Sunday, March 8, 2009

LARAWAN NG PAG-IBIG



LARAWAN NG PAG-IBIG




TINITIGAN ni Loida ang larawang ibinabalik ng kaharap na salamin. Pilit inaninaw, pinagbalikan sa isip ang kanyang kaanyuan, dalawampu’t limang taon na ang nakararaan. Malalamlam, may itinatagong lumbay na mga mata. Makinis, mamula-mulang kutis. Malago, lampas-balikat na buhok, kasing-itim ng gabing walang bituin.

Ngunit siya’y bigo. Lubhang napakatagal na ang dalawampu’t limang taon.
Malalamlam pa rin ang kanyang mga mata, ngunit wala na ang lumbay. Makinis pa rin ang kanyang kutis at mamula-mula sa tulong ng blush-on, ngunit hindi na kayang ikubli ng make-up ang crow’s feet sa sulok ng mga mata at ang laugh lines sa gilid ng bibig. Malago pa rin ang kanyang buhok. Higit nga lamang na maigsi ang pagkagupit, ngunit hindi na kakulay ng gabi. May nakasalit nang ilang pinilakang hibla.

Ngunit sa kabuuan ay maganda pa rin siya. Hindi gaanong nagbago ang kanyang pangangatawan. Bahagya lamang ang kanyang itinaba, dala ng mga taong nagdaan.

Siguro, naisip niya, makikilala pa rin siya ng kanyang mga estudyante noong araw. At ng kanyang mga co-teachers. Tiyak na magiging masaya ang kanilang pagkikita. Iyon ang sabi ni Mrs. Reyes, ang dating prinsipal ng high school.

“A. Loida,” ang sabi nito. “Ikaw ang aming sorpresa sa mga bata. Kay tagal mong nawala. Mula nang magpunta ka sa States, hindi ka na namin nakita. Kung nagbabalik-bayan ka’y hindi mo man kami naisip dalawin. Pero, ngayon, tamang-tama. May reyunyon ang mga bata. Silver jubilee nila. Twenty five years!”

Dalawampu’t limang taon. Ang mga batang labing-anim, labimpito o labing-walo nang panahong yaon ay lampas kwarenta na ngayon. Ang labimpitong si Roberto noon ay kuwarenta’y dos na ngayon.

Roberto. Roberto Sanchez. Ang daloy ng gunita ay hindi napigil ni Loida. Sa kanyang balintataw ay dagling naglaro ang kaanyuan ng isang binatilyong labimpitong taon. Matangkad. Kayumanggi. May mga matang matiim kung tumitig, waring binabasa pati ang iyong kaluluwa.

“Miss Sanchez, ito si Roberto, isa sa magiging iskwela mo,” pakilala ni Mrs. Reyes, ang prinsipal. Nasa opisina siya ng prinsipal. Naghahanda sa pagtungo sa klaseng hahawakan nang dumating ang binatilyo.

Naalangan ang kanyang ngiti nang magtama ang kanilang paningin ni Roberto. Si Roberto ay buhay na larawan ni Freddie. Parang nais siyang takasan ng diwa ngunit kaagad niyang nahawakan ang sarili.

Ngumiti ang binatilyo. Higit na malaking ngiti, na hindi naman nagpabago sa matamang pagkakatitig ng mga mata sa kanya.

“Sanchez rin ako, Ma’am. Baka magkamag-anak tayo.”

“Baka nga,” ayon niya. Sabay na silang umalis ni Roberto patungo sa kanyang klase.

Substitute teacher siya sa araling Pilipino ng mga nasa ikaapat na baitang ng high school. Naging paksa siya ng usapan ng mga mag-aaral.

Si Miss Sanchez. Ang bagong titser. Maganda. Seksi.

Ay, nagkaroon ng buhay ang faculty. Katulad niya ay patak ng ulan na dumilig sa nalalantang halaman at naluluoy na bulaklak. Nagpanibagong-sigla ang mga tumatandang guro. Lagi siyang pinagkakalumpunan. Ano ba ang bagong moda ngayon sa Maynila?

At ang mga binatang guro, nagpasimulang magpalipad-hangin, wika nga. “Sana’y maging tagarito ka na, Miss Sanchez.”

Malapit lamang ang bahay nina Roberto sa kanyang pinangangaserahan. Silang dalawa ay naging pangkaraniwang tanawin sa paligid. Kung umaga ay dinadaanan siya ng binatilyo sa pagpasok sa iskwela, sa pakiusap ng kanyang kasera para may kasama siyang maglakad, malapit lamang ang iskwelahan sa kanila. Kung hapon ay magkasabay pa rin silang umuwi. Bukod sa mga pagkakataong nagtutungo ang binatilyo sa bahay na kanyang tinutuluyan, pinagtse-tsek niya ng papel sa iksamen. O nag-aaral ito ng leksiyon habang siya ay gumagawa ng lesson plan. Hanggang matapos ang kanilang ginagawa at sila’y magkuwentuhan na lamang. Mga kung anu-ano. Samu’t saring pangarap sa buhay.

Si Roberto. “Magtatapos ako ng pag-aaral. Magsisikap na mabuti. Hahanap nang mabuting hanapbuhay. At kung matatag na ang aking kalagayan, mag-aasawa ako.”

Siya. “Natitiyak kong matutupad ang lahat ng mga pangarap mo, Roberto. Mabait kang bata. At matalino. Mapalad ang magiging kapalaran mo. Pwede bang malaman kung sino siya?” pabiro niyang dugtong.

Umiiwas ang mga matang tumingin sa labas ng durungawan si Roberto. “Makikilala rin ninyo siya, Miss Sanchez. Pagdating ng panahon. Ng tamang panahon.”

Noon pa man, dapat ay nakaramdam na siya. Ngunit lubha siyang abala. O, nagpipilit maging abala sa bagong gawain, sa isang bagong paaralan, sa harap ng mga bagong kaguro at estudyanteng tinuturuan. Ang kanyang katawan ay idinudumog niya sa mga pisikal na pagkakaabalahan upang ang puso at diwa ay hindi magkaroon ng panahon na makadama ng lumbay. Na hindi naman napagtagumpayang ikubli ng malalamlam niyang mga mata.

Si Roberto pa rin ang nakapuna nito. Naglakas-loob na magtanong. “Huwag kayong magagalit, Miss Sanchez. May gusto lang akong itanong.”

Tumigil siya sa pagsusulat ng lesson plan. Sinalubong niya ang mga mata ng binatiyo. “Hindi naman siguro masama ang itatanong mo.”

Umiling si Roberto. “Medyo personal lang, Miss Sanchez.”

Tinapik niya ng fountain pen ang kamay ng binatilyo. Nginitian niya ito. “I feel good today. You can ask me anything.”

Huminga nang malalim si Roberto. At mahinay na nagsalita. “Iyon nga ho ang ibig kong sabihin. Tulad nang sinabi ninyo. You feel good today. Tinawanan ninyo ako. Marami nang pagkakataon na nagkuwentuhan tayo. Nagkatuwaan. Pero, bakit…bakit ho parang sa likod ng tawa at ngiti ninyo ay may nakatagong lungkot?”

Hindi siya nakahuma. Maluwat siyang tumingin sa labas ng durungawan. Pilit hinanap sa malalagong dahon at malalabay na sanga ng punong mangga na nakatanim sa harap ng bahay ang kasagutan.

Nang pukawin siya ng tinig ng binatilyo. “Sorry, Ma’am. Kalimutan na ninyo ang tanong ko.”

Kinabukasan ay higit na maagang dumaan sa kanyang kasera si Roberto. Nagpahayag na mauunang magtungo sa iskwela.

Kinahapunan naman ay nagpaiwan. May practice daw sa kung saan, hindi naman sinabi. Ngunit naunawaan naman niya ang binatilyo. Talos niyang nahihiya ito sa kanya. Ang ganoong situwasyon ay tumagal nang dalawang linggo. Saka niya nadama, hinahanap-hanap niya ang binatilyo.

Ang mataman nitong pakikinig sa kanyang pagkukuwento.

Ang bida at biro nito kung siya naman ang tahimik at walang ganang magsalita.

Ang pagtungu-tungo nito sa kanyang kasera, pagdadala ng kung anu-anong prutas.

Ang pag-aaral ng leksiyon habang siya ay gumagawa ng lesson plan.

Ang magkasabay nilang paglalakad patungo sa iskwela at pag-uwi sa bahay.

Ang mga mata nitong nanunuuot kung tumitig. Tulad din ng mga mata ni Freddie.

Saka siya nagkasakit. Trangkaso. At ipinatawag niya si Roberto upang dalhin ang kanyang sulat kay Mrs. Reyes, ang prinsipal. At kinahapunan ay muling dumating si Roberto, kasama ang mga kaiskwela, dinadalaw siya. Kinabukasan ay muling naroon si Roberto. At araw-araw mula noon.

At noon niya ipinagtapat kay Roberto ang tungkol kay Freddie.

“Matagal kaming magkasintahan. Nasa unibersidad pa lang kami. Hanggang sa magkatrabaho. Ayos na ang balak naming pagpapakasal. Pati ang apartmen na titirahan namin. Napili na rin namin ang mga kasangkapang bibilhin. Yari na ang damit kong isusuot. Handa na ang lahat. Nang… nang may mangyari…”

Namatay si Freddie sa isang aksidente. Paano niya malilimutan ang mga araw na yaon na nais na rin niyang mamatay?

Nagkasakit siya. Hindi nakapagtrabaho. Hinahanap-hanap niya si Freedie. Sa paligid. Sa mukha ng mga taong nakikita niya. At ang mga mata nito sa mga matang nakatitig sa kanya.

Mukha at mga mata ni Freddie na nakita niya sa mukha at mga mata ni Roberto. Ngunit hindi niya sinabi ito sa binatilyo.

“Nilakad ng isa kong tiyuhin na makapagturo ako rito, malayo sa Maynila, at sa mga alaala ni Freddie. Upang makalimot daw ako.” Hinagod ng kanyang tingin ang mukha ni Freddie sa mukha ni Roberto. “Hindi madali ang paglimot.”

Tumangu-tango si Roberto. “Siguro nga. Siguro nga’y hindi madali ang lumimot. Ako rin… kahit ano ang gawin ko… hindi ko magawa.”

Bigla ang dating sa kanya ng unawa. Dagling inabot niya ang kamay ng binatiyo. Tinapik-tapik, habang may kirot sa pusong pinagmasdan ito.

Mariing kagat ni Roberto ang mga labi. Nakatingin sa malayo, sa labas ng durungawan. Bahagyang nakangunot ang noo, pilit pinapayapa ang damdaming nadarama.

“Sorry, Miss Sanhez,” basag ang tinig ni Roberto. “Hindi ko mapigil. At alam ko, maiintindihan ninyo ako. Hindi napipigil ang pagmamahal. Basta nadarama iyon. Nahihiya ako sa inyo, Miss Sanchez…”

I love you. Halos pabulong ang pagkabigkas at gusto niyang isipin na nagkanriringgan lamang siya. Muli, tinapik-tapik niya ang kamay ng binatilyo.

“Okey lang, Roberto,” wika niya. “Nauunawaan kita. At let’s forget the whole thing… that this conversation ever took place.”

Napatingin sa kanya si Roberto. At sinalubong niya ang mga mata nito. “We are friends, Roberto. Magkaibigan. Mabuting magkaibigan lamang. And I want you to know, I like you very much.”

Much more than what is good for me, kanyang idinugtong sa sarili. At kasunod niyang naisip, it’s time to go.

Ilang linggo pa siyang nagturo at pagkatapos ay bumalik na siya sa Maynila. Hinanap-hanap pa rin niya si Freddie, ngunit lagi na, sumisingit ang gunita ni Roberto. Naghihilom ang sugat. Lumalabo ang alaala. Patuloy ang buhay.

Umalis siya ng Pilipinas. Dumalaw at muling umalis. Paulit-ulit. At ngayon, dalawampu’t limang taon mula nang siya ay dumating sa paaralan nina Roberto, natapatang may reyunyon. At siya’y inanyayahang dumalo ni Mrs. Reyes, ang dating prinsipal.



ANG reyunyon ay ginanap sa likod ng munisipyo sa kabayanan. Ang kasalukuyang mayor ang pangulo ng Alumni Association. Marami nang tao nang dumating sina Loida. Nasa loob pa sila ng kotse ni Mrs. Reyes ay dinig na nila ang ingay at gulo sa paligid. Pulu-pulo, bugsu-bugso ang halakhakan.

Nakikiagaw sa lahat nang ito ang isang luma, masayang awitin, ang Let’s Twist Again ni Chubby Checker, na tinutugtog ng isang banda. Philippine Navy Band, dala ni Captain Ramos, ang bulong ni Mrs. Reyes.

Mula sa bintana ng kotse ay natanaw ni Loida ang isang nililitsong baka, donasyon ni Sacdalan, may bakahan sa Mindoro, balita naman ni Miss Francisco.

A, maraming successful sa mga graduates ng taong ito, ang kuwento ni Miss de Leon.

At naisip ni Loida, si Roberto kaya. Natupad kaya ang mga simpling pangarap nito?

Masasal ang kaba ng dibdib ni Loida nang bumaba ng kotse. “Gate crasher ako, Mrs. Reyes.”

“Nonsense,” sagot ng matandang prinsipal. At sa kinamihasnang tinig nito sa kanyang mga guro ay nagsabi. “Hurry up… hurry up…”

Alam ni Loida na ang lahat ng mga mata ay nakapako sa kanya. Sinalubong sila ng bumubuo ng Reception Committee. Dinala sa Registration table. Nilagyan ng corsage. Pinapirma. At nang mabasa ang kanyang isinulat ay nagsigawan.

Si Miss Sanchez! Si Miss Sanchez! At inulan siya ng pagbati.

Ang ganda-ganda pa rin ninyo, Miss Sanchez. Mas matanda pa yata kami kaysa sa inyo! Hindi namin kayo nakilala. Kasi naman, sandali lang kayong nagturo sa amin. Kumusta na. Kumusta….

Sandali nga lamang siyang nagturo noon at hindi rin naman niya natatandaan ang mga mukha ng mga naging iskuwela niya. Maliban sa ilan. Maliban sa isang natatanging mukha. Na may mga matang nanunuot kung ititig.

“Miss Sanchez?”

Inabot ni Loida ang nakalahad na kamay ng kaharap. “Roberto!”

Sa tabi ni Roberto ay napuna ni Loidang nakatayo ang isang babae. Mga mahigit tatlumpo’t limang taon. Itim na itim pa rin ang malago, lampas-balikat na buhok. Makinis at mamula-mulang kutis, wala pang mga guhit na tanda ng panahon. At may malalamlam na mga mata, na wari ay wala namang itinatagong lumbay.

“Miss Sanchez, my wife, Anita.”

Ginagap ni Loida ang palad ni Anita. Dalawang kamay. Mahigpit. Hindi
na niya kailangan ang salamin upang ilarawan ang kanyang kaanyuan noong araw.

Si Anita ay buhay niyang larawan noong kanyang kabataan. Noong kasalukuyan siyang nagtuturo sa paaralan nina Roberto. Alam kaya ito ni Roberto?

Binalingan niya si Roberto. At nagkasalubong ang kanilang mga paningin. “Natupad ring lahat ang mga pangarap ko noon, Miss Sanchez. Lahat-lahat,” at ngumiti ito, kasunod ay sulyap sa katabing asawa.

“Natutuwa ako,” tanging naisagot ni Loida, sabay baling kay Anita.

“Natutuwa ako,” ulit niya.

Sapagkat naalala niyang muli si Freddie. Kay Roberto.

At siya. Kay Anita.



Liwayway, 14 Abril 1986


No comments:

Post a Comment