Wednesday, May 20, 2015

SASABIHIN MONG MAHAL NA MAHAL



SASABIHIN MONG MAHAL NA MAHAL



PAUWI na si Loida. nangingilid na siya ng daan at balak nang kumanan sa daang patungo sa kanila nang biglang magbago siya ng pasiya. Kinabig niya anng manibela ng kotse, pakaliwa, bigla at narinig pa rin niya sa ibabaw ng nakapangingilong ingit ng sumagad na preno ng sasakyan sa kanyang likuran, ang isang masamang salita na ipinatungkol sa kanya. Diniinan ni Loida ang silinyador. Umarangkada siya. Tapak sa clutch. Binago ang gear. Tersera. Ngunit napilitan siyang magmenor nang may masundang isang napakabagal na diyipning pampasahero.


Sa loob ng diyep ay may namataan si Loida na isang matandang lalaki. Na kamukha ng ama ni Ric. Na sa muli niyang pagsulyap ay natantong kamukha nga lamang. Hindi pala at kasunod na niyang naisip ang ina ni Ric. Ang mga kapatid ni Ric. Si  Ric. Gumaan ang tapak ni Loida sa gas. Nagkaroon ng waring kaayusan ang takbo ng kanyang pag-iisip. Bakit siya naririto. Lampas na siya ng lilikuan pauwi.


Dahil kay Ric. Dahil sa pamilya ni Ric. Matindi ang pagnanais niyang makita ang pamilya ni Ric sa isang hindi handang pagkakataon. Alalaon baga’y sa isang kalagayang walang pagkukunwari. Kung maaari nga lamang na makita niya ang mga ito, lalo na ang mga magulang ni Ric nang hindi siya namamalayang nagmamasid. Kung paano ay hindi niya alam. Ngunit iyon ang nais niyang mangyari. Dahil may nais siyang matiyak.



DUMATING si Ric sa kanyang buhay nang umalis si Lito. Tandang-tanda pa niya ang lahat. Parang isang eksena sa isang magandang pelikula na hindi niya makalimutan. Ang tagpo ay sa loob ng isang mamahaling restoran na kinakainan nila Lito. Tapos na silang mananghalian. Ang hindi lamang tapos ay ang kanilang usapan.


“Imposible kang tao, Loida,” sabi ni Lito.


Nginitian niya ang kasintahan. “Noon pa ma’y sinabi ko na sa iyo ito, Lito.”


“’Akala koy biro lang iyon,” nakangunot ang noo ni Lito.


Umiling siya. “Noon pa ma’y sinabi ko nang hindi biro. Walang halong biro.”


“At paano ako maniniwala na ang mga sinasabi mo ay totoo. At di bola lamang. Sinong babae maliban sa iyo at sa mga nakakatulad mong pilipit ang katwiran ang tatangging pakasal sa isang iniibig namang kasintahan. Hindi ba, inamin mo naman sa akin Loida na mahal mo ako. Ha?”


Ang kirot na nadama niya sa kaibuturan ng kanyang dibdib ay napakarami ang kahulugan. Pag-ibig niya kay Lito. Ang hapdi ay dulot ng napipinto na niyang pakikipaghiwalay. At ang pag-ibig niya sa kanyang sarili. Matibay na pagnanasang huwag magpatali sa buhay, iwasan ang walang katapusang pasakit. Ayon sa kanyang ina.


“Iba ka sa iyong ina, Loida. Ang kapalaran niya ay maaaring di mo naman kapalaran.”


Muli siyang umiling. “Pwera ang mga babaing namilit o namikot, lahat na ng babaing nag-asawa ay sinuyo, inibig, pinangakuan ng kanilang mga napangasawa. Pagkatapos ng kasal ay ano? Pagkalipas ng honeymoon, wala na, tapos na, bale wala na.”


Matagal bago muling nangusap si Lito. “Kung ganoo’y hindi na mababago ang iyong pasiya. Tumatanggi kang pakasal sa akin.”


Kaylalim ng kanyang buntung-hininga. “Mahal kita Lito. At kung mahal mo ako, kailangan pa ba ang kasal. Na isa lamang kasulatan.”


Pinigil niya ang balak na pagsasalita ng kasintahan. At nagpatuloy siya. “Nasa hustong edad na ako, Lito. Edukadong tao at malawak ang kaisipan. Matatag ang aking hanapbuhay. May sariling kabuhayang mana sa aking mga magulang. Wala akong pakialam saumga tao at sa kanilang sasabihin. Ari ko ang aking sarili. Hindi kailangang pakasalan mo ako, Lito.”


Mapakla at hungkag  ang tawa ni Lito. “Gusto ko ng pamilya, Loida. Mga anak na magdadala ng aking pangalan. Sa tinagal-tagal ng ating relasyon Loida, sa nilawak-lawak ng iyong ipinagmamalaking lapad ng kaisipan, hindi tayo lumampas sa kagandahang-asal. Paano mo maisasagawa ang kasasabi mo lamang na hindi na kailangang tayo ay pakasal?”


Hinawakan niya sa bisig si Lito. “Darating na ako roon, Lito. Malapit na, inihahanda ko na ang aking sarili. Kaunting panahon na lamang. Kung makapaghihintay ka pa nang bahagya.”


Ngunit waring nakapagpasiya na si Lito. Tiim ang bagang nito nang mangusap. “Mahal kita, Loida, alam mo ‘yan. Ngunit talagang hindi kita maunawaan. Parang lumalabas na pumapayag ka sa kalakarang malayang pag-iibigan. Noon, nang sabihin mo sa aking ayaw mong mag-asawa dahil sa malungkot na karanasan ng iyong lna sa piling ng iyong ama, nanalig akong mapagbabago kita. Inaamin ko ngayon bigo ako. Hindi dahil sa sariling kakulangan. Ikaw ang dahilan Loida. Pinid ang iyong isip, ang iyong puso, ang iyong sarili. Walang puwang ang magagandang bagay. Lagi nang pangit ang iyong hinahanap. Sorry, Loida. Hindi ko matatanggap ang iniaalay mong malayang pakikipag-ugnayan. Ang kailangan ko’y isang asawa. Isang ina ng aking magiging anak.”


Binayaran ni Lito ang kanilang nakain, inalalayan siya sa pagtayo. Hawak siya sa bisig sa paglakad sa paglabas sa restoran. Ngunit inilingan niya ang alay nitong paghahatid. 

“Ako na lang, nasa opisina ang kotse ko.”


“Hanggang opisina,” pamimilit ni Lito.


Gusto niyang mapaiyak. Pinigil niya. Tiningala si Lito. “Huwag na Lito. Gusto kong mapag-isa. Please.”


Pinisil ni Lito ang kanyang bisig. “Kung gayon, paalam.”


Naghiwalay sila ni Lito dahil sa kanyang kakatwang saloobin  sa pag-aasawa. Ngunit matatag siya sa kanyang pasiya. Handa ang kanyang kalooban sa madaramang sakit ngayon. Huwag na lamang bukas.


Kasalanan ng tsuper ng taksing kanyang sinasakyan ang nangyaring aksidente. Masyadong kaskasero ito. Sa isang paghirit ay hindi nito nakita ang isang kotse. Sumadsad sila sa bangketa sa pag-iwas. Hindi naman siya nasaktan ni nagalusan. Ngunit yanig ang kanyang kabuuan.


Tumanggi siyang magtungo sa ospital upang matingnan. Hindi naman siya nasaktan, Iniwan na niya ang tsuper na kinakausap ng pulis. Noon lumapit si Ric sa kanya. “Naroon ang kotse ko, Loida.”


Tiningala niya si Ric. Hindi niya kilala ito. Bagaman at waring namumukhaan niya. Ang pag-aatuili ay maliwanag na lumarawan sa kanyang mukha. At ngumiti si Ric. “Third floor kayo. Fourth kami. Kalilipat lamang namin.”


Saka niya naalaala. Ilang linggo nang nakakasabay niya sa elevator si Ric. At napalis ang alinlangan sa kanyang mga mata. Sa pagsakay sa kotse ay lubusan na niyang ipinaubaya ang sarili sa nagmagandang loob na binata. Na binata si Ric at may pag-ibig sa kanya ay napatunayan niya kalaunan. Hindi matapus tapos ang kanyang pag-iling. “Huwag Ric, hindi mo alam ang iyong sinusuong,” kanyang babala.


Ngunit si Ric ay hindi isang pagkaraniwan lamang na binata. Na madaling takutin. At madaling ipagwalang-bahala. Katulad niya ay nasa hustong gulang na rin ito. Malayang namumuhay. Responsableng tao at nadarama niya, napupukaw siya. “A, masama ito Ric.”


“Masama dahil hindi mo na mapilit ang iyong sarili na tanggihan ako.”


“Ayokong masaktan ka, Ric. At alam ko, masasaktan ka lamang.”


“Kung iibigin mo ako, Loida, paano ako masasaktan?”


“Sapagkat iba ang uri ng aking pag-ibig. Iba ako Ric.”


“Kilala na kita Loida. Lahat ng tungkol sa iyo ay napag-aralan ko na. Huwag mo namang ikagagalit pero lingid sa iyong kaalaman, lahat ng bagay na nauukol sa iyo ay hindi na lihim sa akin. Gayon ako Loida. Kapag lubhang mahalaga ang gagawin kong hakbang sa aking buhay.”


“Kung totoong alam mo na ang lahat Ric, bakit naririto ka pa at patuloy sa iyong pag-aalay ng pag-ibig sa akin. Hindi ka ba natatakot sa iyong napag-alaman. Hindi mo ba naitatanong sa iyong sarili kung anong uri ng babae ako? Na takot umibig? Na takot sa kasal? Na tumatanggi sa mga marangal na lalaking lumalapit sa akin?”


“Ang lahat ng nangyari ay isang malungkot na pagkakamali, Loida.”


“Hindi pagkakamali si Lito.”


“Ang pagkakamali Loida ay ang ugat na nagsusulsol sa iyong isipan na magbigay ng kondisyon.”


“Ang pagkakamali ay nang pakasal ang aking ina sa aking ama.”


“Nag-iibigan sila Loida. Hindi ba?”


“Nakasal lamang sila Ric, nawala na ang pag-ibig.”


“Di kaya kasalanan ng iyong ina.”


“Ayon sa kanya Ric, kasalanan ng aking ama.”


“Ayon sa kanya Loida.”


Ayon sa kanyang ina, ang kanyang ama ay hindi naiiba sa mga karaniwang mangingibig. Maalalahanin. Hindi pumapalya sa pagdalaw. Laging may bitbit na pasalubong kahit ano na nga lamang. At mawalan lamang ng kibo ang kanyang ina ay nakatanong na kaagad. May masakit ba sa iyo. May dinaramdam ka ba. At kung talagang may dinaramdam sa katawan, hindi na magkantututo ang kanyang ama sa pagyayaya sa doctor. Kung ang damdamin ay may dinadalang sakit, hindi na malaman ang gagawin sa pagtatanong kung ano ang ikinagalit, sa paghingi ng tawad. Ngunit sino ang lalaking hindi gumagawa ng ganito sa panahon ng pangingibig. O ng isang kakakasal na lalaki sa mga unang buwan o taon ng kanyang pag-aasawa.


Niliwanag ni Ric. “Nag-iisang anak ang iyong ina Loida.”


“Dalawa sila pero namatay nang sanggol pa lamang ang panganay.”


“May kaya sila sa buhay Loida."


“Mayroon din.”


“At sunod ang kanyang layaw.”


Tinanong niya si Ric. “Ano’ng ibig mong sabihin Ric?”


Tinitigan siya ni Ric. “Naisip ko lang Loida. Hindi kaya lubhang makasarili ang iyong ina. Na tanging ang kagustuhan lamang niya ang nais na masunod. Ang kapakanan lamang niya ang iniisip. Hindi na isinasaalang- alang ang iba. Hindi marunong magbigay, umunawa…”


Si Ric lamang ang nakapagsalita sa kanya nang ganoon tungkol sa kanyang mga magulang. Ang ipinagtataka niya ay hindi naman siya nagalit. Sa unang pagkakataon sa kanyang buhay, pinapag-isip siya ng mga sinabi nito.


“Naguguluhan ako Ric. Ang tangi kong alam ay ang mga bagay na ipinamata sa akin ng aking ina tungkol sa aking ama. Ang kawalan ng panahon para sa kanya nang sila ay makasal na, ang pagkalimot sa mga mahahalagang araw sa kanilang buhay na noong magkasintahan pa lamang sila ay hinding-hindi nakakalimutan. Ang kanilang pag-aaway. Malimit na pagsasagutan. Ang pagkagumon ng aking ama sa ibang babae. Ang pagkagumon sa ibang babae ng iba pang lalaking may asawa na kakilala niya, kakilala ng aming pamilya. Ayon sa kanya lahat ng lalaking iyon ay pawang matatapat na mangingibig nang hindi pa nakakasal. At nakasal lamang ay nabago na ang lahat. Bakit? Ano ba ang kasal, ito ba ay isang tali, isang pagkakabilanggo. Ayon sa kanya, mabuti pa, mabuti pa’y huwag na lang pakasal. Maging matalino lamang, maging maingat lamang. Dahil wala pang pills noon. Ric…”


“May pills na ngayon Loida.”


Umiling siya. “Hindi pa ako dumarating doon, Ric.”


“Hindi naman kailangang dumating ka roon. Loida. Pwede kang pakasal.”


At isinagot niya. “Natatakot ako Ric sa kasal.”


Marami pang araw na nagkasama sila ni Ric. Nang hindi nag-uusap ng tungkol sa pag-ibig. O sa pag-aasawa. O sa kanyang ama’t ina. Hanggang si Ric na rin ang tumapos sa kanilang katahimikan. “Nakahanda na ako, Loida. Sa iyong kondisyon. Hindi natin pag-uusapan ang salitang kasal.”


Napaiyak siya. “Huwag Ric, masasayang lamang ang iyong panahon sa akin. Sa pakiramdam ko’y hindi na magbabago ang aking pasiya. At alam ko ring sa ubod ng iyong sarili ay nananalig kang mapagbabago mo ako. Ganyan din si Lito at siya ay nabigo. At nasaktan. Ganyan din ang mangyayari sa atin Ric. Mabuti pang huwag na nating simulan. Maaari naman nating iwasan ito.”


Mapilit si Ric. “Ang mahalaga lamang ay kung mahal mo ako.”


Tumango siya. “Mahal…”


Kayligaya ni Ric. Gayun din si Lito noon at ang kanyang ama sa kwento ng kanyang ina ngunit sa kabila ng ipinagmamalaki niyang tatag ng kalooban, narahuyo pa rin siya sa magandang pakita ni Ric. At totoo ang sinabi nito dumating ang panahong nadama niya, hindi lamang niya mahal si Ric, kundi mahal na mahal.


Isang araw, may ipinakitang plano ng bahay si Ric sa kanya.


“Kanino ‘yan?” tanong niya.


“Ipatatayo kong bahay sa nabili kong lote.”


Kinutuban siya. “Balak mo nang magsarili, hihiwalay ka na sa iyong mga magulang?”


Umling si Ric. “Ito’y para sa aking magiging pamilya. Maganda ba? Isang master bedroom, dalawa para sa mga bata, guest room, sala, dining…”


“Lakihan mo nang bahagya ang kitchen,” hindi niya napigilan ang pagmumungkahi.


Tumango si Ric. “Gusto mo ng malaking kitchen.”


Hindi siya nakakibo at tigas na sisi sa sairili sa nagawang pagkakamali. Ang pagkakamali na maipakita kay Ric ang isang lumalaking lamat sa dati ay matatag niyang panininindigan ukol sa pag-aasawa, sa hindi pag-aasawa. 


Minsan naman niyaya siya ni Ric sa bahay ng kapatid nitong babae. “Mabilis sila. Isang taon pa lamang kasal, may baby na.” pagbibiro nito.


Natatawa lamang ang kapatid ni Ric. At ang bayaw nito. Halata niya, maligaya ang dalawa.ngunit sa ubod ng kanyang sarili ay patuloy siyang tumatanggi. Isang taong kasal? Bago pa lamang sila. Wala pang away, wala pang ibang babae.


Ngunit ang kasiyahan sa mukha ni Ric nang kalungin ang pamangkin, hindi niya maipaliwanag ang damdaming nadama sa larawang nakita. Naisip lamang niya, paano mapaliligaya si Ric kung ang kaligayahan nito ay sa pagkakaroon ng pamilya nakasalalay. May isang naliligaw na tinig sa kanyang kaibuturan. Mabait naman si Ric. Mabait naman. Mabait.


Hanggang isang araw, inimbita siya ng mga magulang ni Ric sa anibersaryo ng kasal ng mga ito. Nagtaka siya. “Kilala ba nila ako?”


Napag-usapan na nila ito ni Ric. Na huwag nang ipaalam ang kanilang relasyon sa mga magulang nito dahil wala namang kauuwian. Naikwento rin pala. Kalaunan, naitanong niya. “Ilang taon na?”


“Tatlumpo at limang taon.”


Naisip niya, tatlumpo’t lima. Ipinagdiriwang pa. Ang kanyang ama, ayon sa kanyang ina, tatatlong taon pa lamang na nakakasal, limot na ang petsa. Anong  uri ng pagsasamahan mayroon ang mga magulang ni Ric. Paano magpasunod sa pamilya. Sa mga kwento ni Ric, alam niyang retirado na sa gobyerno ang ama nito. Anim silang magkakapatid. Ang panganay na lalaki, may asawa ay nasa States bilang isang immigrant. Ang sumunod na babae ay ang dinalaw nila noon. Pangatlo si Ric. May tatlo pang sumunod na ang isa ay nagtatrabaho na at ang dalawa ay nasa kolehiyo pa.

Gusto niyang makita ang pamilya ni Ric. At tumango siya. “Kailan?”


Sabado ng gabi. Naka-pantsuit siya at naka-pantsuit din ang lahat ng kabataang babae na kanyang dinatnan. Pamilya lamang. Walang iba.


Una niyang nakilala ang ama ni Ric. Na dinatnan nila sa bakuran at waring sila ang inaabangan. Sa pagkakaalam niyang gulang na kulang-kulang na pitumpu nito, masigla pa at waring batang-bata ang pakiramdam ng ama ni Ric. Hindi nakaligtas sa kanya ang itim na itim na buhok nito. At buhat sa kung saan, narinig niya, nakow Tatay, akala ay tunay na kulay ang buhok ninyo. Di alam na tinina lamang.


Nagtawanan ang buong paligid. At natawa rin siya sa nakitang anyo ng tatay ni Ric. Hinawakan nito, hinimas ang ulo. “Lekat, ibinisto ako.”


Masaya kina Ric, ang una niyang impresyon. At sunud-sunod nakilala niya ang dinatnang pamilya. ”Wala ang kuya ko. Hayun ang larawan niya sa ibabaw ng piyano. Kulang na lamang ay pagdasalan iyan ni Nanay.”  Nagtawanang muli ang lahat. ”Ito ang sumunod sa akin, ang aming dalaga na mauuna pa yatang mag-asawa sa akin.” Napansin niya pinamulahan ng mukha ang kapatid ni Ric. Ang hindi niya alam ay kung napuna rin nito na namula ang kanyang mukha. Dalawa pa ang tinedyer na kapatid ni Ric, isang babae at isang lalake. Naroon din ang pamangkin ni Ric na palipat- lipat na kinakalong nga mga tita at tito.


Ang kahuli-hulihan niyang nakadaupang-palad ay ang ina ni Ric. “Nanay, si Loida.”


Ngumiti ang nanay ni Ric at inabot nito ang kanyang kamay. Ngumiti rin siya. Nadama niyang namuno ang kanyang dibdib, umid ang kanyang mga labi. “Magulo kami Loida,” hingi nito ng paumanhin.


Magulo nga kina Ric, ngunit kaiga-igayang kaguluhan. Marunong makipagbiruan sa mga anak ang ama’t ina ni Ric. At kung gumanti man ang mga ito ay waring hindi naman nababawahan ang pagsasaalang-alang sa katandaan ng mga magulang. Asikaso siya ng lahat.


“Kumain kang mabuti Loida. Mabibilis ang mga katabi mo, baka wala ka nang abutan.”

“Kahiya-hiyang magutom ka rito Loida.”

“O, eto pa, Loida.”


Madaling napalagay ang kanyang loob. At sa isang kantiyawan ng medyo nakababatang kapatid ni Ric, tinanggap niyang iyon ay bahagi ng isang malaki masayang pamilya. Sa likod ng kanyang isipan, sa harap ng mga nakikita niyang pagsasamahan nina Ric, umuukilkil ang isang tanong. Mukhang mahusay magpasunod ang mga magulang ni Ric. Mukhang maligaya ang mga ito. Ngunit tutoo kaya. Hindi kaya ang nakikita niya ay isang mukha lamang. Isang pakitang tao.


Pagkakain ay nagharap-harap sila sa sala. Nagkwento ang ama ni Ric. “Tatlumpo’t limang taon na kaming kasal Loida. Tatlumpo’t limang taon na akong nakabilanggo.”


Sumigaw kaagad ang isang kapatid ni Ric. “’Nay… halika’t inaapi ka rine ng Tatay.” 


Buhat sa kusina ay pumasok ang ina ni Ric. “Alam ko na ang bida ng Tatay n’yo. Bilanggo siya. E ano kayang tawag niya sa akin. Bilanggo rin sa kusina.”


Nakatawa lamang si Ric. Nagbibiruan lamang ang kanyang mga kaharap. Lagi kaya silang ganoon. Hindi kaya sila totoong nagkakagalit. Pareho ng kwento ng kanyang ina.


“Nabanggit ni Ric, “Ulila ka na raw Loida. At nag-iisa.”


Napatingin siya kay Ric. Tinanguan niya ang ama nito. “Sa isang malapit na kamag-anak po ng aking ina ako nakatira.  Siya’ng nag-aasikaso sa aming kabuhayan.”


Ngumiti ang ama ni Ric. “Nabanggit ko lamang dahil napansin kong naguguluhan ka. Madalas kang matigilan.”


“Hindi po ako naguguluhan,” tutol niya. Ngunit totoong siya ay natitigilan. Dahil unti-unti niyang nadarama, nagaganyak siya ng biruan at tawanan sa pamilya ni Ric. Wala pa siyang nakitang pamilya na tulad ng kina Ric. O kung mayroon man, pinid ang kanyang mga mata sa magagandang bahagi ng relasyon. Tama si Lito, laging pangit ang kanyang hinahanap.


Marami pa siyang nakita ng gabing iyon. Ang wala sa loob na pagtayo ng nanay ni Ric sa likod ng kinauupuan ng asawa. Ang mga kamay nito na wala sa loob na nakahawak sa balikat ng ama ni Ric, ang paghagud-hagod sa puno ng leeg, ang wala rin sa loob na paghawak naman nito sa kamay ng asawa, ang wala rin sa loob na pagpisil dito. Wala nga kaya sa loob. Ang alinlangan ay hindi niya maiwasan.


Nakita rin niya ang tuksuhan, ang nagkakaunawaang tinginan ng kapatid at bayaw ni Ric. Hindi maikakailang nagmamahalan. A, hindi bale na ang mga ito, bago pa lamang. Mahigit isang taon pa lamang na mag-asawa.

Ngunit ang ama’t ina ni Ric. Tatlumpo’t limang taon. Maliwanag niyang nadarama, nakikita, na parang isang bagay na buo at hindi hungkag, nahahawakan, ang pagmamahal nito sa isa’t isa. Tatlumpo’t limang taon. Anim na anak.

Ang lamat sa kanyang paninindigan ay lumaki, humaba, at umawang. Waring nadadala na siya. Noon niya naisip na makita ang pamilya ni Ric na hindi nakahanda sa kanyang pagdating. Na hindi naman niya alam kung paano mangyayari.

At minsan nga, sa isang biglaang pagpapasiya, nilampasan niya ang lansangang pauwi sa kanila. Tinuwid niya ang patungo kina Ric. Buo na sa kanyang isip ang lahat. Ang idadahilan. Pagdalaw sa isang kaibigan sa karatig-bayan. At siya ay napadaan. Hindi naman mukhang sinauna ang mga magulang ni Ric. Matutuwa pa ang mga ito sa kanyang pagdating.




KINABAHAN si Loida, waring hindi niya matutuhan ang bahay nina Ric. Gabi nang huli siyang magpunta rito at si Ric ang nagmamaneho, hindi niya dala ang kanyang sasakyan.


Saka niya namataan, sa lansangang pakurus sa kanyang kinalalagyaan, bumababa sa isang humintong bus ang ama ni Ric. Nakita niya nang abutin, alalayan sa pagbaba ang ina nito. Nalaglag pa ang sapatilya. Na mabilis na kinuha ng ama ni Ric, pinagpagan pa bago ibinigay sa asawa. Hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang namagitang ngitian ng dalawang matanda.


Inantabayan ni Loida ang dalawang matanda at inanyayahang ihatid. “Naku, magugulat si Ric sa kanyang pagdating mamaya,” wika ng mga ito.


Naisaloob niya, a, magugulat nga si Ric kapag siya’y dinatnan. At matutuwa sa kaniyang magiging pasiya. May katotohanan nga, sa isang pag-asawahan ang ibigay ang sandaang porsiyento ng pag-unawa sa isa’t isa. Sa bawat pagbibigay, higit ang kapalit na tinatanggap kung marunong magbigayan ang mag-asawa. Sabi nga ni Ric, tulad nang nakita sa sariling mga magulang.


Ang gusto niyang makita, ang gusto niyang matiyak sa pagsasamahan sa pamilya nina Ric ay nakita na niya.

At pinaniniwalaan na niya. 

May maligayang pamilya. 

At may hindi.

At nasa nagdadala ito.


September 6, 1971 Liwayway

No comments:

Post a Comment