Tuesday, September 9, 2008

PAGKALIPAS NG BAGYO – Katapusan



PAGKALIPAS NG BAGYO – Katapusan

HINDI lamang kasama ni Tony! Kundi katabi pa! Kaakbay sa upuan ang isang babae. Bata. Maganda. Seksi. Sa pagkakaupo’y nakasiksik kay Tony.

Hindi sana niya ito makikita kundi lamang inino ng kasakay niya sa bus. S’yado namang babae, wika nito. At sa sarili ay umayon siya. S’yado nga. At nalapit sila’t nahinto ang sasakyan at nakilala niya ang lalaki. Si Tony. At sa pagtingala nito at sa pagtingin niya ay nagkasalubong ang kanilang tingin. Hindi niya alam kung paano siya nakauwi sa Marikina. Kung paanong ni hindi tumulo ang kanyang luha sa pakikipag-usap kay Tony nang ito’y umuwi.

“Nais kong magpaliwanag…” sabi ni Tony.

Hindi siya kumibo.

“Biruan lang ang simula,” paliwanag ni Tony. “Bagong empleyada siya sa isang opisina. Sa gusali namin. Nagkatuksuhan. Siya … ang uri na tinatawag ng mga lalaki na…. na palaban. Game. At hindi man nagbabago ang damdamin ko sa iyo ay natukso rin ako. At lumawig ang aming relasyon… lihim sa aking mga kasama.”

“Alam ba niyang may asawa ka?” Patag ang kanyang tinig.

Tumango si Tony. “Hindi ko ipinagkaila. Ngunit iyo’y waring hindi niya ikinabahala.”

Siya naman ang napatango. “Kaya wala kang problema. Alam niya ang tungkol sa akin. Hindi ko alam ang tungkol sa kanya.”

Matapat si Tony. “Ang gayong situwasyon, para sa isang lalaki ay talagang katuksu-tukso. Inaamin kong ako’y naging marupok. Ngunit alam mo naman, marahil, na ang nangyari ay hindi isang reflection ng ating pagsasama.”

Napailing siya. Ang sinabi ni Tony ay hindi niya matanggap. “Ano’ng balak mo ngayon?”

“Kakausapin ko siya. At ipinakikiusap ko lamang, Nidia, bigyan mo ako ng pagkakataon.”

Sinalubong niya ang mga mata ni tony. “Tiyakin mo lamang ang iyong damdamin. Dahil… dahil ang pasiya ko sa bagay na ito ay matagal ko nang nasabi sa iyo. Noon pa man…”

Si Tony ay matagal na natigilan.

BIGLA ang pagliliwanag ng panginorin. Lumabas si Tony ng bahay. At si Nidia ay sumilip sa bintana. Ang araw ay waring nais pang sumikat, parang nagpupumilit maisingit ang liwanag sa tumatabing na makapal na ulap. Nawala ang angil ng malakabayong hangin na dala ng bagyo. Tumila ang ulan. Nasa mata sila ng bagyo.

Pinulot, itinabi ni Tony ang bumagsak na sabitan ng ilaw ng poste. Itinayo ang gumulong na basurahan. Sa ibayo ng sapa, natanaw ni Nidia ang mga maybahay na namumulot ng lumipad na yero. Nagtatabi ng mga nagibang dinding. Nagsusuhay ng mga bahay pang nakatayo upang ihanda sa darating na balik ng bagyo. Sa kanyang likuran. Ang tinig ng katulong. “Kain na muna, Ate.”

Muli, sa ulo ng hapag, naupo si Tony. Ngunit ito’y walang kibo. Waring nakikiramdam. Sa kanya. Katulad noon, nang mangyari ang bagyo sa kanilang buhay.

Nakipagkasira si Tony sa babaing iyon na nakita niyang kasama nito. Bumalik sa normal ang kanilang pamumuhay. Muli, sa pagkain ng hapunan, madalas nilang makasabay si Tony. Ngunit wari, lagi silang walang kibo. Parang walang mapag-usapan. Parang kulang. Hindi kay Tony. Kundi sa kanya.

Damdam na damdam niya. Lalo na kung gabi, sa kanilang pagtulog ni Tony, kung ang bisig nito’y dadantay, pupulupot sa kanyang baywang, maghahanap at matatagpuan ang hinahanap, may nadarama siyang kakulangang gumagapos sa kanya, upang ang halik ay gantihan ng halik, ang init ng kapwa init. Wala. Wala. At siya ay nagpasiya.

“Makabubuti marahil na tayo ay maghiwalay.”

Nabigla si Tony. “Sa anong dahilan? Wala… wala na siya.”

Umiling siya. “Ako ang dahilan. Alam ko ring totoo ang mga sinasabi mo sa akin.”

“Kung gayon ay bakit? Sa kabila noon… hindi nagbago ang pagtingin ko sa iyo.”

Tumango siya. “Alam ko. Ngunit ako ang nagbago. Ang nangyari sa atin ay waring hindi ko matanggap. May kung anong nawala sa aking sarili. Kailangang mabalik sa akin iyon upang maging buo ang ating pagsasama. “

Sila ay naghiwalay. Tumira sa isang kapatid si Tony. Dumating, kinausap, pinakiusapan siya ng kanyang mga magulang, mga biyenan. Umiling siya. At nagpaliwanag din. “Kaya nga ho kami naghiwalay ngayon ay upang mapanatiling buo ang aming pagsasama. Upang matagpuan ang nawawala naming mga sarili. Upang maging normal ang aming relasyon.”

At pinagkasunduan nila ni Tony na dadalaw na lamang ito sa mga bata.

Nagpatuloy ang daloy ng buhay. Sa isang kamag-anakan na may negosyo, namasukan siya upang huwag mainip sa bahay. Ang isang maghapon ay kabagut-bagot kung walang asawang hinihintay pagdating ng hapon. At hindi naman niya mahihintay ang isang asawa na ang mga halik ay nais niyang tanggihan.

Natuto siyang mag-isa. Tumayong walang sinasandigan. Minsan, pumutok ang plantsa. Kinuha niya ang screw driver. Tinanggal-tanggal ang mga turnilyo. Ang naputol na kawad sa loob ng plantsa ay ikinabit. Simpli lamang pala. Nang muling uminit at magamit ang plantsa, may kasiyahan siyang nadama. Kaya kong mag-isa.

Maraming mumunting bagay ang natutuhan niyang gawin. Na hindi niya dating ginagawa. Kundi si Tony. Ang pumutok na fuse ng switch ng kuryente. Ang bisikleta ni Noel na natanggalan ng gulong. Ang nagbarang lababo. Ang pagtatrangka ng mga pintuan kung gabing bago matulog. Ang pagdakang gising kapag may narinig na kaluskos sa bakuran. At sa gabi, ang pagtulog nang mag-isa. Walang katabi.

Ang pagdalaw ni Tony ay isang okasyong pinakahihintay ng mga bata. Ngunit alam nilang iyon ay isang pagdalaw lamang. Hindi maaaring magtagal. Kaunting kuwentuhan. Saglit na paglalaro. Miryenda. At babay na, Noel… Rowena…. Cynthy. Kiss sa Daddy. Patuloy ang buhay sa pag-iisa. Sa pagpupumilit na makatindig na mag-isa. Walang pag-ibig na sinasandigan. Sukling kataasan sa nasaktang damdamin.

WALA pang kalahating oras sila sa panananghalian nang bumalik ang hangin. Sa pakiramdam ni Nidia, ibayo ang bilis, ang taglay na lakas. At walang kasamang ulan. Napatingin siya kay Tony. Nakatingin si Tony sa kanya. Tinging nagpahupa sa nagsisimulang alon ng pangamba sa kanyang dibdib. Naramdaman na lamang ni Nidia, pinisil ni Tony ang kanyang kamay. At ninanamnam pa niya ang tamis na nadama nang biglang tumayo si Tony. At malakas na nag-utos. “Dali kayo… labas diyan sa kusina. Nidia… ang mga bata! Lumipat kayo riyan sa kabila!”

Takbo si Nidia. Hila sa kamay si Cynthy. Sumusunod sina Noel at Rowena. Dala ng katulong ang isang silya na pagdaka’y isinandig sa tabi ng bakod. Unang sumampa si Nidia. Isa-isa namang kinuha ni Ester ang mga dumarating. Wala nang tanungan. O salitaan.

Pinapayapa ni Nidia ang mga anak, na nangangatog sa magkasamang takot at ginaw, nang maalala niyang bigla si Tony na nasa loob pa ng kanilang bahay. At nanganganib. Tumakbong pabalik si Nidia. Mabilis na pumakabila ng bakod. Bago siya nakapasok, narinig niya ang isang malakas na ingit. Ng ayaw na bumigay na kahoy. Haligi, dinding, kisame ng bahay. At hindi na siya nakapasok ng bahay. Dalawang matitipunog bisig ang kumulong sa kanyang katawan. Kinabig ang ulo niya. Isinubsok ang kanyang mukha sa dibdib. Hindi niya nakita, ngunit kanyang narinig. Tinangay ang bubungan ng kanilang munting bahay. Bumagsak ang kisame. Nabuwal ang mga dinding.

Wala na ang bagyo. Malamig, ngunit mahinhin ang dapyo ng hangin sa balat ni Nidia. Ang mga bituin ay waring ibinudbod na buhangin sa aliwalas na langit. Siyang nagsisilbing ilaw sa karimlan ng paligid. Itinuun ni Nidia ang ilaw ng hawak na flashlight sa kanyang dinaraanan. Bubog ng mga nabasag na plato, tasa, bote, bintanang salamin. Basang diyaryo at magasin. Pinulot ni Nidia ang isang nasalisod na kuwaderno. Ang writing notebook ni Rowena. Buhat sa likuran, narinig niya ang kanyang pangalan. “Nidia….”

Si Tony. At ang mag-asawang Bert at Ester. “Tayo na, Nidia…”

Ang init ng kape ay gumuhit sa sikmura ni Nidia. At wari, siya ay nagising. Bigla ang panginginig ng kanyang mga laman. Ang paghigpit-pagluwag ng kanyang lalamunan. At ang luha ay agos na hindi niya napigil. “Diyos ko, Diyos ko…. Bakit nangyari ito sa amin?

Naramdaman ni Nidia ang hagod ng palad ni Tony sa kanyang likod. Ang pisil sa balikat. Ang tinig ni Bert. “Napakalakas ng bagyo. Napakaraming nasira.”

Si Ester. “Ipagpasalamat na lamang natin na walang nasaktan. Diyan sa kabila ng sapa ay may namatay raw. Marami ang nasugatan.”

S Bert. “Ang bahay namin ay para sa inyo. Hangga’t hindi naaayos ang nasira sa inyo. O kung anuman ang iyong balak, Tony, sabihin mo lang, baka ako makatulong.”

Nahinto sa kalagitnaan ng likod ni Nidia ang humahagod na kamay ni Tony. “Malaki ang naging kasiraan. Ang kailangan namin ay isang panibagong loan. Kailangan ay malaking halaga…” may nanulay na kawalang-pag-asa sa tinig ni Tony.

“Maraming bagong bahay sa phase 2, dito rin sa atin.…Kung…kung ipagbili kaya…” alanganin ang tinig ni Ester, nais lamang kalamayin ang kanilang loob.

“Ipagbili!” Nagulat pa si Nidia sa lakas ng kanyang tinig. “Ayokong ipagbili. Mahalaga sa akin ang bahay at loteng iyan. Diyan lumaki ang mga bata. Iyan ang kauna-unahan naming pag-aari. Isang palatandaang nakatatayo kami sa sarili. Diyan namin ibinuhos ang lahat ng maibibigy namin. Salapi… at panahon….”

“At pag-ibig,” halos pabulong na sambit ni Tony. Naramdaman ni Nidia ang kasabay na pisil sa balikat ni Tony.

Humihingi ng paumanhin ang mga mata ni Nidia na itinuun kay Ester. “Masakit ang nangyari sa amin. Ang mapagayon na lamang sa isang saglit, wasakin ng bagyo ang lahat ng ari-ariang sinisinop mo, ay talagang nakasisira ng loob. Ngunit naisip ko, pagkatapos ng isang kalamidad… sunog, lindol, baha, bagyo… ang pinakamainam na marahil na magawa ng isang sinawing-palad ay ang pagyamanin ang natira niyang kabuhayan.”

Nilingon ni Nidia ang asawa. At nginitian. “Upang buuin. Ang nasira ay kumpunihin.”

Talos ni Nidia na alam ni Tony na hindi lamang bagyong sumira sa kanilang bahay ang nasa kanyang isip nang siya’y nagsasalita. Kundi pati ang nakaraang bagyo na gumawa ng guwang sa kanilang buhay.

“Bukas….magtatanung-tanong na ako tungkol sa bagong loan na maaaring kunin.” Masigla na ang tinig ni Tony. “Saka, maaaring itigil muna ang pagpapabayad ng amortization sa mga nasiraang may utang. Hindi kaya?”

Nagpatuloy sa pakikinig ang mag-asawang Bert at Ester. Sa pagsasalita at pagbuo ng mga balak ni Tony. At sa bawat sabihin ni Tony, siya’y tumatango. Oo. Tama. Kung mahalaga ang nasira ay kailangang muling pagyamanin.

At narinig ni Nidia, sumasalit sa madalang, mahinahong pagsasalita ni Tony, ang pukpok ng martilyo sa ulo ng pako…

sa mga tinatabingang dinding na nasira at sa nilipad na yero…

sa mga mumunting dampang sinalanta ng bagyo…

sa kabila ng sapa at sa kapaligiran.

Liwayway, Pebrero 22, 1971.

1 comment:

  1. Sa buhay ng magasawa ay maraming bagyong dumarating,kung minsan, hurricane pa,subalit kung matibay ang pundasyon ng pagmamahalan hindi kayang matangay ng hangin at mananatili pa rin nakatayo ang kanilang matibay na pagtingin sa isat isa. pete p

    ReplyDelete