Wednesday, May 20, 2015

Memories sa Loob ng isang Kahon

Memories sa Loob ng isang Kahon

Nangyari na ba sa inyo ito? Ang maglinis o mag-imis ng isang drawer sa inyong kabinet o kloset. Ang drawer ay may sukat na 15x20x8, maliit lamang, ngunit inabot kayo ng buong umaga, na pagkapananghalian ay binalikan pa at inabot ng maghapon? 

Nangyari ito sa akin kamakailan. May hinanap ang kasama ko sa bahay na hindi makita, ako agad ang tiningnan, nasa iyo ba? Ikaw ang huling gumamit? Wala sa aking lalagyan?  Lagi, ganito ang eksena sa amin at ako naman, ang butihing ina ng tahanan ay agad nang kikilos. Hahanapin ko na.

Sa ibabaw ng kama ay ipinatong ko ang drawer, isa-isang kinuha ang laman. Nagtabi na rin ako ng waste basket para ituloy nang itapon ang dapat itapon. Samu't sari ang laman ng kahon. Una kong nadampot ay...

-Sampung pamaypay. Tatlong gawa sa kahoy na may disenyong ukit-ukit, na noong araw ay mabango pag sinamyo. Ang genuine nito ay mamahalin, pero, sa ngayon, nabibili na ito sa mga pwesto sa gitna ng mall. Lima ang may nakapintang mga Espanyola at itim ang lace sa gilid. Isa rito,  ay galing sa mga nahalungkat naming naiwang abubot ng aking Inang. Isa ay giveaway ng reyunyon, hindi maikakaila, kasi, e, nakaburda ang batch year nila, kaya rin naman ayokong gamitin, mahahalata tuloy. Isa ay tunay na espesyal dahil pasadya ito, nakaukit ang buong pangalan ko, bigay nang mag-anak ako sa kasal. Naalaala ko tuloy ang isang pamaypay na balak ibigay sa akin ng isang kabarkada sa kolehiyo para sa aking kaarawan, ipasasadya rin niya at palalagyan ng pangalan ko, kaya lang, hindi nangyari pero sinabi naman sa akin. Intention, intention, intention!

-Mga apat na pocket size na diary, 1979, 1992, giveaway ng mga insurance companies.  Iyong iba ay nasulatan ko - bagong recipe na hindi naman nailuto, celfone number na walang nakasulat kung kanino, menu sa isang linggo, joke na medyo berde kaya ilang salita lang para mag-trigger pero di na matandaan ang punchline, food for thought, lines ng poems, ideas para sa kwento - Naalaala ko tuloy nang pumasok akong insurance underwriter, mid 70s noon. Hindi ako ang tipong magaling magtinda (nakapagtataka bang ngayon ay ang lakas ng loob kong mag-alok o magbenta ng aking libro? ako na rin ang sasagot, dahil believe po ako sa aking paninda, garantisadong nakaaaliw :-) Ngunit noon, hirap akong mag-alok ng insurance, wala pang educational plan noon, panay life, endowment, nonlife. Ngunit hindi ko malilimutan ang isang client ko, isang dating kabarkada sa kolehiyo. Nang lapitan ko siya ay agad akong pinagbigyan, ipinaseguro niya ang kanyang mga anak.  Ang hindi ko alam, nasa proceso na siguro o baka in place na ang insurance company na itinatayo niya. Na ngayon ay kilalang-kilala na. Ganoon siya kabait sa mga kaibigan. Hi, Amba!

-Mga brochure ng camera, Pentax, Olympus, electronic flash instruction, isang fuji film for color prints, maxwell camera battery. Naalaala ko tuloy ang una kong camera, isang Kodak Brownie. At mula sa shoot and press ay hinawakan ko ang Pentax.  Talagang pinag-aralan ko ito, pati paggamit ng depth of field, etc. Mahirap din. Minsan nga, nagamit ito sa isang reyunyon, at naku, walang nabuo isa man.  For a time ay ako ang naging photographer ng aking pamilya, kaya wala akong picture. Nang lumaki ang aking anak, siya na ang humawak nito, at Olympus naman ang naging camera ko, mas madali.  Noon pa man, heheh, try ko na ang selfie, akala ng mga bata ngayon bago lang ito, luma na pong uso iyon. Kainaman ngayon, kahit celfone, pwede ang selfie.

-Isang plastik na supot ng maliliit na padlock, refrigerator magnet, keychain, individually wrapped na toothpick ng Taipan Hotel, Westin, foreign coins. Naalaala ko tuloy ang ilang trip namin abroad. 70 lbs. bawat maleta, 2 maleta bawat pasahero, at ang mga ito ay punung-puno ng mga habilin. Anu-ano iyon ng panahong iyon na bihira pa ang mga oriental store sa kanilang state? Chocnut, milo, skyflakes, Goldilocks polvoron, butung-pakwan, cornips, candied beans, chocolate tablea, frozen Malolos inipit, haleyang ubi na homemade ni Mama siempre (at may istorya pa ito!), pinatahing pantalon o damit, dose-dosenang cotton panty, at kung pwede pa, walis tingting at tambo, minsan nga ay tabo. Kaya para huwag mahuklat ito sa airport, nilalagyan namin ng padlock. Kaso, iba-ibang maleta, iba-ibang susi. Minsang gustong buksan ang aming maleta dahil sa nakitang nababalot ng aluminum foil, tagal bago namin naibigay ang tamang susi. Ang laman nito ay haleyang ubi!

Ang ref magnet ay San Franciso at New York, mga huling napuntahan ng nakaraang trip.  Memorable naman ito dahil nakasama ang mga apo at may ipinagdiriwang na milestone. Ang mga toothpick ay noon pa.

-Mga coins. Lagi kaming naiiwanan ng iba't ibang coins dahil sa paminsan-minsang pagdalo ng aking kasama sa mga miting abroad noong nagtatrabaho pa siya.  Ngunit ang karamihan dito ay kasama nang nasemento sa mga poste nang magkaroon kami ng kaunting expansion/renovation ng bahay. Swerte daw iyong nilalagyan ng pera ang mga poste.  Mangilan-ngilan na lamang ang natirang coins, karaniwan nga ay quarter na lamang. Kasama nito sa lalagyan ay ang mga perang Pilipino na may kalabaw, paru-paro, Bagong Lipunan, dies sentimo na papel, dies pesos na papel, Gloria Arrovo na limang piso at iba't ibang laki at bilog ng mga barya. Naalaala ko tuloy ang mga barya noong araw, diyes na pilak, singkong bagol mamerang malalaki. Diyes ang coke, diyes ang pamasahe. Limang pisong allowance sa isang linggo sa buong pag-aaral sa kolehiyo. Kwarenta'y singkong upa sa dormitoryo dahil uwian ng weekend, special arrangement ito sa mabait naming Ate Nene at sa pagbabayad naman ng isang lalo pang mabait na kapatid.

-wrist watch, mga ballpen na hindi sumusulat - hindi na umaandar ang dalawang swiss watch, circa pa noong nagtatrabaho ang aking kasama na retirado na ngayon, isang regalong relo na hindi na rin umaandar (ano ang ginagawa nito sa loob ng aking kahon?), isang mamahalin na silver plated na Seiko dresswatch na hindi na rin umaandar!, dalawang ordinaryong relo na minsa'y una, minsa'y huli ang oras. Naalaala ko tuloy ang una kong relo, Bulova, galing sa aking Amang. Wala itong bracelet. May isang nakakita at tinukso ako, akala raw niya, talangka. Hindi naman mukhang talangka... A, iyong ballpen, ang una kong Parker. Ako yata ang unang nagkaroon ng Parker noong bagong labas ang #21. Na-hand-me-down rin sa akin ang fountain pen na Parker 51 ng aking Amang. Sikat talaga. Pino ang sulat at hindi "tumatae" ng tintang Quink. Natatandaan pa ba ninyo ito?

-Isang munting disc ng bandang Mojofly ng kanilang tugtog na Tumatakbo. Animated ito na ang gumawa ay ang aking anak. At alam ko, sa aking writing desk ay tiyak may nakasiksik namang mga calling cards at postcards ng Kaleh at M'baki, ang Metro Film Fest winner na animated short film rin nito. Naalaala ko tuloy si Lougee na nakilala ko dahil dito at naging paborito namin for a time sa Eat Bulaga.

-Giveaway na silver plated kuno na basket noong silver wedding celebration. Naalaala ko itong tunay - ang preparasyon. Mula sa pagtatabi ko ng pera para matupad ang mithiing ito na makapagdaos ng isang pagdiriwang na makakasama ang maraming kaibigan at kamag-anak. Kabaligtaran nang aming pagtitipid noong una na bilang na bilang ang lahat. Na nitong renewal of vows, ang reception ay sa isang 5-star hotel, may program, sayawan, at dahil executive ang isang pamangkin sa nasabing hotel, nagliligpit na ang mga waiter, nakaalis na ang mga bisita, naroon pa rin kaming mag-aanak at magpa-pamilya at nagkukwentuhan sa reception room. Lahat ay halos doon naka-check-in.

-Samu't sari - Nestle calorie counter, Tagaytay Ilog Maria honeybees wax lip balm, sangkaterbang susi na iyong iba ay may pangalan para sa kung saan, iyong iba, ewan, mga panyo at tissue, isang munting Coach purse na regalo ng isang very thoughtful na apo sa isang paboritong pamangkin, Wendy's battery tester for 1.5v, 3-fold na payong na may espesyal pang lalagyan, Mercury coin purse na lalagyan ng flash drive at mga fancy at trinkets, hikaw na walang kaparehas, isang de-tiklop na balisong, pasalubong ng isang salesman namin noong nagtatrabaho pa ako, pananggalang ko raw kung may sasalbahe sa akin. At naalaala ko ang panahong iyon ng aking pagtatrabaho, bagong tapos sa kolehiyo, ang opisina ay nasa Pennsylvania Avenue, ngayon ay Leon Guinto, ang aming boss, si Mr. Ciriaco Mendoza ng Binan, Laguna, ang mga kasamahang sina Cely at Tessie. Wala na si Ester, si Engie, si Peter at marami pang iba.

Mayroon ding mga munting kahon at balutan na hindi ko na binuksan. Sa ibang araw na lamang siguro. Gagabihin na akong tunay. Naayos ang laman ng aking kahon, pero walang nadagdag at natapon sa kinuhang basurahan.

Bakit nagtagal nang ganoon ang aking pagliligpit? At bakit waring hindi nabawasan, walang natapon. Ahhh... marahil ay sa dahilang hindi naman mga samu't sari itong nakasiksik sa aking kahon, kundi samu't saring alaala. Mga gunitang nakapaloob sa bawat bagay na aking itinabi, inipon sa aking munting kahon.

At siyanga pala, hindi ko rin nakita iyong nawawalang hinahanap ng aking kasama. 
 


No comments:

Post a Comment