Wednesday, June 3, 2009

BAGO PAKASAL, BAKIT DI MUNA NATIN SUBUKIN?



BAGO PAKASAL, BAKIT DI MUNA NATIN SUBUKIN?



SIYA, si Rhia ang nagmungkahi. Noon. Nabigla si Bert. “Bakit kailangan pa nating gawin iyon?”

Matatag ang kanyang pasiya. “Upang tayo ay makatiyak. Sa ating damdamin. Sa ating sarili.”

Si Bert ay napapayag din niya. Ngunit halatang napilitan lamang ito. Pinagbigyan lamang siya.

At bago napag-usapan at naitakda ang kanilang kasal, sinubok nga nila ni Bert ang kanilang napagkayarian.

Kapitbahay at kaeskwela niya mula sa elementarya si Bert. Kalaro sa bahay- bahayan kung Sabado’t Linggo na walang aral. Kasama sa patintero’t moro- moro sa kalsadang nasa harap ng kanilang bahay nang panahong iyon na wala pang traysikel at bihira pa ang diyepning nagdaraan. Maski sa taguan, kung gabing maliwanag ang buwan, kung saang silong sumiksik si Bert, naroon din siya.

Noon pa man, may pagkamalisya na ang mga bata. “‘Eto na’ng nobyo mo, Rhia…”

“Anong nobyo?” Sinong nobyo?” inis niyang tanong.

“Si Bert, sino pa?”

“A, si Bert…” at wala na ang kanyang pagkainis.

“Uyyy…” tukso ng mga ito. Habol kaagad siya ng pangungurot.

Si Bert ay tinutukso rin ng mga kalaro. At kay Bert siya natuto. Hindi nito pinapansin ang mga pang-uulok. Kung baga sa siga, lalo pang pinag-aapuy.

“A, si Rhia, talaga naman liligawan ko ‘yan paglaki namin.”

Kaya ang nangyari, pati na ang kanilang mga magulang ay nagkalokohan. Pamamalengke ay daraanan ng ina ni Bert ang kanyang nanay. “Balaeng Norma, aba’y tayo na’t baka bilasa man, e, wala tayong datnan.”

Sa elementarya, sa iba’t ibang baitang nang pag-aaral, hiraman sila ng libro ni Bert. Ang Homeland nito. Ang English Fundamentals niya. Si Bert pa rin ang tagadrowing niya ng mga takdang aralin sa Elementary Science. Si Bert pa rin ang hinihili niyang maghakot ng mga sako ng ipa mula sa kiskisan hanggang sa eskwelahan. Mantak mo iyong tigsasampung sako ng ipa ang bawat nag-aaral. Para matambakan ang malalalim na kanal sa bakuran ng paaralan. Para magamit sa idinaraos na athletic meet. At kung wala. A, stupid, sasabihin ng kanilang guro, sapagkat noo’y magaan pang nakapagmumura ang mga titser sa mga estudyante. At kinig na ang kanilang tuhod sa pagsunod. At siyempre, si Bert ang lagi niyang napapahirapan.

Siyempre pa rin, kung may idinaraos na mga palatuntunan sa paaralan, tulad ng Arbor Day, Balagtas Day, at kung anu ano pang mga araw na dinarakila, at mayroon din lamang mga batang pagsasayawin ng folkdance, tiyak, sila ni Bert ang pinagpapareha. Iyang La Jota Moncadena ay master na nila ni Bert.

At lumaki sila sa gayong palagayan. Si Rhia at si Bert. Si Bert at si Rhia. As unto the bow the cord is, so unto Bert is Rhia, ang takbo ng mga biruan.

Valentines Day. Nasa high school na sila ni Bert. “Rhia…”

Inabot niya ang kahong ibinibigay ni Bert. “Ano ‘to?” ang tanong niya, kasabay ang pagbubukas.

Isang malaking-malaki, makapal, may mapulang kutson na hugis puso, lasong pelus na Valentine card. Binasa niya. To a very special girl. At ang mga sumusunod na nilalaman ay tungkol sa kinikimkim na pag-ibig na noo’y ipinagtatapat.

Umungol siya. At tumawa. At hinampas ng kahon si Bert. Ganoon lamang. Mag-steady na sila. Si Bert ang kauna-unahan niyang manliligaw. Katorse siya. At naging kauna-unahan ding kasintahan. Sa gulang ding labing-apat.

Narinig niya ang pag-uusap ng kanyang ina at ng isang kapitbahay. Ang bata pa ni Rhia, di ba ninyo pinagbabawalan?

Sabi ng kanyang ina. Naku, bakit ba namin papansinin iyon, e, para puppy love lamang. ‘Wag ka’t mamaya, e, lilipas na iyon.

Kaya tinanong niya si Bert. “Kailan kaya lilipas itong nangyayari sa atin. Bago matapos ng high school o pagkaraan ng graduation?”

Ang sagot ni Bert. “Sa lagay ba’y may balak ka pang makipag-break sa akin?. Di ba ang usapan natin, pagkatapos ng college, magsisilbi, saka mag-iipon, ang katapusa’y kasal.”

Kasal. Second year pa lamang sila sa high school. Ang layo na ng iniisip ni Bert. Hindi na lamang siya kumibo.

Ang pagmamahal na nadarama niya para kay Bert ay hindi ang uri na nagpapamula ng pisngi at nagpapasasal ng tibok ng puso. Tulad ng nadarama ng kanyang kaibigang si Idia kapag nakikita ang crush na si Lando. “Ay, Rhia, nandiyan na. nandiyan na…”

“Sino?”

“Si Lando. Huwag kang maingay. Nakatingin dito. Diyos ko po, Diyos ko po!”

Tutop ang dibdib, hindi magkantututo si Idia. Abot ang buntunghininga. At ganoon na lamang ang kanyang pagtawa. Pagtatawang nauuwi sa pag-iisip . sa matamang pagmumuni muni. Bakit ako, walang ganoong nararamdaman kapag nakikita ko si Bert. Mahal ko kaya siyang talaga? At mahal din kaya niya akong talaga?

Sa high school, sabay sila sa pagpasok, sabay rin sila sa pag-uwi. Sa mga sayawan, hindi lamang si Bert ang kauna-unahan at kahuli-hulihan niyang sayaw, kundi si Bert ang tangi niyang kapareha sa lahat ng tugtog. Kahit sa pagkain sa kantina, kasama pa rin niya si Bert. Wala siyang nadaramang pagkayamot, ngunit hindi rin naman siya excited. Nasisiyahan lamang siya sa kanyang katayuan at kalagayan. May nagmamahal.

Nagbilang ng manliligaw si Idia. Saka si Emma. Si Myrna. Si Cynthia. “Masarap ba?” ang minsan ay hindi niya napigil na itanong.

Nagtawanan ang kanyang mga kaibigan. “Ito namang si Rhia, akala mo hindi naligawan.”

Sa loob-loob niya, ligaw na ba iyong ginawa ni Bert. Nag-abot lamang ng Valentine card. Ni hindi siya napadalhan ng love letter nito. Kasi naman, ipinahalata kaagad niya na may gusto rin siya. At noon din. Mismo.

Nakatapos sila sa mataas na paaralan. At kapwa nag-aral sa kolehiyo. A, sa mga kolehiyo’t pamantasan ay maraming prospect. Ngunit no dice. Iisa ang kursong kinuha nila ni Bert. Commerce, at iisa rin ang kolehiyong pinasukan. At silang dalawa ay nakilala rin ng lahat na magkasintahan. Ang mga lalaki ay ilag na sa kanya. Wala nang kulay ang mga tingin at salita. Ang mga babae naman ay hindi na nagpapatsarming kay Bert.

“Nakakainggit ka, Rhia,” sabihan ng kanyang mga kasamahan sa dormitoryo.

“Bakit naman?” ang tanong niya.

“Mahal na mahal ka na ni Bert ay gustung-gusto ka pa sa kanilang pamilya. At si Bert naman, ng iyong pamilya.”

Mapalad nga marahil siya. Na kay Bert na ang lahat ng katangiang karaniwang hinahanap ng isang babae sa nais na makaisang-palad. Matangkad at makisig, lalaking-lalaki ang personalidad. May angking talino at likas ang kabaitan. Maalalahanin. Tapat. At tunay na ipinagmamalaki niya ito. At itinuturing na mapalad nga siya. Kaya ang pagdating ng panahon ng katuparan ng kanilang mga balak aly matiyaga na lamang niyang hinintay.

Hanggang sa makadaupang-palad niya si George.

“Rhia, si George. George, si Rhia.”

“Hi,” sabi niya.

“Hello,” bati naman nito.

Hindi naman guwapo si George. Di hamak na may hitsura si Bert. Pero si George, muy simpatico. Ba’t pag ngumiti ay may biloy pa sa pisngi.

“Rhia, pwede bang dumalaw.” Tumatawa pati mata ni George.

Naramdaman niya, nag-iinit ang kanyang pisngi. Namumula siya, alam niya. Pero bakit. Kasabay ng tanong, napansin niya ang halos mag-abot na tibok ng kanyang puso. Anong nangyayari sa kanya?

Hindi niya napigil ang pagtango. Dalaw lang pala..

Dumalaw si George. At muli pang dumalaw. At natural lamang na di maiiwasan ang pagtatagpo. “Si Bert, si George.. George, si Bert.”

Nagkamay ang dalawa. Nasa mga mata ni Bert ang hindi maisatinig na tanong. Ano ang pakay mo kay Rhia.

Nasa mga ngiti ni George ang pagtanggap sa kaharap na hamon. Siya pala. Siya pala si Bert. Ang nababalitaan kong boyfriend mo. Pero boyfriend pa lang. hindi pa kayo kasal, Rhia…

At nasa pag-iinit ng kanyang mukha at panlalamig ng mga palad, nasa ayaw lumabas na tinig sa kanyang lalamunan at nasa wari ay panlalaki ng kanyang dibdib na namuno sa isang kakaibang uri ng kasiyahan, ang daloy ng pagmamalaki. Bert, si George. Ang ibig niyang sabihin, hindi ikaw lamang Bert. May iba pa. si George. At si… at… kung sino pa ang darating. Bakit nga hindi

Naunang umalis Geroge. At hinintay niyang ungkatin ni Bert ang tungkol kay George. Ngunit wala itong sinabi. At wari, siya ay nabigo. At sa kanyang kabiguan, siya ay nag-isip. Anong uri ng tao at kasintahan itong si Bert. Talaga ba niya akong mahal. Siya ba’y mahal ko ring talaga. Bakit ganito ang damdamin ko sa kanya. Parang hindi ganap. Parang… a, paano ako makatitiyak.

Saka nagyayang pakasal si Bert. “Tapos na tayo ng pag-aaral, Rhia.”

Mayroon pang maidadahilan. “Pero wala pa tayong trabaho. Hindi pa tayo nakapagsisilbi.”

Nakakita ng trabaho si Bert. At siya. Sa malalaking kompanya. Matatag. At muli, ang pagyayaya. “O, ano, Rhia?”

“Kaunting panahon na lang, Bert.” Parang nawawalan na siya ng pag-asa.

Saka niya narinig ang awit na iyon. Tinutugtog sa isang jukebox. Sa isang munting kainan na pinagmemeryendehan nila ni Bert. You try somebody else, I’ll try somebody else, and when we’re through, we’ll both be blue, we’ll be back together again.

“Pakinggan mo, Bert. Pakinggan mo.”

You try painting the town. I’ll try acting the clown. We’ll travel fast, but it won’t last, we’ll be back together again.

“Narinig mo, Bert?”

“Ano’ng ibig mong sabihin. Rhia?”

“Iyong awit, ang ibig kong sabihin. Bakit di muna natin subukin? Bago tayo pakasal, bakit di muna tayo maghiwalay? Upang tayo ay makatiyak sa ating damdamin. Sa ating sarili. Bert… Bert… mula noong araw, tayo nang dalawa. Walang iba. At ako, ni hindi ko naranasang maligawan. Huwag kang magagalit, pero hindi ako nagkarooon ng karapatang pumili, dahil wala akong pamimilian. Ikaw lang, Bert. Lumaki akong may tatak. Girlfriend ni Bert. Hindi mo kasalanan, Bert. Hindi natin kasalanan. Talaga namang gusto natin ang isa’t isa. Pero kapag tayo ay napakasal, hindi na tayo makauurong, Bert. Kaya nga, sabi ko, tulad ng sinasabi sa awit, why not try somebody else? At kung talagang tayo ang magkapalaran, kung hindi natin madadala ang paghihiwalay, babalik tayo sa isa’t isa, Bert. Hindi ba? Ha?

Naghiwalay sila. Sa malaking pagtataka ng lahat ng kanilang mga kakilala’t kaibigan. Nagkaroon nga siya ng mga manliligaw. Pwede na siyang mamili.

Saka niya nabalitaan. Dumadalaw, madalas pumasyal si Bert kina Anna. At alam niya, matagal nang mya lihim na pagtingin si Anna kay Bert. Kapag nagtapat si Bert, kung di pa nakapagtatapat, tiyak na sasang-ayon si Anna. Kaagad. Di na magdadalawang loob. At ang pagpapakasal ng dalawa ay isang nagdudumilat na katiyakan



NAPABALIKWAS sa pagkakahilig sa sopa si Rhia. Busina na nga ba ng kanilang kotse ang kanyang naulinigan. Muli, ang busina. At tuluy-tuloy nang tumayo, tinungo ni Rhia ang pinto.

“O, napuyak ka pa ng paghihintay. Sabi ko matulog ka na lang. Si Lydia naman ang magbubukas ng gate,” ang bati nito.

Tumawa si Rhia, kasabay ang kapit sa bisig ng asawa. “Nanood ako ng tv. The Best Things in Life are Free.”

“Siyanga. Maganda ba? Hindi ko napanood ‘yon noon.”

“Maganda. At alam mo, doon pala sa pelikulang iyon kinanta ang theme song natin.”

“Alin?”

Isinara ni Rhia ang pinto ng kanilang silid-tulugan. Sumandal dito at mahinang umawit, you try somebody else, I’ll try somebody else...

Ang tinig ni Rhia ay nasabayan ng sipol. And when we’re through, we’ll both be blue, we’ll be back together again.

Napakulong si Rhia sa nagmamadaling mga bisig. At sa pagitan ng mga halik, “Bata pa ako noon at walang isip… nang makipaghiwalay sa katangi-tanging lalaking iyon…”

“Ang ginawa mo’y hindi kawalan ng isip. Manapa’y patunay ng isang hinog at magulang na pag-unawa sa mga pangyayari.”

“Pero natakot ako. Nang nabalitaan ko ang tungkol kay Anna. Noon ko nadama, hinding-hindi ko mapapayagang mawala siya sa aking buhay. Ang mapakasal siya sa iba. Sukdulang maglumuhod ako sa pagbabalik sa kanya.”

“Hindi na kinailangang maglumuhod ka sa kanya. Ikaw lang talaga ang kanyang pag-ibig. Pero ngayon, hindi ka ba nagsisisi, Rhia?”

“Sa pagbabalik sa iyo? A, hindi, mahal kong Bert. Hinding-hindi.”


Liwayway, Pebrero 1972

No comments:

Post a Comment