Monday, June 15, 2009

HUNYO 12, ARAW NG KALAYAAN

HUNYO 12, ARAW NG KALAYAAN

Kamakailan, naging paksa ng usapan sa aming hapunan ang Araw ng Kalayaan. Katatanggap ko lamang kasi ng isang email na naglilitanya ng mga kamalasang umabot at umaabot sa bansa, mula kay Lapu-lapu hanggang sa kasalukuyan. Hindi maganda ang dating nito sa mga kasama ko sa bahay, bagama't may bahid ng katotohanan. Dahil, masyadong negatibo raw. Panay iyong hindi maganda ang mga sinabi. Sabi nga, think negative and you invite the negative. Kaya nga may nagsabi, hindi ko lamang mahalungkat kung sino ---

"Watch your Thoughts, they become Words;
Watch your Words, they become Action;
Watch your Actions, they become Habits.
Watch your Habits, they become your Character.
Watch your Character, it becomes your Destiny."

Input naman ng isa sa kasambahay ko: Na ngayon, kanyang nadarama, kanyang naririnig, kanyang nakikita, ang isang nagbabangong damdamin sa mga tao sa paligid na wari ay matatawag na binhi ng pagpapahalaga o pagmamalaki sa pagiging isang Pilipino. May pagbabago nang nagaganap.

Tanong pa niya: Dahil ba sa isang Manny Pacquiao na muling pinarangalan bilang Boxer of the Year sa America? Dahil ba kay Brilliante Mendoza na nagkamit ng Award bilang Best Director sa katatapos na Cannes International Film Festival? Dahil ba kay Charice Pempengco na naging bida sa talk show nina Oprah at Ellen, na nakisalamuha, nakipagduweto sa mga tanyag na mang-aawit? At muling naungkat, dahil din kay Lea Salonga ng Miss Saigon fame, nagkamit din ng mga awards sa pag-awit? Bayanihan at Madrigal Singers? Mga estudyanteng nanalo sa mga debate, math at science? At sa mga Fil-Am na sina Nicole ng Pussycat Dolls, si Arnel Pineda, Apl.de.Ap. ng Black Eyed Peas? Si Efren Bata Reyes ng billiard. Paeng Nepomuceno ng bowling. At marami pang iba, tulad ng mga awit at tee-shirts ni Francis M…

At huwag kalilimutan ang EDSA 1 at 2. Kaya nga lang, may kasamang pulitika ang mga ito, tuloy hindi naka-relate lahat ang mga mamamayan dito, samantalang sa mga nauna ay wala. Lalo na kay Pacquiao. Matanda at bata, babae at lalake, mahirap at mayaman, nasaan mang dako ng mundo, magkaibang relihiyon, partido. Iskwelahan – lahat, ay nagkaisa para sa kanya. At nang siya ay manalo, proud to be a Filipino talaga!

Iyon nga lamang ba ang dahilan? O talagang dumating na ang panahon. Unti-unti, tulad sa isang halaman, ang butong binhi na inihasik noon, daang taon na ang nakalipas, ay nag-uugat na. Tumitibay na ang pagkakakapit sa lupa dahil sa ito ay nadidilig. Yumayabong na ang mga sanga at dahon. Ang tagal kung iisipin… sandaan at labing-isang taon na ang nakalilipas mula nang lumaya ang Pilipinas.

Personal kong karanasan na masasabing patotoo sa nangyayaring ito. Mga kakilalang kabataang nagtungo sa ibang bansa upang mag-aral o maghanap-buhay, nagkaasawa, nagkapamilya doon. May dilemma sila, how could they reconcile their being nationalistic sa pamumuhay sa ibang bansa, ibang kultura, ibang lahat?

Kanilang kwento:

Mula sa pagsilang ng aking mga anak, sa wikang Pilipino ko na sila kinausap. Sa mga tagulaylay na kinalakhan ko sila ipinaghele. Hindi pa sila marunong magsalita, naiintindihan na nila ang mga sinasabi ko sa kanila, kahit Tagalog ang gamit ko. Puti ang kanilang ama.

Pinadadalhan ako ng aking ina ng mga children’s books sa Pilipino. Binabasahan ko sila nito, na kahit hindi nila naiintindihan ang bawat salita, ay nasusundan naman nila dahil sa mga larawan at ilustrasyon.

Habang natututo sila ng pagbasa sa English, kasabay kong itinuturo ang Abakadang Pilipino. Madali nilang natutuhan ang pagbasa ng Tagalog. Ang po at opo, salamat po, makiraan po, magandang umaga, hapon, gabi, ay naging bahagi ng kanilang lumalagong bokabularyo.

Ipinaskel ko sa aming banyo ang isang malaking papel na kinasusulatan ng mga titik ng “Lupang Hinirang”. Sa gulang na 2 at 4 na taon, alam na itong awitin ng aking mga anak, bago pa nila natutuhan ang anthem ng bansang kinaroroonan namin.

Sabi pa nila:

Hindi naman kailangang kalimutan ang pinagmulan. Sa ayaw at sa gusto namin, ang lahat dito sa bagong bansang kinaroroonan namin ay aariin nilang kanila. Ngunit marapat lamang na madama rin nila na sila ay mga Pilipino. O ang mga magulang nila ay galing ng Pilipinas.

Tuwing Independence Day ng Pilipinas, dinadala ko ang buong pamilya sa mga selebrasyon nito. Doon nila nakikita ang kapwa Pilipino namin. Nakikita ang mga sayaw, naririnig ang mga awit-Pilipino. Ngunit hindi ito sapat, alam namin.

Naisipan namin na magsama-sama at magtulungan na magkaroon ng isang tipong-paaralan kung saan namin maituturo ang lahat na bagay-Pilipino. Awit, sayaw, kultura, tradisyon, panitikan, at iba pa.

At pinadalhan nila ako ng isang video kung saan ang mga bata ay umawit ng isang awit Pilipino. Naisip ko lamang: kung ang mga kabataang nasa ibayo ng dagat ay nakadarama ng ganitong damdamin, hindi kataka-takang ang mga kabataan na narito mismo sa bansa ay higit na makaramdam nang ganito. Dahil higit nilang dama ang pulso ng bayan. Dahil mulat na sila ngayon sa mga nakikita sa paligid, sa pamahalaan, sa lipunan.

Ilang taon nang tuwing buwan ng Hunyo (Mayo pa lamang), ay nagsasabit na ako ng bandilang Pilipino sa harap ng aming bahay. At kapag tinanong ko ang aking sarili, dito ko lamang ba maipakikita ang aking pagka-Pilipino? Sa buong panahon ng aming pagkita sa aming empleo ay nagbayad kami ng buwis. As a rule, sumusunod kami sa batas, hindi sumusuhol kapag nahuli ng pulis… ano pa ba? A, sa totoo lang, wala na akong maisip! Sapat na ba ito? Alam kong hindi. Kayo ba?

Ngunit dama ko, totoo nga, nag-iiba na ang ihip ng hangin!

5 comments:

  1. Good day po! Nakakatuwa po pala basahin ang inyong blog...halos purong Tagalog. Salamat po sa pag preserve ng ating kultura kahit modern ang medium. Dadalaw po ako ulit sa blog nyo. Na share po sa akin ito ni Wendy (Sebastian) na kasamahan ko sa trabaho. Regards po kay AS! Si Zaida po ito. email ad:zbenavidez@asa.ci.org

    ReplyDelete
  2. Hi Tita Evelyn! Gud evening po. Totoo at sang ayon ako sa sinabi ni Zaida na nakakatuwang basahin ang iyong blogs...dami kong napupulot na magandang halimbawa. Tunay na nakaka relate din ako sa iyong mga kwento at naaaliw pa kamo sa mga lugar at pangalan na ginagamit mo sa iyong mga pagsulat. Sa totoo lang pabalik balik ako at paulit ulit kong binabasa ang iyong mga isinulat dito. It's an honor for me and I'm proud to tell everyone na "musmos" pa lamang ako ay kilala ko na si Evelyn Estrella.

    ReplyDelete
  3. Zaida and Weng:

    Salamat sa pagbisita sa blog. Katatawag lang ngayon ng isang classmate from LA at nagsabing he would endorse my blog to others. Okey, sabi ko. Purpose ko talaga ay to share the blog with as many as possible, for all the reasons I have already mentioned posted at the beginning of the postings.
    Again, thanks. Abangan ang marami pang kasunod!

    ReplyDelete
  4. Hi Ms. Eve,

    Beautiful Morning!

    Wow, your blog is very patriotic, very Filipino, very nostalgic.... All the more I feel proud to be a FILIPINO.. Its a trip down memory lane for me..I can well relate to it because I belong to "jewel citizen" group....your blog would serve as resourse and reference of students taking up Filipino, Panitikan, Phil history, Phil culture and traditions, Filipino positive values and wisdom and other related subjects..I did try to make blog also and posted it in my multiply site altho it dealt mostly with my travel experiences and be a bestower of wisdom to others..

    More Power to you Ms. Eve

    Miles Bernal
    www.Mileslbernal.multiply.com

    ReplyDelete
  5. Ngayon lang ako nakabisita dito, at naaliw ako...Nakatutuwa naman si Diane, ramdam na ramdam ang kanyang pagiging Pilipina...

    Bibisita ako uli.

    ReplyDelete