Friday, March 12, 2010

ANG BUHAY... IBA'T IBANG URI NG PAGKAIN




ANG BUHAY... IBA'T IBANG URI NG PAGKAIN



Roast beef, sir? Ham? Chicken?
A slice of ham , please...
And you, Ma'am?
Chicken, please...

Bigla, nag-angat si Rodel ng mga mata. Matamang pinagmasdan ang parehang nakatalikod sa kanya, nakatayo sa harap ng mahabang hapag na kinahahainan ng iba't ibang uri ng masasarap na pagkaing pamimilian. Bumubuo ng pananghaliang alay ng kinaroroonanan niyang basement restaurant. Hindi niya kilala ang lalaki. Ngunit ang babae ay si Dina.

Hindi maaring di niya makilala si Dina. Mahaba man ang buhok nito at nakalugay tulad nang uso ngayon o maigsi man ito't putot tulad ng moda noong araw. Inililitaw man ng maigsing mini ang mapuputing hita nito o itinatago ng hanggang binting palda na siyang kalakaran marami-rami na ring taon ang nakararaan.

Sinundan ni Rodel ng tanaw ang papalayong pareha. Hindi siya nakita ni Dina. Mabuti na ngang hindi. Nginitian ni Rodel ang babaing huminto sa tabi niya. Pagtalikod nito'y hinimas ng kanyang mga daliri ang baso ng gin and tonic na inilapag sa kanyang mesa.

Si Dina ang babaing inibig niya nang siya ay dalawampung taong gulang pa lamang. Isang romantikong pag-ibig. Pag-ibig na bumabalangkas sa isang magandang hinaharap. Kay Dina niya inisip ang pagpapakabuti. Hindi naman sa siya ay masama. Ngunit hindi ang katulad lamang niya ang nararapat kay Dina. Sapagkat si Dina ay maganda, anak-mayaman, kolehiyala.

Siya naman ay guwapo. At anak din ng mayaman. Ang kanyang ama ay milyunaryo. At nag-aaral din siya. Bagaman at sa edad na dalawampung taon ay hindi pa siya tapos ng high school, at sa isang hindi tanyag na paaralan siya pumapasok.



SA tahanan ng kanyang Tiya Pilar sa lalawigan siya nagkaisip. Kasama ang kanyang ina at ang nakababatang si Nelia. Ang unang salimuot sa kanyang buhay ay naganap nang siya ay mahigit lamang na limang taon. Kung ito ay personal niyang natandaan o naikwento lamang sa kanya, hindi na niya alam. Ngunit ang pangyayari ay tumimo nang malalim sa kanyang kamalayan.

Dumating ang kanyang ama mula sa buwanang paglilibot at pangangalakal. Kinausap ang kanyang Tiya Pilar, kapatid nitong matanda. “Ate, mag-aasawa na ako.”

“Ano mo ba si Cita?” ang tinutukoy ng kanyang tiya ay ang kanyang ina.

“Hindi kami kasal,” sagot ng kanyang ama.

“Paano ang mga bata?”

“Kukunin ko.”

Ang kanyang ina ay sarilinan ding kinausap ng kanyag ama. Ngunit narinig niya. “Wala akong sinisirang usapan, Cita. Niliwanag ko ang ating kalagayan nang una kitang nagsama.”

“Mahirap... mahirap talaga akong mahalin...” Tinig ng kanyang ina.

“Hindi sa ganoon, Cita. Nagkataon lamang na natagpuan ko na siya.”

Matagal na hindi sumagot ang kanyang ina. Pagkuwa'y umiyak. Impit. “Ngunit ang mga bata. Iwanan mo sila sa akin.”

Mabilis ang sagot ng kanyang ama. “Higit silang mapapabuti sa aking poder.”

“Kaya ko rin silang buhayin,” agaw ng kanyang ina.

“Sa pagbabayle?”

Lumabas ng silid ang kanyang ama. Ang impit na iyak ay naging hagulgol. Nilapitan niya ang kanyang ina. At siya ay niyakap nito. Mahigpit.

Muling umalis ang kanyang ama, ngunit pagkaraan lamang ng isang linggo ay may dumating itong sulat. Kinailangang maghanda-handa na ang kanyang ina. Darating na ang kanyang ama, kasama ang kaniyang bagong tiya. Gilda ang pangalan. Ang kanyang ina ay hindi dapat datnan sa bahay.


Wala sila ni Nelia nang umalis ang kanilang ina. Ipinapanood sila ng sine ng kanyang Tiya Pilar.


Dumating ang kanyang ama, kasama ang kanilang Tiya Gilda. Lubha siyang naguluhan sa mga pangyayari ngunit hindi siya malapit sa kanyang ama. Hindi siya makapagtanong.

Hindi kaagad sila kinuha ng kanilang ama. At ang panahon ng pangungulila sa ina at pananabik na may kakambal na takot sa pagdating at pagsundo ng ama ang nagpaunawa ng lahat sa kanyang murang isipan.

Kinuha rin sila ng kanilang ama. Dinala sa isang malaking bahay na ang buong ibaba ay opisina, ang buong itaas ang kabahayan. At ang bakuran sa likod ang garahe ng mga kotse, panel at pick up na ginagamit sa negosyo, Doon sila nagsimulang mamuhay ni Nelia.

Pag-uwi nila sa probinsiya, lagi nang maraming tanong ang kanyang Tiya Pilar. “Mabait ba ang iyong Tiya Gilda? Binibigyan ba kayo ng pera? Ibinibili ba kayo ng damit?”

Tatango siya. Opo, binibigyan kami ng pera. Opo, ibinibili kami ng damit. Pero, ewan.. at napapailing siya. Ewan niya kung mabait.

Tatango rin ang kanyang Tiya Pilar. At ang tango ay uulitin ng mga kamag-anak na pagbabalitaan ng kanilang buhay. “Magaling naman palang magdadala ng pamilya si Nanding.”

Walong taon siya at pito si Nelia nang magsilang ng sanggol na lalaki ang kanyang Tiya Gilda. Nakita niya na walang pagkasiyahan sa galak ang kanyang ama. “Junior ito, Gilda,” ang wika nito. “At en grande ang binyag.”

Ang ibig sabihin ng en grande ay kainan sa isang tanyag at malaking restoran. At big shot ang mga ninong at ninang. Isang hepe ng kung anong departamento sa Central Bank, para madali ang pag-areglo sa mga papeles, kanyang narinig. At isang hepe pa rin ng kung anong dibisyon sa Customs, para mabilis ang labas ng mga kargadas, ang sabi pa. At isang mestisong amerikano, para hindi problema ang dolar..

Si Junior ay nakita niyang kinalong, ipinaghele, hinagkan-hagkan, kinalaro ng kanyang ama. At ang pangingimbulo ay isang maliit na batong nagpabigat sa kanyang dibdib. Si Junior ay nasundan. At nasundan pang muli. At muli pang nasundan. Ang pangingimbulong nadama niya ay malaki pa sa kanya.

Galit ang kanyang ama. “Anong klaseng marka ito? Ilang taon ka na sa grade four, hindi ka pa natututo!”

Nakayuko siya. At bubulung-bulong. Isang kinamihasnang ugali kapag kinagagalitan.

Muli ang galit na tinig. “Tandaan mo, Rodelio. Kapag hindi ka pa nakapasa sa taong ito, hindi ka na mag-aaral.”

Hindi siya nakapasa. Hindi siya pinapag-aral. Hindi rin siya pinayagang umuwi sa kanyang Tiya Pilar. “Magtrabaho ka. Maglinis ka ng mga kotse at panel. Sumama ka sa pagdidiliber. Matuto kang kumita ng salapi!”

At sa gulang na labing-isa, labindalawang taon, natuto siyang magbuhat, magkamada ng mga kahun-kahong kalakal ng kanyang ama. Tuwing Biyernes, kasama siyang nakapila, pumipirma sa voucher, sumusweldo ng kung magkano isang linggo.

Masayang kasama ang mga drayber, diyanitor at boy. Maraming alam. Mga kwentong nagsisimulang kumiliti sa kanya. “Sa loob ng sine. Boy, sabi ko sa iyo. 'Yong girlfriend ko na ang nagbubukas sa zipper niya.”

Si Nardong diyanitor ang nagkukwento. At nakanganga siya. “Totoo?”

“Talaga, Boy, sabi ko sa iyo, paglaki mo, bira kaagad.”

Wala na siyang balak mag-aral. Ang gusto niya ay lumaki na lamang kaagad upang makabira, sabi nga ni Nardo. Ngunit namagitan ang kanyang Tiya Pilar. “Huwag kang gago, Rodelio! Sinasayang mo ang panahon. Samantalahin mo ang pagkakataong ibinibigay ng iyong tatay. Mag-aral ka. Magtapos ng kahit anong karera. Maghanap-buhay. Huwag kang umasa na may tatanggapin pagdating ng panahon.”

“May batas tungkol sa mana, Tiyang,” sabi niya.

“Maraming butas ang batas,” sagot naman nito.

Nag-aral siya. At nakatapos ng elementarya sa gulang na labing-apat na taon. Hinintay niya ang pagdalo ng kanyang ama. Hindi ito dumating.

“Hindi bale,” sabi ng mga drayber. “May regalo kami sa iyo.”

Bata pa at maganda, bago lamang sa hanapbuhay at sigurado raw na walang sakit, iyon ang katangian ng babaing iniregalo sa kanya ng mga kaibigan nang gabi ng kanyang pagtatapos. Naisip kaagad niya ang kanyang ama. “Baka malaman ng tatay.”

“Kami'ng bahala,” udyok ng mga ito.

At sa madilim, malamok na silid, sa ibabaw ng isang matigas, may surot pa yatang papag, a, naririnig pa niya ang hagikgikan nina Nardo sa labas.

Kung gaano kalakas o kalaki ang negosyo ng kanyang ama ay hindi niya alam. Ngunit nakita niya, ang taun-taon ay nadadagdagan na dami ng mga bahay na ipinatatayo at pinauupahan. Marahil, naisip niya, iba na ring talaga ang may kumpadre sa Central Bank at sa Customs, bukod pa sa kumpadreng ang dolar ay hindi problema.

At nang tumuntong siya sa high school nang lumipat sila ng tirahan, sa isang maganda, mahal na subdibisyon, pook tirahan ng mga milyunaryo, na ang halaga ng mga bahay ay daang libo, ang swmming pool at higit sa dalawa, tatlong kotse bawat pamilya ay pangkaraniwan na. Hindi niya alam ang dahilan, ngunit muli, kinausap siya ng kanyang ama.

“Ang masusunod sa bahay na ito ay ang inyong Tiya Gilda. Sa kanya kayo hihingi ng allowance. Maging matipid kayo at matuto sa buhay. Mag-aral na mabuti.”

Kung Sabado na walang pasok sa eskwela, pinasasama siya ng kanyang tiya sa mga tinatrabaho ng mga boy at drayber. Dito siya natutong magmaneho. Hindi kumibo ang kanyang tiya, ngunit nakita niyang natuwa ang kanyang ama.

Hindi naman siya napakahina. Marahil ay sa dahilang tamad lamang siyang mag-aral. Hindi siya makapasa-pasa. Muli, nakita niya ang galit ng ama. “Nakakahiya ka, Rodelio. Baka akala mo'y napupulot lamang sa lansangan ang kuwartang ginagasta ko sa iyo.”

Umungol siya. “Hindi naman ako lang ang bagsak.”

“Pasado si Nelia. Mauunahan ka pang makatapos.”

Pasukab, sinulyapan niya ang kanyang ama. “Hindi naman si Nelia ang ibig kong sabihin. Si Junior, saka si Gina.”

Dumagok sa mesa ang kanyang ama. “Tonto. Huwag mong iparis ang sarili mo kay Junior at kay Gina at kanino pa mang kapatid nila. Pag namatay ako'y sa kanila ang lahat ng yamang ito. Kayo ni Nelia ay binibigyan ko lamang ng pagkakataon. Habang ako'y buhay...”

Ama ba niya ang nagsalita? Noon niya natalos, ang pangingimbulong naging pabigat sa kanyang dibdib nang siya'y bata pa ay wala na ngayon. Ang napalit ay isang matining na galit.

Naisip niya, pag yumaman ako at kayo'y naghirap...

“Ang daling yumaman,” sabi ni Nardo.

“'Andiyan ang supistik,” sabad ng boy.

Umiling ang isang nakikinig na salesman ng kanyang ama. “Pinakamadali, pinakamasarap pa, babae. Humanap ka ng babaing maatik.”

Napatango siya. Tama. At sinimulan niya ang paghahanap. Sa gulang na labing-anim na taon, mataas siya sa karaniwan at may kara, wika nga. Naging makisig siya sa pananamit. Dumalas ang pagbibihis. Umangal ang labandera. Nakarating sa kanyang Tiya Gilda. Pinagsabihan siya. At siya ay dumabog. Nagalit ang kanyang ama. Pinapaghinto siya ng pag-aaral sa high school.

“Walang utang na loob,” ang sabi ng kanyang ama. “Iyan pa ang igaganti mo sa iyong Ttiya Gilda. Kung naging iba ang aking asawa, baka ni hindi ka nakatuntong sa bahay na ito!”

Drayber ang kinalabasan niya. Nakasama ng mga salesman sa paglilibot. Ng mga boy sa pagdidiliber.

Kung nakabihis siya't nagmamaneho ng kotse, sino ang magsasabing hindi kanya ang sasakyan. Kung sabihin niyang anak siya ng mangangalakal na si Fernando Manio, nagsasabi lamang siya ng totoo.

Saan kayo nakatira, tanong ng isang dalagita, kolehiyala, nakilala niya sa isang party.

Doon at ikikindat niya ang kanyang kilay. Doon, walang ano man. Balewala. Doon sa millionaires row. At hindi siya nagsisinungaling.

Kung bakit hindi niya alam, siya ay kaagad pinaniniwalaan. Marahil, dahil sa minamaneho niyang kotse. Na maluwag niyang nagagamit nang panahong naglibot, nangalakal sa ibayong dagat ang kanyang ama, kasama ang kanyang Tiya Gilda. Saan mo gustong mamasyal?

Si Jenny ang unang babaing mayaman na pinagbalakan niyang bilmitin. Kaisa-isa itong anak na babae. Negosyante rin at mayaman ang mga magulang, hindi nga lamang sa linya ng kalakal ng kanyang ama.

Tumawag si Jenny o kaibigan marahil ni Jenny sa opisina ng kanyang tatay. Itinanong, talaga bang anak ni F. Manio si Rodel?

Matandang dalaga ang sekretarya ng kanyang ama. Tunay na tunay, ang sagot nito. Nang ikuwento sa kanya ay nakaismid. Hindi na nangahiya. Gustong malaman kung talagang mayaman ka.

Isang linggo bago dumating ang kanyang ama buhat sa Amerika, itinanan niya si Jenny. Labimpito siya, labinlima si Jenny. “Kagustuhan mo ito, Jenny,” paulit-ulit niyang sabi.

Ang maputi, munting katawan ay isinisiksik sa kanya. “Hindi mo ako pinilit. Kusa akong sumama.”

Ang kanyang problema ang unang dinatnan ng kanyan ama. Nais magdemanda ang mga magulang ni Jenny. “Pwede naman natin silang ipakasal.”

Wari nag-apoy ang mga mata ng ama ni Jenny. Alam niya, ang lihim ng kanyang pagkatao ay nadalirot na.

“Ngunit hindi ko naman siya pinilit. Kusa siyang sumama,” pangangatwiran niya.

Si Jenny ay iniharap sa kanya. Umiling si Jenny. “Ihahatid raw niya akong umuwi. Pumayag ako, pero sa iba niya ako dinala. Pinilit niya ako.”

Pinilit. Napaismid siya at sa harapang iyon ay sinampal siya ng kanyang ama. Ang kaso ay nasara. Kung paano naareglo ay nahigingan na lamang niya. Kumpadre ng kanyang tatay sa bunsong si Monette ang isang malakas sa reparasyon. At ang kalakal yata ng ama ni Jenny ay may kinalaman dito.

Si Jenny ay nasundan pa ni Ching. Anak ng isang pag-asawahang taga- hilaga. May-ari ng malawak na bukurin. Nagkaroong muli ng kaso. Si Ching tulad ni Jenny ay binawi ng mga magulang. Ang kaso'y muling naareglo. Ngunit galit na ang kanyang tatay. “Umulit ka pa at pababayaan na kitang mabillibid.”

Noon niya naisip ang kanyang ina. Sa gulang na labingwalong taon. Sa mahigit na sampung taong pagkawalay, nagkaroon siya ng tinig na magtanong. “Tiyang alam ba ninyo kung nasaan ang nanay?”

Nasa Maynila rin pala ang kanyang ina. Sa isang apartmen. Kumatok siya, isang katulong ang sumilip sa pagitan ng kurtina. “Si Aling Cita?”

Ang mukha'y nawala. Muling bumalik. “Sino raw sila?” ang tanong.

Tumikhim siya. “Si Rodel... malakas ang tahip ng kanyang dibdib.

At nabuksan ang pinto.

Alanganin siya. Hindi niya alam kung magmamano siya. O hahalik sa pisngi. O yayakap. Niyakap siya ng kanyang ina. At iniyakan. Ang anak ko... ang anak ko... binata na.

At nang pumayapa na ang kanilang loob, tinanong siya. “Kumusta. Kumusta si Nelia. Natatandaan pa kaya niya ako?”

Hindi siya sumagot. Si Nelia ay isang tahimik na bata, noon pa man. Ngayon ay isang lalong tahimik na dalagita. Ngunit tumango siya. Oo, Nanay. Saka niya nadama. Kaysarap palang sambitin ang salitang nanay. Nanay.

Isang batang lalaki, mga limang taon, at kamukha niya, kamukha ng kanyang ina, ang nakihalo sa kanilang usapan. At isa pang batang lalaki. At sa itaas, narinig niya ang iyak ng isa pa. Tiningnan niya ang kanyang ina. Ngumiti ito.

“Napasok akong tindera sa isang groseri. Nagkakilala kami. Malayo siyang kamag-anak ng may-ari. Alam niya ang lahat. Ang lahat-lahat. Ipinagtapat ko. Hindi iyon naging sagwil. Pinakasalan niya ako. At maligaya ako anak.”

“Natutuwa ako,” sabi niya.

“Sana'y maligaya rin kayo ni Nelia.” Tinitigan siya ng kanyang ina.

At ipinagtapat niya. Si Jenny. At si Ching. “Mayaman sila. Nanay. Mayaman.”

Umiling ang kanyang ina. “Maging matapat ka, anak. Maging matapat, lalo na sa pag-ibig. At natitiyak kong liligaya ka. Sapagkat iibigin ka niya, sino man siya, dahil sa ikaw ay ikaw. Hindi, sapagkat ikaw ay anak ng isang milyunaryo.”

Labingsiyam na taon siya, nasa ikaapat na taon ng high school,nang makilala niya si Dina. Labing-walo si Dina, maganda at mabait. Kapatid ni Dina ang isang kamag-aral ni Junior.

“Kapatid mo si Junior?” tanong nito.

Umiling siya. “Sa ama lang.”

Nagtaka si Dina at nagpaliwanag siya. Tapat, hindi burdadong paliwanag. Ayaw niyang maawa si Dina. Kung iibigin siya ni Dina, ang nais niya ay isang pag-ibig na walang halong awa.

Inibig siya ni Dina. Hindi dahil sa kotseng kung minsan ay kanyang minamaneho. Alam nitong iyon ay ari ng kanyang ama. Hindi rin sa dahilang anak siya ni F. Manio, ang mayamang mangangalakal. Alam nitong hindi siya lehitimong anak. Inibig at iniibig siya ni Dina sapagkat siya ay siya. At sa kanyang kaligayahan, lihim siyang nagpasalamat sa kanyang ina.

Ngunit bata pa sila at mapusok. Minsan, natangay sila ng kanilang damdamin. At sila'y nagtanan. Sa kanyang Tiya Pilar sa lalawigan, dinala niya si Dina. Katulad nina Jenny at Ching, naghabol ang mga magulang ni Dina. Ngunit hanggang doon lamang ang pagkakatulad. Tumutol si Dina. Pinatigasan ang ginawang pasiya. “Kagustuhan ko ito. Hindi ako pinilit.”

Umiyak ang mommy ni Dina . Ang mga tita. Nakiusap ang ama. “Pero hija...”

Umiling si Dina. Hindi. Hindi.

Hanggang lumambot ang puso ng mga ito. “Buweno, kailangang makasal kayo. Sa simbahan. Isang magandang kasal.”

At sila'y bumalik sa lungsod. Siya sa kanyang ama. Iiling-iling ito. “Talagang gusto mo ang biglang yaman, ha?”

Si Dina ay bumalik sa bahay ng sariling mga magulang. At iyon... iyon ang huli nilang pagkikita ni Dina. Pinuntahan niya ito sa bahay, wala. Inabangan sa mga dating dinadaanan, wala. Sa kolehiyo. Wala. Araw. Buwan. Taon. Naghintay siya ng sulat. Wala.

Sa gitna ng kanyang kalungkutan, siya ay nagpakatino. At muling nag-aral.



“KANGINA ka pa?”

Tumayo si Rodel. Tinulungan niya ang waiter sa paghila ng upuan. “Kanginang-kangina pa.” At dumukwang siya nang bahagya, bumulong. “Tinitiningnan na nga nila ako.”

Ang waitress ay tumayo sa tabing-mesa. Nasanggi ng ruffles ng damit nito ang bisig ni Rodel. “Drinks?”

Tumingin ang bagong dating kay Rodel. “Fresh orange juice.”

Masuyong pinagmasdan ni Rodel ang kaharap. Luminga-linga ito. Lumilibot ang mga mata sa paligid. Tumango-tango ang magandang ulo. At bumaling sa mga ilaw na nagsasaboy ng mapulang liwanag. Huminga ito nang malalim. Dinama ang kabuuang malamig na kadiliman na nagbibigay damdaming gabi na. Bagama't sa labas ay kainitan pa ang araw. Nasa tuktok, katanghalian. Kumikislap ang mga matang tumingin sa kanya.

“Happy birthday, 'ling.” Hinawakan ni Rodel ang kamay na nakahawak sa baso ng orange juice.

Kumislap na muli ang magagandang mata. “Hindi kaagad ako nakaalis. Nagperhuwisyo si Noy. Humahabol si Roehl. At matrapik.” Muli, luminga linga, saka bumulong. “Malaking tiyak ang magagasta natin dito.”

Bumulong din si Rodel. “You deserve the best.”

At totoo ang kanyang sinabi. Sa isang katulad ni Norma, ang kanyang asawa, na anak ng isang tahimik, maykaya, mabuting pag-asawahan, ngunit hindi natakot na pakasal sa kanya na may masalimuot na kahapon, para kay Norma, na handang mabuhay nang ayon sa kanyang kakayahan, ang pinakamainam lamang ang nararapat. Kahit iyon ay matagal na pinag-iipunan. Sigarilyong hindi nahihitit... bowling na hindi nalalaro... upang gastahing lahat. Para sa isang kaarawan.

Tumayo si Rodel. Inalalayan sa pagtayo si Norma. At lumapit sila sa mahabang hapag na kinahahainan ng iba't ibang uri ng masasarap na pagkain.

Roast beef, Ma'am? Ham... chicken.
A slice of beef, please.
And you, Sir?
Please, a slice of ham.


LIWAYWAY, Enero 25,1971

No comments:

Post a Comment