Wednesday, March 24, 2010

TALASALITAANG BULAKAN


TALASALITAANG BULAKAN



'La lang, sabi nga ng mga bata ngayon. Nakatuwaan lamang. Ang naisip kong i-blog ngayon ay mga salitang bihira ko nang marinig dito sa siyudad ngunit patuloy pa ring ginagamit sa probinsiya. Kamakailan kasi ay umuwi ako sa Malolos at dumalo sa unang miting ng bagong kahahalal na pangulo ng aming high school alumni association. At narinig ang salitaang ito:

Isang kaiskwela: 'Oy, Ana, nasa'n si Cely? Bakit wala pa?

Ana: Naku, h'wag mong intindihin iyon. Magigi iyon.

Magigi. Natawa ako. Natuwa. Kay tagal nang hindi ko naririnig ang salitang magigi. At dito na napokus ang aming kwentuhan.

Ano ba ang kaibhan ng magigi sa makupad sa mabagal? Halos magkakasing-kahulugan ang mga ito, ngunit may pagkakaiba pa rin. Sabi ng isa: ang makupad ay isang taong parang pagong sa kabagalan. Ang mabagal ay parang kay bigat ng katawan sa paglakad. Ang magigi ay kung anu-ano pa ang mga inaasikaso kaya hindi makaalis agad kung may patutunguhan. At para 'ikamong kung lumakad ay maliliit ang hakbang, pahintu-hinto pa, sambot ng isa pang kaiskwela.

Naalaala ko tuloy si Bert Marcelo, ang komedyante na taga-Bulacan. Siya ang minsan ay nagkwento na sa amin, anya, sa Bulakan, (kasama ang punto sa pagsasalita, umiindayog), ang tawag sa asukal ay matamis. Totoo ito. Sa aming bahay noon, nakalakhan ko, na ang tawag ng aking Inang sa asukal ay matamis. Oy, lagyan mo nga ng matamis 'yung kape. O refinado. Puting asukal ito. May nakaaalam ba kung ano ang kariba na tinatawag rin namin nina Bert Marcelo ng taklob, dahil magkataklob sila? Wow, ang sarap ng ginadgad na kariba na sasamahan ng kinudkod na murang niyog na gagawing sawsawan ng suman sa lihiya. Sawsawan ba ikamo? Oo. Kasi, pag sinabi mong sa-hu-kan, aba'y sukang Paombong iyon... na teka muna, tiltilan naman sa Cabiao, Nueva Ecija (Isang Pook, Dalawang Panahon). Heto pa -

Papas – sa patatas na dito ko na lamang ginamit na tawag.

Lukaok – sa isdang ayungin.

Dalanghita – sa dalandan.

Bikaw – sa isdang mamali.

Sa kabila ng mga pangyayaring Tagalog ang salitaan namin sa bahay, marami pa ring mga salita ang wari ay banyaga sa aking sariling anak. Hindi nila alam ang mga ito -

Unab o unaban – linisin o hugasan ang bigas na isasaing. (Kalbo raw, sabi ng anak ko ang unab.)

Inin – as in inin na ba ang sinaing. Ibig sabihin, luto na ba?

At kung ano ang mangkok o ang pagkakaiba ng mga pinggang malukong at malanday. Noong araw, mayroon pang tinatawag na wataw. Lalo nang hindi nila alam kung ano ang dikin dahil hindi na kami gumagamit ng palayok. Kaldero na ang saingan o rice cooker. (Tinanong ko ang aking anak habang nagta-type ako nito kung alam niya ang dikin. Sagot niya ay ang opposite ng the queen. Heh heh!)

Alam nila ang kalesa o karetela, pero kukunot ang noo nila sa karomata. (Kurbata raw ito.) Hindi na sila iigib o sasalok ng tubig, dahil dumadaloy na ito mula sa gripo. E, iyong palko at butaka? At ano ba ang pakita ngayon sa Sineng Luma? Dalawa lamang ang sine noon sa Malolos, kaya, natural, ang tawag doon sa kabila ay Sineng Bago.

Ang pisi ay tinatawag ding leting. Na ginagamit ng mga bata sa pagpapalipad ng burador. Hitman daw ito, sabi ng isa kong anak. Nagulat pa siya na saranggola pala ito.

Kapag nagsisiga ay maasap. (Ayon naman sa anak ko, kapag maasim raw ang kinakain, e, maasap.) Kapag uulan ay makapal ang alapaap. Ulap ito.

Ang tawag ko pa rin sa mga batong maliliit na isinasama sa pagsesemento ay urnigon. Na hindi ko na naririnig ngayon.

Alam mo ba 'ikako ang kiti. Sagot ng anak ko'y maliit na pusa, dahil kitty. Ayyy, naku... Ang hula naman ng kanyang kapatid ay iyong nasa itlog na balot. Korek, sabi ko, alam mo pala. Sabi nito, iyon ba ang puti... at nang umiling ako... iyong pula? Ayyy, naku na naman! Mali pa rin

Minsan, sa isang pagbisita ko sa abroad, tatlo kaming magkakaiskwela sa high school ang nagkita-kita. Isa na mula sa California at isa mula sa Hawaii. Dinalaw namin ang tatlong kaiskwela na nasa Texas. Ang kwentuhan namin habang naghahapunan sa isang restoran ay nadako sa mga salita at kasabihang Pilipino na kapag kanilang narinig, ay alam nilang taga-Bulacan ang nagsalita. Tulad ng...

sandamukal, sinalibad ka ng lintik, may krusipiho ka man sa dibdib...atbp.

Kung paanong sa iba't ibang lalawigan o rehiyon ng bansa ay may kani-kaniyang salita na tanging sila lamang ang nakauunawa, mga contractions, ganito rin sa amin. Narito ang mga halimbawa. Hulaan ninyo ang kahulugan ng mga ito.

Naku, alam mo bang katait na ako. Katait na katait na. May pinag-uusapang pangyayari rito.

Narito pa.

Wangkusayo...

'Eka nya. 'Ikako.

Lasang henga pa.

Sa mga taga-Bulacan, kung may alam pa kayong iba, ibahagi naman ninyo sa iba pang mambabasa ng blog na ito. At sa taga-ibang lugar, share din kayo ng sa inyo. Click the comments below and just follow the steps for posting.

May anak ako sa States na may dalawang anak na iginigising niya sa tunog ng mga salitang Pilipino. Six and eight years old ngayon. Mula pagkabata ay kinausap na niya ng tagalog. At ngayon ay aktibo sila sa kanilang Paaralang Pinoy sa Virginia. Mga Fil-Am na mga bata na tuwing araw ng Linggo ay nagkikita-kita upang matuto ng mga kultura, tradisyon, awit at pag-uusap sa Pilipino. Boluntaryo lamang ang mga nagtuturo rito na nagmumula sa mga magulang ng mga bata. Higit daw kasing natututo at naiinteresado ang mga anak nila, kung may iba pang kasamang bata na nag-aaral.

Kasabay na natututuhan ng aking mga apo ang pagbasa ng English at Tagalog bagaman at higit silang mabilis natuto sa ingles. Pangarap ng anak ko ay mahasa ang mga anak niya, hindi lamang sa pagsasalita at pagbasa ng Pilipino, kundi pati sa pagsulat nito.

Ang pangarap ko naman ay dumating ang araw na ang mga kwentong nakasulat sa blog na ito ay mabasa ng mga anak niya. Sa gayon, kahit wala na ako, at malayo na ang henerasyong kinabibilangan ko, ay makikilala at matatandaan nila, hindi lamang ako, kundi pati mga kaugalian at damdaming-Pinoy na inilalarawan ng mga karakter sa kwento. At kasama na rin ang mga tradisyong kinagisnan ko na inihabi ko sa mga kwentong aking kinatha. Tulad ng mga pagsalubong sa Bagong Taon, pagdiriwang ng Pasko, paggunita sa mga namatay tuwing Undas, mga reunion, at Mahal na Araw.

Panahon na nga ng Mahal na Araw ngayon at malapit na ang Semana Santa. May ilang kwento ako tungkol dito at sa buwan ng Abril, ilalabas ko ang isa. Abangan ninyo ang kwento ng buhay ni Nilda -

ANG BAGONG MAGDALENA.

2 comments:

  1. Dagdag sa Talasalitaang Bulakan na hindi ko na naririnig ngayon.
    1- bigkis
    2- inuyat/ginaok
    3- bagting
    4- kuting - maliit na pusa
    5- tuta - maliit na aso
    6- mola- malaking kabayo
    7- besero- maliit na kabayo
    8- tiburin - sports kalesa
    9- kumon - kubeta
    10- sungkit
    11- tandang - rooster
    12- inahin
    13- sangkaterba
    14- alitaptap
    15- dalahira
    16- uma-alindayog

    more coming, pag na alala ko.

    ReplyDelete