Saturday, January 25, 2014

PAGKAKATAON

NAKALIMA munang ring bago niya narinig ang inaantok na tinig ni Joy. “Hello, Joy, si Maila ito.”

“Bakit, Maila?  Bakit?”

“Wa epek, Joy, wa epek!”

“Anong wa epek?” gising na ang tinig ni Joy.

“Iyong ipinakuha mo sa aking seminar,  hindi umapekto iyong positive thinking. Walang nangyari.”

“My God, Maila, ano ba'ng gusto mong mangyari na hindi nangyari?”

“Isa lang naman ang gusto kong mangyari at alam mo yun, Joy.  Kaya ako kumuha ng sinabi mong seminar ay dahil gusto kong bumalik sa 'kin si Rudie.”

Bigla sumeryoso ang tinig ni Joy.  “Maila, bukas tayo mag-usap, pwede?  Alas dos ng madaling-araw ngayon.”

“Sinunod ko namang lahat ang mga techniques.  I visualized,” ngunit wala ng kausap si Maila.

SINA Joy at Maila, matalik na magkaibigan pero magkaiba ng personalidad.  Si Joy ay panganay sa tatlong magkakapatid, si Maila ay panggitna sa lima.  Iyong tinatawag na middle child sa buong kahulugang sikolohikal nito.  Kung saan si Joy ay confident, go-getter, achiever, si Maila ay kimi, mahiyain, kulang ng tiwala sa sarili.  Saving grace nga lamang na likas na matalino si Maila at may angking ganda kaya okey pa rin ang buhay sa kanya, saka magaling siyang makisama.  Sanay makisama sa mga nakatatanda at nakababata sa kanya sa pamilya.     Magkasundo sila ni Joy dahil siguro opposites attract. Si Joy ay very positive, si Maila ay negative,  huwag nang sabihing very.  Ang isang basong ang lamang tubig ay nasa kalahatian,  sa tingin ni Joy ay half-full.  Kay Maila, ito ay half empty.  Kapag may lakad sila at biglang umulan, magrereklamo si Maila, ang malas naman.  Sasabihin ni Joy, mabuti, mawawala ang alikabok, madidilig ang mga halaman.  Si Maila, baka bumaha.  Si Joy, lalamig, hindi tayo papawisan.  Ganoon silang dalawa.

Sa college nagsimula ang kanilang pagkakaibigan.  Na dinala nila hanggang sa makatapos ng pag-aaral at makapagtrabaho.  Dumalang na lamang ang kanilang pagkikita nang magkaroon sila ng kani-kaniyang boyfriend.  Kay Maila, si Rudie, tagaroon sa kanilang subdibisyon.  Gusto na sa  pamilya nina Maila si Rudie.  Gusto na si Maila kina Rudie.  Kapwa tapos nang mag-aral, kapwa matatag na ang trabaho.  Paminsan-minsan, nasisingit na sa usapan ang kasal.  Nang nagbakasyon sa probinsiya si Rudie.  Na nang bumalik ay may naiba na.  Ang masaya, makwentong si Rudie ay naging tahimik, parang laging wala sa sarili.  Waring laging may ibang iniisip.

Si Maila.  “Ano ba, Rudie, kangina pa tayo walang imikan dito.”

Si Rudie.  “Sige, magkwento ka.”

Pumiksi si Maila.  “Kuwento na nga ako nang kwento sa 'yo, hindi ka naman nakikinig.”

Humihingi ng paumanhin ang tinig, pati mga mata ni Rudie.  “Sorry.”

Nagbuntung-hininga si Maila.  Naninikip na ang kanyang dibdib sa sama ng loob.  “Parang nagbago ka.  Mula nang manggaling ka sa probinsiya.  Ano ba 'yun?”

Umiling si Rudie.  “Wala, siguro masisipon lang ako.”

Pero hindi naman nasipon si Rudie.  Hindi nilagnat.  Hindi natrangkaso.  Wala.  Ngunit hindi na bumalik ang pagkamasayahin nito.  At may napansin pa si Maila.  Hindi na araw-araw   dumalaw sa kanila si Rudie.  Kapag tinawagan niya ay nasa bahay naman.  At kung wala ay umuwi raw ng probinsiya.

Ano pa ang iisipin ni Maila.  Lahat na ng negative na bagay.  Ayaw na sa akin ni Rudie.  At alam ko, mahiyain kasi ako.  Gusto niya'y lista, makwentong tulad niya.  Hindi ako iyong tipong ipagmamalaki.  Pangit ba ako?
Pagharap niya sa salamin, makikita ni Maila na maganda naman siya.  Matalino siya at alam niya ang maganda sa pangit  ngunit sasabihin pa rin ni Maila sa sarili,  hindi siya nagagandahan sa akin.  Pinalitan na ko ni Rudie.

At tinanong niya si Rudie.  “Mayroon nang iba, Rudie.”

Sa pagkasalita ni Maila, hindi iyon lumabas na tanong kundi isang statement of fact.  Sa pagkakatitig sa isa't isa, si Rudie ang unang bumawi ng tingin.  Halos hindi marinig ang tinig nang magsalita.  “Ikaw lang, Maila, ikaw lang pero...”

“Ano?”

“Nang umuwi ako sa probinsiya ni Tatay...”

Naramdaman ni Maila, parang unti-unti siyang nahuhulog sa isang malalim, madilim na balon.

Si Rudie,  “May... may nangyari.”

Ang iba pang sinabi ni Rudie ay alingawngaw na lamang sa tainga ni Maila.  May nakilala ako  du'n. Ipinareha nila sa 'kin.  Tinukso kami.  Gano'n sa probinsiya pag may bagong mukha.  Sama-sama kami. Piyesta.  Piknik. Sayawan.  Minsan, dalawa lang kami at wala namang talagang nangyari, ano lang...pero nakita kami ng tatay niya.  At probinsiya 'yun Maila.  Probinsiyang- probinsiya.



Ikinasal si Rudie.  At sabi ni Joy.  “Uso pa ba ang pikot ngayon?  21st century na?”  Saka idinugtong,  “Mabuting ngayon mo na nalaman na ganyan si Rudie.  Hindi kayang mangatwiran kung talagang walang nangyari.  Sabihin mo, gusto rin niya siguro.  Buti na ngayon kaysa kung kailan kayo mag-asawa, saka pa gagawa ng ganun.”

Si Joy, as usual, ang laging nakikita ay iyong ganda, iyong kauuwiang buti ng isang pangyayari.  Pero hindi si Maila.  Nagmukmok na siya, araw at gabi ay naawa na sa sarili.

Noon niyaya ni Joy na magseminar si Maila.  “Magagamot ang pagka-negatibo mo.  Tatalakaying mabuti dito ang tungkol sa positive thinking.”

Tanggi agad si Maila.  “Hindi ko kailangan iyan,”  at sa sarili, si Rudie ang kailangan ko.  Si Rudie.



Ayaw paawat si Joy.  Buong tiyagang nagpaliwanag.  Brain control.  Regulation of brain wave frequencies.  Beta. Alpha. Theta,  Delta. 

Umungol si Maila,  “Pwede ba, Joy, tigilan  mo 'ko.”

Tuloy pa rin si Joy.  “Sa seminar na ito, matututuhan mo ang art of controlled relaxation.”

Umiling si Maila,  “What kind of animal is that?” 

Si Joy.  “Improve image creation.  Visualization.  Unconscious solution of problems.  Superior intuitive sense.”  At kung anu ano pa na inilingan lamang ni Maila. 

Pero makulit si Joy.  “What you give is what you get.  What you sow is what you reap.  Kung negative energy ang inilalabas mo, negative energy ang lalapit sa iyo.”

“At alam mo ba,”  sabi pa ni Joy,  “ang dami naming success stories – sa business, sa relationship, sa pag-aaral, pagpasa sa board exams, sa buhay.”

Noon tinitigan ni Maila si Joy.  “Coincidence.  Nagkataon lamang.”

“Okey.”  ayon ni Joy.  “Sabihin mong coincidence lang.  But the bottomline, natupad ang gusto mo.  Nangyari ang gusto mong mangyari.”

Masama pa rin ang tingin ni Maila.  “Baka kung ano na yan.  Baka may sa kuwan na yan.”

Ang tawa ni Joy.  “Pakinggan mo ako, Maila.  Binigyan tayo ng Diyos ng dalawang kamay, alangan namang isang kamay lamang ang ating gamitin.  Okey?”

Tumango si Maila at nagpatuloy si Joy.  “Binigyan tayo ng dalawang paa, isang paa lamang ba ang gagamitin mo sa paglakad.  At ang ating brain, iyong utak mo, left and right hemisphere.  Pero ayon sa pag-aaral, isa lang ang gamit na gamit.  Sayang naman kundi natin gagamitin pareho.  At yun ang ituturo sa seminar.”

Marami pang sinabi si Joy.  Sample ng success stories daw.  “Isang kasama namin, nawala iyong kotse, kinabukasan, nabalik.  Mayro'n pang maghihiwalay nang mag-asawa, nagkabalikan.”

Doon nainteresado si Maila.  Maghihiwalay nang mag-asawa, nagkabalikan.  Si Rudie, gusto niyang bumalik sa kanya si Rudie.  Kesehodang may asawa na ito.  Kung tatanggapin niya ito, hindi naman siguro, pero saka na lang niya iisipin, dahil ang gusto niya, basta bumalik sa kanya, na nagsisisi.

At pumayag siyang magseminar.  Sinabayan naman siya ni Joy.  Libre kasi ang review.  Apat na araw ang seminar.  Natutuhan niyang magrelaks samantalang nakaupo sa isang silya.  Relax your scalf, your forehead your face your throat shoulder, arms, hands... hanggang sa pakiramdam niya, nakahiwalay ang kanyang utak sa kanyang katawan.  Sabi ng lecturer, this is learning to control and use your mind more effectively.  This is not learning to control someone else's mind.

Pero hindi narinig iyon ni Maila.  Dahil ang talagang balak niya, pabalikin si Rudie sa kanya.   Kaya buong tiyagang pinag-aralan niya ang mga techniques, sinunod ang mga ehersisyo.  Ngunit waring nakaligtas din sa kanyang pandinig ang isa pang sinabi ng lecturer.  Hindi ninyo magagamit kailanman ang natutuhan ninyo rito sa mga masasamang hangarin.  Kung ito man ang inyong intensiyon, hindi ito magtatagumpay.

Nang huling araw, parang gradwasyon, hindi nakarating si Joy.  Napag-isa si Maila.  Isang kaiskwela ang kumausap  sa kanya, nagtanong.  “Ano sa palagay mo, kaya ba nating gawin iyong mga itinuro?”   Na sinagot rin nito.  “ Aba, siyempre, kayang-kaya.  Kailangang positive, di ba?” ngumiti ito kay Maila.

Sinagot din ng ngiti ni Maila ang kausap.  Sa unahan niya ito nakaupo.  Madalas magtanong sa lecturer.  Natatandaan pa niya ang sinabi nito noong unang araw.  “I don't need a complete overhaul but some aspects of my life could stand improvement.  That's why I'm here.”

At nagtawanan pa nga silang lahat.  At naisip pa niya, siguro siya, kailangan ang complete overhaul.  “Kailangang positive,” sagot niya kay Ferdie.  Natatandaan rin niya.  Ferdie ang pangalan nito.  At binata.

“A-attend ka ba ng monthly forum ng mga graduates?” tanong ni Ferdie.

“Ano nga ba'ng ginagawa roon?”  tanong naman niya.

“To share daw our success stories.  To help us in our technique failure pag ayaw mag-manifest iyong goals natin. Mag- attend tayo. Maila,”  yaya nito at sumilid sa kanyang isip, alam ni Ferdie ang kanyang pangalan.
.
Muli siyang ngumiti.  “Iisipin ko muna.”

Kinabukasan sa opisina, madalas matigilan si Maila, napapatitig sa kanyang telepono.  Alam naman niyang hindi na niya mapababalik si Rudie sa kanya.  May asawa na ito.  Nang huling mabalitaaan niya, parang maligaya naman, parang hindi naman pinikot.  Naalaala niya si Joy at ang mga sinabi nito.  Maila, limutin mo na si Rudie.  Sagot niya, paano.  Wika nito, gamitin mo yung pinag aralan natin.  Positive thinking.  Program for somebody better.  Isang higit pa kay Rudie.  Isang bagong kakilala.  Interesado sa iyo.  At tawagan ka sa telepono.  Hindi iyong si Rudie ang hinihintay mong tumawag.  At basta maniwala kang mangyayari, tiyak na mangyayari.

Napabuntung-hininga si Maila.  Magdilang-anghel sana si Joy.  At saglit siyang pumikit, huminga nang malalim, binura, itinaboy ang malungkot na pangitain sa kanyang isipan.  At inilarawan ang isang lalaki, wala pang mukha, katabi niya, at masaya, maligaya silang dalawa.

Nagulantang si Maila sa kiriring ng telepono sa mesa.  Kumakaba ang dibdib na dinampot ito.  “Hello...”

Ang tinig.  Maila... si Ferdie ito.  Ang kanyang bagong kakilala.

Nobyembre 16, 1992




No comments:

Post a Comment