Monday, September 1, 2008

PAGKALIPAS NG BAGYO - Unang Labas



PAGKALIPAS NG BAGYO - Unang Labas

SA likod ng kurtina, sa siwang ng salaming bintana, hinagod ng tingin ni Nidia ang kanyang munting hardin. Yukayok na ang mga punong rosas. Buwal ang Lady’s corn. Bali ang Japanese umbrella. Nagkalat ang mga dahon ng mga San Francisco. At sa isang siwang ng tarangkahang bakal, nasilip niya, gugulung-gulong sa kaharap nilang lansangan ang basurahang dram. Itinumba ng malakas na hangin. Dala ng malakas na bagyo.

Tumiyad si Nidia at tinanaw ang sapa na kaagapay ng lansangan sa harap ng kanilang bahay. Apaw na ang sapa. Lubog na ang munting tulay na tabla na siya nilang tawiran patungong highway ng Sumulong, sakayan ng traysikel. Papuntang kabayanan at palengke ng Marikina. At bigla, napapikit si Nidia. Ang maliit na bahay sa may puno ng tulay ay kitang-kita niyang parang laruang inihiga ng dumadambang hangin. Buhat sa kung saan, may bubungang lumipad. Kasunod ang dinding. Mga yero. Parang alpombra ng mga mahikong sumisisid sa papawirin. Sa kinakaliwa ng kanilang bahay, ilan pang dampa ang napaluhod. Napaupo. Napahiga. At bago nahila ni Nidia ang hawak na kurtina upang isara ay nakita na niya nang bumagsak ang malaking ilaw sa posteng nakatayo sa kanilang harapan. At sa tunog lamang ng mga nabasag at tumilapong salamin niya nalaman na ang ilaw ay may tinamaan. May bagay na binagsakan.

Sa muling pagsilip ni Nidia, nakita niya ang isang lalaki. Bumababa sa isang kotseng nakaturo sa kanilang tarangkahan. Ang kotse ay sa kanila. Ang lalaki ay si Tony. Umuwi si Tony. Sinagasa ang bagyo upang tingnan sila. Siya. Ang kanilang anak. Ang kanilang tahanan. Napasandal sa dinding si Nidia. Mariing napapikit.

GINISING si Nidia ng tunog ng masinsing patak ng ulan sa bubungang yero. At ng balita sa radyo. Malakas ang bagyo. Ang babala bilang dalawa ay nakababa sa Maynila at mga karatig. Kasama ang Marikina sa karatig.

Sa pag-aalmusal katabi nila ang radyo-transistor. Walang pasok ang mga mag-aaral. Pumalakpak si Noel. At si Rowena. Pati si Cynthy na hindi naman pumapasok sa eskwela. Inilingan ni Nidia ang mga anak. “Malakas ang bagyo,” aniya. At ang mga bata ay natahimik.

Sa siwang ng bintanang jalousies ay sinilip ni Nida ang kapaligiran sa labas ng kanilang tahanan. Lumalakas ang ulan. Lumalamig ang hihip ng hangin. Sa kanyang likuran ay narinig niya ang tinig ng katulong. “Papasok ka pa ba, Ate?”

Kinagat ni Nidia ang dulo ng kanyang hintuturo. “Iniisip ko pa…”

Sa tarangkahan ng bakuran ay may sumigaw. Diyaryo! Lumabas si Nidia at kinuha ang diyaryong nakapatong sa ibabaw ng pader na bakod. Tinunghayan at hinanap ng mga mata ang putul-putol na guhit na naghihimatong ng daan ng bagyo. Ikalawa ng hapon sa Lucena. Kung tutuloy ng Lucena. Kapag lumiko’t nagbago ng landas ay ikalawa ng hapon, o maaga pa, sa Maynila. Tinatayang higit na mapaminsala ang dumarating na bagyo. Pinapag-iingat ang lahat.

At si Nidia ay nakaramdam ng pangamba. Pangamba sa pag-iisa. Walang kasamang maaasahan. Ang kauna-unahang pangambang nadama niya, mula nang sila ay maghiwalay ni Tony. Kung narito sana si Tony.

“Hindi ako papasok sa opisina,” sabi niya sa katulong. “Ang dalawang dram ay linisin mo’t punuin ng tubig. Lahat ng maaaring sidlan ng tubig ay lagyan mo. Tiyak na mawawalan ng kuryente at hindi gagana ang water pump ng village.”

Hinalungkat ni Nidia ang kabinet na lalagyan ng groseri. At siya’y nagbihis. “Mamimili ako. Diyan lang. Ang mga bata….” habilin niya.

Sa labas ng bahay, higit ang lamig ng hangin. Higit ang lakas. Makabutas-payong ang patak ng ulan. Sa groseri ng village ay namili si Nidia ng mga pangunang gamit sa bahay na kakailanganin pagdating ng bagyo. Karagdagang gas, kandila, baterya para sa flashlight, mga de-lata, pan-amerkano sa dahilang tiyak na hindi magrarasyon ng pandesal ang magtitinapay, itlog, gulay.

Nang dumating si Nidia sa bahay, ang babala bilang tatlo ay ibinaba na sa Maynila at mga karatig. At hindi pa naiaayos ng katulong ni Nidia ang kanyang mga pinamili ay nawalan na ng kuryente.

Lumabas si Nidia sa bahay, nilibot ang munting bakuran. Ang mumunting puno ng mga rosas ay sinuhayan, itinali ang matataas na sanga sa rehas ng bintana. Sa kabilang bahay, narinig niya ang kanyang pangalan. “Nidia…”

“Hindi ka pala pumasok.” Si Ester ang bumati. Kaibigan at kapit-bahay.

Ikinibit ni Nidia ang kanyang mga balikat. “Mahirap itong nag-iisa.”

Hindi kumibo si Ester at itinuloy ni Nidia ang ginagawa. Sa pintuan sa kusina ay nasalubong niya ang kanyang katulong, dala ang kalderong saingan. “Butas pala’ng sisidlan ng gas ng ating kalan, Ate. Makikiluto na lang ako dyan kina Ate Ester.”

Ang kalang pang-emerhensiya na iniwanan ng katulong ay hinarap ni Nidia. Binomba’t nilagyan ng pressure. Ssssttttt…. Buhat sa kung saan, lumalabas ang hangin. Ang apoy sa kusinilya ay namamatay. Saglit, nag-isip si Nidia. Pagkuwa’y kinulapulan ng bula ng sabon ang tanging butas na maaaring labasan ng hangin ng kalan. Ito’y ang takip sa butas sa buhusan ng gas. Muli, binomba niya ang kalan. Ang bula ay lumaki’t pumutok. Aaa…. Ang butas ay nasa takip. Ang gomang washer sa takip ay kanyang pinalitan. Ang kusinilya ay muling sinindihan, Tskk tskk tskk… huni ng apoy na nagbabadyang ito’y nasa ayos. Ang kasiyahan ay namuno sa dibdib ni Nidia. Kaya kong mag-isa…

Sa may pintuan, ang katulong ay sinigawan ni Nidia. Ngunit ang kanyang tinig ay hindi marinig sa kabilang bahay. Nilulunod ng malakas na angil ng dumaraang hangin. Ng tunog ng patak ng ulan sa bubungang yero. Ang pinto ay kanyang isinara.

MAY dugo sa noo at sa kamay si Tony. Nagsigawan ang mga bata. “Daddy!”

Naningkayad si Tony. Tinanggap at ginantihan ang yakap at halik ng mga anak. “Kumusta? Kumusta kayo? Wala bang…”

Iniwasang salubungin ni Nidia ang mga mata ni Tony. “Mabuti kami. Ikaw? May sugat ka…” tinungo ni Nidia ang medicine cabinet. Kumuha na alkohol, bulak, merthiolate.

Kasunod niya si Tony. “Sa kotse bumagsak ang ilaw ng poste. Nabasag ang windshield. Buti’t naagapan kong takpan ang aking mukha.”

Kasunod ni Tony ang mga bata. Ang madaldal na si Cynthy. “Daddy… Daddy…. Di ka na aalis? Dito ka na titira?”

Hindi sumagot si Tony. At ang malaki nang si Noel, ang wari’y nakauunawa nang si Noel, ang nagsalita. Sumaway sa bunsong kapatid. “Tigil na, Cynthy. Dumadalaw lang si Daddy, di ba, Daddy?”

Nang dampian ni Nidia ng bulak na basa ng alkohol ang nasugatang noo ni Tony ay nagtagis ang mga bagang nito. Nagngalit ang ugat sa may pilipisan. At alam niyang iyo’y dahil sa hapdi ng sugat. Hindi ng noo. Kundi ng damdamin.

Kung may higit na dapat masaktan ay ako. Hindi siya. Ang kanya’y reaksiyon lamang sa aking reaksiyon. Tumatakbo ang isip ni Nidia. Pabalik sa nakaraan. Isang taon, mahigit, ang nakalillipas, nagkasala si Tony sa kanilang pagsasama. Ang pinakamabigat na kasalanan na magagawa ng isang lalaki sa kanyang asawa. Ang magkaroon ng ibang babae sa kanyang buhay.

Nang dalaga pa siya’t binata si Tony, nang ang pag-ibig nito ay kanyang tinugon, kasama niyang sinabi ang kanyang paniwala tungkol sa bagay na ito. ‘Girlfriend mo na ‘ko ngayon, Tony. At magiging girlfriend mo hanggang sa maging asawa mo ako… kung patutuluyan mo ako.”

Sagot kaagad si Tony. “Kung gusto mo’y pakasal na tayo ngayon.”

Pormal niyang tiningan ang katipan. “Huwag kang napakabilis. Iyan nga ang gusto kong iwasan sa relasyon nating dalawa. Alam mo’y hindi ako naniniwala sa whirlwind romances.”

“Ibig mong sabihin,” at nanlaki ang mga mata ni Tony, “whirlwind pa itong romansa natin? Dalawang taon kitang niligawan, puwera pa iyong panahon ng pagiging magkaibigan natin?”

“Hindi nga,” sagot niya. “Dahil ayaw ko nga nang mabilisan. Dahil ayaw ko nang sisihan sa dakong huli.”

“Wala akong dapat pagsisihan,” Nanunuot ang kataimtiman ng tinig ni Tony. “Ewan ko lang ikaw.”

Maagap siyang sumagot. “Tiyak ko ang aking damdamin. Kung sakaling hindi tayo magkatuluyan, hindi sa akin magmumula. Sa iyo lamang.”

Umiling si Tony. “Hindi sa akin. At kung hindi sa iyo, wala tayong dapat ikabahala. Tayong dalawa ang magiging magkapalaran.”

Tumango siya. Sana nga. Kaya lang, kung sakali at sa panahon ng ating pagiging magkasintahan, ay madama mong nag-iba ang iyong damdamin para sa akin, huwag kang mag-atubiling lumapit. Sabihin mo sa akin nang tapatan. Talagang ganoon ang tao. Kung minsan ay nagbabago.”

Ang tututol na si Tony ay sinansala niya. “Ipinakikiusap ko lamang, Tony, huwag mong gagawin sa akin ang karaniwang ginagawa ng mga lalaking nais iwanan ang kanilang girlfriend. Ang paggawa ng mumunting dahilan upang pagsimulan ng away. Tulad nang hindi pagdating kung inaasahan. Pagkalimot sa mga importanteng lakad o okasyon. Ang pambabaligtad. Siya na ang may ibang nagugustuhan, ay ang babae pa ang pagbibintangan. Prangka ako. Tony. At marunong namang makinig sa katwiran. Isa pa, ang pagkawala ng pag-ibig ay hindi na dapat pangatwiranan. Kung wala’y ano ang magagawa natin? Sabihin mo lang.”

Panay ang iling ni Tony. “Hindi mangyayari sa atin iyon. Ngunit tama ka. Dapat tayong maging matapat. Kaya ikaw rin, sabihin mo lang, kung ayaw mo na rin sa akin.”

Ang kanilang pinangambahan ay hindi dumating sa kanilang buhay. Isang taon, matapos ang usapang iyon, ikinasal sila ni Tony. Isang tahimik, munting kasalan, na sinundan ng pulutgata sa isang pangunahing otel sa Baguio. Ngunit sa gitna ng kaligayahang dulot ng katuparan ng kanilang pag-ibig, nakuha pa rin niyang ungkatin ang tungkol sa bagay na iyon.

Sa pagitan ng mga halik ni Tony, pinilit niyang magsalita. “Tungkol du’n…”

Halik si Tony. “Saan?”

“Sa usapan natin. Nu’n…”

Halik na muli. “Na ano?”

Tinukop niya ng palad ang mga labi ni Tony. At ito’y natigil ng paghalk sa kanya at sinabi niya ang ibig niyang sabihin.

“Iyon?” Nangunot ang noo ni Tony. “Naiisip mo pa ang bagay na iyon? Ngayon? Kasal na tayo.”

Umiling siya. “Walang ipinagbago ang mga pangyayari. Higit nga lamang na lumubha kung may magbabago ng damdamin sa ating dalawa. Dahil tayo’y mag-asawa na ngayon. At sa pagkakaroon ng anak, malaking kumplikasyon.”

Nagsindi ng sigarilyo si Tony. “Ngayon?”

Yumakap siya kay Tony. “Kung dumating ang panahong mawala ang pagtingin mo sa akin, tulad nang nasabi ko na’y lumapit ka lamang sa akin. Magtapat ka. Masakit man sa akin, ibbigay ko ang iyong kalayaan.”

“Hindi mo na ipaglalaban ang iyong pag-iobig? Ang iyong karapatan bialng asawa ko? Ina ng aking mga anak?” Nanunulay ang hinanakit sa tinig ni Tony.

Hinigpitan niya ang yakap sa nakatalikod na si Tony. “Mula pa nang sagutin kita’y ipinaglalaban ko na ang aking pag-ibig. Sa pamamagitan ng pag-aalaga sa ating pagsasama. Sa pamamalaging maganda at kaakit-akit ako sa iyo. Kausap at tagapakinig. Kaibigan at kasintahan. Katapatan at hingahan ng mga nasasaloob….”

Hinarap siya ni Tony. Ang sigarilyong hawak ay idinuldol sa sinisera. Mahigpit siyang niyakap. “Hindi mangyayari sa atin iyon. Alam kong hindi magbabago ang damdamin mo sa akin. At ipinangangako kong hindi mag-iiba ang pag-ibig ko sa iyo. Ikaw lang, Nid.”

Ang yakap ng asawa ay ginanti niya nang higit ang higpit. “Gagawin ko ang lahat upang ako lamang ang iyong ibigin. Ako lamang. At kung sakaling sa kabila niyon ay iiwan mo pa rin ako, matitiyak kong talagang wala ka nang pagmamahal sa akin. Wala na. At kung wala na’y marapat lamang na kita’y pawalan. Masakit man sa akin. Ikamatay ko man. Dahil… dahil hindi kita maaaring pigilin. Hindi ako magiging pulubi…”

Umiyak siya noon at ang kanyang luha ay tinuyo ng halik ni Tony. Na may kasamang bulong. Hindi… Hindi…. Hindi….

NARAMDAMAN ni Nidia na nananakit ang kanyang kamay. Saka lamang niya napansin at nagulat siya, mahigpit na hawak ni Tony ang kanyang kamay. “Bakit?”

Binitiwan ni Tony ang kanyang kamay. “Natigilan ka. Matagal. Kaylalim ng iyong iniisip.”

Ang mga ginamit sa panggagamot ay iniligpit ni Nidia. “Nakatatakot ang bagyo.”

Lumapit si Tony sa may durungawan at sumilip sa siwang ng kurtina. Sinindihan ni Nidia ang kalang de gas at nagsalang ng sinaing. Dagdag sa niluluto ng katulong sa kapit-bahay. Sa mga pinamili ay kumuha siya ng isang latang corned beef. At patatas, kamatis, maraming sibuyas. Paboriting pagkain ni Tony. Liberation baby daw kasi ito, pamalita sa kanya.

At siya’y magtatawa. Kung di ko pa alam, tapos ka na ng high school nang dumating ang mga Hapones.

Oy, naku, hindi po! Hindi pa ako nag-aaral noon.

Hindi raw, kaya pala, pag dumadaan kamo kayo sa sentri ng Hapones, abot sa lupa ang yukod mo.

Baka hindi ako iyon. Baka ikaw. Sabi mo pa nga’y tinuruan kayo ni Miss Reyes ng its ni san si go rok sits hats.

Aba, ba’t mo alam? Akala ko ba’y 1945 ka ipinanganak. Yun pala’y 1935.

Hoy, anong ’35. Para thirty kuwan lang naman, e…

Anong saya nila noon ni Tony. Ang unang taon ng pagsasama. Sa isang apartment sa Quezon City. At natuto silang mamahay nang sarili. Huminto siya sa pagpasok sa opisina. Inasikaso niya ang kanilang bahay. Kailangang maayos, iyon ang gusto ni Tony. Ang mga gamit ay nasa kanya-kanyang lalagyan para madaling makita pag kailangan. Nag-aral ng mga mga lutong gusto ni Tony. Basta at tungkol din lamang sa bahay, walang mairereklamo si Tony. Areglado. Pati badyet. At pati naman siya ay areglado rin. Bahagya lamang ang inilaki ng baywang. Bagay lamang sa laki ng balakang. Maayos sa pagbibihis. Mabango. Lagi. Lalo na’t gabi sa pagtulog, katabi ni Tony. At si Tony ay inspirado. Tuloy ang asenso sa trabaho. Ang taas ng suweldo. Sa pagitan nina Noel, Rowena at Cynthy, nakakuha sila ng bahay sa Marikina. Nakabili ng kotse. Maligaya sila. Hanggang dumating ang bagyo. Ang kauna-unahang bagyo.

Ang simula ay ang bowling tournament sa opisina. “Kailangang naroon ako,” sabi ni Tony. “Mga tao ko ang lumalaro.”

Iyon lamang pala. Bale-wala sa kanya iyon. Sige lang. Hanggang matapos ang tournament at patuloy na ginagabi, sa pag-uwi si Tony. “Maraming trabaho..”

Maaari. Sa pwesto ni Tony sa Sales, laging marami ang trabaho. “Baka kung mapano ka,” paalala pa niya. Ang pagiging mabuting maybahay ay ipinagpatuloy niya. Maayos sa bahay. Intelehenteng kausap, mabango lalo na kung dumarating si Tony. At habang lumalaki ang kanyang mga anak, naging mabuti pa rin siyang ina..”

Hanggang isang araw, hindi nakaplano, may kung anong inasikaso siya sa Maynila, nakita niya si Tony, nakasakay sa isang taksi, hindi sa kanilang kotse, at may kasama.

(Sabi sa isang kanta, into each life some rain must fall, ang hirap lang, sa iba ay bagyo ang dumarating sa buhay ng mag-asawa. Ang totoo ay marami namang klase ang bagyo. Nariyan ang bagyong financial, Like, nawalan ng trabaho ang breadwinner ng pamilya. Mga reversal of fortunes, nalugi ang negosyo. O malubhang pagkakasakit. Aksidente. Addiction. At iba pa. Dito pumapasok kung ano tayo. Kung paano ito haharapin. At dadalhin. Kung padadala tayo sa simbuyo ng damdamin. Talo agad kapag ganito. Pero, sabi nga, anumang advice ng sinuman, e, easier said (or listened to) than done! Tayo pa rin ang makapagpapasiya ng hakbang nating gagawin. Kadalasan, it takes time. Or see things happen. But, we get there….

Abangan ang katapusang yugto ng PAGKALIPAS NG BAGYO.)

No comments:

Post a Comment