Wednesday, April 16, 2014

Reyunyon, Panuluyan, Pabasa



REYUNYON, PANULUYAN, PABASA 

Noong araw pa ako tumatanggap ng mga tanong tungkol sa pagdiriwang ng reyunyon sa high school.  Ano raw ba ang mainam na aktibidad para maging masaya at masigla ang mga pagtitipong ito.  May nagsabi pa, limited daw ang budget nila, poor ang Klase nila.  

Naisipan ko tuloy ilagay rito sa blog ang mga ginawa naming pagdiriwang at aktibidad ng aming Klase. May panahong magaan ang dating ng pera, lalo at mga milestone ang ipagdiriwang na reyunyon, ngunit kalaunan, lalo at hirap talaga ang ekonomiya ng bansa at ng tao, kailangan ay tipid Ito ay isa lamang guide  at  ang gagawin kong batayan ay ang aming sariling reyunyon. 

Kukuha ako ng ilang excerpts sa postings ng aming Klase at ang iba ay sa mga nakaraan naming newsletter.  Narito ang isa naming ginawa na siguro ay pwedeng tularan, bawasan, dagdagan at pagandahin pa. Hindi pumapasok ang patent o copyright dito. Nasa individual execution ng idea ang ikinagaganda ng anumang proyekto.

Sa malakihang reunion namin, nagkaroon ng motorcade na naglibot sa kabayanan, sa dating kinatatayuan ng high school at natapos sa bagong kinaroroonan nito kung saan nagkaroon ng kaunting seremonyas para sa mga napiling iskolar na tutustusan ng aming alumni association. Marami na rin kaming natulungan na mga iskolar sa pagdaraan ng mga taon.

Pagkatapos ng motorcade, nagtungo ang lahat sa bahay ng isang dating presidente ng Klase upang makita ang memorabilia exhibit kung saan naka-display ang mga larawan, tropeo, plake, certificate ng karangalang tinamo ng mga alumni 

Pagkalipas ng isang araw na pamamahinga, may piknik na idinaos exclusively sa isang resort kung saan naman ipinamahagi ang aming Aklat ng Ginintuang Alaala (isang update sa buhay ng mga alumni).  Dahil maganda pa siguro ang kalagayang pinansiyal ng nakararami sa alumni dahil hindi pa retirado, sagana ang handa namin, tatlo ang litsong baboy at may isang litsong baka!  Dito siguro rin nagsimula ang mga high blood ng iba.

Sa huling araw ng pagdiriwang ay  ang dinner dance naman sa isang hotel. Maaaring sabihin ng marami, basta maraming pera, kayang-kaya iyan, magagawa iyan. Totoo nga, pero, iyong magpalabas ng isang presentation na pawang mga amateur ang gumanap, mga taga-abroad na hiwa-hiwalay ang kinaroroonang state, diyan pumapasok ang kooperasyon ng mga alumni, na sa aming Klase, ay sagana.

Narito ang ala-Broadway presentation  mula sa eksena ng sumusunod:

 – The King and I – mag-asawang kaiskwela ang gumanap, haring-hari ang dating ng dating heartthrob ng klase sa kanyang “from flower to flower, not from bee to bee” at demure na demure ang partner niya,
-Westside Story – balcony scene na totoong may hagdan, buti hindi nahulog, Tonight, tonight, kinanta nila;
-South Pacific – na ang gumanap ng papel ni Bloody Mary ay nanggaling pa talaga sa Hawaii, at magkasuyo sa tunay na buhay ang umawit ng Some Enchanted Evening, na sa katapusan ng kanta ay nagtakip ng sombrero at totoong naghalikan, galing-galing!
-Hello Dolly – na ang costume ng doktorang kaiskwelang gumanap ay kopyang detalyado sa show, may feather sa ulo at gloves sa kamay, wow! Husband naman niya ang gumanap sa papel ni Louie Armstrong;
-Cabaret – ang finale ng segment na ito ng presentation na isang ex-USWAC ang gumanap, mistulang si Liza Minelli mula sa makislap na gown, hairdo at make-up, sayaw at awit.

Sa katotohanan, nang magkita-kita ang mga gumanap dito ay sa ibabaw na lamang ng entablado sa gabi ng dinner/dance reunion. Iyon ang kahanga-hanga, di ba?   

Kaya, sa mga nagbabalak ng kanilang reunion, isang ideya ito na pwedeng gayahin at lampasan pa.  Okey sa amin iyan.  Kami rin, namumulot ng ideya sa iba, we just improve on it.  

Pero, siempre, ang nasabing presentation ay may overall script na kailangang nakadugtong sa eksena ng mga alumni from the Philippines, para tuluy-tuloy. Pati blocking, pinag-aralan diyan. Isang barrio fiesta celebration to welcome the balikbayans. May rondalya, may angklung, may nagsayaw ng carinosa, may umawit ng Gaano ko Ikaw Kamahal, at marami pang iba.  Iyan ang ginawa ng aming Klase noon. 

Heto pa:

Sinundan ito pagkalipas ng tatlong taon nang ganito ring mga selebrasyon. Siguro, sasabihin ninyo, pera lang din ang katapat, magagawa rin ng iba. Pero, iyong presentasyon na naman, doon nagkakatalo! Biographical, mula elementary hanggang maging senior… nasa script lahat. At malaking bagay ang kooperasyon ng mga kaiskwela. Pagkakaisa na mapasaya ang reunion. 

We contributed time and effort, dahil kulang nga sa pera. Kung ano ang assignment na ibinigay sa kanila, kinakaya.  Walang kiyeme, walang maarte. Hindi maganda ang boses, member pa rin ng choral group, tumayo ka riyan, pamparami rin, huwag ka na lang kumanta. Sa totoo lang, doon sa sayaw na Carinosa noong sinundang reyunyon, ilang buwang pinag-aralan ito, sa parteng huhugutin ang panyo sa bulsa ng mga lalaki, bago mahugot ang panyo, tapos na ang tugtog.  Pero masaya.  Sabi nga ng emcee, praktis lamang po iyan. 

Ganito naman sa sumunod na reyunyon.  May dalawang emcee, may narrator na patula ang narration, na sinimulan sa

-Harana, bahay-kubo at mga dalagang nakabaro’t saya, binatang nakabarong-tagalog, awitan, sayawan… (kinakatawan nito ang panahong kinagisnan ng Klase);
-Rendition ng choral group ng Klase ng isang medley ng mga awiting pambayan tulad ng Leron leron sinta, sitsiritsit alibangbang, atbp. (mga inawit ng Klase nang musmos pa sila);
-Led by the band and the choral group, kasama ang audience, parang sing-along, umawit ang lahat ng mga popular songs nang ang Klase ay mga teenagers pa (biographical, kaya bawat yugto ng buhay ng magkakaiskwela ay depicted sa mga song and dance routine);
-Na sinundan nga ng mga usong sayaw noon – boogie, chacha, tango, at ang popular na waltz at sweet/slowdrag; Ilang pareha ang pumagitna sa stage at nagsayaw.
-Pero siempre, as high school students, natuto rin ang Klase ng mga katutubong sayaw at may nagsayaw at umawit ng – Condansoy;
-Hindi nawawala ang tula sa pag-aaral sa high school at dito nagparinig muli ang batikang declaimer ng Klase;
-Aba, may eksena pa ng graduation sa high school.  Tumayo ang lahat at umawit ng Alma Mater Song.  Alma Mater dear, to thee we come…
-Hiwa-hiwalay na ng landas, ang iba ay nag-aral na sa lungsod, iba ay nag-asawa na; iba na ang usong mga awit -O ang babae pag minamahal ni Bobby Gonzales, at Love me Tender ni Elvis. May mga kaiskwelang kumanta ng Twilight Song ng The Platters.
-Bongga ang sayaw ng dalawang kaiskwela sa tugtog ng Hagibis, na ipinakita ang kanilang mga muscles, sigawan ang lahat!
-Nagtapos ang halos 2-hour presentation sa maramihang pag-awit, led again by the choral group ng Ikaw ang Mahal Ko at Gaano ko ikaw Kamahal.

Sa reyunyong ito naman namin ipinamahagi ang aklat na ANG KASUNOD NA KABANATA kung saan nakasulat ang nangyari nang sinundang jubilee at mga kaganapan pa ng namagitang taon.   Ang ginawa naming ito ay kayang-kayang gawin ng iba, pagkakaisa at pagtutulungan lamang ang kailangan. 
Narito pa ang isang pagdiriwang na paborito naming sariwain sa alaala. 
 
Dati, ang pagdiriwang namin ng Pasko ay sa pamamagitan lamang ng exchange gift, awitan at kainan.  Ngunit sa dalawang magkasunod na taon, iba ang aming ginawa.  Sinipag na naman ang scriptwriter ng Klase at ang iminungkahi ay ang pagdaraos ng PANULUYAN. Ang unang taon ay para lamang dryrun.  

Nang sumunod na taon, maayos na ang kanilang costume, parang mga hari na, may mahabang balabal. Ang Birhen namin ay talagang birhen, mahigpit ang screening committee, dalaga pong tunay. Guwapo si San Jose. Ang mga pastol, suot pastol, mukhang pastol talaga. May ginawang props na itinayo sa mga bakuran ng resort, kung saan kumakatok ang mag-asawabg naghahanap ng masisilungan. May star/parol na may ilaw.  May Baby Jesus sa sabsaban. At handang-handa ang choir sa pag-awit. Hulyo pa lamang ay ipinamigay na ang patulang dayalog ng bawat isa para kabisaduhin. Pero, hayun, senior moment pa rin! Pero, ang saya-saya!

Ang kamakailang isinagawa na aktibidad ng Klase ay ang PABASA. Lagi, tuwing dumarating ang panahon ng Kuwaresma, hindi maiwasang sariwain ang nakaraan, nang mga bata pa o teenager, na mayroong mga kaibigang kasamang naglilibot sa mga bisita ng baryo, nakikibasa ng Pasyon, nakikinig sa paghabi ng mga batikang mang-aawit at siempre, nakikikain ng pansit o sopas.

Mungkahi ng isang kamag-aral, magpabasa tayo. Sabi naman namin, humanap ka ng kaiskwelang magpapabasa at makibasa tayo. At nakakita naman!

Matapos ang isang pananghalian sa bahay ng hermanang kaiskwela, nagtungo na kaming lahat sa bisita ng Mabolo kung saan dinatnan naming umaawit ang isang grupo na ang himig na ginagamit ay hango sa makabagong kanta. 


Sabi namin, ang tono namin ay iyong orihinal at luma, maganda ang bago, pero iyong luma ang gusto namin.
At umawit na kami.  

Kayo rin, kayang-kaya rin ito, bilang aktibidad ng Klase ninyo.

Masaya...
Makahulugan…
At makabuluhan.





1 comment:

  1. Walang bago: napakagaling pa rin ang pagkakasulat, pagkakalahad ng mga bagay na gustong ibahagi sa iba.

    Eve, panahon na upang kami ay magpasalamat sa tiyaga at sipag mo para sa class '53.

    MABUHAY KA EVE!!!!

    RUBY

    ReplyDelete