Sunday, January 5, 2014


BAGONG TAON, 
BAGONG NOBELA

Hindi ko pa natatapos isalin sa computer ang aking nobelang Sa Pag-ibig, Parehas ang Laban mula sa mga sipi ng Liwayway na kinalathalaan nito noong 1989-2001.  Ito ang aking kauna-unahang nobela, kumbaga, ang aking panganay.  Ang nakakatulad nito ay isang historical account ng buhay at pag-ibig ng mga nilalang na “bunga at bihag” ng isang panahon – the fifties' generation. 

Mahaba ito at detalyado, sapagkat ninais kong “mahuli” o ma-capture ang essence ng nasabing panahon, ang innocence ng mga tauhang nabubuhay noon.  Wika nga ay ang tunog, galaw, lasa at kulay nito.  Na sa palagay ko ay nagawa ko naman.  Sa kahabaan, ito ang tipong hinay-hinay, unti-unti ang gagawing pagbasa.  Kumbaga ay nanamnamin at ilalagay ang sarili sa isang panahong ginalawan ng mga nilalang ng nasabing henerasyon, kasabay ang ngiti o kunot ng noo o iling, ganito sila noon!   Na kung pagninilay-nilayan, darating sa konklusyon na, parang kami rin pala ngayon!

Ngunit, tulad nang sinabi ko, hindi pa nga ito tapos ilagay sa computer.  Sa halip, ang isa ko pang nobela ang aking naisipang isaayos.  At ayos na nga, handa nang ibigay sa printer.  Ang kulang na lamang ay ang pabalat o cover na tulad ng mga naunang aklat, ay nais kong ipinta ng aking anak. Na ginagawa na niya ngayon.

Ang pamagat ng nobelang ito ay Sa Sukatan ng Pag-ibig, Sa Timbangan ng Pagmamahal. 
Narinig na natin, marahil ay may nabalitaan nang kwento ng pag-ibig ng mga taong nagsasabing he o she... is the greatest love of my life!  Gagawin ko ang lahat para sa kanya.  Para ipakitang magagawa ko ang lahat sa kanyang ikaliligaya! 

Lahat?  Ikaw, magagawa mo ba ito?  May kilala ba kayong tao na ganitong magmahal?

Ang tanging masasabi ko ay ito:  Abangan ang paglabas ng aklat, basahin ang nobela at alamin ang sagot!  Ito ang alay ko sa taong 2014. 

Samantala, maaari pa ring bilhin ang mga naunang aklat, Minsan, May Isang Pag-ibig,  at Mahirap Ba Akong Mahalin sa lulu.com.  Magandang panregalo sa lahat ng panahon.


MANIGONG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!!!

1 comment:

  1. Mam, yong nobela mo noon SA Liwayway di ba ang pamagat SA PAGIBIG PAREHAS ANG LAHAT. sinubaybayan ko yon at nabiili ko lahat ang isyu ng Liwayway para matapos. Ang pagkakamali ko hindi ko itinago ang mga kopya. Sana ma-publish sa computer. My heart aches to re-read this novel. do you have it in book form? I'm interested to buy one.

    ReplyDelete