Sunday, April 19, 2015

Ideyang Sinimulan, Bitin, Hindi Tapos



Ilan sa Mga Ideyang Sinimulang Isulat, Bitin, Hindi Tapos

- Saan Ka Nanggaling, Ligaya? (2010)

Hindi naman Ligaya ang tunay niyang pangalan.    Ang nakasulat na ngalan niya sa dokumento ay Gaia at dahil masyadong masalimuot ang kasaysayan ni Gaia nang tingnan namin ito sa internet, nadisiyunan kong tawagin na lamang siyang Ligaya.

Si Ligaya ay isang ampon.

(Dito nahinto, hindi natuloy.)

-Listahan ng Ilanpung Samu’t sari – Agosto 20, 2012

Sabi nga'y wala lang, 'la lang, naisipan ko lamang gawin ito dahil sa aking pagbubuklat ng diyaryo ay nakakita ako nang ganito.  Listahan ng gusto at ayaw.  Listahan ng mga paboritong pagkain, awit, pelikula, tv show, pangyayari, artista, libro, kaibigan.
Naisip ko, gumawa nga ako.  Nakatutuwa pala.  Kaya, subukan rin ninyo.  Ang nangyayari kasi ay napipilitan kayong mag-isip at magtimbang-timbang, hindi sa pamamagitan ng paggamit ng isipan, kundi kung ano ang dikta ng inyong puso at damdamin.  Napansin ko rin, na minsan, hindi  lamang  ang lasa, halimbawa ay ng pagkain, o ganda ng himig, kung ito ay awitin, ang magpapasiya ng inyong pipiliin.  Kadalasan, iyong mga alaalang kaakibat nito ang magiging batayan ng inyong damdamin na siya namang mag-uudyok sa inyong pagpili.

Pagkain: In no particular order -

1.   Chicharong Baboy.  Hindi ito Lapid's.  Ito ay hiwa-hiwang taba at balat ng baboy na binili ng Inang ko sa palengke, minantika at hinayaang nakababad  sa loob ng ceramic na kamaw.  Noong araw na ang kilalang mantika lamang ay Purico at Cenvoco na sa pagprito lamang ng isda ginagamit, ugali na niya ang gumawa ng sariling mantika para sa paggigisa at iba pang lutuin.  Kung kinakapos ng ulam, pipirituhin lamang niya ang nakababad na balat ng baboy at tunay na walang sinabi ang chicharon ngayon.  Cholesterol 'ikamo? Awa ng Diyos, Inang lived to a ripe old age of 91. 
2.   Nilagang Pata ng baboy at buong manok na niluluto kung Pasko. Native ang manok, sinasamahan ng isang hiwang chinese ham na nagpapalasa sa sabaw.  Childhood memories.
3.   Japanese teppanyaki – steak at scallops
4.   Hizon's lengua – miss ko na ito, matrapik masyadong pumunta doon.
5.   Grilled crabcakes – sa Baltimore.  Kailan kaya ulit?
6.   Burong talangka – to die for!  Na ma-aligi at makunat ang itim na aspalto sa talukap. Saka maasim na suka! Nasaan na ang mga talangka ngayon?
7.   Fried chicken – simpling pritong manok, isasawsaw sa kalamansi o dayap.
8.   Buko sherbet – na ginagawa sa grapinyera, better than ice cream.  At Selecta/Arce na ngayon na macapuno ice cream.
9.   Pili bar galing Bicol -
   10. Manggang Piko na hinog sa puno   

-AWIT:

(Dito nahinto, hindi tapos, ni hindi nasimulan.)

-TUKSUHAN  NG  MGA  BATA:

Bawat bata, lalo at lumaki sa probinsiya ay hindi istranghero sa mga tuksuhan.  Kung bakit naman ang pinagmumulan ng mga tukso ay iyon pang pisikal na kapansanan, kapintasan, kakulangang taglay ng tinutukso.
Minsan nga, sa mismo pang pamilya nanggagaling ang panunukso.  Bagaman at sa aming pamilya, kahit hindi ako biniyayaan ng mga katangiang taglay ng aking mga kapatid, walang nanukso sa akin tungkol dito.  Ngunit hindi ako nakaligtas sa mga kamag-anak.  Kung naiisip ko ngayon ito, natatawa na lamang ako at walang nadaramang sakit.  Pero noon, ang aking batang puso ay nasasaktan.

Minana ko ang kulay-kayumanggi ng aking ina, hindi ang kaputian ng aking ama.  Ilan sa mga tuksong tinanggap ko tungkol dito ay nakatutuwang gunitain ngayon.  Tulad nito...

Mali ang pangalang bigay sa 'yo,  sabi sa akin.  Hindi dapat Evelyn.  Dapat ay E-dilim!  Heh heh heh...

Ayyy, may posteng naglalakad!  Sinasabi ito pag nasasalubong ako ng isang matandang kamag-anak. 

Ngunit walang kwenta ang mga ito sa mga naririnig kong tukso na natatanggap ng ibang mga bata.

Kapag sobrang payat ang bata, tinatawag na tingting, toothpick, 'sang bulate na lang ang di pumipirma, kalansay, bangkay, multo...

Kung sobrang mataba ang bata, nakawala sa kusina, pison…

(Dito nahinto, nakaligtaan nang ituloy, ngunit nais kong idagdag ang sumusunod:

Tanda ko rin at hindi nalilimutan, ngunit hindi na nagdadala ng sakit ng loob ang mga pintas na ikinulapol sa akin ng isang bata nang ako ay nasa elementarya: mula paa hanggang ulo, talagang wala akong silbi. Pag naaalaala ko ito ay natatawa na lamang ako. Private joke naming magkakaiskwela ngayon sa high school ay kaming mga “plain” noon ay magaganda na ngayon (sabi ng isang kaiskwelang lalaki, sa tulong raw ng make-up), at iyong magaganda noon, with the exceptions of some… ay ewan, mahirap na lamang ang magsalita!

-TAONG GRASA (Agosto 2014)

Sino ka, taong grasa sa likod ng mascara mong libag at pawis, buhok na dikit-dikit daig pa ang anime sa mga cosplay contest.

Tao ka bang totoo? O dalitang nagkatawang-tao? Hubarin mo ang mascara, ipakita ang kaluluwa.

(am always on the lookout for a taong grasa, kaso kapag nakakita ako ay hindi ko dala ang aking kamera. May isang lalaki akong nakikita tuwing namamalengke ako. Nakatalungko ito sa hagdang nasa tabi ng tindahan ng mga buko. Hindi siya karumihan, wala siyang kakilus-kilos sa pagkakaupo, nakatingin sa malayo ngunit waring wala namang nakikita, bagaman parang aliwalas ang kanyang mukha, hindi nakatatakot. Lagi, tanong ko sa sarili, sino siya, ano ang naglalaro sa kanyang isipan?)

No comments:

Post a Comment