Friday, March 6, 2009

HIGH SCHOOL REUNION

HIGH SCHOOL REUNION


Pagkatapos ng pasukan sa eskwela, iba ang senaryo. Mga nanay na hatid-sundo sa kanilang mga istudyante. Mga lolo at lolang retired-ed na sa opisina ngunit may bago namang opisyo, bagong apostolate kumbaga: baby-sitting ng mga apong pre-schooler at kung kapwa nagtatrabaho ang mga magulang, hatid-sundo rin sa eskwela ng iba pang mga anak nito..

Ito ang isa sa mga idinadahilan ng maraming lola at lolo kung bakit hindi sila makadalo sa mga activities ng kanilang klase, tulad ng mga miting, birthday, pista at reyunyon. Reyunyon! Paalala naman sa mga anak na ang mga magulang ay nagdiriwang ng kanilang high school reunion na minsan lamang sa isang taon ginaganap, gawan naman ninyo ng paraan na may ibang magbantay o maghatid-sundo sa inyong mga istudyante!

Silver Jubilee! Dalawampu’t limang taon! Golden Jubilee! Limampung taon mula nang magtapos sa haiskul! Mga pambihirang okasyon. Pagkikita ng mga magkakaiskwela pagkalipas ng maraming taon! Muling pagtatama ng mga mata ng mga minsan-isang-panahon ay magkamag-aral na buklod ng lihim na pagtitinginan. O muling pagkasilay sa kagandahan ng isang secret love (di nga ba at ang theme song pa ay Secret Love na awit ni Doris day? Once I had a secret love, that lived within the heart of me, All too soon my secret love, became impatient to be free… na aawitin mo pa nang ubod lakas ang kasunod na lyrics… Now I shout it on the highest hills, even told the golden daffodils… kahit wala naman tayong daffodils sa Pilipinas!)

Kaya nga masaya ang mga high school reunion. Dahil sa mga alaalang ito ng lumipas na kabataan. Ng mga kinukuyom na pagmamahal. Ng mga sulat ina iniipit sa notebook o sa pagitan ng mga pahina ng hiniram na Noli Me Tangere. Ng mga Valentine cards na ang mga disenyong pulang puso ay alsado at may palamang bulak, parang kutson sa lambot! Ng mga dedication na ipinadadala sa radyo o sa mga songhits – This song is heartily and lovingly dedicated to… at ang kanta ay Boulevard of Broken Dreams, kasi ay basted na pala. Ito ang eksena ng mga tinedyer na may crush sa kaiskwela noon.

Pero, paano kung hindi kamag-aral ang itinatangi ng puso?

Hindi kamag-aral?

Sino naman kaya?


Abangan … ang susunod na kwento sa buwan ng Marso, 2009.

No comments:

Post a Comment