito, ngunit may pagkakaiba pa rin. Sabi ng isa: ang makupad ay isang taong parang pagong sa kabagalan. Ang mabagal ay parang kay bigat ng katawan sa paglakad. Ang magigi ay kung anu-ano pa ang mga inaasikaso kaya hindi makaalis agad kung may patutunguhan. At para 'ikamong kung lumakad ay maliliit ang hakbang, pahintu-hinto pa, sambot ng isa pang kaiskwela.

Naalaala ko tuloy si Bert Marcelo, ang komedyante na taga-Bulacan. Siya ang minsan ay nagkwento na sa amin, anya, sa Bulakan, (kasama ang punto sa pagsasalita, umiindayog), ang tawag sa asukal ay matamis. Totoo ito. Sa aming bahay noon, nakalakhan ko, na ang tawag ng aking Inang sa asukal ay matamis. Oy, lagyan mo nga ng matamis 'yung kape. O refinado. Puting asukal ito. May nakaaalam ba kung ano ang kariba na tinatawag rin namin nina Bert Marcelo ng taklob, dahil magkataklob sila? Wow, ang sarap ng ginadgad na kariba na sasamahan ng kinudkod na murang niyog na gagawing sawsawan ng suman sa lihiya. Sawsawan ba ikamo? Oo. Kasi, pag sinabi mong sa-hu-kan, aba'y sukang Paombong iyon... na teka muna, tiltilan naman sa Cabiao, Nueva Ecija (Isang Pook, Dalawang Panahon). Heto pa -

Papas – sa patatas na dito ko na lamang ginamit na tawag.

Lukaok – sa isdang ayungin.

Dalanghita – sa dalandan.

Bikaw – sa isdang mamali.

Sa kabila ng mga pangyayaring Tagalog ang salitaan namin sa bahay, marami pa ring mga salita ang wari ay banyaga sa aking sariling anak. Hindi nila alam ang mga ito -

Unab o unaban – linisin o hugasan ang bigas na isasaing. (Kalbo raw, sabi ng anak ko ang unab.)

Inin – as in inin na ba ang sinaing. Ibig sabihin, luto na ba?

At kung ano ang mangkok o ang pagkakaiba ng mga pinggang malukong at malanday. Noong araw, mayroon pang tinatawag na wataw. Lalo nang hindi nila alam kung ano ang dikin dahil hindi na kami gumagamit ng palayok. Kaldero na ang saingan o rice cooker. (Tinanong ko ang aking anak habang nagta-type ako nito kung alam niya ang dikin. Sagot niya ay ang opposite ng the queen. Heh heh!)

Alam nila ang kalesa o karetela, pero kukunot ang noo nila sa karomata. (Kurbata raw ito.) Hindi na sila iigib o sasalok ng tubig, dahil dumadaloy na ito mula sa gripo. E, iyong palko at butaka? At ano ba ang pakita ngayon sa Sineng Luma? Dalawa lamang ang sine noon sa Malolos, kaya, natural, ang tawag doon sa kabila ay Sineng Bago.

Ang pisi ay tinatawag ding leting. Na ginagamit ng mga bata sa pagpapalipad ng burador. Hitman daw ito, sabi ng isa kong anak. Nagulat pa siya na saranggola pala ito.

Kapag nagsisiga ay maasap. (Ayon naman sa anak ko, kapag maasim raw ang kinakain, e, maasap.) Kapag uulan ay makapal ang alapaap. Ulap ito.

Ang tawag ko pa rin sa mga batong maliliit na isinasama sa pagsesemento ay urnigon. Na hindi ko na naririnig ngayon.

Alam mo ba 'ikako ang kiti. Sagot ng anak ko'y maliit na pusa, dahil kitty. Ayyy, naku... Ang hula naman ng kanyang kapatid ay iyong nasa itlog na balot. Korek, sabi ko, alam mo pala. Sabi nito, iyon ba ang puti... at nang umiling ako... iyong pula? Ayyy, naku na naman! Mali pa rin

Minsan, sa isang pagbisita ko sa abroad, tatlo kaming magkakaiskwela sa high school ang nagkita-kita. Isa na mula sa California at isa mula sa Hawaii. Dinalaw namin ang tatlong kaiskwela na nasa Texas. Ang kwentuhan namin habang naghahapunan sa isang restoran ay nadako sa mga salita at kasabihang Pilipino na kapag kanilang narinig, ay alam nilang taga-Bulacan ang nagsalita. Tulad ng...

sandamukal, sinalibad ka ng lintik, may krusipiho ka man sa dibdib...atbp.

Kung paanong sa iba't ibang lalawigan o rehiyon ng bansa ay may kani-kaniyang salita na tanging sila lamang ang nakauunawa, mga contractions, ganito rin sa amin. Narito ang mga halimbawa. Hulaan ninyo ang kahulugan ng mga ito.

Naku, alam mo bang katait na ako. Katait na katait na. May pinag-uusapang pangyayari rito.

Narito pa.

Wangkusayo...

'Eka nya. 'Ikako.

Lasang henga pa.

Sa mga taga-Bulacan, kung may alam pa kayong iba, ibahagi naman ninyo sa iba pang mambabasa ng blog na ito. At sa taga-ibang lugar, share din kayo ng sa inyo. Click the comments below and just follow the steps for posting.

May anak ako sa States na may dalawang anak na iginigising niya sa tunog ng mga salitang Pilipino. Six and eight years old ngayon. Mula pagkabata ay kinausap na niya ng tagalog. At ngayon ay aktibo sila sa kanilang Paaralang Pinoy sa Virginia. Mga Fil-Am na mga bata na tuwing araw ng Linggo ay nagkikita-kita upang matuto ng mga kultura, tradisyon, awit at pag-uusap sa Pilipino. Boluntaryo lamang ang mga nagtuturo rito na nagmumula sa mga magulang ng mga bata. Higit daw kasing natututo at naiinteresado ang mga anak nila, kung may iba pang kasamang bata na nag-aaral.

Kasabay na natututuhan ng aking mga apo ang pagbasa ng English at Tagalog bagaman at higit silang mabilis natuto sa ingles. Pangarap ng anak ko ay mahasa ang mga anak niya, hindi lamang sa pagsasalita at pagbasa ng Pilipino, kundi pati sa pagsulat nito.

Ang pangarap ko naman ay dumating ang araw na ang mga kwentong nakasulat sa blog na ito ay mabasa ng mga anak niya. Sa gayon, kahit wala na ako, at malayo na ang henerasyong kinabibilangan ko, ay makikilala at matatandaan nila, hindi lamang ako, kundi pati mga kaugalian at damdaming-Pinoy na inilalarawan ng mga karakter sa kwento. At kasama na rin ang mga tradisyong kinagisnan ko na inihabi ko sa mga kwentong aking kinatha. Tulad ng mga pagsalubong sa Bagong Taon, pagdiriwang ng Pasko, paggunita sa mga namatay tuwing Undas, mga reunion, at Mahal na Araw.

Panahon na nga ng Mahal na Araw ngayon at malapit na ang Semana Santa. May ilang kwento ako tungkol dito at sa buwan ng Abril, ilalabas ko ang isa. Abangan ninyo ang kwento ng buhay ni Nilda -

ANG BAGONG MAGDALENA.

Friday, March 12, 2010

ANG BUHAY... IBA'T IBANG URI NG PAGKAIN




ANG BUHAY... IBA'T IBANG URI NG PAGKAIN



Roast beef, sir? Ham? Chicken?
A slice of ham , please...
And you, Ma'am?
Chicken, please...

Bigla, nag-angat si Rodel ng mga mata. Matamang pinagmasdan ang parehang nakatalikod sa kanya, nakatayo sa harap ng mahabang hapag na kinahahainan ng iba't ibang uri ng masasarap na pagkaing pamimilian. Bumubuo ng pananghaliang alay ng kinaroroonanan niyang basement restaurant. Hindi niya kilala ang lalaki. Ngunit ang babae ay si Dina.

Hindi maaring di niya makilala si Dina. Mahaba man ang buhok nito at nakalugay tulad nang uso ngayon o maigsi man ito't putot tulad ng moda noong araw. Inililitaw man ng maigsing mini ang mapuputing hita nito o itinatago ng hanggang binting palda na siyang kalakaran marami-rami na ring taon ang nakararaan.

Sinundan ni Rodel ng tanaw ang papalayong pareha. Hindi siya nakita ni Dina. Mabuti na ngang hindi. Nginitian ni Rodel ang babaing huminto sa tabi niya. Pagtalikod nito'y hinimas ng kanyang mga daliri ang baso ng gin and tonic na inilapag sa kanyang mesa.

Si Dina ang babaing inibig niya nang siya ay dalawampung taong gulang pa lamang. Isang romantikong pag-ibig. Pag-ibig na bumabalangkas sa isang magandang hinaharap. Kay Dina niya inisip ang pagpapakabuti. Hindi naman sa siya ay masama. Ngunit hindi ang katulad lamang niya ang nararapat kay Dina. Sapagkat si Dina ay maganda, anak-mayaman, kolehiyala.

Siya naman ay guwapo. At anak din ng mayaman. Ang kanyang ama ay milyunaryo. At nag-aaral din siya. Bagaman at sa edad na dalawampung taon ay hindi pa siya tapos ng high school, at sa isang hindi tanyag na paaralan siya pumapasok.



SA tahanan ng kanyang Tiya Pilar sa lalawigan siya nagkaisip. Kasama ang kanyang ina at ang nakababatang si Nelia. Ang unang salimuot sa kanyang buhay ay naganap nang siya ay mahigit lamang na limang taon. Kung ito ay personal niyang natandaan o naikwento lamang sa kanya, hindi na niya alam. Ngunit ang pangyayari ay tumimo nang malalim sa kanyang kamalayan.

Dumating ang kanyang ama mula sa buwanang paglilibot at pangangalakal. Kinausap ang kanyang Tiya Pilar, kapatid nitong matanda. “Ate, mag-aasawa na ako.”

“Ano mo ba si Cita?” ang tinutukoy ng kanyang tiya ay ang kanyang ina.

“Hindi kami kasal,” sagot ng kanyang ama.

“Paano ang mga bata?”

“Kukunin ko.”

Ang kanyang ina ay sarilinan ding kinausap ng kanyag ama. Ngunit narinig niya. “Wala akong sinisirang usapan, Cita. Niliwanag ko ang ating kalagayan nang una kitang nagsama.”

“Mahirap... mahirap talaga akong mahalin...” Tinig ng kanyang ina.

“Hindi sa ganoon, Cita. Nagkataon lamang na natagpuan ko na siya.”

Matagal na hindi sumagot ang kanyang ina. Pagkuwa'y umiyak. Impit. “Ngunit ang mga bata. Iwanan mo sila sa akin.”

Mabilis ang sagot ng kanyang ama. “Higit silang mapapabuti sa aking poder.”

“Kaya ko rin silang buhayin,” agaw ng kanyang ina.

“Sa pagbabayle?”

Lumabas ng silid ang kanyang ama. Ang impit na iyak ay naging hagulgol. Nilapitan niya ang kanyang ina. At siya ay niyakap nito. Mahigpit.

Muling umalis ang kanyang ama, ngunit pagkaraan lamang ng isang linggo ay may dumating itong sulat. Kinailangang maghanda-handa na ang kanyang ina. Darating na ang kanyang ama, kasama ang kaniyang bagong tiya. Gilda ang pangalan. Ang kanyang ina ay hindi dapat datnan sa bahay.


Wala sila ni Nelia nang umalis ang kanilang ina. Ipinapanood sila ng sine ng kanyang Tiya Pilar.


Dumating ang kanyang ama, kasama ang kanilang Tiya Gilda. Lubha siyang naguluhan sa mga pangyayari ngunit hindi siya malapit sa kanyang ama. Hindi siya makapagtanong.

Hindi kaagad sila kinuha ng kanilang ama. At ang panahon ng pangungulila sa ina at pananabik na may kakambal na takot sa pagdating at pagsundo ng ama ang nagpaunawa ng lahat sa kanyang murang isipan.

Kinuha rin sila ng kanilang ama. Dinala sa isang malaking bahay na ang buong ibaba ay opisina, ang buong itaas ang kabahayan. At ang bakuran sa likod ang garahe ng mga kotse, panel at pick up na ginagamit sa negosyo, Doon sila nagsimulang mamuhay ni Nelia.

Pag-uwi nila sa probinsiya, lagi nang maraming tanong ang kanyang Tiya Pilar. “Mabait ba ang iyong Tiya Gilda? Binibigyan ba kayo ng pera? Ibinibili ba kayo ng damit?”

Tatango siya. Opo, binibigyan kami ng pera. Opo, ibinibili kami ng damit. Pero, ewan.. at napapailing siya. Ewan niya kung mabait.

Tatango rin ang kanyang Tiya Pilar. At ang tango ay uulitin ng mga kamag-anak na pagbabalitaan ng kanilang buhay. “Magaling naman palang magdadala ng pamilya si Nanding.”

Walong taon siya at pito si Nelia nang magsilang ng sanggol na lalaki ang kanyang Tiya Gilda. Nakita niya na walang pagkasiyahan sa galak ang kanyang ama. “Junior ito, Gilda,” ang wika nito. “At en grande ang binyag.”

Ang ibig sabihin ng en grande ay kainan sa isang tanyag at malaking restoran. At big shot ang mga ninong at ninang. Isang hepe ng kung anong departamento sa Central Bank, para madali ang pag-areglo sa mga papeles, kanyang narinig. At isang hepe pa rin ng kung anong dibisyon sa Customs, para mabilis ang labas ng mga kargadas, ang sabi pa. At isang mestisong amerikano, para hindi problema ang dolar..

Si Junior ay nakita niyang kinalong, ipinaghele, hinagkan-hagkan, kinalaro ng kanyang ama. At ang pangingimbulo ay isang maliit na batong nagpabigat sa kanyang dibdib. Si Junior ay nasundan. At nasundan pang muli. At muli pang nasundan. Ang pangingimbulong nadama niya ay malaki pa sa kanya.

Galit ang kanyang ama. “Anong klaseng marka ito? Ilang taon ka na sa grade four, hindi ka pa natututo!”

Nakayuko siya. At bubulung-bulong. Isang kinamihasnang ugali kapag kinagagalitan.

Muli ang galit na tinig. “Tandaan mo, Rodelio. Kapag hindi ka pa nakapasa sa taong ito, hindi ka na mag-aaral.”

Hindi siya nakapasa. Hindi siya pinapag-aral. Hindi rin siya pinayagang umuwi sa kanyang Tiya Pilar. “Magtrabaho ka. Maglinis ka ng mga kotse at panel. Sumama ka sa pagdidiliber. Matuto kang kumita ng salapi!”

At sa gulang na labing-isa, labindalawang taon, natuto siyang magbuhat, magkamada ng mga kahun-kahong kalakal ng kanyang ama. Tuwing Biyernes, kasama siyang nakapila, pumipirma sa voucher, sumusweldo ng kung magkano isang linggo.

Masayang kasama ang mga drayber, diyanitor at boy. Maraming alam. Mga kwentong nagsisimulang kumiliti sa kanya. “Sa loob ng sine. Boy, sabi ko sa iyo. 'Yong girlfriend ko na ang nagbubukas sa zipper niya.”

Si Nardong diyanitor ang nagkukwento. At nakanganga siya. “Totoo?”

“Talaga, Boy, sabi ko sa iyo, paglaki mo, bira kaagad.”

Wala na siyang balak mag-aral. Ang gusto niya ay lumaki na lamang kaagad upang makabira, sabi nga ni Nardo. Ngunit namagitan ang kanyang Tiya Pilar. “Huwag kang gago, Rodelio! Sinasayang mo ang panahon. Samantalahin mo ang pagkakataong ibinibigay ng iyong tatay. Mag-aral ka. Magtapos ng kahit anong karera. Maghanap-buhay. Huwag kang umasa na may tatanggapin pagdating ng panahon.”

“May batas tungkol sa mana, Tiyang,” sabi niya.

“Maraming butas ang batas,” sagot naman nito.

Nag-aral siya. At nakatapos ng elementarya sa gulang na labing-apat na taon. Hinintay niya ang pagdalo ng kanyang ama. Hindi ito dumating.

“Hindi bale,” sabi ng mga drayber. “May regalo kami sa iyo.”

Bata pa at maganda, bago lamang sa hanapbuhay at sigurado raw na walang sakit, iyon ang katangian ng babaing iniregalo sa kanya ng mga kaibigan nang gabi ng kanyang pagtatapos. Naisip kaagad niya ang kanyang ama. “Baka malaman ng tatay.”

“Kami'ng bahala,” udyok ng mga ito.

At sa madilim, malamok na silid, sa ibabaw ng isang matigas, may surot pa yatang papag, a, naririnig pa niya ang hagikgikan nina Nardo sa labas.

Kung gaano kalakas o kalaki ang negosyo ng kanyang ama ay hindi niya alam. Ngunit nakita niya, ang taun-taon ay nadadagdagan na dami ng mga bahay na ipinatatayo at pinauupahan. Marahil, naisip niya, iba na ring talaga ang may kumpadre sa Central Bank at sa Customs, bukod pa sa kumpadreng ang dolar ay hindi problema.

At nang tumuntong siya sa high school nang lumipat sila ng tirahan, sa isang maganda, mahal na subdibisyon, pook tirahan ng mga milyunaryo, na ang halaga ng mga bahay ay daang libo, ang swmming pool at higit sa dalawa, tatlong kotse bawat pamilya ay pangkaraniwan na. Hindi niya alam ang dahilan, ngunit muli, kinausap siya ng kanyang ama.

“Ang masusunod sa bahay na ito ay ang inyong Tiya Gilda. Sa kanya kayo hihingi ng allowance. Maging matipid kayo at matuto sa buhay. Mag-aral na mabuti.”

Kung Sabado na walang pasok sa eskwela, pinasasama siya ng kanyang tiya sa mga tinatrabaho ng mga boy at drayber. Dito siya natutong magmaneho. Hindi kumibo ang kanyang tiya, ngunit nakita niyang natuwa ang kanyang ama.

Hindi naman siya napakahina. Marahil ay sa dahilang tamad lamang siyang mag-aral. Hindi siya makapasa-pasa. Muli, nakita niya ang galit ng ama. “Nakakahiya ka, Rodelio. Baka akala mo'y napupulot lamang sa lansangan ang kuwartang ginagasta ko sa iyo.”

Umungol siya. “Hindi naman ako lang ang bagsak.”

“Pasado si Nelia. Mauunahan ka pang makatapos.”

Pasukab, sinulyapan niya ang kanyang ama. “Hindi naman si Nelia ang ibig kong sabihin. Si Junior, saka si Gina.”

Dumagok sa mesa ang kanyang ama. “Tonto. Huwag mong iparis ang sarili mo kay Junior at kay Gina at kanino pa mang kapatid nila. Pag namatay ako'y sa kanila ang lahat ng yamang ito. Kayo ni Nelia ay binibigyan ko lamang ng pagkakataon. Habang ako'y buhay...”

Ama ba niya ang nagsalita? Noon niya natalos, ang pangingimbulong naging pabigat sa kanyang dibdib nang siya'y bata pa ay wala na ngayon. Ang napalit ay isang matining na galit.

Naisip niya, pag yumaman ako at kayo'y naghirap...

“Ang daling yumaman,” sabi ni Nardo.

“'Andiyan ang supistik,” sabad ng boy.

Umiling ang isang nakikinig na salesman ng kanyang ama. “Pinakamadali, pinakamasarap pa, babae. Humanap ka ng babaing maatik.”

Napatango siya. Tama. At sinimulan niya ang paghahanap. Sa gulang na labing-anim na taon, mataas siya sa karaniwan at may kara, wika nga. Naging makisig siya sa pananamit. Dumalas ang pagbibihis. Umangal ang labandera. Nakarating sa kanyang Tiya Gilda. Pinagsabihan siya. At siya ay dumabog. Nagalit ang kanyang ama. Pinapaghinto siya ng pag-aaral sa high school.

“Walang utang na loob,” ang sabi ng kanyang ama. “Iyan pa ang igaganti mo sa iyong Ttiya Gilda. Kung naging iba ang aking asawa, baka ni hindi ka nakatuntong sa bahay na ito!”

Drayber ang kinalabasan niya. Nakasama ng mga salesman sa paglilibot. Ng mga boy sa pagdidiliber.

Kung nakabihis siya't nagmamaneho ng kotse, sino ang magsasabing hindi kanya ang sasakyan. Kung sabihin niyang anak siya ng mangangalakal na si Fernando Manio, nagsasabi lamang siya ng totoo.

Saan kayo nakatira, tanong ng isang dalagita, kolehiyala, nakilala niya sa isang party.

Doon at ikikindat niya ang kanyang kilay. Doon, walang ano man. Balewala. Doon sa millionaires row. At hindi siya nagsisinungaling.

Kung bakit hindi niya alam, siya ay kaagad pinaniniwalaan. Marahil, dahil sa minamaneho niyang kotse. Na maluwag niyang nagagamit nang panahong naglibot, nangalakal sa ibayong dagat ang kanyang ama, kasama ang kanyang Tiya Gilda. Saan mo gustong mamasyal?

Si Jenny ang unang babaing mayaman na pinagbalakan niyang bilmitin. Kaisa-isa itong anak na babae. Negosyante rin at mayaman ang mga magulang, hindi nga lamang sa linya ng kalakal ng kanyang ama.

Tumawag si Jenny o kaibigan marahil ni Jenny sa opisina ng kanyang tatay. Itinanong, talaga bang anak ni F. Manio si Rodel?

Matandang dalaga ang sekretarya ng kanyang ama. Tunay na tunay, ang sagot nito. Nang ikuwento sa kanya ay nakaismid. Hindi na nangahiya. Gustong malaman kung talagang mayaman ka.

Isang linggo bago dumating ang kanyang ama buhat sa Amerika, itinanan niya si Jenny. Labimpito siya, labinlima si Jenny. “Kagustuhan mo ito, Jenny,” paulit-ulit niyang sabi.

Ang maputi, munting katawan ay isinisiksik sa kanya. “Hindi mo ako pinilit. Kusa akong sumama.”

Ang kanyang problema ang unang dinatnan ng kanyan ama. Nais magdemanda ang mga magulang ni Jenny. “Pwede naman natin silang ipakasal.”

Wari nag-apoy ang mga mata ng ama ni Jenny. Alam niya, ang lihim ng kanyang pagkatao ay nadalirot na.

“Ngunit hindi ko naman siya pinilit. Kusa siyang sumama,” pangangatwiran niya.

Si Jenny ay iniharap sa kanya. Umiling si Jenny. “Ihahatid raw niya akong umuwi. Pumayag ako, pero sa iba niya ako dinala. Pinilit niya ako.”

Pinilit. Napaismid siya at sa harapang iyon ay sinampal siya ng kanyang ama. Ang kaso ay nasara. Kung paano naareglo ay nahigingan na lamang niya. Kumpadre ng kanyang tatay sa bunsong si Monette ang isang malakas sa reparasyon. At ang kalakal yata ng ama ni Jenny ay may kinalaman dito.

Si Jenny ay nasundan pa ni Ching. Anak ng isang pag-asawahang taga- hilaga. May-ari ng malawak na bukurin. Nagkaroong muli ng kaso. Si Ching tulad ni Jenny ay binawi ng mga magulang. Ang kaso'y muling naareglo. Ngunit galit na ang kanyang tatay. “Umulit ka pa at pababayaan na kitang mabillibid.”

Noon niya naisip ang kanyang ina. Sa gulang na labingwalong taon. Sa mahigit na sampung taong pagkawalay, nagkaroon siya ng tinig na magtanong. “Tiyang alam ba ninyo kung nasaan ang nanay?”

Nasa Maynila rin pala ang kanyang ina. Sa isang apartmen. Kumatok siya, isang katulong ang sumilip sa pagitan ng kurtina. “Si Aling Cita?”

Ang mukha'y nawala. Muling bumalik. “Sino raw sila?” ang tanong.

Tumikhim siya. “Si Rodel... malakas ang tahip ng kanyang dibdib.

At nabuksan ang pinto.

Alanganin siya. Hindi niya alam kung magmamano siya. O hahalik sa pisngi. O yayakap. Niyakap siya ng kanyang ina. At iniyakan. Ang anak ko... ang anak ko... binata na.

At nang pumayapa na ang kanilang loob, tinanong siya. “Kumusta. Kumusta si Nelia. Natatandaan pa kaya niya ako?”

Hindi siya sumagot. Si Nelia ay isang tahimik na bata, noon pa man. Ngayon ay isang lalong tahimik na dalagita. Ngunit tumango siya. Oo, Nanay. Saka niya nadama. Kaysarap palang sambitin ang salitang nanay. Nanay.

Isang batang lalaki, mga limang taon, at kamukha niya, kamukha ng kanyang ina, ang nakihalo sa kanilang usapan. At isa pang batang lalaki. At sa itaas, narinig niya ang iyak ng isa pa. Tiningnan niya ang kanyang ina. Ngumiti ito.

“Napasok akong tindera sa isang groseri. Nagkakilala kami. Malayo siyang kamag-anak ng may-ari. Alam niya ang lahat. Ang lahat-lahat. Ipinagtapat ko. Hindi iyon naging sagwil. Pinakasalan niya ako. At maligaya ako anak.”

“Natutuwa ako,” sabi niya.

“Sana'y maligaya rin kayo ni Nelia.” Tinitigan siya ng kanyang ina.

At ipinagtapat niya. Si Jenny. At si Ching. “Mayaman sila. Nanay. Mayaman.”

Umiling ang kanyang ina. “Maging matapat ka, anak. Maging matapat, lalo na sa pag-ibig. At natitiyak kong liligaya ka. Sapagkat iibigin ka niya, sino man siya, dahil sa ikaw ay ikaw. Hindi, sapagkat ikaw ay anak ng isang milyunaryo.”

Labingsiyam na taon siya, nasa ikaapat na taon ng high school,nang makilala niya si Dina. Labing-walo si Dina, maganda at mabait. Kapatid ni Dina ang isang kamag-aral ni Junior.

“Kapatid mo si Junior?” tanong nito.

Umiling siya. “Sa ama lang.”

Nagtaka si Dina at nagpaliwanag siya. Tapat, hindi burdadong paliwanag. Ayaw niyang maawa si Dina. Kung iibigin siya ni Dina, ang nais niya ay isang pag-ibig na walang halong awa.

Inibig siya ni Dina. Hindi dahil sa kotseng kung minsan ay kanyang minamaneho. Alam nitong iyon ay ari ng kanyang ama. Hindi rin sa dahilang anak siya ni F. Manio, ang mayamang mangangalakal. Alam nitong hindi siya lehitimong anak. Inibig at iniibig siya ni Dina sapagkat siya ay siya. At sa kanyang kaligayahan, lihim siyang nagpasalamat sa kanyang ina.

Ngunit bata pa sila at mapusok. Minsan, natangay sila ng kanilang damdamin. At sila'y nagtanan. Sa kanyang Tiya Pilar sa lalawigan, dinala niya si Dina. Katulad nina Jenny at Ching, naghabol ang mga magulang ni Dina. Ngunit hanggang doon lamang ang pagkakatulad. Tumutol si Dina. Pinatigasan ang ginawang pasiya. “Kagustuhan ko ito. Hindi ako pinilit.”

Umiyak ang mommy ni Dina . Ang mga tita. Nakiusap ang ama. “Pero hija...”

Umiling si Dina. Hindi. Hindi.

Hanggang lumambot ang puso ng mga ito. “Buweno, kailangang makasal kayo. Sa simbahan. Isang magandang kasal.”

At sila'y bumalik sa lungsod. Siya sa kanyang ama. Iiling-iling ito. “Talagang gusto mo ang biglang yaman, ha?”

Si Dina ay bumalik sa bahay ng sariling mga magulang. At iyon... iyon ang huli nilang pagkikita ni Dina. Pinuntahan niya ito sa bahay, wala. Inabangan sa mga dating dinadaanan, wala. Sa kolehiyo. Wala. Araw. Buwan. Taon. Naghintay siya ng sulat. Wala.

Sa gitna ng kanyang kalungkutan, siya ay nagpakatino. At muling nag-aral.



“KANGINA ka pa?”

Tumayo si Rodel. Tinulungan niya ang waiter sa paghila ng upuan. “Kanginang-kangina pa.” At dumukwang siya nang bahagya, bumulong. “Tinitiningnan na nga nila ako.”

Ang waitress ay tumayo sa tabing-mesa. Nasanggi ng ruffles ng damit nito ang bisig ni Rodel. “Drinks?”

Tumingin ang bagong dating kay Rodel. “Fresh orange juice.”

Masuyong pinagmasdan ni Rodel ang kaharap. Luminga-linga ito. Lumilibot ang mga mata sa paligid. Tumango-tango ang magandang ulo. At bumaling sa mga ilaw na nagsasaboy ng mapulang liwanag. Huminga ito nang malalim. Dinama ang kabuuang malamig na kadiliman na nagbibigay damdaming gabi na. Bagama't sa labas ay kainitan pa ang araw. Nasa tuktok, katanghalian. Kumikislap ang mga matang tumingin sa kanya.

“Happy birthday, 'ling.” Hinawakan ni Rodel ang kamay na nakahawak sa baso ng orange juice.

Kumislap na muli ang magagandang mata. “Hindi kaagad ako nakaalis. Nagperhuwisyo si Noy. Humahabol si Roehl. At matrapik.” Muli, luminga linga, saka bumulong. “Malaking tiyak ang magagasta natin dito.”

Bumulong din si Rodel. “You deserve the best.”

At totoo ang kanyang sinabi. Sa isang katulad ni Norma, ang kanyang asawa, na anak ng isang tahimik, maykaya, mabuting pag-asawahan, ngunit hindi natakot na pakasal sa kanya na may masalimuot na kahapon, para kay Norma, na handang mabuhay nang ayon sa kanyang kakayahan, ang pinakamainam lamang ang nararapat. Kahit iyon ay matagal na pinag-iipunan. Sigarilyong hindi nahihitit... bowling na hindi nalalaro... upang gastahing lahat. Para sa isang kaarawan.

Tumayo si Rodel. Inalalayan sa pagtayo si Norma. At lumapit sila sa mahabang hapag na kinahahainan ng iba't ibang uri ng masasarap na pagkain.

Roast beef, Ma'am? Ham... chicken.
A slice of beef, please.
And you, Sir?
Please, a slice of ham.


LIWAYWAY, Enero 25,1971

Saturday, March 6, 2010

ANG BUHAY, IBA'T IBANG URI NG AWITIN



ANG BUHAY, IBA'T IBANG URI NG AWITIN


Nagbubuklat ako ng mga kwentong pagpipilian ng ilalathala sa aking blog nang mahinto ako sa isa na ang pamagat ay ANG BUHAY, IBA'T IBANG URI NG PAGKAIN.

Tanda ko pa noon, parang bago lang nauuso ang smorgasborg (o baka noon ko lamang ito nabalitaan), niyaya ko ang aking kasama na kumain sa isang otel sa downtown. Pinagbigyan naman ako at naisipan ko tuloy na gumawa ng kwento na base dito ang pamagat. Para 'ikako mabawi naman namin ang bayad sa pananghalian. Mahal kasi. Tamang-tama naman na mayroon na akong ideya o plot ng isang kwento. At nagkatugma-tugma naman ang mga ito.

Ngayon naman, pumasok na lamang sa aking isipan na kung susuriin at susubukin, ang buhay ng isang tao ay mapagbabalikan niya sa pamamagitan lamang ng mga awiting uso ng partikular na panahong iyon ng kanyang buhay. Madaling-araw ito nang bigla kong maisip. At hindi na ako muling nakatulog. At sa aking utak ay naglaro na ang mga himig na bumubuo sa aking buhay. At katambal nang gumitaw sa alaala ang tunog, kulay, pati na ang panlasa ng nagdaang araw.

Subukin ninyo itong gawin. Kung alam ninyo ang mga himig na babanggitin ko rito, awitin ninyo. Kung hindi naman, mag-isip kayo ng sarili ninyong awit. Ipikit ang inyong mga mata at ipaubaya ang sarili na lumipad pabalik sa kung saan man kayo dadalhin ng awit. Masaya man ito o malungkot...

Halimbawa ay tulad nito... awit ni Frank Sinatra...

This love of mine, goes on and on
Though life is empty, since you've been gone
You're always on my mind, tho' out of sight
It's lonesome thru the day, but oh, the night...
I cried my heart out, it's bound to break
Though nothing matters, so, let it break
I ask the sun and the moon, the stars that shine
What's to become of it, this love of mine.

Itinuro ito sa akin ng aking ama, kung paano kantahin at kung paano ko matutugtog sa gitara para ma-akompanyahan ang aking sarili. Natatandaan ko pa ang gitara ko na ang aking ama rin ang nagbigay, ipinasadya pa niya sa Pampanga, tamang-tama ang laki na mas maliit sa normal na laki ng mga gitara, para ayos lamang sa aking mga daliri.

Ang naaalaala ko rito ay ang aming lumang bahay sa probinsiya, gabi, mga bombilyang incandescent na mapula ang sinag, bakod na kawayan, may tanim na gumamela at santan sa gilid, mabatong kalsada, tahimik na kapaligiran. Kung araw naman, umuusok na siga sa likod-bahay, kawayanan sa dakong duluhan, si Rafael Yabut sa radyo, paminsan ay sigaw ng isang inang tinatawag ang anak na nasa laruan, uwi naaaaa... kakain naaaa.... A, ang aking kamusmusan - Amang nasa destino, Inang nasa bahay, mga kapatid na nag-aaral...

Baluuuuut... penoyyyyyy... baluuuut...
Bili na kayo sa akin ng balut
Sapagkat itong balut ay mabisang panggamot
Sa mga taong laging nanlalambot.

Na laging susundan ng...

Puto kutsinta, masarap, malambot, malata
Puto kutsinta, hindi nakasasawa...

Athletic Meet sa elementary school grounds. Mula sa loudspeaker ay sumasalit sa mga nasabing awit ang first call for basketball... first call for basketball... A... ang mga araw na iyon nang paghahakot namin ng sako-sakong ipa upang itambak sa mabababang bahagi ng athletic grounds... ang pagdadala ng mga kumot na hinihiram sa mga mag-aaral para may magamit ang mga dumadayong athlete...ang pabilisan naming pagtakbo sa 100-meter dash makatapos ang practice ng aming mga runners... ang pagsasanay sa mga sayaw o gymnastics para sa opening o closing ng nasabing athletic events...

Dashing thru the snow, in a one-horse open sleigh
O'er the fields we go, laughing all the way
Bells on bobtail ring, making spirits bright
What fun it is to ride and sing a sleighing song tonight...
Hey, jingle bells, jingle bells, jingle all the way...

Pasko. Tama. Awit ngang pamasko ito. Ngunit isang partikular na panahon ang gunitang ibinabalik nito. Gusto naming isipin na kami ang nagpauso ng carolling sa aming lugar dahil bago ginawa ito ng aming barkada, tanging ang simbahan lamang at ang Glee Club ng high school ang nananapatan sa mga piling bahay na pinadadalhan pa muna ng sobre upang ipagbigay-alam ang kanilang pagdating. Nabanggit kasi ng aking ama na sa kinadestinuhan niyang probinsiya sa Norte, uso ang pagkakaroling at bakit di raw namin gawin. Siya na ang unang magbibigay. Na di kasing sinunod namin. Ngunit hindi lahat ay katulad niya. Marami rin kaming naengkwentro na ang salubong na tanong ay para saan ba iyan? Na siempre, kunwari ay hindi namin narinig, hindi namin sinasagot.

Tayo na sa Antipolo, at doon maligo tayo
Sa batis na kung tawagin ay Hi...Hinulugang Taktak
At doon tayo'y kumain ng suman, mangga at balimbing
Kaya magmadali ka, sa amin ay sumama
Sa Antipolo!

Sigurado ako, lahat tayo ay iisa ang naaalaala. Antipolo. At ang buwan ng Mayo. Bakasyon. Dito, ang ibinabalik na alaala sa akin ay mga iskarsiyon.

Sa aming lugar, may samahan ng mga kabataan. Ito, ayon sa matatanda sa amin noon ay natatag noong pre-war pa at may istorya pang nakaugnay rito. Ang pangalan kasi nito ay “Samahang Kantoboy at Mga Kadalagahan”. Ayon sa kanila, isang grupo ng mga binata, may nag-aaral sa Maynila, may tapos lamang ng high school at elementarya, ang tuwina ay nagtitipon-tipon sa may kanto ng aming baryo kapag panahon ng bakasyon. Mayo ito. Anila'y may nakursunadahan ang mga ito na dalaga na anak ng isang may mataas ang katungkulan sa iskwelahan o kung saan pa man (mga kwento lamang ito at nagsalin-salin na lamang). Hindi ito minabuti ng pamilya ng dalaga na nagsabing “mga kantoboy lamang... etcetera...” na nakarating naman sa mga binata. Kaya, tinawag nila ang kanilang mga sarili na “kantoboy”. Sa paglipas ng panahon, nabuo ang samahang ito na binubuo na ng mga nakatira sa aming baryo o sa ngayon ay tinatawag ng “barangay”.


Naging kilala ang aming lugar sa tawag na “Kantoboy”. Saan ka pupunta? Sa Kantoboy. Tagasaan ka? Sa Kantoboy. Taga-Kantoboy si Celia Flor (pero hindi niya siguro ito alam), ang artista ng LVN Pictures at pamangkin ni Donya Sisang de Leon na nagdala kina Mila del Sol, Rosa Rosal, Delia Razon. Milagros Naval at marami pang artista na sumagala sa kauna-unahang Santakrusan na tinampukan ng mga bituin sa pinilakang -tabing. Saan ito nangyari? Sa kantoboy!

Sa anim naming magkakapatid, tatlo kaming naging pangulo ng Samahang Kantoboy at Kadalagahan. Sa aking termino, ang naging Reyna Elena ay si Edita Vital, Miss Caltex yata, hindi na ako sigurado. Sa termino ng kapatid kong bunso, mga modelo naman ni Pitoy Moreno, suot ang magaganda nilang terno. Sumunod pa ang isang pista ng krus na ang mga artistang sagala ay sina Boyet de Leon at Nora Aunor, sina Janice de Belen at Julie Vega at marami pang iba. Tunay na naging kabalitaan ang mga Katapusan ng Krus sa Kantoboy.

At pagkaraan nga ng pagtatapos ng santakrusan ay ang iskarsiyon sa Antipolo. Dalawang bus ng La Mallorca, madaling-araw pa lamang ay nakaparada na sa aming kalsada. Gigisingin kami sa paputok ng kwitis. At kandakahog na kami sa pagbibihis at pag-aayos ng mga baong adobong manok (hindi kasi ito madaling mapanis) at kaning binalot sa dahon ng saging, isang kamerang hindi naman pala alam gamitin, nang ipadebelop ang film ay panay langit o kaya ay mga sapatos ang makikita...

My love is deep as the sea that flows forever
You ask me when will it end, I tell you never...

See the pyramids along the Nile, watch the sunrise on a tropic isle
Just remember darling all the while, you belong to me...

Just say I love her, I've loved her from the start
And tell her how I'm yearning, to say what's in my heart...

Give me a kiss to build a dream on,
And my imagination
Will thrive upon that kiss...

So close to my heart, each night and each day
You're still in my heart, though you're far away

Ay, napakarami pang ibang awit ng mga high school days. Kung ano ang naaalaala ko? Basahin na lamang ninyo ang background scenario ng kalalagay na kwentong “Natatandaan Mo Pa Ba?” Saka ang “Ang Pag-ibig ni Dalisay”. At sa marami pang kwentong darating, makasisilip kayo ng pira-pirasong gunita ng mga araw namin sa high school.

When the moon hits your eyes like a big pizza pie, that's amore...

Smile, though your heart is aching, Smile, even though it's breaking
When there are clouds in the sky, You'll get by, and you'll smile
Thru your tears and sorrow, Smile, and maybe tomorrow...

Three coins in the fountain, each one seeking happiness
Thrown by three hopeful lovers, which one will the fountain bless.

The song of love is a sad song, hi Lili, hi Lili, hi lo
The song of love is a song of woe, don't ask me how I knew...

I know a dark, secluded place
A place where noone knows your place
A glass of wine, a fast embrace,
It's called Hernando's Hideaway, ole...

At marami pa ring mga kasabay na awit ito nina Jerry Vale, Vic Damone at Nat King Cole. Eternallly. How Much is that Doggie in the Window, Rose Tattoo...

Legarda Street. Dito ako nakatira sa isang bahay-kasera, lumang-luma, madilim, kasama ang aking kapatid na lalaki at ilan pang magkakapatid, magpipinsan, magkakamag-anak na pawang taga-Malolos.

Kapag nagugunita ko ito, parang ibang daigdig ang naaalaala ko. Tahimik na pamilya at magugulong nangangasera (kami iyon). Larong basketball na sa radyo pinakikinggan. Labanang Ateneo-San Beda, San Beda-La Salle, NCAA pa ang mga ito. Nakabisa ko tuloy ang awit ng mga Lions: The red and the white, colors true, it is you we defend, fearless for you, our might to the fight we will end. So wave, colors wave, we will fight on for your glory, Red and White, we will fight till the fight is won.


Naalaala ko pa ang almusal namin. Pritong itlog at isang pirasong maliit na isda. Minsan ay kalahating nilagang itlog ng pato o bibi siguro, malaki ito. At isang klase ng ulam na doon ko lamang nakain, hindi ko na naulit kainin hanggang ngayon: Giniling na baboy sa loob ng dahon ng repolyo, nakabilot na parang lumpia.

Isang araw, may matutunghayan kayong kwento na ang kasera namang ito ang aking ginawang background.

Marami pang awit, marami pang mga alaala. Nang nasa dormitoryo ako. Nang nagsimulang mag-opisina. Iba't ibang kaibigan, iba't ibang barkada. Nang magpamilya. Magkaapo. Mga unang paglalakbay sa labas ng bansa. I left my heart in San Francisco... Chicago, Chicago, that todd'ling town... Start spreading the news, I'm leaving today, I want to be a part of it, New York...New York...

Ang nakakatulad ng ehersisyong ito na balik-gunita sa pamamagitan ng mga awit, ay ang isang palabas sa telebisyon noon, ang “Name That Tune”, na sa unang tipa pa lamang ng mga nota ay hinuhulaan na ang pamagat. Dito..kalimutan na ang pamagat, sundan mo na lamang ang himig ng awit at hayaang dumaloy pabalik ang mga alaala. Nakaaaliw din. Maaaring minsan, may gunitang sakit ng loob ang dala, ngunit hindi ba talagang ganito ang buhay? Binubuo ng sarap at sakit, saya at lungkot, ginhawa at hirap?

Subukin ninyo. At abangan ang kwento ng Marso: ANG BUHAY... IBA'T IBANG URI NG PAGKAIN.







-